Samalamig

mga matamis at pinalamig na inumin sa Pilipinas
(Idinirekta mula sa Kalamansi palamig)

Ang samalamig, na tinatawag ding palamig, ay tumutukoy sa mga samu't saring inumin sa Pilipinas na matamis at pinalamig. Kadalasan may mga malagulamang sangkap ito at may iba't ibang lasa. Ibinebenta ito ng mga tindero sa kalye bilang pampalamig. Kabilang sa mga sangkap nito ang gulaman, sago, kaong, sagong itim, nata de coco, at buko (katulad ng makapuno). Ginagamit din ang mga iningles na pangalan sa pagtukoy rito: pearl coolers o pearl and jelly coolers.[1]

Samalamig
Mga samalamig na ibinebenta ng tindero sa Malabon
UriInumin
Bansang pinagmulanPilipinas
KasangkapanSamu't sari, basahin ang teksto

Maaari ring tumukoy ang samalamig sa mga pinalamig na katas ng prutas (na may kasamang tipak-tipak ng prutas), tsokolate, at kape, may gulaman man o wala, na ibinebenta rin ng mga tindero ng samalamig.[2]

Pangalan

baguhin
 
Kalamansi palamig

Ang pangalang "samalamig" ay kombinasyon ng mga salitang sa at malamig. Maaaring nagmula ang "sa malamig" sa mga sigaw ng mga tinderong naghihikayat sa mga tao na bumili ng malamig na inumin sa kanila, i.e. "[Dito] sa malamig". Sa gayon, maaaring tumukoy ang "sa malamig" sa mga samu't saring inumin na nasa loob ng mga malalamig na lalagyan, i.e. ang katas ng buko ay "buko sa malamig" at ang sago't gulaman ay "sago't gulaman sa malamig", ngunit hindi na sinasabi ang buong pangalan. Tinatawag din itong palamig.[1][3]

Paglalarawan

baguhin

Hindi tumutukoy ang samalamig sa isang uri ng inumin lamang. Tumutukoy ito sa mga inuming ibinebenta nang malamig ng mga tindero sa kalye. Kaya masusumpungan ang iba't ibang lasa at uri nito. Kinaugaliang ibenta ito ng mga tindero sa kalye sa tag-init, ngunit makikita na rin ito sa mga restawran. Sa mga bersyon sa restawaran, madalas na pinapatungan ang inumin ng ginadgad na yelo.[1][4][3]

Mga uri

baguhin
 
Buko pandan na may pinipig
 
Ginumis
 
Sago at gulaman (harap) at halo-halo (likod)

Nakalista sa ibaba ang mga pinakakilalang uri ng samalamig. Subalit maaaring baguhin o modipikahin ang mga resipi; bahala ang magtitimpla. Walang set na resipi para sa samalamig. Ang karaniwang katangian ng ganitong inumin ay inihahain nang malamig, na may yelo. Nilalagyan din ang mga ito ng malahelatinang sangkap o mga tipak ng prutas.[3]

Buko palamig

baguhin

Ang buko palamig ay tubig ng niyog na pinalamig, na hinaluan ng mga pahabang piraso ng buko. Maaari itong patamisin o hindi. Minsan dinaragdagan din ito ng gatas.[3]

Buko pandan

baguhin

Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, tumutukoy ang buko pandan sa kombinasyon ng buko at pandan, mga karaniwang lasa sa lutuing Pilipino. Isa itong panghimagas na gawa sa kinayod na buko, dahon ng pandan, at iba't ibang gulaman na hinalo sa gata. Halos pareho ang inumin na bersyon, pero mas malabnaw at mas marami ang likido nito. Tulad ng panghimagas, mapusyaw na luntian ang kulay ng inuman na galing sa mga dahon ng pandan, at kinukulayan din ang mga gulaman nang ganitong kulay.[5]

Kalamansi palamig

baguhin

Ang kalamansi palamig, kilala rin bilang "limonada ng Pilipinas", ay katumbas ng limonada sa Pilipinas, na gawa sa katas ng pinigang kalamansi, pinatamis ng asukal o pulot-pukyutan, at pinapalamig. Maaari rin itong maging batayan para sa mga ibang uri ng samalamig kung daragdagan ito ng prutas. Bukod sa paggamit nito sa samalamig, karniwang iniinom ang katas ng kalamansi sa mga sambahayang Pilipino. Kapag mainit at hindi pinatamis, ipinangreremedyo ito sa bahay para sa pamamaga ng lalamunan o sipon. Maaari rin itong ihalo sa salabat.[6][7]

Ensaladang buko palamig

baguhin

Ang ensaladang buko palamig o buko salad drink ay halos kapareho ng ensaladang prutas ng Pilipinas, na inihahanda na may tipak ng prutas, gulaman, at kinayod na buko sa kondensada. Ang pagkakaiba lamang nito ay mas maraming idinagdag na tubig at kondensada sa inumin.[3][8]

Ginumis

baguhin

Kung minsan ang ginumis ay itinuturing na uri ng halo-halo dahil panghimagas ito na gawa sa ginadgad na yelo. Sinasahugan ito ngsago, pinipig, mga samu't saring gulaman, at gata sa ginadgad na yelo. Kagaya ng halo-halo, maraming klase nito. Nanggaling ito sa mga lahing Hiligaynon.[9][10][11][12]

Melon sa malamig

baguhin

Ang melon sa malamig, na tinatawag ding melon chiller, melon cooler, o kahit melon juice minsan, ay sa paano man, mga piraso ng melon na hinalo lang sa asukal at tubig. Sa mga ibang resipi, tinitimplahan ito ng ebaporada o kondensada. Subalit kung may hinalong gatas, dapat inumin ito agad-agad, dahil sinisira ng mga proteolytic enzyme sa melon ang mga protina ng gatas, at papait ang inumin kung naiwanan.[13][14][15][16]

Sago at gulaman

baguhin

Ang sago at gulaman, na pinaiikli sa "sago't gulaman" o kahit "gulaman" lang, ay ang pinakakaraniwang uri ng samalamig. Tumutukoy ang pangalan sa mga pangunahing sangkap ng inumin, sago at gulaman (agar). Pinapalasa ito ng maskabado (o pulang asukal), at dahon ng pandan. Maaari ring palitan ang pandan ng ekstrakto ng baynilya o saging. Karaniwang pinapalitan din ang sago ng sagong itim.[1][4][3][17]

Minatamis na mais palamig

baguhin

Ang minatamis na mais palamig ay kahawig ng mais con hielo, ngunit wala itong ginadgad na yelo. Gawa ito sa mga butil ng mais na hinalo sa gatas na may gulaman.[3]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 "Sago at Gulaman Pandan Samalamig (Pearl and Jelly Pandan Coolers)". Pinoy Kusinero. Inarkibo mula sa orihinal noong Enero 29, 2019. Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Healthy 'samalamig' recipes to cool down summer" [Masustansyang resipi ng 'samalamig' na pampalamig sa tag-init]. GMA News Online (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 "Palamig (Coolers)". The Peach Kitchen (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 "Sago't Gulaman". Foxy Folksy. Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Buko Pandan Drink" [Inuming Buko Pandan]. Kawaling Pinoy (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Calamansi Juice (Filipino Lemonade)". The Little Epicurean (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "Calamansi Juice" [Kalamansi Palamig]. Kawaling Pinoy (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Buko Salad Drink" [Ensaladang Buko Palamig]. Kawaling Pinoy (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Guinomis Recipe" [Resipi ng Ginumis]. Pinoy Recipe at iba pa (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "How to make Guinomis – Sago, Pinipig and Gulaman in Coconut Milk" [Paano gumawa ng Ginumis – Sago, Pinipig at Gulaman sa Gata]. Asian in America (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "Guinomis Recipe (How to make Guinomis)" [Resipi ng Ginumis (Paano Gumawa ng Ginumis)]. Pilipinas Recipes (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. "A Cool Vegetarian Dessert" [Isang Malamig na Panghimagas Pangbehetaryano]. Lakbay Masa (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Melon Chiller" [Melon sa malamig]. Kawaling Pinoy (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. "Melon Juice" [Melon Palamig]. Ang Sarap (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. "Melon sa Malamig (Filipino Cantaloupe Drink)". Tara's Multicultural Table (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. "Melon Sa Malamig (Filipino Melon Drink)". CUESA (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. "Sago't Gulaman Palamig Recipe". Kusina Master Recipes. Inarkibo mula sa orihinal noong Enero 29, 2019. Nakuha noong Enero 29, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)