Si Isaias (Hebreo: יְשַׁעְיָהוּ‎, Yəšaʿyāhū, "Si Yahweh ay Kaligtasan") ay isang propeta na itinuturing na pinakadakilang propeta sa Tanakh o Lumang Tipan ng Bibliya na sumulat ng Aklat ni Isaias kapitulo 1-39. Tinatawag siya ng Diyos sa pagkapropeta mula kamatayan ni Haring Uzzias, ca. 742 BCE at nabuhay sa mga panahon ng mga hari ng Kaharian ng Juda na sina Uzzias, Jotham, Ahaz, at Hezekias. Natanggap niya ang katungkulang humula mula sa Diyos sa loob ng Templo ni Solomon sa Herusalem sa pamamagitan ng isang pangitain.[1] Naging tungkulin ni Isaias ang akitin ang sambayanang Juda para manumbalik sa Diyos sapagkat kung hindi nila gagawin ito parurusahan sila ng Diyos. Namuhay siya noong mga mahalagang panahon kung kailan sinakop ng Imperyong Neo-Asirya ang Israel at kung kailan naging isang tributaryo o "nagbibigay ng tributo" sa Asirya ang Kaharian ng Juda at nang salakayin ng Asirya ang Herusalem sa panahon ni Hezekias.

Ayon sa Pag-akyat ni Isaias, si Isaias ay pinatay ni haring Mannases na anak ni Hezekias sa pamamagitan ng paghati sa kanyang katawan sa dalawa. Ito ay may alusyon sa Sulat sa mga Hebreo 11:37.

  1. Reader's Digest (1995). "Isaiah". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.