Kim Il-sung

Si Kim Il-sung (Abril 15 1912Hulyo 8 1994) ay isang komunistang politiko at diktador na nagtatag ng Hilagang Korea at namahala nito simula sa kanyang pagkatatag noong 1948 hanggang sa kanyang pagkamatay noong 1994, kung saan sinundan siya ng kanyang anak na si Kim Jong-il. Hinawakan niya ang mga posisyon na Pangulo (1972-1994) at Pangkalahatang Kalihim ng Partido ng Mga Manggagawa ng Korea (1966-1994). Siya ang nagpasimuno ng paglusob sa Timog Korea noong 1950 na siyang naging hudyat ng pagsimula ng Digmaang Koreano.

Walang Hangganang Pangulo ng Demokratikong Republikang Bayan ng Korea

Kim Il-sung
김일성
Kim Il Sung Portrait-4.jpg
Opisyal na Litrato ni Kim Il-Sung
Pangulo ng Hilagang Korea
Nasa puwesto
28 Disyembre 1972 – 8 Hulyo 1994
Unang Pangkalahatang Kalihim ng Partido ng Mga Manggagawa ng Korea
Nasa puwesto
12 Oktubre 1966 – 8 Hulyo 1994
Sinundan niKim Jong-il
Pansariling detalye
Ipinanganak
Kim Sŏng-ju

15 Abril 1912(1912-04-15)
Mangyongdae, Pyongyang, Timog Pyongan, Hilagang Korea (Korea sa ilalim ng pamamahala ng Hapon)
Namatay8 Hulyo 1994(1994-07-08) (edad 82)
Hilagang Pyongan, Hilagang Korea
Dahilan ng pagkamatayAtake sa Puso
Himlayan
Palasyo ng Kumsusan ng Araw, Pyongyang, Hilagang Korea
KabansaanKoreano
(Mga) Asawa
  • Kim Jong-suk (k. 1941–49)
  • Kim Song-ae (k. 1952–94)
Mga anak
  • Kim Jong-il
  • Kim Man-il
  • Kim Kyong-hui
  • Kim Kyong-jin
  • Kim Pyong-il
  • Kim Yong-il
Mga magulang
  • Kim Hyong-jik
  • Kang Pan-sok

Kapanganakan at Mga Unang TaonBaguhin

Ipinanganak si Kim noong Abril 15, 1912 sa maliit na nayon ng Mangyungbong (noo'y tinatawag na Namni) na malapit sa Pyongyang. Ang kanyang mga magulang ay sina Kim Hyong-jik at Kang Pan-sok, na nagbigay sa kanya ng pangalang Kim Song-ju. Mayroon din siyang dalawang nakababatang kapatid na Kim Chul-ju at Kim Yong-ju. Galing ang pamilya ni Kim mula sa Jeonju, Hilagang Jeolla. Lumaki si Kim sa pamilya na sumusunod sa Presbyterianismo. Ang kanyang lolo sa ina ay isang Protestanteng ministro, ang kanyang ama ay pumunta sa isang paaralang misyonero, at ang kanyang mga magulang ay aktibo sa pamayanan ng relihiyon. Ang pamilya ni Kim ay sumali sa mga aktibidad na kontra-Hapon at tumakas sila sa Manchuria noong 1920.[1][2][3]

Nag-aral si Kim sa Akademiyang Militar ng Whasung noong 1926 pero umalis siya noong 1927 dahil ayon sa kanya ang mga pamaraan ng pagsasanay dito ay luma na. Pagkatapos nito nag-aral siya sa Kataas-taasang Paaralan ng Jilin Yuwen sa Tsina hanggang sa 1930 noong tinanggihan niya ang mga pyudal na tradisyon ng mga nakatatandang Koreano roon at noong nagkaroon siya ng interes sa mga komunistang ideolohiya. Natapos ang kanyang pormal na edukasyon nang arestuhin at ipakulong siya ng mga pulisya dahil sa kanyang mga subersibong gawain. Sumali si Kim sa Partido Komunista ng Tsina at sa iba`t-ibang mga grupong gerilya laban sa Hapon sa hilagang Tsina. Nang naganap ang Pangyayari sa Mukden noong Setyembre 18, 1931, ginamit ito ng mga Hapon upang magpadala ng mga armadong pwersa sa Manchuria at magpatayo ng papet na estado. Dahil dito, naging miyembro si Kim ng Nagkakaisang Hukbo Kontra-Hapon sa Hilagang-Silangan noong 1935, isang grupong gerilya na pinamunuan ng Partido Komunista ng Tsina.[4][5][6][7]

 
Kim Il-sung noong nag-aaral siya sa Kataas-taasang Paaralan ng Jilin Yuwen

Noong 1935, pinalitan ni Kim ang kanyang pangalan sa Kim Il-sung na nangangahulugang "Kim Maging ang Araw". Si Kim ay hinirang bilang kumander ng ikaanim na dibisyon noong 1937 kung saan kontrolado niya ang ilang daang mga yunit na nakilala bilang ang "Dibisyon ni Kim Il-sung". Habang pinangangasiwaan niya ang dibisyon na ito, sinalakay niya ang Pochonbo noong Hunyo 4, 1937. Kahit ang nakuha lamang ng dibisyon ni Kim ay ang maliit na bayan na hawak ng Hapon sa loob lamang ng hangganan ng Korea sa loob ng ilang oras, isinasaalang-alang na ito bilang isang tagumpay. Pagkatapos ng tagumpay na ito nagkaroon si Kim ng katanyagan sa mga Tsinong gerilya at itinuring ng mga Hapon si Kim bilang isa sa mga pinakaepektibo at tanyag na mga pinuno ng gerilya ng Korea, at dahil dito nakilala siya sa mga Hapon bilang ang "Tigre". Ipinadala ng mga Hapon ang "Maeda Unit" upang hulihin siya noong Pebrero 1940. Dahil dito, tumakas si Kim at ng kanyang mga natitirang hukbo sa pamamagitan ng pagtawid sa Ilog ng Amur patungo sa Unyong Sobyet. Ipinadala si Kim ay ipinadala sa isang kampo sa Vyatskoye na malapit sa Khabarovsk, kung saan sinanay sila ulit ng mga Sobyet. Noong Agosto 1942, inatasan si Kim at ng kanyang hukbo sa 88th Separate Rifle Brigade na kabilang sa Pulang Hukbo ng Mga Manggagawa at Mga Magsasaka. Ang naging superyor ni Kim ay si Zhou Baozhong, ang kumander ng brigada. Si Kim ay naging isang komandante sa Pulang Hukbo at nagsilbi siya rito hanggang sa wakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[8][9]

Nagdeklara ng digmaan ang Unyong Sobyet laban sa Hapon noong Agosto 8, 1945, at pumasok ang Pulang Hukbo sa Pyongyang noong Agosto 24, 1945. Inutusan ni Joseph Stalin si Lavrentiy Beria na magrekomenda ng isang komunistang pinuno para sa mga teritoryo na nasakop ng Unyong Sobyet. Inirekomenda ni Beria si Kim kay Stalin. Dumating si Kim sa daungan ng Wonsan noong Setyembre 19, 1945 at noong Disyembre 1945 ginawa si Kim na unang kalihim ng Kawanihan ng Sangay ng Hilagang Korea ng Partido Komunista ng Korea. Upang palakasin ang kanyang kontrol, itinatag ni Kim ang Koreanong Hukbo ng Tao.[10]

Pamumuno sa Hilagang KoreaBaguhin

Mga Unang TaonBaguhin

Ang Demokratikong Repblika ng Tao ng Korea ay ipinahayag noong Setyembre 9, 1948 at itinalaga si Kim bilang punong ministro ng mga Sobyet. Ang partido ay pinamunuan ni Kim Tu-bong ngunit si Kim ang nagtaglay ng totoong kapangyarihan sa partido. Noong Oktubre 12, kinilala ng Unyong Sobyet ang gobyerno ni Kim bilang ang soberanong pamahalaan ng buong Koreanong tangway, kabilang na ang Timog Korea. Ang Partido Komunista ay nagsama sa Bagong Partido ng Tao ng Korea upang mabuo ang Partido ng mga Mangagawa ng Hilagang Korea, kung saan itinalaga si Kim bilang pangalawang tagapangulo. Noong Pebrero 1946, gumawa si Kim ng mga pagbabago. Mahigit sa 50% ng arable land ay muling ipinamahagi, isang 8-oras na araw ng trabaho ay naiproklama at ang lahat ng mabibigat na industriya ay naisabansa. Nagkaroon ng mga mabuting pagbabago sa kalusugan ng populasyon noong isinabansa niya ang pangangalaga sa kalusugan na pwedeng pakinabangan ng lahat ng mamamayan.[11][12][13]

Digmaang KoreanoBaguhin

Ang desisyon na lusubin ng Hilagang Korea ang Timog ay desisyon ni Kim at hindi desisyon ng mga Sobyet. Hindi nagbigay ang Tsina ng direktang suportang hanggang halos nakarating na ang mga tropa ng Mga Nagkakaisang Bansa ang Ilog ng Yalu noong noong 1950. Sa simula ng giyera noong Hunyo at Hulyo, nakuha ng mga puwersa ng Hilaga ang Seoul at ang ang karamihan sa Timog ngunit noong Setyembre naitulak sila pabalik dahil sa ganting-salakay na pinamunuan ng Estados Unidos ng Amerika na nagsimula sa atake ng Mga Nagkakaisang Bansa sa Incheon na sinundan ng pinagsamang opensiba ng Timog Korea, Estados Unidos ng Amerika, at ng Mga Nagkakaisang Bansa sa Pusan. Pagsapit ng Oktubre, nakuha ng mga puwersa ng Mga Nagkakaisang Bansa ang Seoul at linusob nila ang Hilagang Korea upang muling pagsamahin ang bansa sa ilalim ng Timog Korea. Noong Oktubre 19, nadakip ng mga tropa ng Estados Unidos at Timog Korea ang Pyongyang kaya napilitan si Kim at ng kanyang gobyerno na tumakas sa Sinuiju at sa Kanggye.[14][15]

 
Kim Il-sung (nasa gitna) at Kim Tu-bong (pangalawa mula sa kanan) sa magkasamang pagpupulong ng Bagong Partido ng Tao ng Korea at ng Partido ng mga Mangagawa ng Hilagang Korea sa Pyongyang noong Agosto 28, 1946

Noong Oktubre 25, 1950, pagkatapos magpadala ng Tsina ng mga babala na makialam kung hindi huminto ang Mga Nagkakaisang Bansa sa kanilang pagsulong, ay tumawid sa Ilog ng Yalu ang libu-libong tropa ng Tsina at pumasok sa giyera bilang mga kaalyado ng Koreanong Hukbo ng Tao. Napilitan ang mga pwersa ng Mga Nagkakaisang Bansa na umalis at nakuha ng mga Tsinong tropa ang Pyongyang noong Disyembre at Seoul noong Enero 1951. Noong Marso, nagsimula ang mga puwersa ng Mga Nagkakaisang Bansa ng bagong pagsalakay at muling nakuha nila ang Seoul at sumulong sila patungong Hilaga hanggang muli silang huminto sa lugar na hilaga lamang ng ika-38 hilera. Matapos ang ilang beses ng mga opensiba at kontra-opensiba ng magkabilang panig, ang labanan ay nanatili sa permanenteng Linya ng Pagtigil ng Labanan noong 27 Hulyo 1953. Sa kabila ng kabiguan na pag-isahin ang Korea sa ilalim ng kanyang pamamahala, ipinahayag ni Kim na ang digmaan ay isang tagumpay sa diwa na nanatili siya sa kapangyarihan sa Hilaga. Mahigit sa 2.5 milyong katao ang namatay sa panahon ng Digmaang Koreano.[16][17]

Pagkatapos ng Digmaang Koreano at Mga Sumunod na TaonBaguhin

Iniwan ng gera ang Hilagang Korea na wasak, kaya sinimulan ni Kim ang muling pagtatayo ng bansa. Inilunsad niya ang limang taong pambansang pang-ekonomiyang plano upang maitaguyod ng isang planadong ekonomiya kung saan lahat ng industriya ay pagmamay-ari ng estado at lahat ng agrikultura ay kinolektiba. Nakatuon ang ekonomiya noon sa mabibigat na industriya at sa paggawa ng armas. Pagsapit ng 1960s naging mas maunlad ang pamumuhay ng Hilaga kaysa sa Timog, na noo’y puno ng kawalang-tatag ng politika at mga krisis sa ekonomiya. Noong 1956, sumali siya kay Mao Zedong sa hindi pagtanggap ng mga programa ng pagbagsak sa pangalan ni Stalin ni Nikita Khrushchev, ngunit hindi siya naging Maoista. Kasabay nito itinatag niya ang kanyang kapangyarihan sa kilusang komunista ng Korea. Pinurga niya ang kanyang mga kalaban kagaya ni Pak Hon-yong, pinuno ng Partido Komunista ng Korea na pinatay noong 1955 at si Choe Chang-ik.[18][19][20][21][22]

Ang kulto ng pagkatao ni Kim ay lumago noong panahon na ito, at ito ay pinuna ng gobyerno. Si Li Sangjo, ang embahador ng Hilagang Korea sa Unyong Sobyet ay nag-ulat na naging isang kriminal na pagkasala ang simpleng pagsusulat sa larawan ni Kim sa pahayagan at naiangat siya sa lugar nina Karl Marx, Vladimir Lenin, Mao, at Stalin sa komunistang panteon. Inakusahan din niya si Kim sa pagbabago ng kasaysayan para ipalabas na ang kanyang paksyon lamang ang nagpalaya ng Korea mula sa mga Hapon, kung saan binabalewala niya ang tulong ng mga Tsinong Boluntaryo ng Tao. Bilang karagdagan, sinabi ni Li na habang naganap ang proseso ng kolektibisasyon ng agrikultura, ay pilit na kinuha mula sa mga magsasaka ang mga butil, at ito raw ay nagresulta sa hindi bababa sa 300 na pagpakamatay. Sinabi rin niya na si Kim ang gumawa ng halos lahat ng mga desisyon at paghihirang. Sinabi ni Li na higit sa 30,000 katao ang kinulong dahil sa hindi makatarungan at mga maliit na bagay kagaya ng hindi paglimbag ng larawan ni Kim sa de-kalidad na papel o paggamit ng mga pahayagan na may larawan niya upang ibalot sa mga parsela. Ang pagkumpiska ng butil at pagkolekta ng buwis ay isinasagawa kasama ang karahasan, pambubugbog, at mga banta ng pagkakakulong.[23]

Sa panahon ng paglago ng kanyang kapangyarihan ay nilikha niya ang kastang songbun kung saan inuri ang mga tao sa Hilagang Korea sa tatlong grupo: "ubod,” "hindi nakapagpasiya," o “masungit” at ito ay nakabatay sa kanyang pampulitika, panlipunan, at pang-ekonomiyang posisyon. Ang sistemang ito ay ginagamit hanggang ngayon. Ang sistemang ito ang nagpapasiya ng lahat ng aspeto ng tao sa lipunan, kung ano ang kanyang makukuha na edukasyon, bahay, trabaho, pagkain, kakayahan na sumali sa politika, at kung saan pwede manirahan ang isang tao. Ang mga taong nasa “masungit” na kategorya kagaya ng mga may-ari ng lupa, mga intelektuwal, at ang mga dating tagasuporta ng pananakop ng Hapon sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nilipat sa mga mahihirap na hilagang lalawigan. Nang dumating ang pagkagutom noong 1990s, ang mga taong nanirahan sa mga lugar na ito ang pinakaapektado. Maraming pag-abuso sa karapatan ng tao ang nangyari sa Hilagang Korea sa kanyang pamamahala. Pinarusahan ni Kim ang mga tunay at pinaghinalaang tao na hindi nagsasang-ayon sa kanya sa pamamagitan ng pagpupurga kagaya ng pampublikong pagpatay at hinangad na pagkawala. Nilagay ang mga ibang hindi sumasang-ayon sa kanya at ng kanilang mga pamilya sa kategoryang “masungit”, at ang karamihan sa kanila ay nilagay sa mga priso na tinawag na kwanliso, kung saan pinipilit sila magtroso, magmina, at mag-ani ng mga panananim. Ang karamihan sa mga bilanggo ay nanirahan dito habang buhay, at ang kalagayan ng kanilang pamumuhay at pagtatrabaho ay madalas na nakamamatay, kung saan ang iba ay halos mamatay sa gutom, tinanggihan ng pangangalagang medikal, tinanggihan ng wastong tirahan at damit, isinailalim sa karahasan na sekswal, at pagmamaltrato sa kanila ng mga bantay.[24][25][26][27]

 
Pagbati ni Kim sa unang Pangulo ng Rumanya na si Nicolae Ceaușescu sa kanyang bisita sa Pyongyang noong 1971

Sa kabila ng pagtutol niya sa pagbagsak ng pangalan ni Stalin, hindi pinutol ni Kim ang pakikipag-ugnay niya sa Unyong Sobyet, at hindi rin siya nakilahok sa Pagkakahiwalay ng Tsino-Sobyet. Naging mas matalik ang ugnayan ni Kim sa Unyong Sobyet matapos mapalitan si Khrushchev ni Leonid Brezhnev noong 1964. Sa parehong oras, si Kim ay lalong lumayo ng hindi matatag na istilo ng pamumuno ni Mao, lalo na noong Dakilang Proletaryong Pang-kulturang Himagsikan noong huling bahagi ng 1960, kung saan hinatulan siya ng mga Pulang Guwardya ni Mao. Muling itinatag ni Kim ang mga pakikipag-ugnayan niya sa mga bansang komunista sa Silangang Europa, lalong lalo na sa Silangang Alemanya ni Erich Honecker at sa Rumanya ni Nicolae Ceaușescu. Si Ceauşescu ay naimpluwensyahan ng ideolohiya ni Kim, at ang kulto ng pagkatao ni Ceauşescu sa Rumanya ay halos magkapareho ng sa kanya. Bagama’t isang matibay na kontra-komunista, si Mobutu Sese Seko ng Zaire ay naimpluwensyahan din ng istilo ng pamamahala ni Kim. Gayunpaman, si Enver Hoxha ng Albanya ay naging mabangis na kaaway ang Hilagang Korea at si Kim Il-sung, na nagsusulat noong Hunyo 1977 na mauunawaan ng "tunay na Marxista-Leninista" na ang "ideolohiya na gumagabay sa Partido ng Mga Manggagawa ng Korea at ang Partido Komunista ng Tsina ay rebisyunista”.[28][29]

Mga Huling Taon ng PamamahalaBaguhin

Nagkaroon ng bagong konstitusyon na iprinoklama noong Disyembre 1972 at nalikha ng isang ehekutibong panguluhan. Sinuko ni Kim ang kanyang posisyon bilang punong ministro at naihalal siya bilang pangulo. Noong 1980 ay napagpasyahan niya na ang kanyang anak na si Kim Jong-il ang hahalili sa kanya, at sinuportahan ito ng hukbo dahil sa rebolusyonaryong tala ni Kim Il-sung at ng suporta ng O Chin-u, isang beteranong ministro ng pagtanggol, at sa Ika-anim na Kongreso ng Partido ay iprinoklama ni Kim sa publiko na ang kanyang anak ang magiging kanyang kahalili.[30][31]

 
Nakikita ang depositong kaltsyum ni Kim noong nagkaroon siya ng diplomatikong pagpupulong sa Tagapangulo ng Partido Komunista ng Tsina na si Mao Zedong sa Beijing noong 1970.

Noong mga panahon na ito ay nagkaroon ang Hilagang Korea ng mga paghihirap sa ekonomiya. Naging mas maunlad ang Timog Korea dahil sa pamumuhunan at tulong na militar ng Hapon at Amerika at sa pag-unlad ng ekonomiya, habang ang ekonomiya North Korea ay tumimik at bumagsak noong 1980s. Habang tumatanda rin siya ay nagkaroon siya ng depitong kaltsyum sa likod ng kanyang leeg. Dahil hindi itong kaakit-akit na tingnan, ang mga Koreanong litratisa at tagapagbalita sa Hilaga ay pinilit na kumuha ng litrato kay Kim habang nakatayo siyang pakaliwa upang hindi ito makita sa mga litrato. Habang tumagal ay umabot ito sa laki ng beysbol noong 1980.[32][33][34]

Ginawa ni Kim ang kanyang anak na si Kim Jong-il na pinuno ng Pambansang Komisyon ng Pagtanggol ng Hilagang Korea at ng Koreanong Hukbo ng Tao noong 1991 at 1993 upang matiyak na masundan siya ng kanyang anak sa pamumuno. Noong mga panahong rin na ito ay namuhunan si Kim sa nukleyar na teknolohiya, pero hininto ito ni Kim noong Hunyo 1994 nang bumisita ang pangulo ng Estados Unidos ng Amerika na si Jimmy Carter sa Pyongyang upang makipag-ugnayan sa Kanluran.[35][36]

Kamatayan at PamanaBaguhin

Sa huling bahagi ng umaga ng Hulyo 8, 1994, inatake si Kim sa puso sa kanyang tirahan sa Hyangsan, Hilagang Pyongan. Inutusan ni Kim na umalis ang mga doktor na laging kasama ng ama niya at pinapunta niya ang mga pinakamagaling na doktor ng bansa mula sa Pyongyang. Makalipas ang ilang oras ay dumating ang mga doktor mula sa Pyongyang, ngunit sa kabila ng kanilang pagsisikap na iligtas siya, namatay si Kim Il-sung nang paglaon ng araw na iyon sa edad na 82. Idineklara ang kanyang pagkamatay pagkatapos ng tatlumpung oras.[37]

Ang kanyang libing ay naganap noong Hulyo 17, 1994 sa Pyongyang at dinaluhan ito ng daan-daang libong mga tao na inilipad sa lungsod mula sa buong Hilagang Korea. Ang bangkay ni Kim ay inilagay sa isang pampublikong mausoleum sa Palasyo ng Kumsusan ng Araw, kung saan pinanatili at naka-embalsamo ang kanyang katawan sa salamin na kabaong. Ang kanyang ulo ay nakahiga sa sa isang tradisyonal na unan at ang kanyang kabaong ay tinakpan ng watawat ng Partido ng Mga Manggagawa ng Korea. Si Kim Jong-il ang sumunod na namuno pagkatapos ng kanyang pagkamatay.[38]

Pansariling BuhayBaguhin

 
Litrato ni Kim Il-sung kasama si Kim Jong-suk at nang kanilang dalawang anak na si Kim Jong-il at Kim Kyong-hui

Dalawang beses nag-asawa si Kim Il-sung. Ang kanyang unang asawa, si Kim Jong-suk (1917–1949), ay nanganak ng dalawang anak na lalaki at isang anak na babae. Si Kim Jong-il (1941-2011), ang sumunod na namahala sa Hilagang Korea, ang kanyang panganay na anak. Ang nakababata niyang anak na lalaki na si Kim Man-il (1944-1947) ay namatay ng maaga dahil sa aksidente sa paglangoy. Ang anak niyang babae na si Kim Kyong-hui (1946-kasalukuyan) ang kasalukuyang Kalihim para sa Organisasyon ng Partido ng Mga Manggagawa ng Korea. Namatay si Kim Jong-suk noong 1949 habang nanganganak ng isang batang babae na patay nang lumabas. Nag-asawa siya ulit noong 1952 kay Kim Song-ae (1924–2014) at nagkaroon sila ng tatlong anak. Ang unang anak ay si Kim Kyong-jin, ang ikalawa ay si Kim Yong-il (1955-2000) na namatay sa Alemanya, at ang ikatlo ay si Kim Pyong-il (1954-kasalukuyan) na naging embahador ng Hilagang Korea sa Unggarya, Bulgarya, Pinlandiya, Polonya, at sa Republikang Tseko.[39]

Mga SanggunianBaguhin

  1. Suh, Dae-sook (1988). Kim Il Sung: The North Korean Leader. New York: Columbia University Press. ISBN 0231065736.
  2. "Soviet Officer Reveals Secrets of Mangyongdae". Daily NK. 2 January 2014. Tinago mula sa orihinal noong 11 February 2014. Nakuha noong 15 April 2014.
  3. Kimjongilia – The Movie – Learn More Naka-arkibo 18 September 2010 sa Wayback Machine.
  4. Smith, Lydia (8 July 2014). "Kim Il-sung Death Anniversary: How the North Korea Founder Created a Cult of Personality". International Business Times UK. Tinago mula sa orihinal noong 6 October 2014. Nakuha noong 1 October 2014.
  5. Sang-Hun, Choe; Lafraniere, Sharon (27 August 2010). "Carter Wins Release of American in North Korea". The New York Times. Tinago mula sa orihinal noong 30 June 2017.
  6. Kim Il-Sung, "Let Us Repudiate the 'Left' Adventurist Line and Follow the Revolutionary Organizational Line" contained in On Juche in Our Revolution (Foreign Languages Publishers: Pyongyang, Korea, 1973)3.
  7. Kim Il-Sung, "On Waging Armed Struggle Against Japanese Imperialism" on 16 December 1931 contained in On Juche in Our Revolution, pp. 17-20.
  8. Bradley K. Martin (2004). Under the Loving Care of the Fatherly Leader: North Korea and the Kim Dynasty. Thomas Dunne Books. ISBN 978-0-312-32322-6.
  9. Fyodor Tertitskiy (4 February 2019). "How an obscure Red Army unit became the cradle of the North Korean elite". NK News. Nakuha noong 1 June 2019.
  10. "Defense". Tinago mula sa orihinal noong 6 March 2016.
  11. "DPRK Diplomatic Relations". NCNK. 11 April 2017. Tinago mula sa orihinal noong 19 April 2014.
  12. "KBS WORLD Radio". world.kbs.co.kr. Tinago mula sa orihinal noong 5 March 2008.
  13. Behnke, Alison (1 August 2012). Kim Jong Il's North Korea. ISBN 9781467703550.
  14. Mossman, Billy (29 June 2005). United States Army in the Korean War: Ebb and Flow November 1950-July 1951. University Press of the Pacific. pa. 51.
  15. Sandler, Stanley (1999). The Korean War: No Victors, No Vanquished. The University Press of Kentucky. pa. 108.
  16. David Halberstam. Halberstam, David (25 September 2007). The Coldest Winter: America and the Korean War. Hyperion. Kindle Edition.
  17. Bethany Lacina and Nils Petter Gleditsch, Monitoring Trends in Global Combat: A New Dataset of Battle Deaths Naka-arkibo 12 October 2013 sa Wayback Machine., European Journal of Population (2005) 21: 145–166.
  18. Buzo, Adrian (2002). The Making of Modern Korea. London: Routledge. pa. 140. ISBN 978-0-415-23749-9.
  19. Cumings, Bruce (2005). Korea's Place in the Sun: A Modern History. New York: W. W. Norton & Company. pa. 434. ISBN 978-0-393-32702-1.
  20. Robinson, Michael E (2007). Korea's Twentieth-Century Odyssey. Honolulu: University of Hawaii Press. pa. 153. ISBN 978-0-8248-3174-5.
  21. Lankov, Andrei N., Crisis in North Korea: The Failure of De-Stalinization, 1956, Honolulu: Hawaii University Press (2004), ISBN 978-0-8248-2809-7
  22. Timothy Hildebrandt, "Uneasy Allies: Fifty Years of China-North Korea Relations" Naka-arkibo 24 February 2015 sa Wayback Machine., Asia Program Special Report, September 2003, Woodrow Wilson International Centre for Scholars.
  23. Ri, Sang-jo. "Letter from Ri Sang-jo to the Central Committee of the Korean Workers Party". Woodrow Wilson Center. Nakuha noong 5 March 2014.
  24. North Korea: Kim Il-Sung's Catastrophic Rights Legacy 13 April 2016. Human Rights Watch, 2016.
  25. Black Book of Communism, pg. 564.
  26. The Worst of the Worst: The World's Most Repressive Societies Naka-arkibo 7 June 2013 sa Wayback Machine.. Freedom House, 2012.
  27. Statistics of democide - Chapter 10 - Statistics Of North Korean Democide - Estimates, Calculations, And Sources by Rudolph Rummel.
  28. Behr, Edward Kiss the Hand You Cannot Bite, New York: Villard Books, 1991 page 195.
  29. Enver Hoxha, "Reflections on China II: Extracts from the Political Diary", Institute of Marxist–Leninist Studies at the Central Committee of the Party of Labour of Albania," Tirana, 1979, pp 516, 517, 521, 547, 548, 549.
  30. "DPR Korea", Official site, Asia–Pacific Legal Metrology Forum, 2015, tinago mula sa orihinal noong 9 February 2017.
  31. Haberman, Clyde; Times, Special to The New York (17 November 1986). "Kim Il Sung, at 74, Is Reported Dead". The New York Times. Tinago mula sa orihinal noong 19 March 2017. Nakuha noong 19 March 2017.
  32. Bluth, Christoph (2008). Korea. Cambridge: Polity Press. pa. 34. ISBN 978-07456-3357-2.
  33. North Korea - From 1970 to the death of Kim Il-Sung on Encyclopædia Britannica.
  34. Cumings, Bruce (2003). North Korea: Another Country. New York: New Press. pa. 115. ISBN 978-1-56584-940-2.
  35. Blakemore, Erin (1 September 2018). "Bill Clinton Once Struck a Nuclear Deal With North Korea". history.com. A&E Television Networks. Nakuha noong 3 July 2019.
  36. "Chronology of U.S.-North Korean Nuclear and Missile Diplomacy | Arms Control Association". www.armscontrol.org. Tinago mula sa orihinal noong 22 April 2012.
  37. Demick, Barbara: Nothing to Envy: Ordinary Lives in North Korea.
  38. Scenes of lamentation after Kim Il-sung’s death sa YouTube
  39. Saxonberg, Steven (14 February 2013). Transitions and Non-Transitions from Communism: Regime Survival in China, Cuba, North Korea, and Vietnam. Cambridge University Press. pa. 123. ISBN 978-1-107-02388-8. Tinago mula sa orihinal noong 18 May 2016.