Ang isang warung (lumang baybay: waroeng o warong) ay isang maliit na negosyo na pagmamay-ari ng isang pamilya — isang maliit na tingian, kainan, karinderya o kapihan — sa Indonesia.[1] Mahalagang bahagi ang warung sa pang-araw-araw na buhay sa Indonesia. Sa paglipas ng panahon, medyo naiba ang kahulugan ng katawagang warung — lalo na sa mga banyagang bisita, mga naninirahan sa Indonesia na mula sa ibang bansa, at mga taong nasa labas ng Indonesia — at naging isang katawagan upang tukuyin ang mas partikular na disenteng kainan sa Indonesia o partikular na lugar sa Indonesia na nagbebenta ng tingi-tingi (karamihan groseri o pagkain).[2] Subalit para sa nakakarami sa mga taga-Indonesia, nanatili ang kahulugan ng katawagan bilang isang maliit na kapitbahay na tindahan, na kadalasang nasa harapan laman ng tahanan ng isang mag-anak.

Isang warung sa nayon sa Garut, Kanlurang Java, Indonesia.

Maraming mga establisyemento sa pulo ng Bali kung saan dinadalaw madalas ng mga turista at saan man sa Indonesia ay kinakabit ang katawagang warung sa kanilang negosyo upang ipahiwatig na likas itong Indonesiyo.[3] Sa tradisyon, talaga namang pagmamay-ari ng isang pamilya ang warung na pinapatakbo ng mga miyembro ng pamilya, na kababaihan ang karamihan.[4]

Gawa ang tradisyunal na warung sa kahoy, kawayan o pawid na mga materyal. Gawa naman ang mga mas permanenteng warung sa mga laryo o konkreto, na ilan sa mga negosyong pagmamay-ari ng pamilya ay nakakabit sa kanilang mga tahanan. May mas maliliit na mga warung na puwedeng dalhin kahit saan ay gawa sa lata, sink o molde ng fiberglass na ginagamit ng ilang mga makabagong bersyon. Isa ring warung na may portabilidad ang warung tenda na isang toldang warung na tinatakpan ng kanbas, tela o tarpaulin o plastik para maging bubong.

Terminolohiya

baguhin
 
Isang imahe noong ika-19 na dantaon ng warung sa panahong kolonyal

Ipinapahiwatig ang katawagang warung ng isang malawak na kategorya ng maliliit na mga negosyo, na maaring tindahang tingian o kainan. Malawak na ginagagmit ang katawagan sa Java at karamihan sa Indonesia. Sa ilang bahagi ng Sumatra at Tangway ng Malaya, ginagamit din ang salitang kedai. Sa mga lugar ng mga kulturang Javanes, tulad ng sa Yogyakarta, Semarang at Surakarta, katumbas nito ang katawagang wedhangan o angkringan na mas karaniwang nakikita.[4] Sa kabilang banda, ginagamit ang katawagang toko para sa mas malaking nakatayong tindahan.

Maari din maluwag na gamitin ang katawagan sa maraming uri ng tindahan, kabilang ang wartel (pinaikling warung telepon, na isang tinataong puwesto na may telepono) at warnet (pinaikling warung internet, na isang Internet café).

Iba't ibang uri

baguhin

Maraming uri ang warung, na ilan sa mga ito ay nasa anyo ng maliit na tindahan na nagbebenta ng malamig na nakaboteng inumin, kendi, sigarilyo, meryenda, kropek at ibang pangangailangan sa araw-araw, habang ang mas malalaking uri ay mga malilit na kainan o karinderya. Tipikal na nagbebenta ang isang warung ng lokal na pagkain; pisang goreng at maraming uri ng gorengan, nasi goreng (sinangag), at mie goreng (pansit).

Sa bakasyunang pulo ng Bali at Lombok, maaring tumukoy ang warung sa mga pang-akit sa turista na cabana cafe na nagbebenta ng mga lokal na paborito at gayon din ang mga pagkain mula sa Asya o sa Kanluraning mundo. Maliban sa mga lutuing Indonesiyo, maaring naglalaman sa kanilang menu ang mga mapagpipiliang sabaw, pilete, fries, pinalamanang tinapay o inihaw na isda.

Ito ang ilan sa mga uri ng warung:

  • Warung rokok o karaniwang warung — isang napakaliit na tindahan sa bangketa, na gawa sa kahoy, kawayan o lata. Sumusukat ang karamihan sa mga ito ng hindi hihigit sa 2 x 1 metro (6.56 x 328 talampakan). Nagtitinda sila ng rokok (sigarilyo), malamig na nakaboteng inumin, meryenda, kendi, kropek, sabon, toothpaste at iba pang pangangailangan sa araw-araw. Ito ang pinakakaraniwang warung na umusbong sa mga lugar ng pamahayan, sa mga pook ng mga maralitang-lungsod, sa bangketa, at nakasingit sa pagitan ng matataas na gusali.
  • Warkop o warung kopi — isang maliit na kapihan o kapeterya na nagbebenta ng kape at meryenda, tulad ng mani, rempeyek, kropek, pisang goreng at tinapay. Sa isang panahon sa Indonesia, naging mas popular ang katumbas na kopi tiam mula sa Malaysia at Singapore kaysa sa lokal na warung kopi. Sa tradisyon, nagsisilbi ang warung kopi bilang isang lugar ng pagtitipon upang makipaghalubilo ang mga kalalakihan ng nayon at makipagpalitan ng balita. Sa paglipas ng panahon, umusbong ang mga kapeng may espesyalidad na naudyukan ng pagtaas ng interes ng mga lokal sa dekalidad na kape. Bilang resulta, lumago ang mga kapihan, mula sa abang warung kopi hanggang sa magarbong kapeterya na nagbebenta ng artesano at mataas na uring kapeng may espesyalidad.[5]
  • Warung nasi — isang maliit na kainan na nagbebenta ng nasi (kanin) kasama ang ibang ulam o lutuin sa Indonesia. Imbis na magkakahiwalay na hapag-kainan at upuan, isang mahabang komunal na baras at bangko ang ginagamit ng mga kustomer upang makakain.
  • Warteg o warung tegal — isang mas partikular na warung nasi, na itinayo ng mga Javanes mula sa bayan ng Tegal sa Gitnang Java. Nagbebenta sila ng mga paboritong lutuing Javanes at kanin, na ang iba't ibang luto ay nakaayos sa estanteng yari sa salamin. Kilala ang mga ito sa pagbebenta ng pagkain sa katamtamang presyo, na sikat sa mga nagtratrabaho sa lungsod tulad ng mga manggagawang mababa ang kasanayan.
  • Warung padang — isang maliit na restawran na Padang. Kadalasang mayroon itong baras at bangko imbis na mesa at silya, at minsan, mas kaunti lamang ang mga lutuin dito. Ang mas malaki at mas matagal nang kainang Pedang ay tinatawag sa halip na rumah makan padang o restawan na Padang.
  • Warung jamu — partikular na nagbebenta ng jamu na tradisyunal na halamang gamot.
  • Warnet o warung internet — isang Internet cafe.
  • Wartel o warung telepon — isang tinatauhang puwesto na may telepono.

Kadalasan, ipinapangalan ang warung sa pangunahing lutuin na binibenta nila. Halimbawa, nagbebenta ng bubur kacang hijau ang warung bubur kacang ijo o warung burjo. Nagbebenta ng inihaw ng tinapay ang warung roti bakar habang nagbenta naman ng pecel lele o pritong hito na may sambal ang warung pecel lele. Ang warung indomie naman ay nagtitinda ng nilutong instant noodles, bagaman, hindi parati Indomie ang tatak.

Galerya

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Warung and Streetfood" (sa wikang Ingles). Bali.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 11 Pebrero 2015. Nakuha noong 11 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Suharmoko, Aditya (17 Pebrero 2013). "London-based Indonesian 'warung' feels like home". The Jakarta Post (sa wikang Ingles). Nakuha noong 11 Pebrero 2015.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Warung Bumbu Mertua, Offers Delicious Javanese Cuisine to Tourists". Bali Times (sa wikang Ingles). 2 Disyembre 2013. Nakuha noong 11 Pebrero 2015.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 Paule, Willow (26 Agosto 2014). "In Yogyakarta 3 women run 3 very different 'warung'". The Jakarta Post (sa wikang Ingles). Nakuha noong 11 Pebrero 2015.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Arlina Arshad (18 Marso 2017). "Coffee lovers fuel surge in speciality cafes in Indonesia". Strait Times (sa wikang Ingles).{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
baguhin