Pangngalan

Salita o bahagi ng pangungusap na tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, pook, hayop, at pangyayari
(Idinirekta mula sa Pangngalang pambalana)

Ang pangngalan ay salita o bahagi ng pangungusap na tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, pook, hayop, at pangyayari. Maaari din na ipakilala ng pangngalan ang isang kaisipan o konsepto[1] Sa linggwistika, kasapi ang pangngalan sa isang malawak, bukas na leksikong kategorya na kung saan ang mga kasapi nito ay nagiging pangunahing salita sa isang simuno ng isang sugnay, bagay sa isang pandiwa, o bagay sa isang pang-ukol. [2]

Wikibooks
Wikibooks
Mayroon sa Wikibooks ng patungkol sa Pangngalan.

Pagkahati-hati ng pangngalan

baguhin

Maaaring mahimay ang pangngalan nang ayon sa kaurian, katuturan, kasarian, kailanan, kaanyuan, kalikasan, at katungkulan.[3]

Ayon sa Uri

baguhin

Tungkol ito kung ang mga pangngalan ay pantangi o pambalana.[4]

  • Pantangi - tumutukoy sa tiyak na ngalan ng tao, bagay, hayop, pook, pangyayari, at iba pa. Karaniwang nagsisimula sa malaking titik. Halimbawa: Pilipinas, Panagbenga
  • Pambalana - tumutukoy sa pangkalahatang ngalan ng tao, pook, hayop, bagay, pangyayari, at iba pa. Karaniwang nagsisimula sa maliit na titik. Halimbawa: bansa, korporasyon, pista.

Konsepto ng pangngalan

baguhin

Ang mga pangngalan ay maaari ring pangkatin sa kongkreto o tahas at di-kongkreto o basal.

  • Tahas - pangngalang nahahawakan, nakikita, naamoy, nalalasahan at iba pang nagagamitan ng pandama. Halimbawa: gatas, kapatid, kotse
  • Basal - pangngalang tumutukoy sa kalagayan o kundisyon na nadarama, naiisip, nagugunita o napapangarap.. Halimbawa: pagmamahal, gutom, kapayapaan

Ayon sa Gamit

baguhin

Naayon sa sakop o uri ng katuturan ang mga pangngalan. Maaari itong tahas, basal, hango, lansak o patalinghaga.

  • Tahas - pangngalang nararanasan ng isa sa mga limang pandamdam (paningin, pandinig, panlasa, pakiramdam at pang-amoy) at may katangiang pisikal. Halimbawa: tubig, bundok, pagkain
  • Basal - pangngalang tumutukoy sa mga kaisipan o konsepto na hindi nararanasan ng limang pandamdam at walang pisikal na katangian. Nasa anyong payak ang lahat ng pangngalan basal. Halimbawa: wika, yaman, buhay
  • Lansak (o lansakan) - pangngalang tumutukoy sa isang kalipunan o karamihan. Maaaring maylapi ito o wala. Halimbawa: madla, sangkatauhan, kapuluan
  • Hango - pangngalang nakabatay sa isang salitang basal. Halimbawa: kaisipan, salawikain, katapangan
  • Patalinghaga - pangngalang hindi tuwirang patungkol sa bagay na pinangangalanan sa halip inihahambing lamang sa bagay na kamukha o katulad lamang. Halimbawa: buwaya (imbis na kurakot), langit (imbis na ligaya), kababuyan (imbis na kasalaulaan) tanga (imbis na mangmang)
  • Denominasyon - pangngalang hango at lansak. Halimbawa: bloke, pulutong

Ayon sa Kasarian

baguhin

Masasabing walang partikular na babae o lalaki sa mga pangngalan. Ngunit matutukoy ang kasarian ng pangngalan kapag nilalagyan ng salitang "lalaki" o "babae" bago o pagkatapos ng salitang kinauukulan. Halimbawa: batang babae, batang lalaki, lalaking aso, babaing pusa

Mayroon din namang mga salitang hindi na kailangang lagyan ng mga salitang "lalaki" o "babae" kung likas na matutukoy ang kasarian ng isang pangngalan. Kadalasang matutukoy din ang kasarian sa pangngalan o palayaw. Halimbawa, kadalasang lalaki ang mga pangngalang tunog "o" at babae naman kapag tunog "a". Tingnan ang sumusunod na mga halimbawa:

  • Panlalaki - pari, hari, tatay, kuya, manong, tandang (lalaking manok), kalaykan (lalaking kalabaw), atbp.
  • Pambabae - madre, reyna, nanay, ate, libay (usang babae), dumalaga (hindi pa nanganganak na babaing hayop), sirena, atbp.
  • Di-tiyak - tumutukoy sa ngalang maaring babae o lalaki - magulang, pinsan, bata, kaibigan, atbp.
  • Walang kasarian - ngalang tumutukoy sa bagay na walang buhay - bagay, laruan, mesa, sasakyan, manika, atbp.

Ayon sa Kailanan

baguhin

Tungkol naman sa bilang kung isahan, maramihan, o lansakan ang kailanan ng pangngalan.

  • Isahan - pangngalang gumagamit ng pantukoy na si, ni, o kay kapag mga tao ang tinutukoy, at ang, ng (nang), o sa kapag mga pangngalang pambalana. Ginagamit din ang pamilang isang o sang, sam, at son na mga hangong salita nito. Halimbawa: Ang burol ay isang anyong lupa.
  • Dalawahan - pangngalang gumagamit ng pantukoy na sina, nina, kina, at ang mga (manga, ng mga, sa mga) at gumagamit din ng mga pamilang nagmula sa dalawa. Halimbawa: Sina Roberto at Rowena ang bumato sa mga ibong lumilipad.
  • Maramihan - pangngalan na pinagsama-sama ang mga bagay na magkakatulad. Kadalasang may magkabilang panlapi itong "ka" at "an" o "han". Halimbawa: kabahayan, kabukiran, Kabisayaan
  Tuwiran (ang) Hindi tuwiran (ng) Pahilig (sa)
Karaniwang isahan ang, 'yung (iyong) ng, n'ung (niyong) sa
Karaniwang pangmaramihang ang mgá, 'yung mgá (iyong mgá) ng mgá, n'ung mgá (niyong mgá) sa mgá
Personal na isahan si ni kay
Personal na pangmaramihang sina nina kina

Panlapi ng mga Tiyak na Pangngalan

baguhin
ka- tumutukoy sa mga kasamahan
ka-, -an tumutukoy sa isang grupo ng pangngalan, maaari ring tumukoy sa estado o pagiging pangngalan
pan- tumutukoy sa gamit ng pangngalan

Ayon sa Kalikasan

baguhin

Maaaring i-uri ang pangngalan sa kalikasan o pinagmulan nito.

  • Likas - pangngalang natural na sa isang bagay at kadalasang hango sa kalikasan. Halimbawa: apoy, lindol, ligaya
  • Likha - pangangalang hinango ng mga dalubhasa dahil sa pangangailangan. Maaaring bagong likha at lumang salita na may bagong kahulugan ang pangngalan na ito. Halimbawa: agham, talatinigan, sining
  • Ligaw - pangngalang hiniram o hinango mula sa mga salitang banyaga. Halimbawa: demokrasya, relihiyon, butones

Ayon sa Lapi

baguhin

Tungkol sa paglalapi ang kaanyuan ng pangngalan.

  • Payak - pangngalang hindi inuulit, walang panlapi, o katambal. Halimbawa: talumpati, watawat, ligalig
  • Maylapi - pangngalang binubuo ng salitang-ugat na may panlapi sa unahan, gitna, hulihan o magkabila. Halimbawa: sinigang (mula sa "sigang", dinagdagan ng gitlaping "-ni-"), inihaw (mula sa "ihaw", dinagdagan ng unlaping "in-"), tindahan (mula sa "tinda", dinagdagan ng hulaping "-han"), palakasan (mula sa "lakas", dinagdagan ng magkabilaang laping "pa-" at "-san")
  • Inuulit - pangngalang inuulit na maaaring may panlapi o salitang-ugat lamang. Halimbawa: tau-tauhan, bagay-bagay, bali-balita
  • Tambalan - pangngalang binubuo ng dalawang salitang magkaiba na pinagsasama upang maging isa at may gitling sa pagitan nito. Ito ay tinatagurian bilang compound noun sa Ingles. Halimbawa: kisap-mata, bahay-kubo, bantay-salakay, bukas-palad

Ayon sa Katungkulan

baguhin

Sa karaniwang katungkulan sa pangungusap, nagiging simuno o layunin ang isang pangngalan. Subalit maaaring gumanap din ang pangngalan bilang pagka-pandiwa, pagka-pandiwari, pagka-pang-uri, pagka-pang-abay at iba pa sa tulong ng ilang panlapi o pananalita.

Nasa sumusunod ang ilang mga halimbawa:

  • Malapang-uri - nagbibigay ng tiyak na kaurian kapag pinagsama sa kapuwa pangngalan. Halimbawa: Andres Bonifacio, Kay Huseng Batute, dalagang anak, baboy-ramo
  • Malapandiwa - gumaganap bilang isang pandiwa na nagsisimula sa "pa", "pag", "pang", "paki" o mga iba't ibang anyo nito at may kasamang "an" o "han". Halimbawa: Ang pahayag (ipinahayag) ng Senador ay mahalaga sa bayan.
  • Malapandiwari - kung ang pagganap ay alangang pandiwa at alangang pang-uri. Matitiyak kung malapandiwari ang pangngalan sa pagtatanong ng "ano ang...?" Halimbawa: Ano ang dala (dinala) mo? Ang dala ko ay...
  • Malapang-abay - kadalasang nauukol sa panahon na bahagi ng isang araw o gabi. Halimbawa: Nilalagnat sa hapon ang may tuberkulosis.

Gamit ng Pangngalan

baguhin

Ang pangngalan ay may iba't ibang gamit.

Simuno o paksa

baguhin

Ang simuno o paksa ay pangngalang pinag-uusapan sa pangungusap. Ito ay nakikita sa unang bahagi ng pangungusap kung may ay at sa gitna o hulihan kung walang ay o nauuna ang panaguri.

Halimbawa: "Ang buhok niya ay tuwid na tuwid"

Panaguri

baguhin

Ang panaguri ay aang pangngalang tumutukoy sa simuno; dapat walang kilos o pandiwa sa pangungusap upang ang simuno at panaguri ay tumutukoy sa iisang pangngalan lamang.

Halimbawa: "Si Raul ay isang pintor."

Ang layon ay ang pangngalang tumatanggap ng kilos o pandiwa. Sumasagot ito sa tanong na "ano?" at laging may ng sa unahan.

Halimbawa: "Nagluto ng sinigang si Ate Lina." (Ano ang niluto ni Ate Lina?)

Pinaglalaanan

baguhin

Ang pinaglalaanan pangngalang pinaglalaanan ng isang bagay o gawain. Ginagamitan ng kay, kina, para sa at sa sa unahan nito. Sumasagot ito sa tanong na "para kanino / para sa ano?"

Halimbawa: "Ang papel ay ipinasa kay Minna." (Para kanino ang papel?)

Mga sanggunian

baguhin

Mga Sipi

baguhin
  1. Loos, Eugene E., et al. 2003. Glossary of linguistic terms: What is a noun?
  2. Maling banggit (Hindi tamang <ref> tag; walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang dickson); $2
  3. Kahulugan ng pangngalan sa Balarila ng Wikang Pambansa, noong 1944 ng Surian ng Wikang Pambansa[patay na link]
  4. URI NG PANGNGALAN: Pangngalang Pantangi, Pangngalang Pambalana philnews.ph Retrieved 20 June 2019

Mga Pinagkukunan

baguhin