Ang pagmimina ay isang proseso ng paghuhukay at pagkuha ng mga yamang mineral mula sa lupa. Ang anumang materyal na hindi malilikha at mapapalago ay kailangang minahin. Ang pagmimina ng mga bagay mula sa lupa ay tinatawag na ekstraksiyon, paghango, o paghugot. Maaaring maging kabilang sa pagmimina ang paghango ng mga metal at mga mineral, na katulad ng uling, ginto, pilak, platinum, tanso, at bakal. Maaari rin namang iba pang mga bagay, katulad ng langis at likas na gas. Ang taong nagmimina ay tinatawag na tagapagmina, tagamina, mangmimina, o minero.

Diorama ng tradisyunal na pagmimina sa Pilipinas na matatagpuan sa Pambansang Museo.

Ilang uri ng pagmimina ay ginagawa sa pamamagitan ng pagkayod ng lupa o dumi mula sa ibabaw ng lupa. Tinatawag itong pagmiminang patalop o strip mining sa Ingles. Ang ilang pagmimina ay isinasagawa sa pamamagitan ng malalim na pagpunta sa ilalim ng lupa upang marating ang isang poso ng mina (mine shaft sa Ingles). Tinatawag ang ganitong pagmimina bilang pagmimina sa ilalim ng lupa o undergound mining. Ang ilang pagmimina, katulad ng pagmimina ng ginto, ay isinasagawa sa ibang mga paraan. Ang ginto ay maaaring mamina sa pamamagitan ng paghahanap sa loob ng himlayan ng isang ilog o ibang agusan o bugsuan ng tubig upang maalis ang mga maliliit na piraso ng ginto. Tinatawag itong pananala ng ginto.

Ang pagmimina ay ang tanging paraan upang makangalap ng uling, isang mahalagang mapagkukunan ng enerhiya. Ang mga minahang ito ay maaaring pagmiminang patalop, o kaya ay maaaring pagmimina na umaabot at nagmumula sa daan-daang talampakan ang pagiging kalaliman sa lupa. Ang pagmimina sa ilalim ng lupa ay isang mapanganib na hanapbuhay. Nagkakaroon ng mga aksidente sa mga minahan ng uling at tanso, at maraming mga tagapagmina ng uling ang namamatay taun-taon. Ang mga panuntunan na pangkaligtasan at natatanging mga kagamitang pangkaligtasan ay ginagamit upang mabigyan ng proteksiyon ang mga minero mula sa mga aksidente.


Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.