Arkanghel Miguel
Si San Miguel o Saint Michael (Hebreo: מִיכָאֵל na binibigkas na [ˌmixäˈʔel], Micha'el o Mîkhā'ēl; Griyego: Μιχαήλ, Mikhaḗl; Latin: Michael o Míchaël; Arabe: ميخائيل, Mīkhā'īl) ay isang arkanghel sa mga pagtuturong Hudyo, Kristiyano, at Islamiko. Tinutukoy siya ng mga Katoliko Romano, mga Ortodoksiya ng Silangan, mga Angglikano, at mga Lutherano bilang "San Miguel na Arkanghel" at payak lamang bilang "San Miguel". Tinutukoy siya ng mga Kristiyanong Ortodokso bilang "Taksiarkong Arkanghel Miguel" (Brigadier na Arkanghel Miguel) o "Arkanghel Miguel".
San Miguel | |
---|---|
Arkanghel | |
Benerasyon sa | Angglikanismo, Katolisismo, Ortodoksiya ng Silangan, Ortodoksiyang Oryental, Lutheranismo, Islam, Hudaismo |
Kanonisasyon | prekongregasyon |
Kapistahan | Nobyembre 8 (Bagong Kalendaryo ng mga Simbahang Ortodokso ng Silangan) / Nobyembre 21 (Lumang Kalendaryo ng mga Simbahang Ortodokso ng Silangan), Setyembre 29 ("Michaelmas"); Mayo 8; marami pang ibang mga kapistahang lokal at pangkasaysayan |
Katangian | Arkanghel; Nakatuntong sa isang dragon; may dalang watawat, mga timbangan, at espada |
Patron | Tagapag-ingat ng Simbahang Katoliko;[1] Kiev, tagapagtanggol ng mga taong Hudyo,[2] mga pulis,[3] militar, mga nagbibili ng mga kakanin o ibang mga produktong nakakain, mga mandaragat, mga paratropa[4] |
Sa wikang Hebreo, ang "Miguel" ay nangangahulugang "siya na katulad ng Diyos". Binanggit nang tatlong si Miguel sa Aklat ni Daniel, isang ulit bilang isang "dakilang prinsipen tagapagtanggol ng mga anak ng mga mamamayan mo". Ang ideya na si Miguel ay ang tagapagtanggol ng mga Hudyo ay naging napakalaganap kung kaya't sa kabila ng pagbabawal na rabiniko laban sa pananawagan sa mga anghel bilang mga tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng kaniyang mga mamamayan, si Miguel ay nagkaroon ng isang partikular na lugar sa liturhiyang Hudyo.
Sa Aklat ng Pahayag ng Bagong Tipan ng Bibliya, pinamunuan ni Miguel ang mga hukbo ng Diyos laban sa mga puwersa ni Satanas, kung saan noong panahon ng digmaan sa kalangitan ay nagapi niya si Satanas. Sa Sulat ni Juda, si Miguel ay tiyakang tinukoy bilang isang "arkanghel". ang mga santuwaryong Kristiyano para kay Miguel ay lumitaw noong ika-4 na daantaon, noong una siyang makita bilang isang anghel na nagpapagaling, at sa paglipas ng mga panahon bilang isang tagapag-ingat at pinuno ng hukbo ng Diyos laban sa mga puwersa ng kasamaan. Sa pagsapit ng ika-6 na daantaon, ang mga debosyon kay Arkanghel Miguel ay laganap na kapwa sa mga Simbahan ng Silangan at ng Kanluran. Sa pagdaan ng mga panahon, ang mga pagtuturo hinggil kay Miguel ay nagsimula maging magkakaiba sa mga denominasyong Kristiyano.
Mga pagtukoy sa banal na kasulatan
baguhinBibliyang Hebreo
baguhinSa mga Kasulatang Hebreo, at sa gayon sa Lumang Tipan ng Bibliya, nakaranas ang propetang si Daniel ng isang pangitain pagkaraang sumailalim sa isang panahon ng pag-aayuno. Sa pangitaing nasa Daniel 10:13-21, ipinakilala ng isang anghel si Miguel bilang ang tagapag-ingat ng Israel. Tinukoy ni Daniel si Miguel bilang isang "prinsipeng nasa unang ranggo".[5] Sa pagdaka, sa pangitaing nasa Daniel 12:1, ipinagbigay-alam kay Daniel ang gampanin ni Miguel sa "Panahon ng Wakas" kung kailan magkakaroon ng "pagkabagabag na katulad ng hindi pa nagaganap magmula sa pagsisimula ng mga bansa" at:[6]
- "Sa panahong iyan, babangon si Miguel na dakilang prinsipe na nagsasanggalang ng iyong mga mamamayan."
Bilang pagtanaw dito, si Miguel ay tinatanaw bilang gumaganap ng isang mahalagang gampanin bilang tagapagtanggol ng Israel, at pagdaka ay tagapagtanggol ng Simbahang Kristiyano.
Bagaman ang tatlong mga pagbanggit kay Miguel sa Aklat ni Daniel 10:13, 10:21 at 12:1 ay tumutukoy sa iisang indibidwal na kumikilos sa magkakahalintulad na mga paraan sa loob ng tatlong mga pagkakataon, ang panghuli ay nakatakda sa "mga panahon ng wakas", habang ang naunang dalawa ay tumutukoy sa talagang kapanahunan noon sa Persiya.[7] Ang mga ito lamang ang tatlong mga pagbanggit kay Arkanghel Miguel sa Bibliyang Hebreo.[8]
Ang mga pagtukoy sa "kapitan ng ostiya ng Panginoon" na nakatagpo ni Joshua noong kaagahan ng mga araw ng mga pangangampanya niya sa Lupang Ipinangako (Joshua 5:13-15) ay paminsan-minsang ipinaliliwanag bilang si Miguel ang Arkanghel, subalit walang batayang pangteolohiya para sa pagpapalagay na ito, kung dinadambana ni Joshue ang pigurang ito, habang hindi naman dapat sambahin ang mga anghel. Mayroong ilang mga paham na nagbibigay ng diin na ang pigurang ito ay maaaring tumutukoy sa Diyos mismo.[9][10] Sa pagsasalaysay sa Aklat ni Joshua, ipinababatid na si Joshua ay tumingala at nakatanaw ng isang lalaking nakatindig sa harapan niya na mayroong espadang hawak na binunot magmula sa kinasusuksukan nito. Nang ang hindi pa nakakabatid na si Joshua ay magtanong kung saan nakapanig sa nagaganap na labanan, ang tugon nito ay "wala akong pinapanigan... subalit bilang komandante ng hukbo ng Panginoon, ako ngayon ay naririto na".
Bagong Tipan
baguhinInilalarawan sa Aklat ng Pahayag (12:7-9) ang isang digmaan sa kalangitan kung saang si Miguel, bilang mas malakas, ay gumapi kay Satanas:[11]
- "...nagkaroon ng isang digmaan sa kalangitan. Nakipagtunggali si Miguel at ang kaniyang mga anghel laban sa dragon, at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay gumanti ng paglaban din. Subalit sapat ang kaniyang lakas, at nawala ang kanilang pook sa kalangitan."
Pagkalipas ng hidwaan, itinapon si Satanas sa daigdig na kapiling ang kaniyang mga nalugmok na mga anghel, kung saan siya ("ang sinaunang ahas na tinatawag na demonyo") ay nagtatangka pa ring "iligaw ang buong mundo".[11]
Sa Kalatas ni Juda 1:9, si Miguel ay tiyakang tinutukoy bilang isang "arkanghel" nang muli niyang harapin si Satanas:[12]
- "Si Miguel na Arkanghel, nang lumalaban sa demonyo ay pinabulaanan niya ang katawan ni Moises."
Isang pagtukoy din sa isang "arkanghel" ang lumitaw sa Unang Sulat sa mga taga-Tesalonika 4:16
- "... Ang Panginoon mismo ay bababa magmula sa kalangitan, na sumisigaw, na mayroong tinig ng isang arkanghel, at mayroong pakakak ng Diyos: at ang mga namatay kay Kristo ang unang babangon" (American Standard Version ng 1901), isang bersiyon na gumagamit ng depinitibong artikulo, "ang arkanghel", na wala sa orihinal na mga salinwikang Griyego at Ingles, katulad ng (English Standard Version ng 2001, na mayroong ganitong diwa pagkaraang maisalinwika mula sa Ingles papunta sa Tagalog: "ang Panginoon mismo ay bababa magmula sa kalangitan na mayroong sigaw ng pag-uutos, na mayroong tinig ng isang arkanghel, at mayroong tunog ng isang trumpeta ng Diyos").
Ang arkanghel na ito na nagpapahayag at nagbabalita ng ikalawang pagdating ni Kristo ay hindi napangalanan,[12] subalit marahil ay si Miguel.[13]
Qu'ran
baguhinSi Miguel o Michael (Arabe: ميخائيل, Mikhail ميكائيل, Mikael ), ay isa sa dalawang mga arkanghel na binabanggit sa Qur'an, na kasama ni Jibreel (Gabriel). Sa Qur'an, isang beses lamang nabanggit si Miguel, at ito ay sa Sura 2:98: "Sino mang kaaway ng Diyos, at ng Kaniyang mga anghel at ng Kaniyang mga tagapagbalita, at nina Jibreel at Mikhail! Kung gayon, pagmasdan! Ang Diyos (Mismo) ay isang kaaway ng mga hindi nananalig."[14] Mayroong ilang mga Muslim ang naniniwala na ang tinutukoy sa Sura 11:69 ay si Miguel, isa sa tatlong mga anghel na dumalaw kay Abraham.[14]
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Alban Butler, The Lives of the Fathers, Martyrs, and other Principal Saints. 12 mga tomo. B. Dornin, 1821; p. 117
- ↑ "Bible gateway, Daniel 12:1". Biblegateway.com. Nakuha noong 2010-07-21.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "St. Michael, Patron Saint of Police Officers". Jcpdes.com. Nakuha noong 2012-12-27.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "St. Michael, the Archangel - Saints & Angels - Catholic Online". Catholic.org. Nakuha noong 2012-12-27.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Who's who in the Jewish Bible ni David Mandel 2007 ISBN 0-8276-0863-2 pahina 270
- ↑ Daniel: Wisdom to the Wise: Commentary on the Book of Daniel by Zdravko Stefanovic 2007 ISBN 0-8163-2212-0 page 391
- ↑ Daniel: a reader's guide ni William H. Shea 2005 ISBN 0-8163-2077-2 pahina 270-271
- ↑ Richard Freeman Johnson (2005) Saint Michael the Archangel in Medieval English Legend ISBN 1-84383-128-7; pp. 33-34
- ↑ Yahshua, the Man Behind the Glory ni Jarid Miller ISBN 1-4500-9880-0 pahina 15-16
- ↑ Joshua ni J. Gordon McConville, Stephen Williams 2010 ISBN 0-8028-2702-0 pahina 29-30
- ↑ 11.0 11.1 Revelation 12-22 ni John MacArthur 2000 ISBN 0-8024-0774-9 pahina 13-14
- ↑ 12.0 12.1 The encyclopedia of angels ni Rosemary Guiley 2004 ISBN 0-8160-5023-6 pahina 49
- ↑ "John A. Lees, "Michael" na ayon kay James Orr (patnugot), ''The International Standard Bible Encyclopedia''(Eerdmans 1939)". Internationalstandardbible.com. 2007-07-06. Nakuha noong 2012-12-27.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 14.0 14.1 Qur'an, sura 2 (Al-Baqara), ayat 98 Qur'an 2:98