Sayusay

Sining ng pananalumpati
(Idinirekta mula sa Retoriko)

Ang sayusay o retorika[1] ay isang uri ng sining na naipapakita sa pamamagitan ng paggamit ng wika sa paraang pasulat o pasalita. Ito rin ay maihahambing sa linggwistikal na pananaw kung saan ito ay maaaring maipakahulugan bilang isang pag-aaral patungkol sa kaalaman ng tao sa mga salita, o sa mas malawak na pagtukoy, lenggwahe. Ginagamit ng isang indibidwal ang retorika upang maayos at mabisa nitong maipahayag ang kanyang saloobin patungo sa kanyang tagapakinig na siyang nakatakdang tumanggap ng mensaheng ipinababatid. Bukod pa rito, ang retorikal na paggamit ng wika ay mainam upang maipakita ng isang tao ang kanyang kagila-gilalas na kasanayan sa pakikipagtalastasan.

Ayon sa mga impormasyon na nakalap mula sa iba't ibang aklat, isang mahalagang kaalaman ng pagpapahayag ang retorika sapagkat tinutukoy nito ang angking abilidad na tumutugaygay sa pagsusulat o pagsasalita ng isang tao, bagay na humuhulma sa mga pangunahing kasanayan sa larangan ng komunikasyon. Maaari din itong maisambit bilang isang punla ng kahusayan ng isang nilalang sa pagpili ng mga salitang nais niyang iparating, kung kaya't ito ay isang epektibong paraan ng pakikipagdayalogo. Mula ang salitang "retorika" sa salitang Latin na rhetor, na nangangahulugang "guro" o "mahusay na mananalumpati".[kailangan ng sanggunian] Susi ang pag-aaral ng retorika tungo sa mabisang pagpapahayag ng nauukol sa kaiga-igaya at epektibong pagsasalita o pagsulat at isa ring hibla ng produktibong pag-aaral upang makabuo ng mga makabuluhang kaisipan sa pamamagitan ng pili at wastong pangungusap na may maangkop na layunin.

Bilang isang sining, isa itong sining na kooperatiba, temporal, limitado at nagsusupling. Ilan sa mga gampanin nito ang pagbibigay daan sa paglinang ng kasanayan sa komunikasyon, pag-aabala, pagpapalawak ng pananaw, pagbibigay ngalan, at pagbibigay kapangyarihan.

Sa tradisyunal na pagkilala sa sining na ito, karaniwang iniuugnay ang retorika sa sining ng pagbigkas at samakatuwid ay kinakailangang masangkapan hindi lamang ng mga estilo sa pananalita kundi maging sa paggamit ng jestyurs at galaw para maging epektibo at kaakit-akit sa mga tagapakinig. Kaugnay nito, sinasabi nina William D. Halsey at Emmanuel Friedman (1979) na ang retorika ay isang berbal na agham at humahakdaw pa sa lojic at balarila. Sa pagbibigay diin nito sa paggamit ng mga salita bilang epektibong sangkap, ang retorika ay nakatuon sa maaring magawa ng mga salita at hindi sa kinakailangang istruktura o ayos ng mga salita sa isang pahayag. Ang binibigyang importansya sa retorika ay kalayaan sa pagpapahayag at hindi ang mga panuntunang ipinagbabawal ng lojic at balarila. Maaring sabihing sa retorika, ang mahalaga, unang-una ay ang epektibo at ang magandang pagpapahayag bago pa ang lojic at balarila. Hindi sapat ang maging wasto lamang ang ayos ng mga salita sa loob ng isang pangungusap. Kailangang mahigitan pa ang mga ito sa pamamagitan ng maganda at mabisang pagpapahayag na magagawa lamang ng isang malikhaing manunulat sapagkat siya’y may kakayahan sa paggamit ng mga salita bukod sa may kinalaman sa mga prinsipyo ng retorika at ng mga sangkap nito. Kaya hindi nga kataka-taka kung bakit ang mga nasa mass media ay mahuhusay; sa sa pagkakaalam nila ng mga sangkap ng retorika, namamanipula nila ang isipan ng kanilang mga tagapakinig at mambabasa sa pamamagitan lamang ng paggamit nila ng mga salita.

Tulad ng salapi at enerhiyang atomiko, ang mga salita ay magagamit sa mga layuning mabuti at masama. - (halaw mula sa salaysay ni William D. Halsey)[2]

Kaligirang pangkasaysayan

baguhin
 
Si Socrates, batay sa kontekstong pang-kasaysayan, ay itinuturing na isa sa mga nagpalaganap ng retorika noong mga unang siglo. (Pagkilala sa imahe para kay: Eric Gaba User:Sting)

Sinasabing nagsimula ang retorika bilang isang sistema ng pakikipagtalo sa Syracuse, isang isla sa Sicily noong ika-limang siglo bago dumating si Kristo. Makaraang bumagsak ang kanilang pamahalaang diktaturyal, ang mga mamamayan doon ay binigyang pagkaka-dumulog at ipagtalo sa hukuman ang kanilang karapatan sa mga lupang inilit ng nakaraang rehimen. Ang marunong na si Corax, isang tagaroon, ang nagpanukala sa mga tuntunin ng paglalahad ng kanilang argumento. Ayon sa kanya, upang makuha ang simpatiya ng mga nakikinig kailanagan ang maayos at sistematikong pagpapahayag ng mga katwiran. Nakasentro ang kanyang pamamaraan sa talumpati na kakikitaan ng limang mahahalaganag elemento: ang proem o introdusyon; ang salaysay o pahayag na historical; ang mga pangunahing argumento; mga karagdagang pahayag (supplemental statements) o kaugnay na argumento (supporting arguments); at ang konklusyon. Naimbento nila ang retorika sa layuning makahikayat at mapunuan ang anumang pagkukulang sa mga konkretong katibayan (concrete evidence).

Makikita agad dito na sadyang ginagamit ang retorika sa pag-apila sa emosyon at di gananong binibigyang diin ang katumpakan at kalakasan ng argumento. Ayon pa sa mga sophist, Makapal na panitik (katawagan sa pangkat ng matatalinong tao noon), ang retorika ay angkop sa pagtatamo ng kapangyarihang political sa pamamagitan lamang ng kanilang pagpapahalaga sa paksang ipinaglalaban at estilo sa pagbigkas. Maaring binabatikos naman ito ni Socrates (c. 470–399 B.C.) sa pagsasabing walang hangad ang mga sophist maliban sa kabayarang kanilang tinatanggap sa pagtuturo at ang kanilang lubhang pagbibigay diin sa retorika bilang sining ng pakikipagtalo (debate) at hindi sustansiya ng talumpati. Ang ganitong pamamaraan, banta pa niya, ay nagtuturo lamang sa mga estudyanteng palabasin ang kasamaan ng isang mabuting adhikain. Kinikilalang pinakama-impluwensiyang retorisyan noon si Isocrates (c. 436–338 B.C.). Nagtatag siya ng sariling paaralang magtuturo ng istilo ng pananalumpati batay sa maindayog at magandang pagkakatugma ang mga salita sa paraang tuluyan o prosa. Kakikitaan ang kanyang sariling prosa ng mga maikli ngunit eleganteng nakabiting pangungusap na mayaman sa kasaysayan at pilosopiya. Sa Rhetoric ni Aristotle (384–322 B.C.) sinuri niyang mabuti ang sining ng panghihikayat (Art of Persuasion), binigyan ng parehas na empasis ang katangian ng nagsasalita, ang lohika ng kanyang kaisipan, at ang kakayahang pumukaw ng damdamin ng mga nakikinig. Inihiwalay niya ang retorika sa pormal na lohika at ang mga kasangkapang panretorika sa siyentipikong pamamaraan ng pagbibigay katuturan dito ayon sa maaring maganap kaysa sa tiyak na magaganap. Nilikha niya ang ideya ng probabilidad o malamang na mangyari o maganap sa pamamagitan ng mga panumbas na retorikal sa lohikang kaisipan: ang enthymeme kung saan ang pansamantalang kongklusyon ay kinuha sa pansamantalang batayan, sa halip na silohismo na mula sa katotohanang unibersal; at ang halimbawa o analogy para sa pangangatwirang induktibo.

Si Cicero (106–43 B.C.) ang batikang orador ng Roma, katulad din ni Aristotle, ay hayagan ding nagtagubilin sa kasangkupan ng prinsipyo ng mananalumpati. Nasabi niyang ang pagtatalakay sa anumang adhikain ay batay sa mabuting panlasa at pagpasiya ng orador kaya’t sa isyu ng moralidad ipinahayag niyang nararapat na maging mabuting tao ka muna upang maging mabuting mananalumpati. Sagana ang prosa ni Cicero sa mga hugnayang nakabiting pangungusap. Ipinamana ni Aristotle sa larangan ng oratoryo ang forensic na nagging batayan sa ngayon ng mga abogado para sa kanilang legal na salaysay. Nakatuon ang forensic sa nakaraan. Sa kaibuturan ng mga pangyayari, iniwan ni Aristotle ang oratoryong deliberative o pampolitika na nakatuon naman ang pansin sa hinaharap. Dito sinasabing nagsimula ang malayang pagkilos at talakayan o mga pagtatalong pampubliko (public debate). Si Aristotle din ang nagpasimula ng oratoryong panseseremonya o epideictic na kakikitaan ng mga mabubulaklak at madamdaming mga salita. Karaniwang binibigkas ito sa pagbibigay ng papuri. Ito ang tinatawag natin sa Ingles na declamation.[2]

Layunin

baguhin

Layunin ng retorika, anuman ang disiplinang ating kinabibilangan, ang tayo ay makasulat nang mahusay. Kung kaya't nililinang ng retorika ang pagkakaroon ng mapanuring kaisipan sa pagbuo ng mga ideya, at makapamahala sa maangking kakayahan. Bagamat nabubuo lamang ng mga sulat, memo, ulat, abstrak, pagsusuri, pamanahong papel (term paper), mga panuto, at paghahanda sa mga proposal ng mga proyekto ang malaking bahagdan ng akademya, tiyak na kakailanganin pa rin ang kahusayan sa pagpapahayag, bagay na tumutuon sa dalawang pangunahing interbensiyon sa pag-aaral ng retorika: Kasanayan sa Pagsusulat at Pagsasalita.[2]

Gampanin

baguhin

Ang pag-aaral ng retorika ay nakatutulong sa isang indibidwal sa pamamagitan ng limang aspekto. Una, bilang pangunahing diskurso, ang retorika ay nagbibigay daan tungo sa komunikasyon. Sa ganitong punto, nagkakaroon ng oportunidad ang isang indibidwal upang maipahayag ang kanyang saloobin kaugnay sa iba't ibang bagay na mahihinuha nito sa kanyang kapaligiran na maaaaring maisagawa sa paraang pasulat man o pasalita. Ikalawa, ito rin ay isang salik upang magkaroon ng tinatawag na distraction effect sa isang tao na gumagamit nito. Ito ay bunsod ng gradwal na pagkabaling ng atensiyon ng isang indibidwal habang ito ay sumusulat, nagbabasa, o kaya ay nagpapahayag ng sentimiyento na hinulma mula sa isang partikular na materyal. Sa ganitong paraan, nadidistrak at nadadala sa ibang dimesyon ang sikolohikal na kamalayan ng tao kung saan bahagya nitong nakakaligtaan ang tunay na suliranin na dinarahop nito. Ang retorika rin ay mainam upang ma-ehersisyo ng isang tao ang kanyang kalayaan sa pagpapahayag (Freedom of Expression) na magsisilbing elemento upang mapalawak nito ang mga pananaw sa mundo. Nahuhubog ng retorika ang perspektibo ng isang indibidwal dahil ito ay sumasaklaw sa dalawang pangunahing akto ng komunikasyon, susi tungo sa pagpapaibayo ng karunungan. Ika-apat, sa pamamagitan rin ng retorika, nagagawa rin ng tao na bigyang-ngalan ang maraming bagay na nakikita sa paligid. Ito ay isang manipestasyon ng umuusbong na pag-iisip ng tao upang makalikha ng mas makabagong mga ideya na magagamit hindi lamang sa proseso ng komunikasyon kundi maging sa mga aspektong pangsosyopolitika. Halimbawa, ang kamera ay nagging Kodak, ang toothpaste ay nagiging colgate. At huli, ang retorika ay nagbibigay-pundasyon tungo sa makapangyarihang asimilasyon partikular sa larangan ng politika. Dahil sa retorika, napakaraming tao ang nagiging prominente at makapangyarihan. Isa sa mga mahuhusay na politiko at mananumpalati si Ninoy Aquino na isang mahusay na peryodista noong Ikalawang pandigmaang pandaigdig. Ang matatalinong ideya, malalalim na pananampalataya at ideyolohiya na naipahayag sa pamamagitan ng retorika ay pinagmulan din ng kapangyarihan at kalakasan.

Elemento

baguhin

Sa mga mag-aaral na kasalukuyang kumukuha ng kursong edukasyon, ekonomiks, inhinyera, malayang sining, batas, medisina, pangangalakal, kompyuter, at iba pa, hindi na natin matatakasan ang pagsusulat sa panahon ng pag-aaral at mananatiling isang esensiyal na kasanayan sa mga ganap nang propesyonal. Sa mga ganitong pagkakataon at kalagayan, kakailanganin ng isang mag-aaral ang mga teknik o sistema at ang mga simulain sa mahusay na pagsusulat.[2]

  1. Ang kaisipang gustong ipahayag - Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nais nating magpahayag. Mga mahahalagang kaisipang nais ipahayag.[2]
  2. Ang pagbuo o organisasyon - Ang pagkakaroon ng lohika ay mabisang paglalahad. Ito ay kumakatawan sa kakayusan ng pagkakabuo.[2]
  3. Ang istilo ng pagpapahayag - Ito ay nagbibigay diin sa ikatlong bahagdang may kaugnayan sa istilo. Ang anyo o kaayusang akda o komposisyon ay nakasalalay sa mga para-paraan ng pagpapahayag. Hindi lamang sa kawastuan ng balarila kungdi maging sa panitikan.[2]
baguhin
 
Ang larawang ito ay nagpapakita ng isang uri ng komunikasyon, isang paraan ng paggamit ng retorikal na ekspresyon, na tinatawag Small-group communication

Ang retorika ay isang uri ng sining na naisasagawa sa pamamagitan ng pasalita o pasulat na paraan. Saklaw ng dalawang elementong pang-komunikasyon, ito ay tunay na maituturing bilang isang haligi ng pakikipagdayalogo. Sa isang dayalogo, nangangailangan ng dalawa o higit pang indibidwal upang ito ay maisagawa. Sa tulong ng presensiya ng mga tagapag-dayalogo, nagkakaroon ng gradwal na asimilasyon na siyang nagsisilbing pamuhatan upang makapagpalitan ng samu't saring ideya, pakiramdam, argumento, o kaya ay mga manipestasyon na hinimok mula sa iba't ibang aspetong pangkapaligiran ang mga sangkot sa isang dayalogo. Ang retorikal na paggamit ng mga salita ay hindi lamang mailalapat sa interpersonal na uri ng komunikasyon; bagkus, ito rin ay maaaring magamit sa mas malaking kantidad ng tao. Kabilang sa mga terminolohiyang tinutukoy dito ay ang small-group communication, uri ng komunikasyon na nangangailangan ng tatlo o higit pang indibidwal upang makapagpalitan ng iba't ibang saloobin mula sa mga natatanging aspeto na nakatakda nitong pagtuunan ng pansin.[3] Bukod sa nabanggit, kabilang rin dito ang mas nakatataas na antas ng pakikipagdayalogo gaya ng organisasyonal na komunikasyon (mula sa terminong ginamit na humuhulma sa katayuan ng isang organisasyon o kapisanan upang lumikha ng isang kumberseysyon)[4] at komunikasyong pang-madla, kung saan ito ay tumutuon sa partisipasyon ng maraming tao, na maaaring nasasaklaw ng isang institusyon o anumang pangkat ng mga indibidwal na sinabayan ng presensiya ng mga sangay ng media para sa mas mabilis na pagpapakalap ng mensahe.[5]

Kahalagahan at Kaugnayan ng Retorika at Wika sa iba pang Larangan

baguhin

Mahalaga ang retorika sa pang araw-araw na buhay ng tao dahil ito ay nagbibigay daan sa mga aktibidades na ginagawa ng tao tulad ng pakikipag-usap, pakikipag-argumento at paghahanap ng impormasyon at kaalaman. Sa pakikipag-usap, mahalagang sangkap ang retorika upang maipahayag ng mabuti at komprehensibo ang mga damdamin ng nag-uusap. Mahalaga rin ito sa pakikipag-argumento dahil ito ay tanda ng pagbibigay diin sa mga puntong nais na ipahayag. Mahalaga rin ito upang magkaroon ng maayos na pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawang panig na hindi magkasundo sa iisang pamamaraan o paniniwala. Higit sa lahat, ang retorika ay mainam na instrumento sa pagkakalap ng impormasyon at pamamahagi nito. Sapagkat kinakailangan ng tao ang matuto at malinang ang pag-iisip.[6]

"Ang kahalagahan ng retorika ay maihahalintulad sa mga sangkap o rekado sa isang putahe. Ito'y nakapagbibgay lasa sa isang sulatin o kaya'y kapag ang isang tao ay bumibigkas gamit ang retorika. Nasusukat din dito ang kalaliman ng isang tao. Ito'y pinag-iisipan. Napakasarap pakinggan ng mga salitang ginamitan ng retorika. Nakakaaliw din basahin ang isang sanaysay kapag ito'y ginamitan ng retorika."[7] - (halaw mula sa salaysay ni Shark Shedie)

Edukasyon

baguhin
Sa pamamagitan ng retorika, ang isang tao ay nagkakaroon ng pagkakataon na magbigay ng panuto at paglalapat nito sa anumang bagay kung saan nananalamin ang mga natatagong kaalaman nito sa isang paksa. Ang retorika ay nagbibigay rin ng daan upang maayos at mabisang malaman ang mga dapat bagay na dapat matutunan ng isang mag-aaral at magamit ito sa pang araw-araw na pakikipag-ugnayan sa mga kapwa mag-aaral. Tulad ng mga bagay na nabibigyan ng angkop na pangalan at tawag, nalalaman rin sa tulong ng retorikal na pagpapraktis ng komunikasyon ang saysay at gamit nito ng bawat salitang nakakalap sa anumang sanggunian na ginalugad ng isang manggagamit nito. Ang retorika rin ang ginagamit na "medium" ng mga guro sa paghahatid ng mga impormasyon at kaalaman na kinakailangang malaman ng kanilang mga estudyante.[8]

Relihiyon

baguhin
Mahalaga ang retorika sa aspetong panrelihiyon sapagkat ito ay isang salik na makakatulong ng malaki sa pagpapalawak ng personal man o biblikal na pananaw ng isang indibidwal upang magkaroon ng kaisahan ang mga magkakasalungat na paniniwala ng bawat mananampalataya na sinala mula sa iba't ibang grupong may kinakatawan na sariling pananampalataya. Ang retorika ay mabisang paraan sa pagsusuplay ng dahilan at pangangatwiran. Ang mga alagad ng simbahan tulad ng mga pari ay masasabing mga retor na kinakailangang magtaglay ng malawak na pag-iisip at mabisang pananalita upang maipahayag ng may paggalang at kabanalan sa mga sumasampalataya ang bawat sentimiyentong biblikal na umaayon sa winika ng Panginoon na kinikilala nito.[9]

Politika

baguhin
Ang politika ay isang kumplikadong larangan na nananaghoy sa kaibuturan ng isang estado. Kung kaya't sa mga pampolitika na pagkilos sa kontemporaryong lipunan, nangangailangan ng retorikal na paggamit ng salita. Isang kongretong aplikasyon ng salaysay na ito ay ang pangangampanya, sa layuning makakalap ng boto sa pagdating ng halalan. Sa isang kampanya, nagkakaroon ng pagkakataon ang isang kandidato na nagnanais makakuha ng puwesto sa gobyerno upang makapagpabatid ng kanyang mga aspirasyon para sa mga mamamayan ng lugar kung saan ito kumakandidato. Dito nito ipinahahayag ang kanyang mga plataporma na magbibigay ng kaginhawaan sa kanyang mga konstituente sa oras na maluklok sa puwesto. Sa ganitong sitwasyon, ang isang pampolitika na kandidato ay kumukuha ng teknikal na kargamento sa tulong ng retorikal na paraan ng pagpapahayag kung saan siya ay mariin na kumakalap ng mabubulaklak na pananalita upang maakit at maengganyo ang mga botante na suportahan ang kandidatura nito. Sa ganitong pamamaraan, naipapakita ng isang tao, partikular sa konteksto ng isang kandidadto, hindi lamang ang kanyang berbal na abilidad kundi maging ang kanyang angking katalinuhan na siyang magsisilbing benepisyal na asset upang makamit ang kanyang mga adhikain. Ang salitang "mabulaklak", mula sa paraan ng pagkakagamit nito sa teksto ay nangangahulugan ng paggamit ng mga malalalim ngunit mga salitang kaakit-akit sa pandinig ng mga tagapakinig.

Legalidad

baguhin
Likas na ang paggamit ng mga teknikal na terminolohiya sa isang pagdinig. Kung kaya't pinagtutuunan sa aspetong ito ang kahalagahan ng retorika sa mga usaping legal. Sa isang pagdinig, mahihinuha ang tipikal na serye ng pagpapalitan ng argumento upang magawa ng isang partido o kampo na patunayan ang akusasyon nito sa isang kampo o kaya naman ay bigyang beripikasyon ang kainosentehan ng isang indibidwal laban sa isang kaso na nakasampa laban dito. Sa normatibong pananaw, makikita ang dalisay na importansiya ng retorika dahil dito umiiral ang katayuan ng isang kaso, ang mga retorikal na panambitan ng isang abogado ang siyang kolektibong datos na ginagamit ng husgado upang ma-determina ang kredibilidad ng isang kampo patungo sa estado kung saan ito ay maghahayag ng kanyang pasya bilang wakas ng isang legal na proceeding. Kadalasan, batay sa mga obserbasyon, nangingibabaw sa isang pagdinig ang kampo na nagtataglay ng mas mahusay na abogado, marahil dahil mas detalyado at komprehensibo ang mga salaysay na naipapaabot nito dulot ng tahasang husay sa pagsasalita.

Kultura

baguhin
Ayon sa pilosopiya, ang kaugnayan ng kultura ng isang tao at ng wikang ginagamit niya o ugaling gamitin, ay malapit na malapit. Samakatwid, masusukat ang kultura ng tao sa kadalubhasaan niya sa paggamit ng wika. Gayundin, mahuhulaan ang galing niya sa wika ayon sa tayog ng kanyang kultura. Subalit ito’y batay sa ipinanaday ng edukasyon sa kanya, sa panahon ng kabataan, na kalahok ng tradisyon ng angkan, ng espiritung panrelihiyon, at ng mga paniniwala at perwishong pinagkalakhan. Alinmang wika ay ekspresyon, imbakan-hanguan at agusan ng kultura ng isang grupo ng tao, maliit man o malaki, na may sarili at likas na katangian. Wika ang ekspresyong kakikinlan ng isang kultura, sapagkat ito ang nagbibigay-anyo rito para sa labas, ang siyang nagtakda ng pagkakaiba at sariling uri nito—ng kanyang pagkakabukod sa ibang kultura: ang kanyang kapagkahan, kung magagamit ang salitang ito, sa daigdig ng mga kaisahang pang-kultura.[2]

Sosyolohiya

baguhin
Ang malaking kaugnayan ng wika at sosyolohiya sa isa’t isa ay pinatutunayan ng sosyolinggwistika, isang sangay ng pag-aaral tungkol sa wika na itinuturing na bagong litaw sa panahong ito subalit kung tutuusi’y halos kasintanda na ng panahon. Ito ay buhat sa salitang socius at linggwistika. Ang socius ay salitang Latin na nangangahulugan ng interaksiyon, pakikisalamuha, pakikibagay at pakikipamuhay ng tao sa kapwa tao. Ito ang bahaging tumutukoy sa kasangkapang ginagamit ng tao sa pagpapahayg ng kanyang iniisip at narararamdaman upang malaman ng iba kung ano ang mga ito. Isang uri ng pagpapahayag na gagamitan ng kombinasyon ng mga tunog na tinatawag na mga salita—salitang may kaugnay na sariling kahulugan, Kahulugang tinataglay ng salita bunga ng pagkakisa ng mga kailangang magkaintindihan.[2]

Panlabas na Kawing

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. Gaboy, Luciano L. Rhetoric, retorika - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 2.8 Antonio, Eroll John, "Ano ba ang Retorika?", sa Andres, A.K.; Ambrocio, R.A.; Aranza, A.; Bagadiong, K. (mga pat.), LIKHA sa Makabagong Henerasyon {{citation}}: Unknown parameter |from= ignored (tulong); Unknown parameter |link= ignored (tulong)
  3. Bajaj, Rajiv, "Small-group communication", {{citation}}: Missing or empty |title= (tulong); Unknown parameter |link= ignored (tulong)
  4. Baker, Kathryn, "Organizational Communication", {{citation}}: Missing or empty |title= (tulong); Unknown parameter |link= ignored (tulong)
  5. Wikipedia,, The Free Encyclopedia, "Mass Communication", {{citation}}: Missing or empty |title= (tulong); Unknown parameter |link= ignored (tulong)CS1 maint: extra punctuation (link)
  6. Jeam Ambit, Theresa, "Bakit mahalaga ang retorika sa pang araw-araw na buhay ng tao?", {{citation}}: Missing or empty |title= (tulong); Unknown parameter |link= ignored (tulong)
  7. Shedie, Shark, "Kahalagahan ng Retorika", sa Nivramyaj (pat.), Ano ang kahalagahan ng Retorika? {{citation}}: Unknown parameter |link= ignored (tulong)
  8. Jeam Ambit, Theresa, "Kahalagahan ng Retorika sa Edukasyon", {{citation}}: Missing or empty |title= (tulong); Unknown parameter |link= ignored (tulong)
  9. Jeam Ambit, Theresa, "Kahalagahan ng Retorika sa Relihiyon", {{citation}}: Missing or empty |title= (tulong); Unknown parameter |link= ignored (tulong)