Seksuwalidad ng tao

Ang seksuwalidad na pantao o seksuwalidad ng tao ay ang isang paraan ng tao kung paano siya naaakit sa ibang tao. Ang maaari nilang maramdaman ay maaaring heteroseksuwal (naaakit sa katapat o kasalungat na kasarian), homoseksuwal (naaakit sa kaparehong kasarian), o kaya biseksuwal (naaakit sa kapwa mga kasarian). Ito ang kakayahan ng mga tao na magkaroon ng mga karanasan at mga pagtugong erotiko.[1] Maaari rin itong tumukoy sa paraan ng pagkaakit ng isang tao sa iba pang tao, na bukod sa pagkaakit sa may katulad na kasarian o sa dalawang kasarian, ay maaari ring sa lahat ng mga katauhang pangkasarian (panseksuwalidad), o kaya ay hindi maakit kaninuman sa paraang seksuwal (aseksuwalidad).[2] Ang seksuwalidad ng tao ay nakakaapekto sa pangkalinangan, pampolitika, pambatas, at pampilosopiyang mga aspeto ng buhay. Maaari itong tumukoy sa mga paksa ng moralidad, etika, teolohiya, espirituwalidad, o pananampalataya. Subalit, hindi ito tuwirang nakatali sa kasarian.

Kinakatawan ng larawang ito ang unang halik na naganap sa pagitan nina Adan at Eba. Inakdaan ito ni Salvador Viniegra y Lasso de la Vega noong 1891.

Pagsibol

baguhin

Ang hangarin o pagkakaroon ng hilig sa gawaing seksuwal ng tao ay tumataas kapag umabot na ang isang indibidwal sa panahon ng kabagungtauhan.[3] Mayroong mga mananaliksik na naghihinala na ang kaasalang seksuwal ay mapag-aalaman sa pamamagitan ng larangan ng henetika, ngunit mayroon din namang iba na ipinipilit na ito ay hinuhubog ng kapaligiran.[4] Ito ang tinatawag na pagtatalo hinggil sa "kalikasan laban sa pag-aaruga" o nature versus nurture, kung saan sa pariralang ito ang "kalikasan" ay ang mga katangian sa pag-uugali na sanhi ng likas, katutubo, o talagang mga katangian ng isang tao katulad ng mga instinto at mga motibasyon o "tulak" ng damdamin at isipan upang makamit ang satispaksiyon o kabusugan ng pangangailangan. Samantala, ang diwa ng pag-aaruga ay maaaring bigyan ng kahulugan bilang mga bagay-bagay na pankapaligiran o estimulong panlabas na nakakaimpluwensiya sa ugali, mga damdamin, at pag-iisip ng isang tao.[5] Kabilang sa mga pagkakaibang pambiyolohiya at pisikal ang umiikot o umuulit na panahunan ng pagtugon ng lalaki at ng babaeng tao sa seksuwalidad na kaugnay sa kanilang pagiging tao.[6]

Mga teoriya at pananaw

baguhin

Ang mga teoriyang nakatuon sa seksuwalidad, katulad ng kay Sigmund Freud at ng kay Carl Jung, ay mahalaga sa pag-unawa ng seksuwalidad. Ang mga ebolusyonaryong pananaw hinggil sa pagtatambalan ng tao, kasama ang teoriya ng mga estratehiyang seksuwal, ay nagbibigay rin ng pananaw ukol sa seksuwalidad,[7] pati na ang teoriya ng pagkatuto sa pakikipagkapwa.[8] Kabilang sa mga aspetong sosyo-kultural (panlipunan at pangkalinangan) ng seksuwalidad ang mga kaunlarang pangkasaysayan at mga paniniwalang pampananampalataya, kabilang na ang mga pananaw na pang-Hudyo ukol sa kasarapang seksuwal sa loob ng kasal at ang mga pananaw na pang-Kristiyano hinggil sa pag-iwas sa mga kasarapang seksuwal.[6] Ang pag-aaral ng seksuwalidad ay kinabibilangan ng mga impeksiyon at mga sakit na nakukuha mula sa pakikipagtalik at mga pamamaraan ng pagpigil sa pag-aanak.

Kahalagahan

baguhin

Ayon kay Ludwin Molina, sa kanyang Human Sexuality, ang seksuwalidad ay mayroong pangunahing gampanin sa buhay ng mga tao, anuman ang edad, kasarian, o kabansaan ng mga ito. Isa itong mahalagang bahagi ng mga gawain ng tao at ng katauhan o kung sino at ano ang tao na dapat harapin ng lahat ng mga tao. Isa rin itong mahalagang bahagi ng personalidad, namamamalayan man o hindi, ng bawat isang tao. Sabi pa ni Molina, ang seksuwalid ay kung minsan, bagaman may hangganan o limitasyon, ay isa sa mga bagay na nakapagkokonsumo ng oras ng pag-iisip at ugali ng tao na pinag-iinugan ng bawat tapya ng buhay ng tao, bukod sa pangangailangang kumain at matulog.[9]

Ang seksuwalidad ay isa sa mga paraan ng pagkaranas at pagpapadama ng tao bilang isang seksuwal na nilalang. Kabilang sa mga bagay na nagpapaunlad ng seksuwalidad ng tao ang kasarian. Mahalaga ang kasarian sapagkat ito ang isa sa pangunahing mga impluwensiya sa pag-unlad ng seksuwalidad ng isang indibidwal.[9]

Paghahambing

baguhin

Kaiba ang ugaling pangseksuwalidad ng tao mula sa kaasalang seksuwal ng iba pang mga hayop. Sa ibang mga hayop, na hindi kabilang ang mga tao, at tinatawag na "mas mababang mga uri o espesye ng hayop" ang tulak sa pagtatalik ay dahil sa isang "puwersa" na may kaugnayan sa pagpaparami o reproduksiyon. Samantala, ang tao ay hindi masigla sa pakikipagtalik dahil lamang sa alang-alang sa paglalahi, sa halip ay mayroon pang ibang mga bagay-bagay o kadahilanan kung bakit masiglang lumalahok ang mga tao sa mga gawaing pampagtatalik.[9]

Pag-aaral

baguhin

Ang seksuwalidad na pantao ay pinag-aaralan dahil sa isa itong pangunahing mapagkukunan ng motibasyon ng tao kung bakit niya ito iniisip, bakit niya ito binabalak gawin, bakit niya ito pinag-uukulan ng panahon sa isipan man at sa mismong gawain ng pakikipagtalik, at pati na ang talagang panahong iginugugol sa aktuwal na pakikipagtalik. Ang motibasyon o tulak na seksuwal ay nakakaimpluwensiya sa pag-uugali ng tao. Isa pang dahilan ng pag-aaral sa seksuwalidad ng tao ay ang mga suliraning maaaring kaharapin ng tao na may kaugnayan sa pakikipagtalik. Kabilang sa mga ito ang mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik, ang hindi inaasahan o hindi ginustong pagdadalangtao, at ang mga paksang may kaugnayan sa karahasan o panggigiit na seksuwal o pangyayamot o panggigipit na seksuwal.[9]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Human sexuality
  2. University of California, Santa Barbara's SexInfo
  3. Carlson, Neil R. at C. Donald Heth. "Psychology: the Science of Behaviour." ika-4 na edisyon. Toronto: Pearson Canada Inc., 2007. 684.
  4. Michael Jones Nature vs. Nurture Debates Over Sexuality (Change.org News) http://news.change.org/stories/nature-vs-nurture-debates-over-sexuality Naka-arkibo 2013-12-10 sa Wayback Machine.
  5. Sophiemonster Human Sexuality and the Nature vs Nurture debate (Sex and Science) http://sexandscience.org/blog/?p=292 Naka-arkibo 2013-10-14 sa Wayback Machine.
  6. 6.0 6.1 “Human Sexuality Today” by Bruce M. King (ISBN# 978-0-13-604245-7)
  7. “Sexual Strategies Theory: An Evolutionary Perspective on Human Mating” nina David M. Buss at David P. Schmitt
  8. “Using social learning theory to explain individual differences in human sexuality - The Use of Theory in Research and Scholarship on Sexuality” nina Matthew Hogben at Donn Dyrne https://archive.today/20120709050527/findarticles.com/p/articles/mi_m2372/is_n1_v35/ai_20746724/pg_12/?tag=content;col1
  9. 9.0 9.1 9.2 9.3 Molina, Ludwin. Human Sexuality, California State University, Northridge, Tagsibol 1999