Pisarang pangguhit
Ang pisarang pangguhit (tinatawag din na lamesang pangguhit, lamesang pandibuho o lamesang pang-arkitekto), sa lumang anyo, ay isang uri ng maramihang gamit na lamesa o pisarang maaaring gamitin sa anumang uri ng pagguhit, pasusulat sa malaking papel, pagbasa ng malalaking aklat o dokumento o sa pagpaplano ng ilustrasyong teknikal. Ang lamesang pangguhit ay kadalasang ikinakabit sa isa pang mesa sa isang silid-aklatan noong panahong bago ang panahong industriyal at unang bahagi ng panahong industriyal.
Sa panahon ng rebolusyong industriyal, and pagkokrokis ay unti-unting naging isang espesyalisadong kalakal at ang mga mesang pangguhit ay inilabas sa mga silid-aklatan at opisina. Ang mga ito ay mas napakinabangan at gawa sa bakal at plastik sa halip na kahoy at tanso.
Kamakailan lamang, ginamit ng mga inhinyero at mga dibuhante ang mga pisarang pangguhit sa paggawa at pagbabago ng mga guhit o disenyo sa papel gamit ang tinta o lapis. Iba't ibang instrumentong pangguhit (set square, protractor, atbp.) ang ginamit sa pagguhit ng mga magkahilera, perpendikular o pahilig na mga linya. May mga instrumentong para sa pagguhit ng mga bilog, arko, at iba pang mga kurba at simbolo (kompas, French curve, stencil, atbp.). Subalit, sa unti-unting pagpapakilala ng computer aided drafting and design (CADD o CAD) sa huling bahagi ng ika-20 siglo at sa unang bahagi ng ika-21 siglo, ang tablang pangguhit ay naging hindi gaanong palasak.