Kasaysayan ng Hilagang Korea

Ang kasaysayan ng Hilagang Korea ay nagsimula sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945. Ang pagsuko ng Imperyo ng Hapon ay humantong sa pagkakahati ng Korea sa ika-38 parallel, kung saan sinakop ng Unyong Sobyetiko ang hilaga habang kinuha ng Estados Unidos ang timog. Nang mabigo ang dalawang kapangyarihan na magkasundo sa pag-iisa ng bansa, nagtatag sila ng dalawang magkahiwalay na pamahalaan: ang estadong sosyalista na Republikang Bayang Demokratiko ng Korea ang nabuo sa hilagang bahagi ng tangway sa kaibhan ng estadong kapitalista na Republika ng Korea sa timog.

Mapa ng Hilagang Korea, opisyal na Republikang Bayang Demokratiko ng Korea, na tinatakpan ng bandila nito.

Ang mga lumagong tensyon sa pagitan ng dalawaang pamahalaan ay naghudyat sa Digmaang Koreano, na nagsiklab noong 25 Hunyo 1950 nang tumawid ang Hukbong Bayan ng Korea sa ika-38 hilera at sinalakay ang timog. Nakialam ang EUA, Nasyones Unidas, at Tsina at nagpatuloy ang labanan hanggang 27 Hulyo 1953 nang nilagdaan ng Komando ng Nasyones Unidas, Hukbong Bayan ng Korea, at Hukbong Bayan ng mga Boluntaryo ang Kasunduang Pang-armistisyo ng Korea. Pagkatapos ay naitatag ang Sonang Desmilitarisado ng Korea upang maglingkod bilang bagong hangganan sa pagitan ng dalawang bansa.

Itinitatag muli ang Hilagang Korea sa ilalim ng pamumuno ni Kim Il-sung. Sa panahon ng kanyang pangangasiwa ay itinaguyod niya ang Juche bilang ideolohiyang pampamahalaan ng kanyang estado, na iginiit ang kasarinlan sa politika, ekonomiya, at militar. Pinurga niya ang mga kasaping maka-Sobyetiko at maka-Tsino sa Partido ng mga Manggagawa ng Korea at tinutulan ang DeseStalinisasyon sa Unyong Sobyetiko at Himagsikang Pangkalinangan sa Tsina. Namahala siya sa Hilagang Korea hanggang sa kanyang kamatayan noong 1994, kung saan hinalinhan siya ng kanyang anak na si Kim Jong-il, ginagawa ito bilang unang komunistang dinastikong paghahalili. Sa pagbuwag ng mga estadong komunista sa Silangang Bloke noong 1989 at Unyong Sobyetiko noong 1991 ay bumagsak ang ekonomiya ng bansa noong dekada 1990, na humantong sa matinding taggutom (opisyal na kilala bilang Martsa ng Pagdurusa) na nagganap noong 1994 hanggang 1998. Pumatay ito ng tinatayang 240 libo hanggang 3.5 milyong tao. Sa panahong ito ay itinaguyod ni Kim ang patakarang Songun, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng militar sa politika at lipunan. Namahala siya hanggang sa kanyang pagkamatay noong 2011, kung saan sinundan siya ng kanyang anak na si Kim Jong-un. Pinabilis niya ang programang nukleyar ng bansa, na nagdulot ng kontrobersya sa madlang internasyonal, partikular na sa Estados Unidos na itinatagurian ng Hilagang Korea bilang pangunahing kaaway nito.

Pagkakahati ng Korea (1945-1948)

baguhin

Sobyetikong Pangasiwaang Sibil

baguhin
 
Pagdiriwang sa pagdating ng Hukbong Pula sa Pyongyang noong 14 Oktubre 1945.

Nangako ang Unyong Sobyetiko sa Komperensya ng Tehran noong Nobyembre 1943 at Komperensya ng Yalta noong Pebrero 1945 na sasamahan nito ang kanyang mga kaalyado sa Digmaang Pasipiko sa loob ng tatlong buwan ng tagumpay sa Europa. Noong 8 Agosto 1945, tatlong buwan matapos ang tagumpay, ay nagdeklara ang Unyong Sobyetiko ng digmaan laban sa Imperyo ng Hapon.[1]:82 Mabilis na sumulong ang mga tropang Sobyetiko, at nabahala ang pamahalaang Amerikano na baka masakop nila ang buong Korea. Noong Agosto 10, nagpasya ang pamahalaan ng Amerika na imungkahi ang ika-38 hilera bilang linya ng paghahati sa pagitan ng sonang sasakupin ng URSS sa hilaga at ng sonang sasakupin ng EU sa timog. Tinanggap ng Unyong Sobyetiko ang paghahati, at ang kasunduan ay isinama sa Pangkalahatang Utos Blg. 1 para sa pagsuko ng Hapon.[2]:18 Inaprubahan ang utos noong 17 Agosto 1945, at nailagay ng labing anim na milyong Koreano sa sonang Amerikano at siyam na milyon sa sonang Sobyetiko.[3]:53

 
Watawat ng Republikang Bayan ng Korea.
 
Watawat ng Sobyetikong Pangasiwaang Sibil. Ito rin ang naging watawat ng Unyong Sobyetiko noong 1924 hanggang 1955.

Sinimulan ng mga puwersang Sobyetiko ang kanilang mga paglapag sa Korea noong Agosto 14 at mabilis nilang naikuha ang hilagang-silangan, at noong Agosto 16 ay dumaong sila sa Wonsan.[4]:86 Nakarating ang Hukbong Pula sa Pyongyang noong Agosto 24 at itinatag nila ang Sobyetikong Pangasiwaang Sibil.[2]:18 Ito ang panahon noong umusbong ang iilang Komiteng Bayan sa Korea. Kaakibat ang mga ito sa Komite sa Paghahanda ng Kasarinlan ng Korea, na noong Setyembre ay nagtatag ng Republikang Bayan ng Korea sa ilalim ng pamamahala ni Lyuh Woon-hyung. Hindi tulad ng kanilang mga Amerikanong katapat, kinilala at nakipagtulungan ang mga Sobyetikong awtoridad sa mga Komiteng Bayan.[5]:105-107 Nang pumasok ang mga tropang Sobyetiko sa Pyongyang, natagpuan nila ang isang Komiteng Bayang pampook na pinamunuan ng makabansang Kristiyanong beteranong Cho Man-sik.[kailangan ng sanggunian] Ayon sa ilang salaysay, si Cho Man-sik ang naging unang pili ng pamahalaang Sobyetiko na mamuno sa Hilagang Korea.[6]:12[7]:23

Dumating si Kim Il-sung at 66 na iba pang opisyal ng Hukbong Pula ng Korea sa Wonsan noong Setyembre 19. Nakipaglaban sila sa mga Hapones sa Mantsurya noong dekadang 1930 ngunit nanirahan sa Unyong Sobyetiko at nagsanay sa Hukbong Pula mula noong 1941. Noong Oktubre 14, ipinakilala ng mga Sobyetikong awtoridad si Kim sa publiko ng Hilagang Korea bilang isang bayaning gerilya.[kailangan ng sanggunian] Pinagsama-sama ang mga komiteng lokal ng Partido Komunista noong Disyembre 18, 1945 upang mabuo ang Partido Komunista ng Hilagang Korea. Sa parehong buwan naman sa Komperensya sa Mosku ng mga Ministrong Dayuhan ay sumang-ayon ang Unyong Sobyetiko sa isang panukala ng EU para sa isang pagkakatiwala sa Korea hanggang sa limang taon para sa kasarinlan. Humiling agad ang karamihan sa mga Koreano ng kalayaan, ngunit sinuportahan ni Kim at ng iba pang komunista ang pagkakatiwala sa ilalim ng panggipit ng pamahalaang Sobyetiko. Tinutulan ni Cho Man-sik ang panukala sa isang pampublikong pagpupulong noong 4 Enero 1946, at nawala siya sa publiko sa pamamagitan ng pag-arestong bahay.[kailangan ng sanggunian]

Komiteng Bayang Probisyonal ng Hilagang Korea

baguhin
 
Watawat ng Komiteng Bayang Probisyonal ng Hilagang Korea.
 
Pagdiriwang ng pagkatatag ng Komiteng Bayang Probisyonal ng Hilagang Korea noong 8 Pebrero 1946.

Nagkaroon ng pagpupulong ang mga partidong pampolitika, organisasyong panlipunan, komiteng bayan, at kawanihang pampangasiwaan noong 8-9 Pebrero 1946 sa Hilagang Korea na nagtatag ng Komiteng Bayang Probisyonal ng Hilagang Korea. Lumahok sa pulong ang 137 kinatawan na kinabibilangan ng dalawang kinatawan mula sa Partido Komunista ng Korea, dalawang kinatawan mula sa Partido Demokratiko ng Korea, dalawang kinatawan mula sa Alyansang Kasarinlan, dalawang kinatawan mula sa Pederasyong Pangkalahatan ng mga Unyong Paggawa, dalawang kinatawan mula sa Pederasyong Pangkalahatan ng mga Unyong Magbubukid, isang kinatawan mula sa Liga ng Kababaihan, isang kinatawan mula sa Liga ng Kabataang Demokratiko, isang kinatawan mula sa mga asosasyong relihiyoso, isang kinatawan mula sa Asosasyong Pangkalinangang Korea-Sobyetiko, 11 puno ng mga kawanihang pampangasiwaan at mga kinatawan mula sa mga komiteng bayan. Ang bagong komiteng pinangunahan ng mga komunista ay pinamunuan ni Kim Il-sung. Gumawa ng ulat si Kim tungkol sa sitwasyong pampolitika ng Hilagang Korea at ang isyu ng paglikha ng isang komiteng bayang probisyonal sa unang araw ng pulong. Muling inorganisa ang mga Komiteng Bayan bilang Interim Komiteng Bayan. Sinundan ito sa sumunod na araw ng halalan ng 23 kasapi ng Komiteng Bayang Probisyonal ng Hilagang Korea, kung saan naihalal si Kim Il-sung bilang tagapangulo, Kim Tu-bong bilang pangalawang tagapangulo at Kang Ryang-uk bilang kalihim-heneral.[8] Binuo ang komite ng sampung kagawaran at tatlong kawanihan, na sa kalaunan ay nadagdagan ng isa. Si Han Hui-jin ay pinalitan ni Ho Nam-hui bilang puno ng kagawaran ng transportasyon, at si Han Tong-chan ay pinalitan ni Jang Si-u bilang puno ng kagawaran ng komersyo. Sa kalaunan ay naging pinuno ng kagawaran ng paggawa si O Ki-sop kasunod ng paglikha nito noong Setyembre 1946, kung saan si Ri Chong-won ang naging bagong puno ng kawanihan ng propaganda. Nanatiling gumana ang Sobyetikong Pangasiwaang Sibil kasabay nito ngunit naglingkod lamang bilang tagapayo. Sa kabuuan, naglingkod ang komite bilang de factong pamahalaang probisyonal sa lugar na nagsagawa ng mga reporma tulad ng repormang panlupa at pagsasabansa ng mga industriyang pangunahin alinsunod sa 20-Puntong Plataporma na inisyu ni Kim Il-sung noong Marso 1946.[9][10] Ang mga punto sa programa at opisyal sa komite ay nakatala sa ibaba:

 
Sina Pak Chong-ae (ikalawa mula sa kaliwa), Kim Il-sung (gitna), at Kim Tu-bong (ikalawa mula sa kanan) sa magkasamang pagpupulong ng Bagong Partidong Bayan ng Korea at Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea sa Pyongyang noong 28 Agosto 1946.
Posisyon Pangalan Partidong Kinakasapian
Tagapangulo Kim Il-sung Partido Komunista
Pangalawang Tagapangulo Kim Tu-bong Alyansang May Kasarinlan
Kalihim-Heneral Kang Ryang-uk Partido Demokratiko ng Korea
Kagawaran ng Industriya Ri Mun-hwan May Kasarinlan
Kagawaran ng Transportasyon Han Hui-jin May Kasarinlan
Kagawaran ng Agrikultura at Panggugubat Ri Sun-gun Partido Komunista
Kagawaran ng Komersyo Han Tong-chan May Kasarinlan
Kagawaran ng Serbisyong Pangkoreo Jo Yong-yol Partido Komunista ng Korea
Kagawaran ng Pananalapi Ri Pong-su Partido Komunista ng Korea
Kagawaran ng Edukasyon Jang Jong-sik Partido Komunista ng Korea
Kagawaran ng Kalusugan Yun Ki-yong Partido Demokratiko ng Korea
Kagawaran ng Katarungan Choe Yong-dal Partido Komunista ng Korea
Kagawaran ng Seguridad Choe Yong-gon Partido Demokratiko ng Korea
Kawanihan ng Pagpaplano Jong Jin-tae Partido Komunista ng Korea
Kawanihan ng Propaganda O Ki-sop Partido Komunista ng Korea
Kawanihan ng Ugnayang Pangkalahatan Ri Ju-yon Partido Komunista ng Korea
  1. Linising ganap ang lahat ng labi ng dating imperyalistang paghaharing Hapones sa pampolitika at pang-ekonomiyang buhay sa Korea.
  2. Buksan ang walang-awang pakikibaka laban sa mga elementong reaksyonaryo at kontra-demokratiko sa loob ng bansa, at ganap na ipagbawal ang mga aktibidad ng mga partido, grupo at indibidwal na pasista at kontra-demokratikong.
  3. Igarantiya ang mga kalayaan sa pagsasalita, pamamahayag, pagpupulong at pananampalataya sa lahat ng tao. Igarantiya ang kondisyon para sa mga malayang aktibidad ng mga demokratikong partidong politikal, mga asosasyong manggagawa, mga asosasyon ng mga magbubukid, at iba pang mga demokratikong organisasyong panlipunang.
  4. Hayaan ang buong bayang Koreano na magkaroon ng tungkulin at karapatang mag-organisa ng mga komiteng bayan, ang mga pinag-isang institusyong pampangasiwaang lokal, sa pamamagitan ng mga halalang batay sa isang balotang panlahat, direkta, pantay at lihim.
  5. Igarantiya ang karapatang pantay sa lahat ng mamamayan anuman ang kasarian, pananampalataya at pagmamay-ari ng ari-arian.
  6. Ipilit ang hindi maaaring labagin ng paninirahan at tao, at ang garantiyang legal ng ari-arian at pag-aaring personal ng mga mamamayan.
  7. Buwagin ang lahat ng institusyong legal at hudisyal na ginamit noong panahon ng dating paghaharing imperyalistang Hapones at naimpluwensyahan din nito, at ihalal ang mga institusyong panghukumang bayan sa mga prinsipyong demokratiko at garantiya ng karapatang pantay sa ilalim ng batas para sa lahat ng mamamayan.
  8. Paunlarin ang mga industriya, sakahan, transportasyon at komersyo para sa pagtaas ng kapakanan ng bayan.
  9. Isabansa ang mga malalaking negosyo, institusyong pangtransportasyon, bangko, minahan at kagubatan.
  10. Payagan at hikayatin ang kalayaan sa pribadong gawaing kamay at komersyo.
  11. Kumpiskahin ang lupa mula sa mga taong Hapones, mamamayang Hapones, traydor, at mga may-ari ng lupa na nagsasagawa ng pagsasaka ng nangungupahan at ang pagbabasura sa sistema ng pagsasaka ng nangungupahan, at gawing mga ari-arian ng mga magsbubukid ang lahat ng nakumpiskang lupa nang walang bayad. Hayaang pangasiwaan ng estado ang lahat ng pasilidad ng patubig nang walang bayad.
  12. Makibaka laban sa mga espekulador at usurero sa pamamagitan ng pagsasabatas ng mga presyo sa pamilihan para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
  13. Magpatupad ng iisa at patas na sistema ng buwis, at magpatupad ng progresibong sistemang buwis sa kita.
  14. Magpatupad ng 8-oras na sistema ng trabaho para sa mga manggagawa at klerk sa opisina, at iregulado ang minimong sahod. Ipagbawal ang trabaho para sa mga lalaking sa baba ng edad na 13, at ipatupad ang 6 na oras na sistema ng trabaho para sa mga lalaking may edad na 13 hanggang 16.
  15. Magpatupad ng segurong pambuhay para sa mga manggagawa at klerk sa opisina, at magpatupad ng sistema ng seguro para sa mga manggagawa at negosyo.
  16. Magpatupad ng unibersal na compulsory education system, at malawakang palawakin ang mga primaryang paaralan, gitnang paaralan, mataas na paaralan at unibersidad sa ilalim ng pamamahala ng estado. Repormahin ang sistema ng edukasyon ng mamamayan alinsunod sa demokratikong sistema ng estado.
  17. Aktibong paunlarin ang pambansang kalinangan, agham at sining, at palawakin ang bilang ng mga teatro, aklatan, radyong istasyong pangbrodkast at mga teatrong pangsinehan.
  18. Malawakang maglagay ng mga paaralang espesyal para sa paglinang ng talentong kinakailangan sa lahat ng sektor ng mga pampamahalaang institusyon at ekonomiyang bayan.
  19. Hikayatin ang mga tao't negosyong nakikibahagi sa agham at sining, at magbigay ng tulong sa kanila.
  20. Palawakin ang bilang ng mga pampamahalaang ospital, puksain ang mga nakakahawang sakit, at gamutin ang mga mahihirap nang libre.
 
Mga botante ng Pyongyang na nakapila para sa mga halalang lokal ng Hilagang Korea noong ika-3 ng Nobyembre 1946.

Pagkatapos ay nagpasimula ng mga patakaran ang bagong pamahalaan tulad ng muling pamamahagi ng lupa, pagsasabansa ng industriya, reporma sa batas paggawa, at pagkakapantay-pantay para sa kababaihan. Noong 8 Marso 1946, ipinatupad ang repormang panlupa sa Hilagang Korea na nakita ang pagkumpiska ng lupa mula sa mga mamamayan at organisasyong Hapones, mga Koreanong katuwang, mga may-ari ng lupa, at mga organisasyong panrelihiyon. Ang lupang nakumpiska ay muling ipinamahagi sa 420,000 kabahayan. Kabuuang 52% ng lupain ng Hilagang Korea at 82% ng mga pagmamay-ari sa lupa ang muling ipinamahagi. Muling ipinamahagi ng repormang "lupa sa nagsasaka" ang bulto ng lupaing pang-agrikultura sa mahihirap at walang-lupang populasyong mambubukid na epektibong sinira ang kapangyarihan ng uring maylupa.[11] Noong 24 Hunyo 1946, ipinatupad ang isang 8-oras na araw ng trabaho, kung saan ang mga manggagawang sangkot sa trabahong mapanganib ay itinalaga sa isang 7-oras na araw ng trabaho. Ipinagbawal ang trabaho para sa mga taong nasa ibaba ng 14 taong gulang. Ipinatupad ang suweldong pantay at segurong panlipunan para sa mga manggagawa. Noong 22 Hulyo 1946, isang batas sa pagkakapantay-pantay ng kasarian sa Hilagang Korea ang ipinatupad. Naisabansa noong 10 Agosto 1946 ang 1,034 na pangunahing pasilidad sa industriya, o 90% ng kabuuang industriya sa Hilagang Korea ang naisabansa. Noong 27 Disyembre 1946, napagpasyahan na ang mga magsasaka sa Hilagang Korea ay magbibigay ng 25% ng kanilang ani bilang buwis sa agrikultura.[9]

 
Watawat ng Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea.

Sumibol ang iba't-ibang alyansa sa politika; noong Agosto 1946 ay nagsanib ang Partido Komunista ng Hilagang Korea at Bagong Partidong Bayan ng Korea upang mabuo ang Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea.[kailangan ng sanggunian] Nabuo ang Demokratikong Hanay para sa Muling Pagkakaisa ng Amang Bayan noong Hulyo 1946. Nagkaroon ng mga halalan noong Nobyembre 3 para sa komiteng bayang munisipal ng Pyongyang, 6 na komiteng bayang panlalawigan, 12 komiteng bayang panlungsod, at 90 komiteng bayang pankondado.[12] Ang kabuuang bilang ng mga dumalo para sa halalan ay 99.6%, kung saan 97% ng kabuuang botante ang kalahok sa mga halalan ng mga komiteng bayang panlalawigan, 95.4% sa mga halalan ng mga komiteng bayang panlungsod, at 96.9% sa mga halalan ng mga komiteng bayang pankondado. Kabuuang 3,459 na diputado ang naihalal, kung saan may 1,102 diputadong kaanib sa Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea, 352 sa Partido Demokratiko ng Korea, 253 sa Partido Chondoista Chong-u, at 1,753 may kasarinlan. Sa mga naihalal, 510 ang manggagawa, 1,256 ang magsasaka, 1,056 ang na klerk sa opisina, 145 ang mangangalakal, 73 ang negosyante, 311 ang intelektwal, 94 ang relihiyoso, at 14 ay dating panginoong maylupa. Sa lahat ng diputado, 453 ay kababaihan.[9] Noong Disyembre ang demokratikong hanay na pinamumunuan ng Partido ng mga Manggagawa ang nangibabaw sa mga halalan sa Hilagang Korea.[kailangan ng sanggunian]

Komiteng Bayan ng Hilagang Korea

baguhin
 
Sagisag ng Komiteng Bayan ng Hilagang Korea.
 
Ginanap ang Kongresong Bayan noong Agosto 1948 sa Haeju, Lalawigan ng Hwanghae. Ang mga tao sa litrato mula kaliwa hanggang kanan: Paek Nam-un, Ho Hon, Pak Hon-yong, at Hong Myong-hui.

Nagsagawa ng pagpupulong noong 17-20 Pebrero 1947 ang mga kinatawan mula sa mga komiteng bayang panlalawigan, panlungsod at pankondado sa Hilagang Korea kasama ang mga kinatawan mula sa mga partidong pampolitika at organisasyong panlipunan, upang i-organisa ang Asembleyang Bayan ng Hilagang Korea sa pamamagitan ng pagpili ng 237 kinatawan. Ang asembleyang bayan ay nagdaos ng unang sesyon nito noong 21-22 Pebrero 1947, na nag-organisa at naglipat ng kapangyarihan ng komiteng bayang probisyonal sa Komiteng Bayan ng Hilagang Korea. Mayroong 1,159 na kinatawang dumalo sa pulong.[8] Ang mga kinatawan ng mga komiteng bayan sa lahat ng antas sa pulong ay pinili batay sa isang kinatawan sa bawat tatlong diputado ng komiteng bayan. Ang bawat partidong pampolitika at organisasyong panlipunan ay nagpadala ng limang kinatawan sa pulong. Pagkatapos, ang mga kinatawan ng pulong ay naghalal ng isang komite na susuriin ang mga nominasyon para sa kandidatura sa asembleyang bayan. Ito ay isang 15-kasaping komite na binuo ni Kim Il-sung (bilang tagapangulo ng komiteng bayan ng Pyongyang), anim na tagapangulo ng komiteng bayang panlalawigan, tatlong kinatawan ng mga partidong pampolitika, at apat na kinatawan ng mga organisasyong panlipunan. Ang komiteng ito ay pumili ng 237 kandidato batay sa 1 kandidato sa bawat limang kinatawan ng pulong.[9] Ang 237 kandidato ay inihalal noon ng lahat ng kinatawan na naroroon sa pulong. Si Kim Il-sung ang naihalal bilang tagapangulo batay sa panukala ng pinuno ng Demokratikong Pambansang Nagkakaisang Hanay na si Choe Yong-gon. Ang 237 diputadong inihalal ng asembleya ay binuo ng 86 na mula sa Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea, 30 mula sa Partido Demokratiko ng Korea, 30 mula sa Partido Chondoista Chong-u, at 91 may kasarinlan. Kabilang sa 237 diputadong halal ng asembleya ay 52 manggagawa, 62 magsasaka, 56 na klerk sa opisina, 36 na intelektwal, 7 negosyante, 10 mangangalakal, 4 na manggagawa, at 10 taong relihiyoso.[13] Nagbigay ng awtorisasyon ang asembleya kay Kim Il-sung na ayusin ang komite. Nang nag-iral ang komite ay itinatag ni Kim ang Hukbong Bayan ng Korea noong 8 Pebrero 1948. Ang listahan ng mga opisyal at estraktura ng asembleya ay nakatala sa ibaba:

Asembleyang Bayan ng Hilagang Korea

북조선인민회의
Estruktura
Mga puwesto237
 
Mga grupong pampolitika
  Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea (86)
  Partido Demokratiko ng Korea (30)
  Partido Chondoista Chong-u (30)
  May Kasarinlan (91)
Halalan
Halalang indirekta
Huling halalan
17-20 Pebrero 1947
Lugar ng pagpupulong
Pyongyang
Posisyon Pangalan Partidong Kinakasapian
Tagapangulo Kim Il-sung Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Pangalawang Tagapangulo Kim Chaek Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Hong Ki-ju Partido Demokratiko
Kalihim-Heneral Han Pyong-ok Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Pagpaplano Jong Jun-taek Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Industriya Ri Mun-hwan May Kasarinlan
Kagawaran ng Ugnayang Panloob Pak Il-u Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Ugnayang Panlabas Ri Kang-guk Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Pananalapi Ri Pong-su Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Transportasyon Ho Nam-hui May Kasarinlan
Kagawaran ng Agrikultura at Panggugubat Ri Sun-gun Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Serbisyong Pangkoreo Ju Hwang-sop Partido Chondoista Chong-u
Kagawaran ng Komersyo Jang Si-u Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Kalusugan Ri Tong-yong Partido Demokratiko
Kagawaran ng Edukasyon Han Sol-ya Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Paggawa O Ki-sop Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Katarungan Choe Yong-dal Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kagawaran ng Pagsesensurang Pampubliko Choe Chang-ik Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kawanihang Tagapagpaganap Jang Jong-sik Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kawanihan ng Propaganda Ho Jong-suk Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kawanihan ng Patakaran sa Pagkain Song Pong-uk Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea
Kawanihan ng Ugnayang Pangkalahatan Kim Jong-ju Partido Chondoista Chong-u

Ang asembleya ng komiteng bayan ay gumamit ng mga kapangyarihang pambatas at nagsilbing pinakamataas na institusyon ng kapangyarihan ng estado. Ginamit nito ang mga sumusunod na kapangyarihan sa panahon ng kanyang pag-iral: piliin ang tagapangulo ng Komiteng Bayan ng Hilagang Korea; ihalal ang pinuno ng Kataas-taasang Hukuman; ihalal ang pinuno ng Kataas-taasang Opisina ng Tagausig; magpasya sa kalakalang panlabas; protektahan ang pambansang seguridad; pagtibayin ang planong pang-ekonomiya; aprubahan ang badyet ng estado; lumikha at baguhin ang mga pampangasiwaang lugar; at maglabas ng mga desisyon sa pagpapatupad ng mga amnestiya. Kapag nasa reseso ang asembleya, ginagamit ang mga kapangyarihan nito sa kanyang ngalan ng Permanenteng Komite ng asembleya. Nagpulong ang asembleya sa mga sesyong regular ng isang beses bawat tatlong buwan. Kabuuang limang sesyong regular at isang sesyong pambihira ang ginanap nito.[13]

Sesyon Tagal Mga Kapasiyahan
Ika-1 21-22 Pebrero 1947
  • Inaprubahan ang ulat na "Sa pagrepaso sa gawain ng Komiteng Bayang Probisyonal ng Hilagang Korea.
  • Nahalal si Kim Il-sung bilang tagapangulo ng Komiteng Bayan.
  • Pinahintulutan si Kim Il-sung na ayusin ang Komiteng Bayan.
  • Naihalal ang Permanenteng Komite ng Asembleyang Bayan.
  • Inaprubahan ang "Komiteng Bayan ng Hilagang Korea".
  • Inaprubahan ang "Mga Regulasyon sa Hukuman ng Hilagang Korea at ang Opisina ng Tagausig ng Hilagang Korea.
  • Naihalal ang pinuno ng Kataas-taasang Hukuman.
  • Itinalaga ang pinuno ng Kataas-taasang Opisina ng Tagausig.
  • Napagtalakayan at nagpasya sa mga panukalang batas.
Ika-2 15-16 Mayo 1947
  • Tinalakay at nagpasya sa komprehensibong badyet ng Hilagang Korea.
  • Nagpasya sa pag-apruba ng "Ordinansa sa komprehensibong badyet ng Hilagang Korea para sa 1947".
  • Nagpasya sa pag-apruba ng "Ordinansa sa pagbabago ng mga pampangasiwaang lugar ng mga kondado sa Lalawigan ng Timog Pyongan.
  • Pinagtibay ang desisyon sa halalang pandagdag ng mga hukom sa Kataas-taasang Hukuman ng Hilagang Korea.
  • Naghalal ng mga hukom sa Kataas-taasang Hukuman.
Ika-3 18-19 Nobyembre 1947
  • Tinalakay at nagpasya sa pag-oorganisa ng isang komite para sa pagsasabatas ng konstitusyong probisyonal ng Korea.
  • Tinalakay at nagpasya sa pagbalangkas ng isang konstitusyong probisyonal ng Korea.
  • Inaprubahan ang panukala ng Permanenteng Komite ng Asembleyang Bayan sa paghahanda ng konstitusyong probisyonal ng Korea.
  • Inorganisa ang komite para sa pagsasabatas ng konstitusyong probisyonal ng Korea.
  • Pinagtibay ang desisyon sa pagtatalaga sa pagbalangkas ng konstitusyong probisyonal ng Korea sa sunod na Asembleyang Bayan.
  • Pinagtibay ang mga naaprubahang desisyon ng Permanenteng Komite ng Asembleyang Bayan at Komiteng Bayan ng Hilagang Korea pagkatapos ng ika-2 sesyon ng Asembleyang Bayan.
Ika-4 6-7 Pebrero 1948
  • Inihatid ni Kim Il-sung ang ulat na "Sa pagsusuri ng katuparan ng plano ng 1947 at ang plano ng pag-unlad ng ekonomiyang bayan ng 1948".
  • Tinalakay at inaprubahan ang desisyon sa 1948 komprehensibong badyet.
  • Tinalakay ang ulat ng komite para sa pagsasabatas ng konstitusyong probisyonal ng Korea.
Pambihira 28-29 Abril 1948
  • Nirepaso ang mga resulta ng gawain ng talakayan tanyag sa pagbalangkas ng konstitusyon ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea.
  • Inaprubahan ang desisyon sa pag-endorso sa orihinal na burador ng konstitusyon.
Ika-4 9-10 Hulyo 1948
  • Inihatid ni Kim Il-sung ang ulat na "Sa pagpapatupad ng konstitusyon ng Republikang Bayang Demokratiko Korea".
  • Nagpasya sa pagdaraos ng halalan ng Kataas-taasang Asembleyang Bayan noong 25 Agosto 1948.

Pagtatatag ng Demokratikong Republikang Bayan ng Korea

baguhin
 
Sina Kim Il-sung (kaliwa) at Kim Gu (kanan) noong 1948.

Dahil nabigong umunlad ang mga negosasyon sa Unyong Sobyetiko ukol sa hinaharap ng Korea, dinala ng Estados Unidos ang isyu sa Nasyones Unidas noong Setyembre 1947. Bilang tugon, itinatag ng ONU ang Komisyong Pansamantala sa Korea ng Nasyones Unidas upang magdaos ng halalan sa Korea. Tinutulan ng Unyong Sobyetiko ang hakbang na ito. Sa kawalan ng kooperasyong Sobyetiko, napagpasyahan na idaos ang halalan na pinangangasiwaan ng ONU sa timog lamang.[kailangan ng sanggunian] Noong Abril 1948, nagpulong sa Pyongyang ang komperensya ng mga organisasyon mula sa Hilaga at Timog, ngunit wala itong naging resulta. Ang mga politiko sa timog na sina Kim Gu at Kim Kyu-sik ay dumalo sa komperensya at binoykot ang mga halalan sa Timog.[kailangan ng sanggunian] Dahil dito, postumong iginawad sa kanila ng Hilagang Korea ang Gantimpalang Pambansa ng Muling Pagkakaisa.[14] Ang mga halalan ay ginanap sa Timog Korea noong 10 Mayo 1948, at noong Agosto 15 ay pormal na umiral ang Republika ng Korea.[kailangan ng sanggunian] Isang prosesong parallel ang naganap sa Hilagang Korea. Isang bagong Kataas-taasang Asembleyang Bayan ang inihalal noong Agosto 1948, at noong ika-3 ng Setyembre isang konstitusyong bago ang ipinahayag. Ang Republikang Bayang Demokratiko ng Korea ay ipinahayag noong Setyembre 9, 1948. Si Terentiy Fomich Shtykov ang naging embahador ng Unyong Sobyetiko sa bansa habang sina Kim Il-sung at Kim Tu-bong ang naging tagapangulo at premiyer ayon sa pagkabanggit.[kailangan ng sanggunian] Kinilala ng Unyong Sobyetiko ang pamahalaan ni Kim bilang ang pamahalaang soberano ng buong tangway, kabilang ang timog.[15] Bilang tugon, tinanggap ng Asembleyang Pangkalahatan ng Nasyones Unidas noong 12 Disyembre 1948 ang ulat ng komisyong pansamantala nito at idineklara ang Republika ng Korea bilang "tanging pamahalaang legal sa Korea".[kailangan ng sanggunian]

 
Watawat ng Partido ng mga Manggagawa ng Korea.

Naging absolutong estadong komunista ang Hilagang Korea noong 1949. Lahat ng partido at organisasyong masa ay sumali sa Demokratikong Hanay para sa Muling Pagkakaisa ng Amang Bayan, na tila isang prenteng popular ngunit sa katotohanan ay pinangunahan ng mga komunista. Noong 24 Hunyo 1949 ay pinagsanib ang Partido ng mga Manggagawa ng Hilagang Korea sa katimugang katapat nito na Partido ng mga Manggagawa ng Timog Korea upang maging Partido ng mga Manggagawa ng Korea, kasama si Kim bilang tagapangulo ng partido.[5]:148 Mabilis na kumilos ang pamahalaan upang magtatag ng isang sistemang pampolitika na bahagyang naka-istilo sa sistemang Sobyetiko, na may kapangyarihang pampolitikang monopolisado ng partido.

Pamumuno ni Kim Il-sung (1948-1994)

baguhin

Digmaang Koreano

baguhin

Ang konsolidasyon ng pamahalaan ni Rhee Syngman sa Timog na may suportang militar ng Amerika at ang pagsugpo sa insureksyon noong Oktubre 1948 ay nagwakas sa pag-asa ng Hilagang Korea na ang isang himagsikan sa Timog ay maaaring muling pagsama-samahin ang Korea, at mula sa unang bahagi ng 1949 ay humingi si Kim Il-sung ng suporta ng mga Sobyetiko at Tsino para sa isang kampanyang militar upang muling pag-isahin ang bansa sa pamamagitan ng puwersa. Ang pag-alis ng karamihan sa mga pwersa ng EU mula sa Timog Korea noong Hunyo 1949 ay nag-iwan sa katimugang pamahalaan na ipinagtatanggol ng hukbo nito na mahina at walang karanasan. Kinailangan ding harapin ng rehimen ang mga mamamayan nitong hindi tapat. Sa kabaligtaran, ang hukbo ng Hilaga ay nakinabang mula sa kagamitan ng Unyong Sobyetiko na ginamit ng bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at mayroon ng mga beteranong sanay na nakipaglaban bilang mga gerilyang anti-Hapon o kasama ng mga komunistang Tsino.[16] Noong 1949 at 1950, naglakbay si Kim Il-sung sa Mosku kasama ang Timog Koreanong pinunong komunista na si Pak Hon-yong upang itaas ang suporta sa mga Sobyetiko para sa isang digmaan ng muling pagsasanib.[kailangan ng sanggunian] Noong una ay tinanggihan ni Iosif Stalin ang mga kahilingan ni Kim Il-sung para sa pahintulot na salakayin ang Timog, ngunit ginawa niyang muling isaalang-alang ang panukala ni Kim noong huling bahagi ng 1949 sa tagumpay ng himagsikang komunista sa Tsina at ang pagbuo ng mga sandatang nukleyar ng Unyong Sobyetiko. Pagkatapos ipahiwatig ni Mao Zedong noong Enero 1950 na magpapadala ang Republikang Bayan ng Tsina ng mga tropa at iba pang suporta kay Kim, inaprubahan ni Stalin ang pagsalakay.[17]:66-67 Ang mga Sobyetiko ay nagbigay ng suportang limitado sa pamamagitan ng mga tagapayo na tumulong sa mga Hilagang Koreano habang pinaplano nila ang operasyon at mga Sobyetikong instruktor ng militar upang sanayin ang ilan sa mga yunit ng Korea. Gayunpaman, sa simula pa lang ay nilinaw na ni Stalin na iiwasan ng Unyong Sobyetiko ang komprontasyong direkta sa EU sa Korea at hindi maglalagay ng mga puwersa sa lugar kahit magkaroon ng malaking krisis militar.[18]:10

Pagka-Digmang Muling Pagpapaunlad

baguhin

Pamumuno ni Kim Jong-il (1994-2011)

baguhin

Martsa ng Pagdurusa

baguhin

Patakarang Arawan

baguhin

Pagkalunod ng Cheonan at Pagbobomba ng Yeonpyeong

baguhin

Pamumuno ni Kim Jong-un (2011-kasalukuyan)

baguhin

Krisis sa Hilagang Korea

baguhin

Pandemyang COVID-19

baguhin

Sanggunian

baguhin
  1. Walker, J Samuel (1997). Prompt and Utter Destruction: Truman and the Use of Atomic Bombs Against Japan. Chapel Hill: The University of North Carolina Press. ISBN 978-0-8078-2361-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 Hyung Gu Lynn (2007). Bipolar Orders: The Two Koreas since 1989. Zed Books.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Maling banggit (Hindi tamang <ref> tag; walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang Buzo 2002); $2
  4. Seth, Michael J. (16 Oktubre 2010). A History of Korea: From Antiquity to the Present. Rowman & Littlefield Publishers (nilathala 2010). ISBN 9780742567177.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. 5.0 5.1 Robinson, Michael E (2007). Korea's Twentieth-Century Odyssey. Honolulu: University of Hawaii Press. ISBN 978-0-8248-3174-5.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Bluth, Christoph (2008). Korea. Cambridge: Polity Press. ISBN 978-07456-3357-2.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Jager, Sheila Miyoshi (2013). Brothers at War – The Unending Conflict in Korea. London: Profile Books. ISBN 978-1-84668-067-0.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. 8.0 8.1 "Establishment of the Provisional People's Committee of North Korea". National Institute of Korean History. Nakuha noong 11 Enero 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. 9.0 9.1 9.2 9.3 "Organization and Role of the Provisional People's Committee of North Korea". National Institute of Korean History. Nakuha noong 11 Enero 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "20-Point Platform". Kim Il Sung Open University. Nakuha noong 11 Enero 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Charles K. Armstrong, The North Korean Revolution, 1945–1950 (Ithaca, NY: Cornell University Press), 71–86.
  12. East Gate Book (2003) North Korea Handbook: Yonhap News Agency Seoul, p930 ISBN 0765610043
  13. 13.0 13.1 "People's Assembly of North Korea". Encyclopedia of Korean Culture. Nakuha noong 10 Enero 2019.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. "National Reunification Prize Winners", Korean Central News Agency, 7 Mayo 1998, inarkibo mula sa orihinal noong 2 Hunyo 2013{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. "DPRK Diplomatic Relations". NCNK. 11 Abril 2017. Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Abril 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. Bruce Cumings, The Origins of the Korean War, Vol. 1: Liberation and the Emergence of Separate Regimes, 1945–1947, Princeton University Press
  17. Martin, Bradley K. (2007). Under the Loving Care of the Fatherly Leader: North Korea and the Kim Dynasty. Macmillan. ISBN 9781429906999.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. Weathersby, Kathryn (2002). ""Should We Fear This?" Stalin and the Danger of War with America". Cold War International History Project: Working Paper No. 39.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)