Etika

(Idinirekta mula sa Etikal)
Huwag itong ikalito sa estetika o etiketa.

Etika o moral na pilosopiya (Ingles: Ethics o moral philosophy) ay isang sangay ng pilosopiya na "nagsasangkot ng sistematisasyon, pagtatanggol, at pagrekomenda ng mga konsepto ng tama at maling pag-uugali". Sa pilosopiya, ang etikal na pag-uugali ay ang "kabutihan". Ito ang isa sa tatlong pangunahing paksa ng pagsasaliksik sa pilosopiya, kasama ang metapisika at lohika.

'Ang layunin ng teoriya ng etika ay ang timbangin kung ano ang mabuti, para sa bawat isa at para sa buong lipunan. Iba-iba ang paninindigan ng mga pilosopo sa kanilang pagbibigay-kahulugan sa kung ano ang kabutihan, sa kung paano tatalakayin ang nagsasalungatang pampersonal na prayoridad laban sa panlahat, sa mga pangsanglahat na prinsipyong pang-etika laban sa "etikang pangsitwasyon" na nagsasabing batay sa sitwasyon ang pagiging mabuti at hindi dahil sa isang pangkalahatang batas, at kung batay sa bunga ng isang kilos ang kabutihan o batay sa uri ng pamamaraan kung paanong narating ang isang resulta.' (Jennifer P. Tanabe, Contemplating Unification Thought)

Kasaysayan ng Etika

baguhin

Nagsimula sa mga sinaunang Griego, at ng mga sumunod na mga Romano, ang pormal na pag-aaral ng etika sa isang seryoso at analitikong pamamaraan. Kabilang sa mga mahahalagang etisistang Griego ang mga Sopista (Sophists), sina Sokrates (Socrates), Platon (Plato) at Aristoteles (Aristotle), na may-akda ng naturalismong pang-etika (ethical naturalism). Pinalalim pa ang pag-aaral ng etika sa ilalim ni Epicurus at ng kilusang Epicureanismo, at ni Zeno at mga Istoiko.

Bagaman hindi tinalakay sa isang pormal at analitikong pamamaraan, may malalim na interes sa paksa ng etika ang mga sumulat ng Bibliang Hebreo, at sa paglipas ng daantaon, ang Bagong Tipan at ang Apokripa. Sa mga gustong magsiyasat ng etika sa mga paksang ito, basahin ang sulating Etika sa Biblia; may kaugnay din itong sulatin, Etika sa relihiyon na may mas malawak na paksang tumatalakay sa pagkakabuo ng etika sa mga pangunahing relihiyon.

Bumagal ang pormal na pag-aaral ng pilosopiya noong gitnang panahon sa Europa, at muli lamang itong sumigla sa mga panulat ni Maimonides, Santo Tomas de Aquino (Thomas Aquinas) at iba pa. Nang panahong ito, naging mahalaga ang debate tungkol sa pagkakabatay ng etika sa batas ng kalikasan at batas ng Diyos.

Pinasimulan ang makabagong kanluraning pilosopiya sa mga akda nina Thomas Hobbes, David Hume at Immanuel Kant. Sinundan ito ng mga utilitariano, na sina Jeremy Bentham at John Stuart Mill. Walang tiyaga si Friedrich Nietzsche sa mga makalumang pananaw ng etika at kinalaban ang mga sistemang ito. Umunlad ang pag-aaral ng analitikong etika sa ilalim nina G. E. Moore at W. D. Ross, na sinundan ng mga emotibista, na sina C. L. Stevenson at A. J. Ayer. Nagmula naman sa manunulat na si Jean Paul Sartre ang existentialismo. Merong mga makabagong pilosopo na may seryosong akda sa etika tulad nina John Rawls, Elliot N. Dorff, Christine Korsgaard at Charles Hartshorne.

Mga Sangay ng Etika

baguhin

Sa pilosopiya ng analitika, tradisyunal na hinahati ang etika sa tatlong sangay: Meta-etika, Normatibong etika at Praktikal na etika.

Meta-etika

baguhin

Meta-etika ang pagsasaliksik sa kalikasan ng mga pahayag sa etika. Kabilang sa mga tanong nito ang: Nababagay ba sa katotohanan ang mga pahayag sa etika, ibig sabihin, may kakayanan ba itong maging tama o mali, o ang mga ito ba, bilang halimbawa, ay pahayag lamang ng damdamin? Kung nababagay sa katotohanan ang mga pahayag sa etika, may pagkakataon bang tuluyan na itong nagiging totoo? Tinatawag na nihilismong pangmoral ang posisyon na mali ang lahat ng mga pahayag sa etika. Kung may pagkakataon na nagiging tama ito, ano ang kalikasan ng mga katotohanang ipinapahayag nito? At sukdulan ba ang pagiging tama nito, o lagi ba itong may kaugnayan sa isang tiyak na tao, lipunan o kultura? (Basahin ang relatibismong pangmoral, relatibismong pangkultura.) Isa sa mga pinakamahalagang sangay ng pilosopiya ang meta-etika.

Pinag-aaralan sa meta-etika ang kalikasan ng mga pahayag at kaugalian sa etika. Kabilang dito ang mga tanong kung ano ang "mabuti" at "tama", kung meron at paano natin nalalaman kung ano ang mabuti at tama, kung may di nababagong batayan ang mga pagpapahalagang moral. at kung paano nakakaepekto sa ating mga pagkilos ang ating mga kaugalian sa etika. Madalas na batay ito sa isang listahan ng pangsukdulang moral, tulad ng isang panrelihiyong kodigong moral, malinaw man ito o hindi. May ibang nagsasabi na isang anyo ng meta-etika ang estetika.

Normatibong Etika

baguhin

Nagsisilbing tulay ng "meta-etika" at "praktikal na etika" ang normatibong etika. Pinagsisikapan nitong marating ang mga pamantayang moral na maaaring isabuhay, na makakatulong sa malinaw na pagkilatis ng tama at mali, at kung paanong magkaroon ng isang moral na pamumuhay.

  • Isang sangay ng normatibong etika ang teoriya ng pag-uugali; ito ang pag-aaral ng tama at mali, ng obligasyon at pahintulot, ng tungkulin, ng kung ano ang nakatataas at higit sa tawag ng tungkulin, at kung ano ang mali sa pagiging masama. Nagsusulong ng pamantayan ng moralidad, o ng mga kodigong moral / mga alituntunin, ang teoriya ng pag-uugali. Halimbawa, ang mga sumusunod ang mga uri ng mga alituntunin na tinatalakay ng teoriya ng pag-uugali (bagaman may pagkakaiba ang bawat teoriya batay sa taglay na antas ng mga alituntunin nito): "Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo"; "Nagbubunga ng sobrang kaligayahan para sa higit na nakararami ang tamang gawain"; "Masama ang magnakaw."
  • Isang sangay ng normatibong etika ang teoriya ng pagpapahalaga; na tinitingnan ang mga bagay na itinuturing na mahalaga. Kung napagpasyahan natin na meron mga bagay na likas ang pagiging mabuti o mas mahalaga ito kaysa ibang mga bagay na likas ang kabutihan, kasunod nating itatanong kung "ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?" Itinatanong din ng teoriya ng pagpapahalaga: Anong uri ng mga bagay ang mabuti? Ano ang ibig sabihin ng pagiging "mabuti"? Maaaring literal ang kahulugan nito ng "mabuti" at "masama" para sa sambayanan.
Ganito ang mga itinatanong sa teoriya ng pagpapahalaga: Anong uri ng mga sitwasyon ang mabuti? Lagi bang mabuti ang pagpapasarap-buhay? Mabuti ba kung pantay-pantay sa kaginhawahan ang lahat ng tao? May likas na kabutihan ba ang pag-iral ng mga magagandang bagay?

Praktikal na Etika

baguhin

Inilalapat ng Praktikal na etika (Applied ethics) ang normatibong etika sa ilang kontrobersiyal na usapin. Halimbawa, ang sumusunod ang mga tanong sa praktikal na etika: "moral ba ang aborsyon?"; "moral ba ang euthanasia"; "ano ba ang mas malalim na kahulugan ng patakaran ng apirmatibong aksiyon?"; "may karapatan ba ang mga hayop?"

Mas pangunahin ang kakayanang magbuo ng tanong kaysa pagtimbang ng mga karapatan.

Hindi nangangahulugan na tungkol sa mga pampublikong patakaran ang lahat ng tanong na pinag-aaralan sa praktikal na etika. Halimbawa: Lagi bang mali ang pagsisinungaling? Kung hindi, kailan ito pinapayagan? Ang kakayanang makagawa ng mga etikal na pagpapasya ang mas nauuna kaysa anumang seremonya ng paggalang.

Kabilang sa mga halimbawa ng praktikal na etika ang sumusunod:

Nailapat na ang etika sa ekonomiya, politika at agham pampolitika, na nagbibigay-daan sa ilang hiwalay at di-kaugnay na mga larangan ng praktikal na etika, kabilang ang Etika sa Kalakalan at Marxismo.

Nailapat na rin ang etika sa balangkas ng pamilya, sa seksuwalidad at sa mga pananaw ng lipunan sa gampananin ng bawat isa, pati na rin sa pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan, ang peminismo.

Pati sa digmaan, nailapat ang etika upang talakayin ang pasipismo (pagpapatahimik) at pagkontra sa paggamit ng karahasan.

Sinusuri din sa etika ang paggamit ng tao sa mga limitadong likas na kayamanan ng daigdig. Pinag-aaralan ito sa etika na pangkapaligiran at ekolohiyang panlipunan. Pinapaburan ngayon na pagsamahin ang ekolohiya at ekonomiya upang pag-aralan kung paanong magkakaroon ng mapangalagang pagpapasya para sa paggamit ng kapaligiran. Nagbigay-daan ito sa mga teoriya ng bakas-paa ng ekolohiya at pagsasariling biyorehiyonal. Kabilang sa mga kilusang panlipunan at pampolitika na nakabatay sa mga kaisipang ito ang eko-peminismo, eko-anarkismo, malalimang ekolohiya, ang green movement, at mga kaisipan na maaaring ipasok sa pilosopiyang Gaia.

Inilapat ang etika sa kriminolohiya na nagbigay-daan sa pag-aaral ng katarungang kontra-krimen.

Maraming nakakababang sangay sa praktikal na etika na sinusuri ang mga problemang pang-etika ng iba't ibang mga propesyon, kabilang ang etika sa kalakalan, etika sa medisina, etika sa inhinyeria at etika sa batas, habang pinag-aaralan sa pagsusuri ng teknolohiya at pagsusuri ng kapaligiran ang mga bunga at mga kaakibat ng mga bagong teknolohiya at mga proyekto para sa kalikasan at lipunan. Inilalarawan ng bawat sangay ang mga karaniwang paksa at problema na lumilitaw, at tinutukoy ang mga karaniwang tungkulin sa publiko, o ang sundin ang mga inaasahan ng lipunan para sa matapat na pakikitungo at pag-uulat.

Mga Pangunahing Aral sa Etika

baguhin

Nagsulong ang mga pilosopo ng mga nagtutunggaliang sistema para ipaliwanag kung paanong pipiliin ang pinakamabuti para sa bawat isa at para sa lipunan. Walang sistema na sinasang-ayunan ng lahat. Kabilang sa mga pangunahing aral sa etika ang sumusunod:

Egoismong pang-etika

baguhin

Ang egoismong pang-etika ay isang pang-etikang na teorya na nagsasaad na ang isang moral na indibiduwal ay may pansariling interes at nagsasaad din na ang isang aksiyon ay tama kung pinapalaki nito ang kabutihan para sa sarili. Naiiba ito sa egoismong pang-sikolohiya, na inaangkin na ang tao ay gumagawa na aksiyon sa kanyang pansariling interes.

Mga Pananaw ng Etika

baguhin

Etikang Mapaglarawan

baguhin

May ilang pilosopong gainagawang batayan ang etikang mapaglarawan at ang mga pagpapasyang ginagawa at hindi tinututulan ng lipunan o kultura upang pagkunan ng mga pangkat na kadalasang ayon sa pagkakagamit. Binbigyang daan nito ang etikang pangsitwasyon (situational ethics) at etikang nasa-sitwasyon (situated ethics). Itinuturing ng mga pilosopong ito na mas pangunahin ang estetika, kagandahang-asal at arbitrasyon, na parang isang matinding pagkulo at pagsingaw 'mula ilalim papunta sa itaas' na nagpapahiwatig, sa halip na tuwirang tumutukoy, sa teoriya ng pagpapahalaga at teoriya ng pag-uugali. Sa mga pananaw na ito, hindi nanggaling mula sa itaas patungong pababa ang etika, na isang uri ng pilosopiyang (itinatanggi nila ang salitang ito) "a priori"; sa halip, mga pagsusuri ng mga talagang naging pasya sa karanasan ang mahigpit na pinagbabatayan:

  • Inilalapat ng iba't ibang mga samahan ang mga kodigo ng etika. May ilan na nagsasabing nakabatay sa estetika ang etika – at merong pampersonal na buod na pangmoral na umuunlad sa ilalim ng sining at paglalahad ng mga kuwento, na may malaking bahaging ginagampanan sa mga susunod pang etikal na pagpapasya.
  • Mga di-pormal na teoriya ng kagandahang-asal (etiquette) na di gaanong pinag-ibayo at mas batay sa sitwasyon. Merong mga nagsasabi ng negatibong etika ang kagandahang-asal, tulad ng "paano ba iniiwasan ang mga nakakabagabag na katotohanan nang hindi gumagawa ng mali?" Isang kilalang sumasang-ayon sa pananw na ito si Judith Martin ("Miss Manners"). Sa pananaw na ito, etika ang pinakabuod ng mga karaniwang alam natin na mga panlipunang pasya.

Ang mga pagsasanay sa arbitrasyon at batas, halimbawa sa isinasaad ni Rushworth Kidder na etika mismo ang pagtitimbang sa "pagitan ng tama at kapwa tama", ang pagpapasya kung alin ang dapat unahin sa dalawang bagay na kapwa mabuti, ngunit kailangang maingat na ipagpalit batay sa sitwasyon. Para sa iba, may kakayanan ang pananaw na ito na baguhin ang etika bilang kasanayan, ngunit hindi kasing laganap ng kaisipan ng mga pananaw 'estetika' at 'mga karaniwang alam' na binanggit sa itaas.

Madalas na tahasan ang hindi pagsang-ayon sa normatibong etika ng mga pumapanig sa mga paraang mapaglarawan, maliban sa kilusan para sa mas moral na pagbibili.

Ang Pananaw na Analitika

baguhin

Makabago at mas batay sa karanasan ang mapaglarawang pananaw sa etika. Dahil mas malalim na tinatalakay ang mga nasabing paksa sa sarili nitong mga sulatin, mas bibigyang-pansin ng mga paliwanag sa ibaba ng sulating ito ang mga pormal na pampaaralang kategoriya mula sa sinaunang pilosopiya ng mga Griego, lalo na ang kay Aristoteles.

Una sa lahat, kailangang alamin natin ang kahulugan ng pangungusap na pang-etika, na tinatawag ding normatibong pangungusap. Pangungusap na pang-etika ang ginagamit upang makapagbigay ng isang positibo o negatibong (moral) na pagtitimbang tungkol sa isang bagay. Gumagamit ng salita ang mga pangungusap na pang-etika, tulad ng "mabuti", "masama", "tama", "mali", "imoral" at iba pa. Narito ang ilang halimbawa:

  • "Mabuting tao si Sally."
  • "Hindi dapat magnakaw ang mga tao."
  • "Hindi makatarungan ang hatol sa kaso."
  • "Magandang katangian ang pagiging matapat."

Ihambing naman natin ang mga pangungusap na hindi pang-etika na walang ibinibigay na moral na pagtimbang sa anumang bagay. Maibibigay nating halimbawa ang sumusunod:

  • "Matangkad si Sally."
  • "May kumuha ng radyo ko sa kotse."
  • "Napawalang-sala siya sa kaso."
  • "Maraming tao ang manloloko."

Etika batay sa kaso

baguhin

Ang pagtutok sa iba't ibang mga kaso ang madalas gamiting paraan sa praktikal na etika. Hindi nagkataon lamang na ganito din ang pamamaraan sa pagtuturo ng pagnenegosyo at batas. Kasuwistriya (casuistry) ang isang pinaglalapatan ng pangangatwiran na batay sa kaso dito sa praktikal na etika.

Nagbigay ng isang pananaw na mas nakatutok sa lipunan si Bernard Crick noong 1982, na politika lamang ang praktikal na etika, na ganito ang paraan kung paano dapat tutukan ang mga kaso, at ang mga "birtud na pampolitika" ang kinakailangan kapag nagkakabanggaan ang moralidad at pangangailangan. Ito at ang iba pang makabagong pangsanglahat ang tinatalakay sa seksiyon ng "Etikang Pandaigdig" (Global Ethics).

Kahalagahan ng Etika

baguhin

Ipinapalagay ng buong larangan ng etika na may di pabagu-bago at laging nagsasang-ayunang mga paglalarawan, pagpapasya at pantay-pantay na paglalapat ng otoridad. Ngunit mas maraming gawaing kaugnay sa paghatol ang kinakailangan ng mga pananaw na higit ang pagsang-ayon sa pagtutok sa iba't ibang mga kaso. Bilang halimbawa, hindi maaaring turuan ang isang robot na gumawa ng pagpapasyang etika, dahil mangangailangan ito ng kakayanang makipagkapwa at tunay na karunungan. Ngunit kung may kompyuter na may kakayanang makipagkapwa at tunay na karunungan, maaaring itong turuan ng etika.

Wala bang katulad ang bawat kaso? Maaari. Mahirap iugnay ang pananaw na likas ang etika at nakaugat sa pampersonal na buod pangmoral o estetika sa nabanggit na mga pormal na kategoriya kaysa sa mismong meta-etika.

Itinuturing ng ilang etisista na katulad din ito ng mistisimo o narsisismo, na pinapayagan ang sinuman, na kumikilalang 'mas mataas kaysa etika' ang mga estetikang pagpili, na bigyang-katwiran ang lahat.

Mapapansin na nagmula ang terminong etika sa sinaunang Griego na ethos na nangangahulugang karakter na moral. Samantala, nangangahulugang mga alituntuning panlipunan o kagandahang-asal o pagbabawal ng lipunan ang salitang mores na pinanggalingan ng moralidad. Sa makabagong panahon, tila nagkakapalit ang mga kahulugang ito, nagiging isang panlabas na agham ang "etika" habang tumutukoy naman sa panloob na karakter o pagpili ang "moral". Ngunit ang mas mahalaga ay makita ang hidwaan sa pagitan ng panloob at panlabas na tagapagtulak ng mga pagpapasyang moral.

Iba't-ibang gamit ng Etika

baguhin

Etika sa Relihiyon

baguhin

Merong mga sulatin sa Etika sa relihiyon at Etika sa Biblia.

Etika sa Sikolohiya

baguhin

Sa pagsapit ng dekada 60, umunlad ang interes sa pangangatwirang moral. Nagsimula ang mga sikolohistang sina Abraham Maslow, Carl Rogers, Lawrence Kohlberg, Carol Gilligan at iba pa, na ilagay sa panulat ang etikang rasyunal, at sinikap na ipahayag ang mga pangsanglahat na antas ng kakayanan at kamulatang moral. Merong mga nagsasabi na mas mataas kaysa pakikipagrelasyon ang mga prinsipyong rasyunal, ngunit hindi sang-ayon ang lahat.

Politika

baguhin

Madalas na may anyo sa batas at politika ang mga pagsisikap na ito bago maging bahagi ng normatibong etika. Ang UN Declaration of Universal Human Rights ng 1948 at ang Global Green Charter ng 2001 ang dalawang halimbawa. Ngunit sa pagpapatuloy ng digmaaan at pagsulong ng teknolohiya ng mga sandata para sa malawakang pamumuksa, malinaw na hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng karahasan bilang paraan para marating ang pagkakasundo.

Ang pangangailangan na muling suriin at ilayo ang politika mula sa ideolohiya at ilapit sa pagkakasundo ang nagbunsod kay Bernard Crick para isulat ang listahan ng mga birtud na pampolitika.

Mga Kaugnay na Paksa (sa pilosopiya)

baguhin

Tingnan din

baguhin