Hermogenes Ilagan
Si Hermogenes Ilagan ay kinilalang Ama ng Dulaang Tagalog. Kapanahon siya ni Severino Reyes. Tulad ni Reyes, isa rin siya sa masigasig na tagapagtaguyod ng sarsuelang Tagalog.
Hermogenes Ilagan | |
---|---|
Kapanganakan | 19 Abril 1873
|
Kamatayan | 27 Pebrero 1943 |
Mamamayan | Pilipinas |
Nagtapos | Pamantasang Ateneo de Manila |
Trabaho | mang-aawit, manunulat ng awitin, artista |
Siya ang ninuno ng mga Ilagan na kinikilala sa larangan ng pagtatanghal sa radio, pelikula at telebisyon -sina Robert Arevalo, Jay Ilagan, Liberty Ilagan at ang noo'y sumikat na si Eddie Lat Ilagan.
Isinilang si Hermogenes Hagan sa Bigaa, Bulacan. Nag-aral siya sa Ateneo de Manila. Natuto siya ng musika sa kanyang ama na si Simplicio Ilagan, may-ari ng isang banda ng musiko. Si Hermogenes Ilagan ang nagtatag ng Samahang Ilagan na nagtanghal ng mga sarsuela sa iba't ibang lalawigan ng Luzon tulad ng Laguna, Bulacan, Nueva Ecija at Tayabas (ngayon ay Quezon).
Mga sariling akda ni Ilagan ang itinanghal ng samahan gaya ng Dalawang Hangal, Biyaya ng Pag-ibig, Despues de Dios, El Dinero, Dalagang Bukid at iba pa. Malaki ang nagawa ni Ilagan upang ang sarsuela ay tanggapin ng madla at iwan ang panunood ng Mora-moro.
Karaniwang romantiko ang mga dula ni Ilagan tulad ng pinakapopular na Dalagang Bukid. Mayroon din siyang mga dulang pampolitika at mapang-uyam. Ang Lucha Electoral, Ilaw ng Katotohanan at Gobernador ay mga pampolitika samantalang ang Isang Uno Cera, Ang Buhay nga Naman ay mga mapang-uyam.
Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.