Kalusugang pampubliko
Ang kalusugang pampubliko ay ang agham at sining ng pag-iwas at pagpigil sa mga karamdaman, pagpapahaba ng buhay, at pagtataguyod ng kalusugan sa pamamagitan ng itinatag na mga pagsusumikap at mga gawain at maalam na mga pagpili ng lipunan, mga samahan, publiko man o pribado, mga pamayanan at mga indibiduwal (1920, C.E.A. Winslow).[1] Samakatuwid, layunin ng kalusugang pampubliko ang matabanan o makuntrol at maiwasan ang pagkakaroon ng sakit at mapanatili ang kapaligirang malusog para sa lahat.[2] Tinatawag din itong kalusugang pangmadla, kalusugang pambalana, kalusugang pangmasa, o kalusugang pambayan. Nagbibigay-pansin ang kalusugang pampubliko sa mga banta sa pangkalahatang kalusugan ng isang pamayanan batay sa pagsusuri ng kalusugan ng populasyon. Ang tinutukoy na populasyon ay maaaring kasingliit ng isang mabibilang na dami ng mga tao o kasinglaki ng lahat ng mga naninirahan sa ilang mga kontinente (halimbawa na kaso ng pandemiko). Kalimitang nahahati ang kalusugang pampubliko sa epidemiyolohiya, biyoestadistika, at palingkurang pangkalusugan (serbisyong pangkalusugan). Mahahalagang kabahaging mga larangan din nito ang kalusugang pangkapaligiran, panlipunan, pang-ugali, at panghanapbuhay.
May dalawang natatanging mga katangian ang kalusugang pampubliko:
- Tumutuon ito sa pag-iwas sa halip na pagbibigay-lunas na aspeto ng kalusugan;
- Tumutuon ito sa antas ng populasyon, sa halip na mga paksa ng kalusugan na nasa antas ng indibiduwal.
Kasaysayan
baguhinNagsimula ang diwa ng kalusugang pampubliko mula sa sinaunang mga taong nagpahalaga sa kalinisan ng pamayanan. Sumusunod sa mga batas na pangkalinisan at pangkalusugan ang sinaunang mga Hudyo. Natuklasan ng sinaunang mga Griyego na may kaugnayan ang hanging sinasamsam ng katawan, ang tubig na iniinom ng bibig, at ang pook na pinaninirahan nila sa pagkakaroon ng mga karamdaman. Nagtatag ang sinaunang mga Romano ng mga sistema ng mga imburnal na nagtatanggal ng maruming tubig at mga dumi, at pati na mga sistema ng mga kanal ng tubig na nagdadala ng malinis at sariwang mga tubig sa mga lungsod at mga bayan.[2]
Noong Gitnang mga Panahon sinalanta ng mga salot at iba pang mga karamdaman ang mga tao dahil sa pamumuhay na siksikan sa loob ng napapaderang mga lungsod at mga bayan na may maduming mga tubig na inumin, at kung saan kasama rin sa pinamamahayan ng mga tao ang mga alagang hayop. Ganito ang sitwasyon ng pamumuhay hanggang sa pagsapit ng ika-18 daang taon. Noong panahon ng Rebolusyong Industriyal, isa sa pinakamahalagang kaunlaran sa larangang kalusugang pampubliko ang pagkakaimbento ni Edward Jenner sa bakunang panlaban sa bulutong noong bandang 1798.[2]
Noong 1848, itinatag sa Inglatera ang Pangkalahatang Lupon ng Kalusugan (General Board of Health), na naging daan sa pagkakaroon ng Ministriya ng Kalusugan ng Britanya noong 1919. Sa Estados Unidos, sinimulan sa Boston noong 1850 ang unang pag-aaral ukol sa mga kalagayang pangkalusugan. Noong 1866, nilikha sa Bagong York ang Metropolitanong Lupon ng Kalusugan (Metropolitan Board of Health). Noong 1869, nagkaroon ng sariling Lupong Pangkalusugan ang estado ng Massachusetts. Noong 1953, itinatag ng pamahalaan ng Estados Unidos ang Kagawaran ng Kalusugan, Edukasyon, at Kapakanan (Department of Health, Education, and Welfare).[2]
Mga lathalain
baguhinSa Pilipinas
baguhinAng Kalusugang Pampubliko sa Kolonyal na Maynila 1898-1918 na inakdaan ng manggagamot at historyador na si Ronaldo B. Mactal ang isa sa kauna-unahang pagtatangka na pagsama-samahin ang mga larangan ng heograpiya, medisina, at kasaysayan upang talakayin ang kalusugan sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Sinuri ni Mactal sa aklat na ito ang mga patakaran at programang pangkalusugan ng pamahalaang kolonyal ng Estados Unidos sa lungsod ng Maynila magmula 1898 hanggang 1918, kasama ang impluwensiya ng kapaligiran dito. Pinanindigan ng may-akda ang paniniwalang kinasangkapan ng mga kolonyalista ang kalusugan, lalo na sa lungsod ng Maynila upang mapangalagaan at mapasulong ng kanilang layunin sa pananakop sa Pilipinas.[3][4]
Tingnan din
baguhin- Samahan ng Pandaigdigang Kalusugan
- Kapakanang pampubliko
- World Health Day ay ipinagdiriwang taon-taon tuwing Abril 7.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ C.-E. A. Winslow, “The Untilled Fields of Public Health,” Science, n.s. 51 (1920), p. 23.
- ↑ 2.0 2.1 2.2 2.3 "Public health". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link), Bolyum para sa P, pahina 502. - ↑ Kalusugang Pampubliko sa Kolonyal na Maynila 1898-1918 ni Dr. Ronaldo Mactal Naka-arkibo 2009-10-08 sa Wayback Machine., uppress.com.ph
- ↑ Kalusugang Pampubliko sa Kolonyal na Maynila 1898-1918 ni Ronaldo B. Mactal[patay na link], nationalbookstore.com