Mitolohiyang Nordiko

(Idinirekta mula sa Mitolohiyang Norsiko)

Ang mitolohiyang Nordiko, mitolohiyang Norsiko (o Norseko), o mitolohiyang Nors (kilala rin bilang mitolohiyang Eskandinaba o Eskandinabyano) ay ang mitolohiyang nagmula sa mga Norsman (o Norsmen), literal na "mga tao ng hilaga" ng Europa, na tila mandirigmang Alemanikong tribong namuhay bago dumating ang kapanahunan ni Hesus. Dating inaawit ang mga ito ng mga skald, o mga manunulang Nors. Matutunghayan ang mitolohiyang at mga awiting ito mula sa mga Edda: ang Matandang Edda (Patulang Edda o Poetikong Edda) at ang Batang Edda (Tuluyang Edda o Prosang Edda).[1]

Ang paglikha sa daigdig ng diyos na si Odin at ng kanyang mga kapatid.

Naglalahad ang mga Edda ng mga pinaniniwalaan ng mga sinaunang tao sa hilagang Europa. Naglalarawan rin ito ng mga pinananaligang mga diyos at diyosa ng mga taong ito. Ipinakikita sa mga ito na dumanas ng paghihirap at pagtitiis ang mga Nordikong diyos at diyosa. Nasulat ang unang Edda noong ika-9 daantaon. Nagpapaliwanag naman at nagsisilbing gabay sa mga nakababatang mga manunula at makata ang pangalawang Edda ukol sa naunang Edda. Isinulat ni Snorri Sturluson ang pangalawang Edda. Naging batayan ang mga Eddang ito ng Nibelungenlied o "Awit ng mga Niblung" (o ng mga Nibelung, sa pagbaybay sa Aleman), isang epikong Aleman. Pinagbatayan naman ito ni Richard Wagner, isang Alemang kompositor, ng apat sa kanyang mga opera.[1] Bukod sa nasa wikang Alemang Nibelungenlied, nilalaman din ng nasusulat sa Matandang Norseng Saga ng Volsunga (Volsunga Saga sa Ingles) ang mitolohiyang Nordiko. Bagaman magkaiba ang mga bersyong ito, magkapareho lamang ang nilalahad nilang salaysay.[1]

Noong ika-8 daantaon, malawakang nawala ang kalinangang Nors o Norse nang dalhin ng Simbahang Katoliko ang Kristiyanismo sa Alemanya at Eskandinabya. Subalit napanatili ng matagal ang kulturang ito sa Aisland o Lupangyelo.[1]

Kabilang sa mga diyos at diyosa ng mitolohiyang Nordiko sina Heimdall, Mga Valkyrie, Odin (Wotan sa Aleman), Frigga, Thor, Sif, Loki, Balder, Hoder, Frey, Freya, Tyr, Bragi, Idun, Hermod, mga Norn, at mga duwende ng Svartalfheim. Namumuhay at naninirahan ang mga diyos na ito sa Asgard. Kabilang sa mga nilalang sa Asgard si Yggdrasil, isang "punong abo". Isa namang pook sa Asgard ang tulay na Bifrost, ang palasyong Valhalla.[1]

Paglikha

baguhin

Ayon sa sinasaad sa Matandang Edda, walang daigdig sa simula ng panahon. Ngunit mayroong dalawang rehiyon: isang malamig at isang mainit, dalawang kahatian na napapagitnaan ng malalim na gawak sa kalawakan. Mayroon ding isang bumubulwak na batis na naging yelo ang tubig. Sa pagtatagpo ng apoy at yelo, nalikha ang isang dambuhala o higante sa pamamagitan ng singaw at pamamasa. Nabuo ang isang malaking baka pinanggalingan ng pagkaing gatas ng higante. Sa pagdila ng baka sa yelo, nakawala mula sa pinagkukulungang niyebe ang diyos na si Buri, ang lolo ni Odin na hari ng lahat ng mga diyos.[1]

Sa paglipas ng panahon, pagkaraan ng maraming ulit na pakikipaglaban ng mga Nordikong diyos sa mga higante ng yelo, nalikha nila ang isang Midgard, ang mundo ng tao na nasa kalagitnaan ng sanlibutan, at nasundan ng kanilang paglikha sa lalaki at sa babae mula sa dalawang punungkahoy.[1]

Nagkaroon ng isang pangkalangitang kaha-de-yerong nasa ibabaw ng mundo. Sinusuportahan ito ng apat na malalakas na mga duwende: sina Nodri, Sudri, Austri, at Westri. Batay sa mito, sa mga pangalan ng mga duwendeng ito nagmula ang mga katawagang Ingles para sa Hilaga (North mula kay Nodri), Timog (South mula kay Sudri), Silangan (East mula kay Austri), at Kanluran (West mula kay Westri).[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 "Norse mythology". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 277-281.