Ngipin
Ang mga ngipin ay ang mga istruktura o kayariang nakikita sa loob ng panga o ng bibig ng maraming mga bertebrado at ginagamit sa pagkagat, pagngasab at pagnguya ng pagkain. Ginagamit din ang mga ngipin para sa panananggalang at pangangaso ng ilang mga hayop, lalo na ang mga kumakain ng karne (carnivore). Natatakpan ng mga gilagid ang mga ngipin.
Ang mga ngipin ang ilan sa mga pinakanatatangi at pangmatagalang bahagi ng mga espesyeng mamalya. Ginagamit ng mga paleontologo ang mga ngipin para makilala ang mga espesye batay sa mga kusilba (Ingles: fossil) at malaman ang kanilang mga kaugnayan. May kauganayan ang hugis ng mga ngipin ng isang hayop sa kaniyang mga kinakain. Bilang halimba, mahirap tunawin ang mga halaman, kaya maraming mga molar (makakapal na mga ngipin) na pangnguya ang mga hayop na kumakain ng halaman lamang (mga herbibora). Samantalang kailangan ng mga canine (matutulis at matatalim na mga ngipin) ang mga hayop na kumakain ng karne para makapaslang at makapunit ng laman.
Mga dipiyodonta ang mga tao, na nangangahulugang nagkakaroon sila ng dalawang uri ng mga ngipin. Ang unang uri ay ang kumpol ng mga ngiping-pangbata o pangunahing kumpol ng ngipin (desiduwo) na karaniwang nagsisimulang lumitaw sa gulang na anim na buwan, bagaman mayroong isa o higit pang nakikitang mga ngipin ang ibang mga sanggol at kilala bilang ngipin na pangbagong-silang (ngipin ng sanggol na kaluluwal pa lamang). Mahapdi para sa isang sanggol ang normal na pagtubo ng mga ngipin sa mahigit-kumulang na anim na buwang gulang.
Nagkakaroon lamang ng isang kumpol ng ngipin ang ilan sa mga hayop (ang mga monopiyodonta) habang nagkakaroon ng maraming kumpol ang iba (ang mga hayop na polipiyodonta). Bilang halimbawa, sinisibulan ng mga bagong kumpol ng mga ngipin ang mga pating tuwing ikalawang linggo upang mapalitan ang mga sirang ngipin. Tumutubo at tuluy-tuloy na kusang napuputol ang mga pangkagat na ngipin (o mga incisor) ng mga daga sa pamamagitan ng pagngatngat kaya napapanatili ang kainamang haba. May ibang uri naman ng mga dagang may mga ngiping tuluytuloy ang paglaki ng mga ngiping pangnguya bilang karagdagan sa mga ngiping panghiwa, katulad ng sa mga dagang-kosta o guinea pig.[1][2]
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Tummers M at Thesleff I. Root or crown: a developmental choice orchestrated by the differential regulation of the epithelial stem cell niche in the tooth of two rodent species. (Ugat o korona: Piling pagtubo na pinahintulutan sa pamamagitan ng pagkakaibaibang pangangalaga ng himlayan ng mga sangang-selulang epitelyum sa loob ng mga ngipin ng dalawang uri ng daga. Development (Paglilinag) (2003). 130(6):1049-57.
- ↑ AM Hunt. A description of the molar teeth and investing tissues of normal guinea pigs (Isang paglalarawan ng mga ngiping pangnguya at puhunang tisyu ng mga karaniwang dagang-kosta. J Dent Res. (1959) 38(2):216-31.