Hudas ang Alagad
Si San Hudas[1] (o Judas[2]) o Hudas Tadeo ay isang santong Katoliko na kilala kapwa bilang Hudas na kapatid ni Santiago[3] o Tadeo[3] lamang sa Bagong Tipan. Bagaman kasingpangalan sa Griyego bersyon ng Bagong Tipan, Ιούδας, hindi dapat ikalito ito kay Hudas Iskariote, na isa pang alagad na nagkanulo kay Hesus. Isang kahalawan lamang ang mga pangalan nila mula sa Griyegong Huda (o Judah) na pangkaraniwan sa mga Hudyo noong kanilang kapanahunan.
San Hudas ang Alagad | |
---|---|
Alagad at Martir | |
Ipinanganak | Ika-1 dantaon BK o AD |
Namatay | Ika-1 dantaon AD Persiya |
Benerasyon sa | Simbahang Romano Katoliko, Simbahang Silanganing Ortodokso, Mga Silanganing Simbahang Katoliko, Mga Koptikong Kristiyano, Simbahang Angglikano |
Pangunahing dambana | Basilika ni San Pedro, Roma , Rheims, Toulouse, Pransiya |
Kapistahan | Oktubre 28,Hunyo 19 |
Katangian | palakol, pamalo, bangka, sagwan, medalyon |
Patron | Armenya, bigong layunin, sitwasyong walang-pag-asa, mga ospital, St. Petersburg, Florida, Departamento ng Pulis ng Chicago, Clube de Regatas do Flamengo mula sa Rio de Janeiro, Brazil. |
- Para sa ibang gamit, tingnan ang San Hudas (paglilinaw) at Hudas (paglilinaw).
- Huwag itong ikalito kay Hudas Iskariote.
Sa Simbahang Romano Katoliko, si Hudas Tadeo ang pintakasing santo para sa mga bigong mga layunin at kawalan ng pag-asa dahil sa mga suliranin.[4] Pinaparangalan din siya sa Simbahang Apostolikong Armenyo. Sagisag ni San Hudas Tadeo ang isang pamalo, at karaniwan siyang nilalarawang may apoy na nakapaligid sa ulo bilang kinatawan ng kaniyang pagiging naroroon noong araw ng Pentekostes, kung kailan natanggap niya ang Espiritu Santo kasama ng iba pang mga apostol. Kung minsan, iginuguhit siyang may tangang palakol o katulad nito sapagkat namatay siya sa pamamagitan ng isa sa mga sandatang ito. Mayroon ding mga pagkakataon na ipinapakitang hawak niya ang isang aklat o nakabalumbong papel (ang Sulat ni Hudas na kaniyang sinulat) o kaya may tangan ng isang panukat ng isang anluwage. Ngunit malimit din siyang nilalarawan sa mga dibuho na may hugis ni Hesus na nakadantay sa kaniyang dibdib.[3]
Ayon kay Msgr. Jose C. Abriol, isinulat ni Hudas Tadeo ang Sulat ni Hudas noong mga taong 62 hanggang 67 AD at hindi nasasaad sa mga pahina nito ang pagkaguho ng Herusalem. Layunin ng Sulat ang "labanan at sugpuin ang maling mga aral ng mga erehe" na hindi kinikilala si Hesus bilang "panginoon at guro", at sapagkat laban ang mga erehe sa "batas, kapangyarihan at kalayaang Kristiyano."[2]
Nakalimutang santo
baguhinPaminsan-minsang tinatagurian bilang Ang Nakalimutang Santo si San Hudas Tadeo dahil sa pagkalito ng mga namimintakasi kaugnay ng pagkakatulad ng kaniyang pangalan kay San Hudas Iskarioteng nagkanulo kay Hesukristo. Kaya nga mas ginagamit na ang katawagang San Hudas Tadeo upang maiwasan ang ganitong uri ng pagkalito, at upang muling buhayin sa alaala ng mga mamamayang mapagpananampalataya. Bagaman dating sumapit sa pagkakaligta, ang pangalan ni San Hudas Tao ang isa sa mga pinakamatandang pangalang nasa kalendaryo ng Simbahang Katoliko, na nagmula pa sa pagkakaroon ng debosyon ng mga unang alagad ng Kristiyanismo. Natagpuan sa Kanon ng Misa ang pagtawag sa kaniya bilang si Tadeo o Thaddeus.[3]
Mag-anak at kamag-anak
baguhinMga magulang
baguhinAnak si Hudas Tadeo nina Cleophas at Maria ni Cleophas. Pinalaki siya ni Maria ni Cleophas sa gawi ng kabanalan.[3]
Kaugnayan kay Hesus
baguhinKadugo at kamag-anak ni Hesus si San Hudas Tadeo, sapagkat malayong pamangkin siya nina Santa Maria at San Joseng mga magulang ni Hesus, bagaman umampong-ama lamang ni Hesus si San Jose. Naging pamangkin si Hudas Tadeo nina Maria at Jose dahil sa kaniyang pagiging pamangkin-sa-tuhod (malayong pamangkin) ng ama at ina ni Mariang sina San Joachim at Santa Ana. Samakatuwid, pinsan ni Hesukristo si San Hudas ang Alagad.[3]
Tungkol sa pangalan
baguhinMga katawagan
baguhinTinawag siyang Tadeo o Thaddeus nina San Mateo at San Markos. Tinawag naman siyang Hudas, ang kapatid ni Santiago ni San Lukas. Matatagpuan ang huli sa Ebanghelyo ni San Lukas at sa Mga Gawa ng mga Alagad sa Bagong Tipan ng Bibliya. Sa sariling akda, sa Sulat ni Hudas, tinawag din ni Hudas Tadeo ang kaniyang sarili bilang Hudas, ang kapatid ni Santiago.[3]
Kahulugan ng mga pangalan
baguhinAyon sa gawi sa pagpapangalan sa mga tao noong mga kapanahunan ni San Hudas Tadeo, binibigyan ang isang tao ng pangalang mapagkakakilanlan, na kalimitang naglalarawan sa mga natatanging katangian ng taong pinangalanan. Nagpapahiwatig ang pangalan ni San Hudas Tadeo ng diwa ng papuri. Batay kay San Jeronimo, nangangahulugan ang Tadeo ng ganito: isang taong nagtataglay ng kaalaman hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, mga kaalamang higit pa sa karaniwang antas lamang. Nangangahulugan pa din ito ng pagkakaroon ng "matamis" at "kahinahunan" sa pag-uugali.[3]
Talambuhay
baguhinBilang alagad
baguhinBilang pinsan at kamag-anak ni Hesus, pinaniniwalaang palagi siya nakikipag-ugnayan kay Hesus mula pa sa pagkabata, bagaman walang natitiyak hinggil sa kung ano ang kaniyang buhay bago pa naging ganap na alagad ni Hesukristo. Natitiyak lamang na tinanggap niya ang tungkuling ito at naging isang masigasig na alagad ni Hesus na humantong sa kaniyang kamartiran. Pinaniniwalaang siya ang pinakahuling namatay sa labindalawang alagad ni Hesus, dahil sa pagbibitiw niya ng mga katagang: "Alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi dati ng mga Alagad."[3][5]
Bilang manunulat
baguhinKilala ang kaniyang akda bilang Ang Sulat ni San Hudas. Bagaman isa lamang napakamaikling katha na may dalawampu't limang taludturan at ang pinakamaiksing sulatin at aklat sa Bagong Tipan ng Bibliya, nilalarawan itong natatangi dahil sa angkin nitong katatagan at karangalan. Naaangkop ang halos lahat ng nilalaman nito sa pangkasalukuyang panahon sapagkat may pagkakatulad sa kapanahunan ni San Hudas Tadeo, isang panahong may pagkamalaganap ang imoralidad at erehiya. Laban si San Hudas Tadeo sa ganitong mga bagay.[3]
Bilang martir
baguhinNagdaan sa lahat ng uri ng pagtugis, pagtuligsa, at paghihirap si Hudas ng Tadeo dahil sa kaniyang mga pagtuturo ng pananampalataya, bilang tagapagtanggol ng pananampalataya, at bilang kalaban ng maling pananampalataya. Naghintay ng tamang panahon ng paghihiganti laban sa kaniya ang mga paganong ayaw yumakap sa bagong doktrina hinggil sa kadilasayan ni Kristo. Ayon sa mga pagsasalaysay, namatay si San Hudas Tadeo sa pamamagitan ng pamalo; pagkaraang mawalan ng buhay, pinugutan siya ng ulo sa pamamagitan ng isang palakol. Ito ang dahilan kung bakit may ilang paglalarawan sa mga dibuhong may anyo ni San Hudas Tadeong may hawak siyang mga kasangkapan ng pagpapahirap, katulad ng pamalo o palakol.[3]
Bilang makapananampalataya
baguhinNagpunta rin sa Persiya si Hudas Tadeo noong panahon ng kaniyang pangangaral ng pananampalataya. Mayroong isang salaysayin na kinailangan niyang ipagtanggol ang Kristiyanismo laban sa dalawang manlilinlang na mga salamangkero - sina Zaroes at Arfaxat - na ginagamit ang kanilang kakayahan sa panghuhuwad upang makapagpakalat ng paganismo. Biniyayaan si Hudas Tadeo ng Diyos na magkaroon ng kapangyarihan para pagsalitain ang mga anitong kinakasangkapan ng dalawang mahikero. Nagawang pagkumpisalin ni Hudas Tadeo sa nag-iisang tunay na Diyos ang mga anitong ito, kaya't nagsilayas ang nananahan ditong mga dimonyo at nangabasag pagkabagsak sa lupa. Pagkaraan, hinarap naman ni Hudas Tadeo ang dalawang magkasapakat na mga salamangkero. Tinungo niya ang kampong Persang kinaroroonan ng mga ito. Pinaunlakan si Hudas Tadeo ng pinuno ng mga hukbong si Verardach, na may nais ding malaman kung ano ang kahihinatnan ng hinaharap niyang hindi pa nauumpisahang labanan. Sa pamamagitan ng tulong ni Hudas Tadeo, nakapagsalita ang mga anito ng kampo, kaya't napagalaman ni Verardach na magiging mahaba ang panahon ng digmaan, sa oras na maganap ito. Magdaranas din ng malaking katalunan ang magkabilang panig na maglalaban, na nakaragdag sa pagkabagabag ni Verardach. Subalit pinayuhan siya ni Hudas Tadeo na huwag mangamba at matakot sapagkat darating kinabukasan ang mga embahador ng mga kaaway. Tatanggapin ng mga ito ang alok ni Verardach na mga kasunduan at mungkahi sa ngalan ng kapayapaan. Gayon nga ang nangyari nang sumapit ang sumunod na araw. Tanging sa pamamagitan lamang ni Hudas Tadeo kaya hindi sinunog ng buhay, bilang parusa, ang mga salamengkerong nagkukunwang tumutulong kay Verardach.[3]
Nakaugaliang mga dibuho
baguhinBukod sa mga larawan nagpapakitang may tangang pamalo o palakol si San Hudas Tadeo, isa pa sa mga karaniwang paglalarawan kay Hudas Tadeong ang pagpapakitang mayroon siyang wangis ni Hesus sa kaniyang dibdib. Hinango ito sa isang nakaugaliang pagsalaysay hinggil sa isang hari ng Edessang nakabalita sa kabantugan ni Hesus. Sa bansang Edessa naroon si Hudas bilang tagapaturo at tagapagtatag ng Simbahan. Ayon sa kuwento, nagpadala ang hari ng Edessa ng isang tagapagbalita para hilingin kay Hesus na puntahan ang hari at pagalingin mula sa sakit na ketong. Subalit napag-alaman ng haring imposibleng mangyari ang pagdating ni Hesus para pagalingin siya. Bagaman ganito, hindi siya nawalan ng pananalig, sa halip inatasan niya ang isang pintor na ipinta ang wangis ni Hesus. Ngunit nasilaw lamang ang pintor nang matanaw si Hesus kaya't hindi nito naipinta ang itsura ni Hesus. Naantig si Hesus sa pananalig na ito ng hari ng Edessa, kaya't humawak siya ng isang tela at idinikit sa sariling mukha. Ibinigay ni Hesus ang telang nalimbagan ng kaniyang wangis sa pintor. Sinabi ni Hesus na dalhin ito ng pintor pabalik sa hari ng Edessa. Nangako rin si Hesus na magpapadala siya ng isang taong makapagpapagaling sa sakit ng hari. Si Hudas Tadeo ang sinugo ni Hesus para pawiin ang karamdaman ng haring may pananalig kay Hesukristo.[3]
Tingnan din
baguhin- Sulat ni Hudas (hindi ito ang Ebanghelyo ni Hudas)
- San Expedito
Mga sanggunian
baguhin- ↑ English, Leo James (1977). "Hudas, Judas". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 2.0 2.1 Abriol, Jose C. (2000). "Sulat ni Hudas, Judas na kapatid ni Santiago, Tadeo". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 3.11 3.12 "St. Jude Thaddeus." Devotional Exercises and Novena Prayers, Archdiocesan Shrine of St. Jude Thaddeus, Divine Word Missionaries, Gerard Kloesters, S.V.D. (nihil obstat), Alphonse Lesage (imprimi potest), Msgr. Jose N. Jovellanos, P.A., V.G. (imprimatur), Catholic Trade (Manila) Inc. (tagapaglathala), Hinglimco Enterprises, Inc. (tagapaglimbag) Maynila, Pilipinas, 1977.
- ↑ "Prayer to St. Jude," isang polyetong dasalan, Tan Books and Publishers, Inc., Illinois.
- ↑ Isinalin mula sa Ingles na: "Be mindful of the words which have been spoken before by the Apostles."