Sulat sa Bagong Tipan

(Idinirekta mula sa Sulat na nasa Bibliya)
Bagong Tipan ng Bibliya

Ang mga sulat ay mga aklat na bahagi ng Bagong Tipan ng Bibliya. Matatagpuan ang mga liham na ito pagkaraan ng Aklat ng mga Gawa ng mga Alagad. Sapagkat inakdaan ng mga naunang pinuno ng Simbahang Kristiyano, may layunin ang mga sulat na ito na makapagbigay ng mga gabay o patnubay sa gawi kung paano mamuhay bilang tunay na Kristiyano.[1] Bumubuo ang pangkat ng mga liham na ito sa ikalawang pangunahing kahatian ng Bagong Tipan ng Bibliya.[2]

Sanligang pangkasaysayan

baguhin

Dahil sa pagkakaroon ng simula ng pagsali ng mga mamamayan sa pangkat ng mga Kristiyano, kinailangang sagutin ng mga naunang pinuno ng mga nanalig kay Kristo ang mga lumilitaw na mga katanungan. Kinailangan din nilang sugpuin ang mga nagaganap na mga suliranin at mga pagtatalo. Mayroon din mga pakikipag-ugnayan silang natanggap mula sa mga bagong Kristiyano ng kanilang mga kapanahunan. Nagbunga ang mga tanong, kaguluhan, problema, at hindi pagkakasundo sa pagkakaroon ng mga liham o sulat na ito, kasabayan ng pagsulat ng mga ebanghelyo. Pinangalagaan ng mga nakatanggap ng mga liham na ito ang mga kanilang mga sipi, nagtabi ng mga kopya, at unti-unting pinagtipun-tipon hanggang sa maging bahagi ng Bibliya. Nakasama sila ng mga Mabuting Balita o Ebanghelyo at mga opisyal na panitikang Kristiyano dahil sa katangian at kahalagan ng kanilang mga nilalaman.[2]

May-akda ng mga sulat

baguhin

Kabilang sa mga umakda ng mga liham na nagbibigay ng mga kasagutan, mga mungkahi, at nagsilbi ring pamuksa sa mga alitan at suliranin ng mga sinaunang Kristiyano sina Pablo ng Tarsus, Santiagong anak ni Cleofas, Juan ang Alagad, Simon Pedro, at iba pa. Mayroon ding mga liham na hindi natitiyak kung sino ang may-akda. Isang halimbawa ng anonimong sulat ang Sulat sa mga Hebreo.[2]

Pagkakapangkat-pangkat

baguhin

Sa pangkalahatan, mayroong dalawampu't isang aklat na liham o sulat sa Bagong Tipan ng Bibliya.[1] May dalawang pangunahing pagkakahati ang mga sulat na ito: una, ang mga Paulinong Sulat o ang mga Sulat ni San Pablo, at ikalawa: ang mga Sulat na Panlahat o mga Katolikong Liham,[2] na tinatawag ding mga Sulat Pandaigdig.[3]

Mga Sulat ni San Pablo

baguhin

Kabilang sa mga naisulat ng mga sinaung pinuno ng Kristiyanismo ang labintatlong sulat na inakdaan ni San Pablo ng Tarsus - ang mga Sulat ni San Pablo, na kilala rin bilang mga Paulinong Liham o kaya mga Paulinong Sulat (Pauline Espistles sa Ingles)[2] - na ipinadala sa mga lokal na parokya o simbahan, na siya mismo ang nagtatag. Nagsimulang kumalat ang mga sulat ni San Pablo mula noong 51 AD, mga dalawampung taon pagkaraan ng pagpanaw at muling pagkabuhay ni Hesus. Nasulat na ang mga liham ni Pablo bago pa man maisatitik ang mga Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos, San Lucas, at San Juan. Ang Sulat sa mga taga-Tesalonica ang naging pinakauna sa mga liham na isinulat ni Pablo. Naglalaman ang mga liham ni Pablo ng mga kilala at naging bantog na mga pangungusap sa panitikan ng daigdig.[1]

Mga Katolikong Liham

baguhin

Tinawag na mga Katolikong Liham - mga Sulat na Panlahat, Pandaigdigang mga Liham, mga Epistolaryong Katoliko, mga Sulat Pandaigdig[3] - ang mga pangkat na ito sapagkat itinuturing na pandaigdigan o pangkalahatan ang mga sulat na bumubuo rito. Nauukol ang mga sulat na ito sa "iba't ibang katipunang Kristiyano" ng Simbahan.[3] Sa diwang ito, nangangahulugang pandaigdigan ang salitang Katoliko. Walang partikular na simbahan o parokyang pinadalhan o tinutukoy ang mga liham na ito, kaya't itinuring na panglahat o pandaigdigan. Binubuo ang mga ito ng pitong liham: ang Sulat ni Santiago; ang Mga Sulat ni Pedro na binubuo ng dalawang liham ni San Pedro (ang Una at Ikalawang Sulat ni Pedro; ang Mga Sulat ni Juan na bungkos ng tatlong liham mula kay San Juan (ang Una, Ikalawa, at ang Ikatlong Sulat ni Juan; at ang Sulat ni Hudas. Katulad ng kalipunan ng mga sulat ni San Pablo, naisulat ang mga Katolikong Liham dahil sa pagkakaroon ng mga partikular na suliran at mga pag-aalitang kaugnay ng teolohiya. Naglalarawan at nagsasalamin ang mga ito ng isang kontrobersiyang naganap sa sinaunang Simbahang Kristiyano hinggil sa kalikasan ni Hesus na naging Kristo, na kinasasangkutan ng mga interpretasyon o pananaw at pagbibigay kahulugan hinggil sa katauhan ni Kristo.[2]

Iba pang mga liham

baguhin

May dalawa pang sulat na napabilang din sa pangkat ng mga liham na matatagpuan sa Bagong Tipan ng Bibliya. Ito ang Sulat sa mga Hebreo at ang Aklat ng Pahayag o ang Aklat ng Apokalipsis.[2]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 Reader's Digest (1995). "Introduction to the Old and New Testaments, pahina 16". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 "New Testament, pahina 161-162". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 Abriol, Jose C. (2000). "Paliwanag na nasa Sulat ni Santiago". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 1766.