Vladimir Lenin

Rusong politiko, komunistang teorista at tagapagtatag ng Unyong Sobyetiko

Si Vladimir Ilyich Ulyanov (Abril 22, 1870Enero 21, 1924), mas kilala sa kanyang alyas na Lenin, ay Rusong politiko, pilosopo, estadista, at manghihimagsik na naglingkod bilang unang pinunong tagapagtatag ng Sobyetikong Rusya mula 1917, at sa kalauna'y ng Unyong Sobyetiko noong 1922 hanggang 1924. Hinawakan niya ang pangunahing posisyong Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan, dinadaglat sa Ruso na Sovnarkom. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, pinamahalaan ang bansa na unipartidistang sosyalistang estado sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista. Ang kanyang mga pag-unlad sa teoryang Marxismo ay tinatawag na Leninismo.

Vladimir Ilyich Lenin
Владимир Ильич Ленин
Si Lenin sa Ika-1 Kongreso ng Komunistang Internasyonal noong 2-6 Marso 1919.

Ika-1 Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan ng Unyong Sobyetiko
Nasa puwesto
6 Hulyo 1923 – 21 Enero 1924
Sinundan niAleksei Rykov

Ika-1 Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan ng SPSR ng Rusya
Nasa puwesto
8 Nobyembre 1917 – 21 Enero 1924
Sinundan niAleksei Rykov
Personal na detalye
Isinilang
Vladimir Ilyich Ulyanov
Владимир Ильич Ульянов

22 [L.I. 10] Abril 1870
Simbirsk, Imperyong Ruso
Yumao21 Enero 1924(1924-01-21) (edad 53)
Gorki, Unyong Sobyetiko
HimlayanMausoleo ni Lenin, Mosku
Partidong pampolitikaPCR(b) (1918-1924)
POSDR(b) (1903-1918)
Ibang ugnayang
pampolitika
POSDR (1898-1903)
LPEUM (1895–1898)
AsawaNadezhda Krupskaya (1898-1924)
Magulang
  • Ilya Nikolayevich Ulyanov
  • Maria Alexandrovna Blank
Alma mater
Pirma
Pagkakasapi sa Institusyong Sentral
  • 1918–1920: Tagapangulo; Konseho ng Paggawa at Tanggulan
  • 1917-1918: Kasapi; Asembleyang Konstituyente ng Rusya (Plota ng Baltiko)
  • 1917–1924: Ganap na Kasapi; Ika-6-12 Politburo ng POSDR(b) at PCR(b)
  • 1912–1924: Ganap na Kasapi; Ika-6-12 Komite Sentral ng POSDR(b) at PCR(b)
  • 1907–1912: Kandidatong Kasapi; Ika-5 Komite Sentral ng POSDR
  • 1903–1905: Ganap na Kasapi; Ika-2-3 Komite Sentral ng POSDR

Ika-1 Pinuno ng Unyong Sobyetiko
(Disyembre 30, 1922Enero 21, 1924)

Ipinanganak si Lenin sa Simbirsk sa isang pamilya mula sa uring gitnang itaas. Tinanghal niya ang insureksyonista at sosyalistang politika kasunod ng pagbitay sa kanyang kuya noong 1887. Pinalayas siya mula sa Pamantasang Imperyal ng Kazan dahil sa pakikilahok sa mga protestang kontra-Tsar, at nagsumikap sa mga sumunod na taon upang magkaroon ng titulong pambatas. Lumipat siya sa San Petersburgo noong 1893 at naging Marxistang aktibista. Inaresto siya noong 1897 dahil sa sedisyon at ineksilya sa Siberya nang tatlong taon kung saan pinakasalan niya ang guro at kapwa niyang kasama na si Nadezhda Krupskaya. Pagkatapos ng kanyang destyero ay naglakbay siya sa Kanlurang Europa at naging prominenteng teorista ng Partido Obrero Sosyal-Demokratiko ng Rusya. Sa panahon ng ideolohikong paghihiwalay sa POSDR noong 1903 ay pinamunuan niya ang paksyong Bolshebista laban sa grupong Menshebista ni Yuli Martov. Kasunod ng nabigong Himagsikang Ruso ng 1905 ay nangampanya siya na gawin ang Unang Digmaang Pandaigdig na proletaryong pag-aalsa sa buong Europa, na pinaniwalaan niyang magdudulot sa pagbagsak ng kapitalismo sa kontinente at paglilipat sa sosyalismo. Pagkatapos ng Himagsikang Pebrero noong 1917 na pinatalsik si Nicolas II at binuwag ang Imperyong Ruso ay itinatag ang Pamahalaang Probisyonal na naglunsad ng serye ng mga repormang liberal. Nagpatuloy pa rin ang kaguluhan, at bumalik si Lenin sa Rusya upang gumanap ng nangungunang papel sa Himagsikang Oktubre kung saan nilansag ng mga Bolshebista ang bagong rehimen.

Noong una ay nagbahagi ang goberyno ni Lenin ng kapangyarihan sa mga Makakaliwang Sosyalista-Rebolusyonaryo, inihalal na sobyetiko, at isang multipartidistang Asembleyang Konstituyente, ngunit noong 1918 ay naisentralisa na ang pamumuno sa bagong Partido Komunista. Nagsagawa ito ng mga reporma tulad ng muling pagbabahagi ng lupain sa uring magbubukid at pagsasabansa ng mga bangko at malaking industriya. Hinarap ng pagsasalakay ng Imperyong Aleman, nilagdaan ni Lenin ang pangkapayapaang Tratado ng Brest-Litovsk na nagbigay teritoryo sa Kapangyarihang Sentrales at humantong sa pag-alis ng Rusya sa gera. Itinatag niya ang Komunistang Internasyonal noong 1919 na itinaguyod ang konsepto ng pandaigdigang himagsikan. Tinalo ng kanyang pangasiwaan ang mga makakana't kaliwang hukbong kontra-Bolshebista sa Digmaang Sibil sa Rusya at pinangasiwaan ang Digmaang Polako–Sobyetiko noong 1919–1921. Sinupil din nito ang mga kalaban ng estado sa Pulang Sindak, isang marahas na kampanyang inilunsad ng mga awtoridad kung saan libu-libo ang pinatay o ikinulong sa mga kampong piitan. Tinugon ni Lenin ang taggutom, pagkawasak sa digmaan, at mga tanyag na rebelyon sa paglunsad ng Bagong Polisiyang Pang-ekonomiya, isang sistema ng pang-estadong kapitalismo na nagpasimuno ng industriyalisasyon at postgerang restorasyon. Pinagsama ang Ukranya, Biyelorusya, at Transkaukasya sa bagong Unyong Sobyetiko noong 1922. Tuluyang nanghina sa kalusugan, namatay si Lenin sa Gorki noong 1924, at hinalinhan siya ni Iosif Stalin bilang nakatataas na mamumuno sa pamahalaan.

Malawakang itinuturing na isa sa mga pinakamahalaga at maimpluwensyang tao ng ika-20 dantaon, naging postumong paksa si Lenin ng laganap na kulto ng personalidad sa loob ng USSR hanggang sa pagkabuwag nito noong 1991. Nagbigay-daan ang Leninismo sa iba't ibang paaralan ng kaisipan; pinagsama ito ni Stalin sa ortodoksong Marxismo upang mabuo ang Marxismo–Leninismo, na siya'y nagkaroon ng iilan pang sangay tulad ng Stalinismo, Trotskismo, at Maoismo. Isang kontrobersyal at lubos na naghahating makasaysayang pigura, pinupuri si Lenin ng kanyang mga tagasuporta bilang isang kampeon ng sosyalismo at uring manggagawa na siyang pinakadakilang sumunod kay Karl Marx. Sa kaibhan, inaakusahan siya ng kanyang mga kritiko sa paggawa ng totalitaryong diktadura na nangasiwa sa maramihang pagpatay at pampolitikang panunupil.

Pinagmulan at Maagang Buhay

baguhin

Kapanganakan at Pagkabata

baguhin
 
Sertipiko na nagtatala sa kapanganakan ni Lenin, taong 1970.

Ipinanganak si Lenin na Vladimir Ilyich Ulyanov (Ruso: Владимир Ильич Ульянов) noong 22 [L.I. 10] Abril 1870 sa Streletskaya Ulitsa, Simbirsk ng dating Imperyong Ruso. Siya ang ikaapat sa walong anak nina Ilya Nikolayevich Ulyanov, isang pampublikong guro, at Maria Alexandrovna Blank, isang maybahay. Bininyagan siya sa Katedral ni San Nicolas anim na araw ang nakalipas at kinilala sa palayaw na "Volodya", isang diminutibo ng Vladimir.[1]:33 Isang debotong kasapi si Ilya ng Simbahang Ortodokso ng Rusya at sa gayo'y bininyagan ang kanyang mga anak dito, bagaman si Maria ay pinalaking Luterano at di-interesado sa Kristiyanismo, na nakaimpluwensya sa kanyang mga anak. Pareho silang monarkista at konserbatibong liberal: dedikado sa repormang emansipasyon ng 1861, iniwasan nila ang politikang radikal, at walang ebidensyang inilagay sila ng pulisya sa ilalim ng pagbabantay dahil sa subersibong pag-iisip.[2]:13-27

Litrato ng pamilyang Ulyanov, taong 1879. Makikita si Vladimir (edad 9) sa kanan na nakaluhod.
Tahanan ng pamilyang Ulyanov sa Simbirsk, kung saan si Lenin lumaki.

Tuwing tag-araw ay nagbakasyon sina Volodya sa isang rural na manor na pagmamay-ari ng pamilya ng kanyang ina sa Kokushkino. Isang masigasig na atleta, ginugol niya ang kanyang libreng oras sa labas o sa paglalaro ng ahedres, ngunit iginiit ng kanyang ama na dapat niyang italaga ang kanyang buhay sa pag-aaral. Nagpakita siya ng kahusayan sa kanyang paaralan na Himnasyong Klasikal ng Simbirsk, isang disiplinaryo at konserbatibong institusyon. Kinahiligan niya ang asyendang Blank na kanyang tinambayan sa kanyang pagkabata. Ipinagmalaki niya noon ang kanyang sarili bilang anak ng eskudero, at minsa'y naglagda bilang "Ereditaryong Noble Vladimir Ulyanov" sa harap ng pulisya.[2]:26-46 Napansin ang marangal na pinagmulang ito ng marami, kabilang na ang manunulat na si Maxim Gorky, na nagsabing malaki ang naging impluwensya sa kanyang pagkatao.

Pumanaw si Ilya noong 12 Enero 1886 dahil sa hemorahiyang serebral o pagdurugo ng utak, nang si Vladimir ay 15 taong gulang. Di-nagtagal ay naging eratiko at komprontasyonal ang kanyang pag-uugali, at sa kalaunan ay tinalikuran niya ang kanyang pananampalataya. Nang panahong iyon ay nag-aaral ang kanyang kuyang si Aleksandr "Sacha" ng biyolohiya sa Pamantasang Imperyal ng San Petersburgo. Sangkot sa politikal na ahitasyon laban sa absolutong monarkiya ng reaksyonaryong Tsar Alejandro III, pinag-aralan niya ang mga sinulat ng mga ipinagbawal na makakaliwang akda tulad nina Dmitry Pisarev, Nikolay Dobrolyubov, Nikolay Chernyshevsky, at Karl Marx. Nag-organisa siya ng mga protestang kontra-gobyerno, sumali sa isang rebolusyonaryong selda na binalak patayin ang Tsar, at napiling gumawa ng bomba para rito. Gayunpaman, naaresto at nilitis ang mga kasabwat bago pa nagsimula ang atake. Hinatulan si Sacha sa kamatayan noong 25 Abril 1887, at binitay siya noong 8 Mayo. Sa kabila ng emosyonal na trauma na dulot ng pagkamatay ng kanyang ama at kapatid, nagpatuloy si Vladimir sa pag-aaral – nagtapos siya na nangunguna sa kanyang klase at may gintong medalya; nagpasya siyang mag-aral sa Pamantasang Kazan.[3]:6-18 Ang punong-guro noon ni Lenin sa himnasyo ay si Fedor Kerensky, ang ama ng kanyang magiging pangunahing pampolitikang karibal na si Aleksandr Fyodorovich. Sa kanyang huling taon noong 1887, sumulat si Kerensky ng ulat tungkol kay Vladimir, na naglarawan sa kanya bilang "modelong mag-aaral, kailanma'y hinding nagbigay ng dahilan para sa kawalang-kaluguran, sa salita o gawa, sa mga awtoridad ng paaralan'". Nagsulat din siya na "relihiyon at disiplina ang naging batayan ng kanyang pagpapalaki, ang mga bunga nito'y maliwanag sa pag-uugali ni Ulyanov". Sa puntong ito, maraming naging indikasyon na bubuo siya ng matatag na karera sa Tsaristang burukrasya at susunod sa mga yapak ng kanyang ama.[4]:142-143

Unibersidad at Pampolitikang Radikalisasyon

baguhin
 
Si Lenin, taong 1887, na nagtapos sa Himnasyong Klasikal ng Simbirsk.

Pumasok niya sa Panghukumang Pakultad ng Pamantasang Imperyal ng Kazan noong Agosto 1887. Naging interesado siya mga ideyang radikal ng kanyang yumaong kapatid, at nagsimulang makipagpulong sa isang mapanghimagsikang selda na pinatakbo ng militanteng agraryong sosyalistang si Lazar Bogoraz, na nakipag-ugnayan sa mga makakaliwang hinangad na muling buhayin ang teroristang organisasyon na Kaloobang Bayan (Наро́дная во́ля, Narodnaya Volya). Sumali siya sa isang ilegal na pampamantasang zemlyachestvo, isang lipunan ng mga kalalakihang nag-aaral nang malayo sa kanilang natibong rehiyon. Di-nagtagal ay inihalal siya bilang representatibo sa konseho nito. Nakibahagi siya noong Disyembre 4 sa mga demonstrasyong dinemanda ang abolisyon sa estatuto ng 1884 at muling pagsasabatas ng mga lipunang mag-aaral, ngunit inaresto siya ng pulisya kasama ang 100 iba pang nagprotesta. Inakusahang kabisilya, pinalayas siya sa unibersidad, inilagay ng Ministeryo ng Ugnayang Panloob sa ilalim ng pagbabantay ng pulis, at ipinatapon sa kanyang pampamilyang asyenda sa Kokushkino. Mataman siyang nagbasa dito, at naakit sa pro-rebolusyonaryong nobela ni Chernyshevsky na Ano ang Dapat Gawin? noong 1863. Abala sa kanyang tumitinding radikalismo, hinikayat siya ng kanyang ina noong Setyembre 1888 na sumulat sa Ministeryong Panloob na hilinging payagan siyang mag-aral sa dayuhang unibersidad; tinanggihan ito ngunit pinahintulutan siyang bumalik sa Kazan, kung saan nanirahan siya sa Pervaya Gora kasama ang kanyang ina at kapatid na si Dmitry.[5]:26-28

Sa kanyang pagbalik, sumali siya sa rebolusyonaryong sirkulo ni Nikolay Fedoseev at natuklasan ang aklat ni Marx noong 1867 na Ang Kapital, na nag-udyok sa kanyang interes sa Marxismo. Nabahala ang kanyang ina rito, at upang ibaling ni Vladimir ang kanyang pansin sa agrikultura, bumili siya ng ari-arian sa nayon ng Alakaevka, Oblast ng Samara, isang lugar na ginawang tanyag sa mga gawa ni makatang Gleb Uspensky, lubos na hinangaan ng kanyang anak. Dito, pinag-aralan niya ang buhay magsasaka at ang kanilang kahirapan, ngunit ninakaw ng mga lokal ang kanyang mga alagang hayop at kagamitang pambukid, na pumilit sa kanyang ina na ibenta ang sakahan. Noong Setyembre 1889 ay lumipat sila sa Samara, kung saan nakipag-ugnayan si Vladimir sa mga ineksilyang disidente at sumali sa sosyalistang lupong pantalakayan ni Aleksei Sklyarenko. Lubos niyang pinagtibay ang kanyang dedikasyon sa Marxismo, at isinalin niya ang polyetong politikal nina Marx at Friedrich Engels noong 1848 na Manipestong Komunista sa Ruso. Sinimulan niyang basahin ang mga sulat ni Georgi Plekhanov, isa sa mga unang Rusong Marxista, at sumang-ayon sa kanyang argumento na lumilipat na ang Rusya mula sa pyudalismo tungo sa kapitalismo, at kaya't ipapatupad na ang sosyalismo ng proletaryado, ang urbanong uring manggagawa, at hindi ng mga magbubukid. Sinasalungat nito ang pananaw ng agraryo-sosyalistang kilusang Narodnik, na nagtalong kayang itatag ng mga magsasaka ang sosyalismo sa Rusya sa pamamagitan ng mga komunang magbubukid, sa gayo'y lalampasan ang kapitalismo. Bagama't binalewala ito ni Lenin, naimpluwensyahan pa rin siya ng mga agraryo-sosyalista tulad nina Pyotr Tkachev at Sergey Nechayev.[2]:74-80

Tulad ng kanyang kuya, naipasailalim si Lenin sa teoretikal na impluwensya nina Karl Marx (kaliwa) and Friedrich Engels (kanan).

Noong Mayo 1890, si Maria, na mayroon pang natitirang impluwensya bilang balo ng isang noble, ay hinikayat ang mga awtoridad na pahintulutan si Vladimir na kunin ang kanyang mga pagsusulit sa labas ng Pamantasang Imperyal ng San Petersburgo, at nakakuha siya ng katumbas ng gradong primera klase na may karangalan. Nasira ang pagdiriwang ng kanyang tagumpay sa pagpanaw ng kanyang nakababatang kapatid na si Olga dahil sa tipus. Nanatili siya sa Samara ng ilang taon, una bilang asistenteng legal ng hukumang rehiyonal bago magkatrabaho para sa isang lokal na abogado.[6]:18 Nagtalaga siya ng maraming oras sa politikang radikal, nanatiling aktibo sa grupo ni Sklyarenko at nagpanukala ng mga teorya sa pag-aaplika ng Marxismo sa Rusya. Inspirado sa mga gawa ni Plekhanov, nagkolekta si Vladimir ng data sa lipunang Ruso at ginamit ito upang suportahan ang Marxistang interpretasyon ng panlipunang kaunlaran at kontrahin ang argumento ng mga Narodnik. Sinulat niya noong tagsibol ng 1893 ang artikulong Mga Bagong Ekonomikong Pag-unlad sa Buhay Magsasaka na pinagtuunan ang ekonomikang magbubukid, ngunit tinanggihan ito ng pahayagang liberal na Kaisipang Ruso; nilimbag lamang ito noong 1923.[3]:21

Mapanghimagsikang Aktibidad

baguhin

Naunang Aktibismo at Pagkabilanggo

baguhin
 
Si Nadezhda Krupskaya, ang inibig at naging asawa ni Lenin.

Pagsapit ng taglagas ng 1893, lumipat si Lenin sa San Petersburgo at nagtrabaho bilang asistente ng isang barista. Sumali siya sa isang Marxistang rebolusyonaryong selda na nagngalang mga Sosyal-Demokrata, hango sa Partido Sosyal-Demokratiko ng Alemanya na dating sumusunod sa Marxismo. Hinahangaan ang kanyang ekstensibong kaalaman, unti-unti siyang umakyat sa isang mataas na posisyon sa grupo. Nakipagdebate siya kay Marxistang teorista na si Vasily Vorontso noong Enero 1894 sa isang lihim na pagpupulong, na nagbigay atensyon sa mga espiyang pulis. Nakipag-ugnayan si Lenin kay Pyotr Struve, isang mayamang karamay na inasahan niyang makakatulong sa paglalathala ng Marxiatang panitikan. Hinikayat din niya ang pagtatatag ng mga mapanghimagsikang selda sa mga sentrong industriyal ng Rusya, at kinaibigan ang Hudyong Marxista na si Yuli Martov.[2]:96-105 Pumasok siya sa isang relasyon sa guro at kapwa Marxistang si Nadezhda "Nadya" Krupskaya, na nagpakilala sa kanya sa sosyalistang proletaryado. Nang huling bahagi ng 1894, pinamunuan ni Vladimir ang isang lupong manggagawa na nagpulong ng dalawang oras sa isang Linggo. Ginamit niya ang seudonimong Nikolai Petrovich, at madalas na tinukoy siya bilang starik, o nakatatanda. Maselan niyang tinakpan ang kanyang mga gawain, sa ilalim ng pretekstong nagsusumikap ang pulisya na makalusot sa rebolusyonaryong kilusan. Isinulat niya nang panahong ito ang kanyang unang pampolitikang trakto na Ano ang "mga Kaibigan ng Taumbayan" at Paano Nila Kinakalaban ang mga Sosyal-Demokrata, batay sa kanyang mga karanasan sa Samara. Humigit-kumulang 200 kopyang ilegal ang nailimbag.[5]:38-43 Bagama't naimpluwensiyahan si Lenin ni Tkachev, nakipagsugpuan siya sa Partido Sosyalista–Rebolusyonaryo, na inspirado ng nabuwag na Kaloobang Bayan. Sa pagtataguyod ng Narodnik na agraryo-sosyalistang plataporma, binigyang-diin ng mga SR ang papel ng magsasaka sa himagsikan, na noong 1881 ay may bilang na 75 milyon, taliwas sa munting 1 milyong proletaryado sa kalunsuran ng Rusya. Sa kabaligtaran, nakita ng mga Marxista na ang pangunahing motibasyon ng uring magsasaka ay ang pagmamay-ari ng kanilang lupain, na ginawa silang kapitalista. Samakatuwid, inasahan nila ang proletaryado na ilunsad ang rebolusyon at isulong ang sosyalismo.[3]:23-25

 
Mugshot si Lenin sa kanyang pagkaaresto, taong 1895.

Ninais ni Lenin na magkaroon ng koneksyon sa pagitan ng kanyang mga Sosyal-Demokrata at sa grupong Emansipasyon ng Paggawa, isang organisasyon na itinatag sa Hinebra, Suwisa ni Plekhanov at ng ibang Rusong Marxistang emigrante noong 1883. Dahil dito, nagbiyahe siya papuntang Suwisa upang bisitahin si Plekhanov mismo, na sa pangkalahata'y suportibo sa kanila ngunit pinuna ang kanilang pagwawalang-bahala sa papel ng burgesya sa himagsikang anti-Tsarista. Pumunta rin siya sa Zurich kung saan nakipagkaibigan siya sa isa ring kasapi rin ng EP na si Paxel Avelrod. Sa kanyang pagdating sa Paris, Pransiya ay nanaliksik siya ukol sa Komuna ng Paris ng 1871, na kanyang tinuring na naunang prototipo ng pamahalaang proletaryo. Dito rin niya nakilala ang manugang ni Marx na si Paul Lafargue na isa ring sosyalista. Pinondohan ng kanyang ina, nanatili siya sa isang Suwisong spang pangkalusugan bago maglakbay sa Berlin, Alemanya kung saan nag-aral siya ng anim na linggo sa Pampamahalaang Aklatan at nakilala si Wilhelm Liebknecht, isang nangunang Sosyal-Demokratang Aleman. Bumalik siya sa Rusya na maraming dalang ipinagbawal na rebolusyonaryong publikasyon, at nagsimulang magpamahagi ng literatura sa mga manggagawang nagwewelga sa iba't ibang lungsod. Nakilahok siya sa paggawa ng balita Layuning Manggagawa, at naaresto kabilang ang 40 pang aktibistang sa San Petersburgo kung saan kinasuhan sila ng sedisyon. Tinanggihan niya ang anumang legal na representasyon o pagpiyansa habang binabalewala lahat ng paratang laban. Nanatili siyang nakakulong ng isang taon bago hatulan. Ginugol niya ang oras na ito sa pagteteorisa at pagsusulat. Ipinunto niya na maraming magbubukid sa Rusya na lumipat sa mga lungsod dahil sa pag-usbong ng kapitalismong industriyal, na ginawa silang mga proletaryo. Sa kanyang perspektibo, nangatuwiran si Lenin na mabubuo nila ang kamalayan ng uri, na hahantong sa kanilang marahas na pagbagsak ng tsarismo, aristokrasya, at burgesya at tatatag ng proletaryong estado na tutungo sa sosyalismo. Natapos niya ang Burador at Pagpapaliwanag ng Programa para sa Partido Sosyal-Demokratiko noong Hulyo 1896 at sinimulan ang kanyang aklat na Ang Pag-unlad ng Kapitalismo sa Rusya.[5]:44-51

 
Si Lenin (nakaupo sa sentro) kasama ang mga kapwa niyang kasapi sa Liga ng Pakikibaka para sa Emansipasyon ng Uring Manggagawa, taong 1897.

Noong Pebrero 1897, sinentensiyahan si Lenin nang walang paglilitis sa tatlong taong pagkakatapon sa silangang Siberya. Binigyan siya ng ilang araw sa San Petersburgo upang ayusin ang kanyang mga gawain, at ginamit niya ang oras na ito upang makipagkita sa mga Sosyal-Demokrata, na naging Liga ng Pakikibaka para sa Emansipasyon ng Uring Manggagawa, o LPEUM. Marami sa mga namunong intelihensya nito ang nabilanggo na nagresulta sa pagkuha ng mga manggagawa sa mga matataas na posisyon sa grupo; nagdulot ito sa mga lamat ngunit sinuportahan pa rin ni Lenin. Tinamaan ang San Petersburgo ng maraming welga sa panahong 1896–97 na tinulungan ng mga Marxista; sa paniniwalang ang kanyang mga hula ay magkakatotoo, hindi siya nasiyahan sa pagtatalikod sa kilusan. Ginamit ng pamahalaan ng Rusya ang isang malaking sistema ng mga kampong kulungan at lugar ng pag-eeksilya sa mga gilid ng imperyo para sa mga disidente at kriminal. Noong taong 1897 ay mayroong 300,000 mamamayang Ruso sa sistemang ito, at isa na sa kanila si Lenin. Sinamahan siya ng kanyang ina at mga kapatid sa silangang Siberya na tumagal ng 11 linggo. Itinuring siya na maliit lamang na banta, at nilagay sa Shushenskoye, Distritong Minusinsky sa ilalim ng pagbabantay ng pulisya. Sa kabila nito, nakipag-ugnayan pa rin siya sa iba pang mga subersibo, na bumisita sa kanya para lumangoy sa Ilog Yenisei at manghuli ng mga pato at labuyo. Sinamahan siya ni Nadya noong Mayo 1898, na naaresto noong Agosto 1896 sa pag-oorganisa ng welga. Bagaman sa una ay ipinatapon sa Ufa, Baskortostan, nakumbinsi niya ang mga awtoridad na ilipat siya sa Shushenskoye sa pagsabi na asawa niya si Lenin, ikinasal sila sa isang simbahan noong 10 Hulyo 1898. Tumahan siya sa buhay pampamilya kasama ang kanyang biyenan na si Elizaveta Vasilyevna. Binigyang trabaho ni Struve ang mag-asawa na magsalin ng Ingles na sosyalistang panitikan sa Ruso tulad ng Ang Kasaysayan ng Unyonismong Manggagawa nina Sidney at Beatrice Webb noong 1894. Binantayan nila ang sitwasyon ng Marxismo sa Alemanya - kung saan nagkaroon ng ideolohikal paghihiwalay sa mga rebisyonista ni Eduard Bernstein na nagtataguyod ng mapayapa at elektoral na landas patungong sosyalismo. Nanatiling dedikado si Lenin sa madahas na himagsikan at kinontra ang rebisyonistang posisyon sa Isang Protesta ng mga Sosyal-Demokratang Ruso.[5]:52-63 Naging kritikal din siya sa mga "Ekonomista", mga miyembro ng kilusang Sosyal-Demokrata na nangampanya ng repormang pang-ekonomiya upang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa halip na ipaglaban ang rebolusyong sosyopolitikal.[7]:356 Tinapos niya ang Ang Pag-unlad ng Kapitalismo sa Rusya noong 1899, ang kanyang pinakamahabang aklat na naglalaman ng polemikong pag-atake sa mga Sosyalista-Rebolusyonaryo at naglahad ng Marxistang pagsusuri sa pag-unlad ng ekonomiya ng Rusya. Inilimbag ito sa ilalim ng sagisag-panulat na "Vladimir Ilin", at ilalarawan ng Britanikong biyograpo na si Robert Service bilang "obra maestra", ngunit hindi tinanggap ng positibo sa una nitong publikasyon.[2]:121-124

Paglalakbay sa Kanlurang Europa

baguhin
 
Si Lenin (itaas na hilera, ikalawa mula sa kaliwa) bilang kasapi ng lupong patnugutan ng Iskra noong 1903.

Sa pagtatapos ng kanyang pagkatapon, si Vladimir ay pinagbawalan sa San Petersburgo, at nanirahan sa Pskov noong Pebrero 1900. Dito siya nagsimulang maglikom ng pondo para sa pahayagang Iskra (Искра, "Siklab"), ang bagong organo ng Rusong kilusang Marxista na nareorganisa sa Partido Obrero Sosyal-Demokratiko ng Rusya. Si Nadya, na hindi pa nakapagsilbi sa kabuuan ng kanyang sentensiya, ay nanatili sa destyero sa Ufa, kung saan siya nagkasakit. Matapos bisitahin ang kanyang asawa noong 29 Hulyo, umalis si Vladimir tungong Kanlurang Europa. Sa Suwisa at Alemanya ay nakipagkita siya kina Axelrod, Plekhanov at Potresov, at nakipagpanayam ukol sa sitwasyon ng Rusya. Naganap ang isang kumperensya sa pagitan ng mga Marxistang Ruso noong Agosto 24 sa bayan ng Corsier upang talakayin ang Iskra, at napagkasunduan na ilunsad ang papel sa Munich, kung saan lumipat si Vladimir noong Setyembre. Inilimbag ang unang isyu noong bisperas ng Pasko, at naglalaman ng artikulo na isinulat ni Vladimir na tumututol sa interbensyong Europeo sa Pag-aalsang Boksingero. Nilabas din noong Marso 1901 ang Zarya (Заря, "Bukang-Liwayway"), ang pangalawang peryodiko ng POSDR na nagkaroon ng apat na isyu, ngunit hindi ito naging kasing-tanyag ng Iskra, na naging pinakamatagumpay na publikasyong pinupuslit sa Russia sa loob ng limang dekada. Naglaman ito ng mga kontribusyon mula sa mga Marxistang pigura tulad ng Polakong Rosa Luxemburg, Tseko-Austrianong Karl Kautsky, at Ukranyong Leon Trotsky. Pinagtibay ni Vladimir ang nom de guerre na "Lenin" noong Disyembre 1901, na posibleng kinuha mula sa Siberyanong Ilog Lena. Maaaring hinalintulad ito sa paggawa ni Plekhanov ng alyas na "Volgin", na galing sa Ilog Volga. Madalas niyang ginagamit ang mas buong seudonimong N. Lenin, at habang walang kahulugan ang letrang N, sumikat ang maling kuru-kuro na nangahulugan itong Nikolai. Sa ilalim ng pangalang ito ay inilathala niya noong 1902 ang kanyang pinaka-maimpluwensyang publikasyon sa puntong iyon, ang polyetong Ano ang Dapat Gagawin? - mula sa nobela ni Chernychevsky, na binalangkas ang pangangailangan sa pagbuo ng talibang partido upang pamunuan ang proletaryong rebolusyon.[8]:27-66

Sinamahan ni Krupskaya si Lenin sa Munich at naging kanyang kalihim. Ipinagpatuloy nila ang kanilang pampulitikang pagkabalisa, habang isinulat ni Lenin ang programa ng POSDR at tinuligsa ang kanyang mga ideolohikong disidente at mga panlabas na kritiko, partikular ang Socialist Revolutionary Party. Sa kabila ng pananatiling ortodoksong Marxista, tinanggap niya ang pananaw ng mga Narodnik sa mapanghimagsikang kapangyarihan ng Rusong magbubukid, nang naaayon, inakda niya noong 1903 ang pampletong Sa Dukha ng Kanayunan. Upang maiwasan ang Bavarianong pulisya, lumipat si Lenin kasama ang kanyang asawa sa Londres, Britanya noong Abril 1902 at inistasyon doon ang bagong punong-tanggapan ng Iskra. Bagama't tinanggihan ang lutuing Ingles, nagustuhan niya ang Londres at gumugugol ng maraming oras sa Silid ng Pagbabasa sa Museo Britaniko. Nanirahan siya malapit sa ibang patnugot ng pahayagan, ngunit inayawan ang kanilang komunal na paraan ng pamumuhay, sa halip ay naging mabuting kaibigan ni Trotsky, na bago lang dumating sa lungsod. Nagkasakit si Lenin ng erisipela at hindi nagkaroon ng nangungunang papel sa lupong editoryal ng Iskra; nang wala siya ay inaprubahan ang pagbabalik sa Hinebra, isang panukalang hindi niya sinang-ayunan. Bago lumipat, nagbakasyon si Lenin sa Bretanya, Pransiya kasama ang kanyang ina at babaeng kapatid.

Itinatag ang Komiteng Pang-organisasyon para sa Kongreso noong Marso 1902 upang planuhin ang Ika-2 Kongreso ng POSDR, na orihinal na itinakdang gaganapin sa Bruselas, Belhika pagsapit ng Hulyo. Gayunpaman, habang pumalapit ang petsa ay naging malinaw na sinubaybayan ito ng Belhikong pulis, kaya't binago ang lugar sa Simbahang Pagkakapatiran sa Londres. Nagkaroon ng paghahati sa kumperensya sa pagitan ng mga tagasuporta nina Lenin at Martov. Habang nagbuburador ng platapormang pampartido, nangatuwiran si Martov na ang mga miyembro ay dapat na maaring makapagpahayag ng kanilang mga sarili nang malaya sa pamumuno ng partido - hindi rito sumang-ayon si Lenin, na binibigyang-diin ang pangangailangan sa malakas na pamumuno na may ganap na kontrol sa partido. Sinubukang iresolba ang suliranin sa botohan, at nanalo si Martov nang 28 sa boto. Nagpatuloy pa rin ang mga argumento, at marami sa mga sumuporta sa posisyon ni Martov ang umalis bilang pagprotesta. Iniwan nito ang mga tagasuporta ni Lenin sa karamihan, at tinawag sila ni Lenin na mga "mayoritaryo" (bol'sheviki, Bolshebista); bilang tugon, tinawag ni Martov ang kanyang mga tagasunod na mga "minoritaryo" (men'sheviki, Menshebista). Binatikos ng mga Bolshebista ang kanilang mga karibal na mga oportunista at repormista na walang disiplina, habang inakusahan ng mga Menshebista si Lenin bilang despota at autokrata na maihahambing kay Maximilien de Robespierre.[5]:79-83 Nang pumanig si Plekhanov kay Martov, nagalit si Lenin at nagbitiw sa kanyang mga posisyon sa lupong patnugutan ng Iskra at Konseho ng Partido ng POSDR. Inilathala niya ang anti-Menshebistang librito na Isang Hakbang Pasulong, Dalawang Hakbang Paatras noong Mayo 1904. Nagresulta ang tensyong ito sa karamdamang hinahalaan na neurasteniya, at upang pagaanin ito ay nagbakasyong pag-adyo siya sa kanayunan ng Suwisa noong Hunyo. Pinagsikapan ng ilang kasapi ng partido na muling pagsama-samahin ang dalawang paksyon ngunit nabigo ito. Lumakas ang grupo ni Lenin, at nang dumating ang tagsibol, lahat ng walong miyembro ng Komite Sentral ay Bolshebista. Noong Disyembre, nilimbag nila ang pahayagang Vperyod (Вперёд, "Sumulong").[2]:151-163

Himagsikan ng 1905 at Resulta

baguhin

Nagsimula na ang pag-aalsa. Lakas laban sa lakas. Rumaragasa ang labanan sa kalsada, ibinabato ang mga barikada, pumuputok ang mga riple, dumadagundong ang mga baril. Bumubuhos ang mga ilog ng dugo, naglalagablab ang digmaang sibil para sa kalayaan. Ang Mosku at ang Katimugan, ang Kaukasya at ang Polonya ay handang sumali sa proletaryado ng San Petersburgo. Ang islogan ng mga manggagawa ay naging: Kamatayan o Kalayaan!

—Lenin, Himagsikan sa Rusya (1905)

Ang pagmasaker ng mga mapayapang nagpoprotesta sa San Petersburgo ay nakilala bilang Madugong Linggo at nagdulot ng kaguluhang sibil na humantong sa Himagsikang Ruso ng 1905. Bilang tugon sa mga pangyayaring ito, hinimok ni Lenin ang mga Bolshebista sa imperyo na gumanap ng mas malaking papel sa kaguluhan, at naghikayat sa marahas na insureksyon laban sa Tsaristang pamahalaan, kabilang na ang pulisya at Sandaang Itim. Iginiit din niya na dapat ganap sila na maghiwalay sa mga Menshebista, bagaman maraming tumutol dito kabilang na ang mga malalapit na kasamahan ni Lenin na sina Sergey Gusev at Rosalia Zemlyachka. Dahil dito, inanyayahan ang dalawang grupo na makilahok sa Ika-3 Kongreso ng POSDR sa Londres noong Abril 1905, ngunit kaunti lamang ang Menshebista na dumalo. Ginamit ni Lenin ang kongreso upang muling igiit ang kanyang pangingibabaw sa loob ng partido. Binuo rin niiya ang bagong pahayagang Bolshebista na Proletariy (Пролетарий, "Proletaryo"). Inilahad din ni Lenin ang kanyang mga ideya sa polyetong Dalawang Taktika ng Panlipunang Demokrasya sa Demokratikong Himagsikan, na inilathala noong Agosto 1905. Dito, hinulaan niya na ang burgesyang liberal ay makukuntento sa isang monarkiyang konstitusyonal at sa gayo'y ipapagkanulo ang rebolusyon; sa halip ay nangatuwiran siyang kakailanganing bumuo ng proletaryado ng alyansa sa uring magsasaka upang ibagsak ang rehimeng Tsarista at magtatag ng republika na "pansamantalang rebolusyonaryong demokratikong diktadura ng proletaryado at magbubukid". Nagsimula siyang gumamit ng iba't ibang slogan – "armadong insureksyon", "malawakang sindak", at "ekspropriasyon ng lupain ng nobilidad" - na hango sa mga agraryong Sosyalista-Rebolusyonaryo at Jacobino ng Himagsikang Pranses; binintangan siya ng mga Menshebista na lumalayo sa ortodoksong Marxismo. Patuloy na sinusubaybayan ni Lenin ang sitwasyon ng Rusya mula sa Hinebra, at nakipagpulong sa ipinatapong Padre Georgy Gapon, na nanguna sa protesta na nadurog noong Madugong Linggo. Bilang tugon sa rebolusyon, tinanggap ni Tsar Nicolas II ang isang serye ng mga repormang liberal sa Manipestong Oktubre Sa ganitong klima, nadama ni Lenin na ligtas na bumalik sa San Petersburgo dahil mapoprotektahan siya sa Okhrana. Inanyayahan siyang sumali sa lupong patnugutan ng Novaya Zhizn (Новая Жизнь, "Bagong Buhay"), isang radikal ngunit legal na pahayagan na pinatakbo ni Maria Andreyeva, ang dating asawa ni Gorky. Ginamit niya ito upang talakayin ang mga isyung kinakaharap ng POSDR. Hinikayat niya ang partido na maghanap ng mas malawak na pagkakasapi, at ipatuloy na pagpapatindi ng marahas na komprontasyon, sa paniniwala na pareho itong kinakailangan para magtagumpay ang rebolusyon. Gayunpaman, pagkatapos mabigo ang armadong Pag-aalsa sa Mosku, sinimulan ni Lenin na himukin ang partido na makilahok sa mga halalan ng Duma, para tumaas ang pampublikong profile nito.

Dahil sa paksyonalismo ni Lenin, nakipaghiwalay siya kay Yuli Martov (kaliwa) ng grupong Menshebista, at pagkatapos kay Aleksandr Bogdanov (kanan) sa loob ng mga Bolshebista.

Dahil hindi naging sapat ang mga bayarin sa pagkakasapi at donasyon mula sa mga mayayamang simpatisador upang tustusan ang aktibidad ng mga Bolshebista, inendorso ni Lenin ang ideya ng pagnakaw sa mga tren, bangko, opisinang pangkoreo, at istasyong panriles, na sinimulan sa ilalim ng pamumuno ni Leonid Krasin. Ang pinakakilalang kaso nito ay naganap noong Hunyo 1907, nang nagsagawa ang isang grupong Bolshebista ng armadong ekspropriasyon sa Pampamahalaang Bangko sa Tiflis, Heorhiya. Pinangunahan ito ni Iosif Stalin, na unang nakilala ni Lenin sa isang Kongreso Bolshebista sa Tampere. Nagbago rin ang isip ni Lenin sa isyu ng mga Menshebista, at nagsimulang manawagan sa pagkakasundo ng dalawang paksyon. Nagpulong ang mga miyembro ng parehong grupo sa Ika-4 na Kongresong Pampartido sa Estokolmo, Suwesya noong Abril 1906 kung saan kinondena si Lenin ng mga Menshebista sa kanyang pagsuporta sa mga nakawan ng bangko at paghikayat ng karahasan. Nagresulta ito sa paghahalal ng bagong Komite Sentral na binuo ng 7 Menshebista at 3 Bolshebista. Tumakas siya sa Dukadong Maringal ng Pinlandiya, na noo'y semi-awtonomong bahagi ng imperyo, at tumulong sa pagtayo ng Sentro Bolshebista sa Kuokkala bago ginanap ang Ika-5 Kongreso ng POSDR sa Londres noong Mayo 1907. Nabawi ng mga Bolshebista ang kanilang dominasyon sa loob ng partido. Gayunpaman, sa pagbuwag ng pamahalaang Tsarista sa Ikalawang Duma at pag-aaresto ng Okhrana sa mga rebolusyonaryo ay tumakas si Lenin sa Suwesya at tumungong Suwisa. Nagpasya si Aleksandr Bogdanov at iba pang prominenteng Bolshebista na ilipat ang kanilang Sentro sa Paris. Bagaman hindi sumang-ayon si Lenin, lumipat siya roon noong Disyembre 1908. Hindi nagustuhan ni Lenin ang Paris at binatikos ang lungsod na napakarumi; habang nandoon ay may kinasuhan siyang motorista na nagpatumba sa kanya mula sa kanyang bisikleta. Dito muling binuhay ni Lenin ang kanyang mga polemiko laban sa mga Menshebistang tumutol sa kanya. Naging lubhang kritikal din siya kay Bogdanov at sa kanyang paniniwala na kinalaingang magpairal ng sosyalistang kultura sa proletaryado para maging matagumpay sila na mapanghimagsikang instrumento, sa kaibhan ng pagpabor ni Lenin sa isang taliba ng sosyalistang intelihensya na papamunuan ang uring manggagawa sa rebolusyon. Higit pa rito, inimpluwensyahan si Bogdanov ni Ernst Mach na ang lahat ng konsepto sa mundo ay relatibo, samantalang si Lenin ay nanatili sa ortodoksong Marxistang pananaw na mayroong obhektibong katotohanan na makasarinlan sa obserbasyon ng tao. Magkasamang nagbakasyon sina Bogdanov at Lenin sa villa ni Gorky sa Capri, Italya noong Abril 1908, ngunit pagbalik nila sa Paris ay hinimok ni Lenin ang paghihiwalay ng paksyong Bolshebista sa pagitan ng mga tagasunod niya at ni Bogdanov, na inaakusahan niyang lumihis sa Marxismo. Panandalian siyang nanirahan sa Londres noong Mayo 1908, kung saan isinulat niya sa aklatan ng Museo Britaniko ang akdang Materyalismo at Empiryo-kritisismo, isang pag-atake sa relatibistang perspektibo ni Bogdanov na binatikos niyang "burges-reaksyunaryong kabulaanan". Dumami ang Bolshebistang nagalit sa kanyang paksyonalismo, kabilang ang kanyang malalapit na tagasuporta na sina Aleksei Rykov at Lev Kamenev. Itinuring ito na ugali ng Okhrana na nakakapinsala sa POSDR, at sa gayo'y nagpadala kay espiyang si Roman Malinovsky upang maging bukambibig na kaalyado ni Lenin sa partido. Maraming Bolshebista ang naghayag ng kanilang mga hinala tungkol kay Malinovsky kay Lenin, bagaman hindi malinaw kung alam niya ang tunay na katapatan ng espiya; posibleng ginamit niya si Malinovsky para magbigay ng maling impormasyon sa Okhrana. Pagkalipas ng maraming taon ay ipinaalam niya kay Gorky na "Hindi ako nakakita sa salbaheng iyon na si Malinovsky".

 
Si Inessa Armand, isang komunistang Pranses na hinahalaang naging kabit ni Lenin.

Dumalo si Lenin sa Ika-8 Kongreso ng Ikalawang Internasyonal sa Copenhague, kung saan kinatawan niya ang POSDR sa Pandaigdigang Kawanihan. Bago pumunta roon, nagbakasyon muna siya sa Estokolmo kasama ang kanyang ina, ang huling pagkakataon na makikita niya siyang buhay. Lumipat siya kasama ang kanyang asawa at mga babaeng kapatid sa Bombon sa Sena at Marne; makalipas ang 5 linggo ay bumalik siya sa Paris at nanirahan sa apartamentong Rue Marie-Rose. Sa Pransiya ay naging kaibigan niya ang Bolshebistang Pranses na si Inessa Armand. Naniniwala ang ilang biyograpo na nagkaroon sila ng relasyong ekstramatrimonyal noong 1910 hanggang 1912, ngunit hindi pa ito napapatunayan. Nagtayo din siya ng paaralang POSDR sa Longjumeau kung saan nakipagtalakayan siya sa mga reklutang Ruso ng iba't ibang paksa noong Mayo 1911. Sa isang pagtitipon sa Paris noong Hunyo 1911 ay pinagdesisyonan ng Komite Sentral ng POSDR na ibalik ang pokus ng mga operasyon nito mula sa Paris tungo sa Rusya; inatas ang pagsasara ng Sentro Bolshebista at ng pahayagan nitong Proletari. Sa paghahangad na muling itatag ang kanyang impluwensya sa partido, nag-ayos si Lenin ng kumperensya sa Praga noong Enero 1912 sa tulong ni Sergo Ordzhonikidze. Kahit 16 sa 18 dumalo ay Bolshebista ay labis pa rin siyang pinuna sa kanyang paksyonalismo, na nagdulot sa pagkawala ng kanyang personal na awtoridad sa partido. Upang mas mapalapit sa Rusya dahil sa paghina ng impluwensya ng pamayanang emigrante, lumipat si Lenin sa Kraków ng Kaharian ng Galisya at Lodomeriya, isang kultural na Polakong bahagi ng Austria-Hungriya, kung saan ginamit niya ang aklatan ng Pamantasang Jagueloniko para ipatuloy ang kanyang pananaliksik. Mula roon ay nakipag-ugnayan pa rin siya sa mga kasapi ng POSDR na nasa Imperyong Ruso, at kinumbinsi ang mga Bolshebistang nasa Duma na humiwalay sa kanilang parlamentaryong alyansa sa mga Menshebista. Noong Enero 1913, binisita siya ni Stalin, na tinukoy ni Lenin bilang "kamangha-manghang Heorhiyano", at tinalakay nila ang magiging kinabukasan ng mga di-Rusong pangkat-etniko sa imperyo. Dahil sa humihinang kalusugan ni Lenin at ng kanyang asawa, lumipat sila sa kanayunan ng Biały Dunajec, bago pumunta sa Bern para maoperahan si Nadya sa bosyo. Trinato sya ni Emil Theodor Kocher, isang Suwisong espesyalista na kilala bilang ginawaran ng Gantimpalang Nobel sa Pisyolohiya o Medisina noong 1909.

Unang Digmaang Pandaigdig

baguhin

Isinasagawa ang digmaan para sa paghahati ng mga kolonya at para sa pandarambong ng ibang mga lupain; ang mga magnanakaw ay nahulog, at isang bastos na burges na kasinungalingan ang pag-aangkin na, sa partikular na sandaling ito, ang ilang magnanakaw ay lumalala nito; gagawin gayundin ang paglalahad ng interes ng mga magnanakaw gaya ng interes ng mga tao o ang amang bayan.

—Lenin, Mga Sopismo ng mga Sosyal-Chauvinista (1915)

Bumalik si Lenin sa Galisya nang sumiklab ang Unang Digmaang Pandaigdig. Nakita nito ang hidwaan sa pagitan ng Imperyong Ruso at Imperyong Austro-Hungaro, at dahil sa kanyang pagkamamamayang Ruso, pinaghalaan si Lenin na espiya ng mga Austro-Hungarong awtoridad. Inaresto siya noong Agosto at panandaliang ikinulong sa Nowy Targ, bagama't pinalaya siya agad nang natuklasan ng pulisya ang kanyang anti-Tsaristang aktibidad. Tumakas sila sa neutral na Suwisa upang makaiwas sa karahasan ng Silangang Hanay, at nanirahan ssa Bern bago lumipat sila sa Zurich noong Pebrero 1916 dahil mas mura. Sumama ang loob ni Lenin sa pagsuporta ng Partido Sosyal-Demokratiko ng Alemanya sa militarismong Aleman, na direktang paglabag sa resolusyong Stuttgart ng Ikalawang Internasyonal na idineklara na dapat tutulan ng mga sosyalistang partido ang gera. Dahil dito, itinuring niya ang organisasyon na lipas na at tinuligsa niya si Kautsky sa pagsuporta sa POSDA.

Dumalo siya sa mga makakaliwa at kontra-gerang Kumperensiyang Zimmerwald noong Setyembre 191 at sa Kienthal noong Abril 1916, kung saan hinimok niya ang mga sosyalista na gawing ang "digmaang imperyalista" na isang "digmaang sibil" sa buong kontinente kasama ng proletaryado laban sa burgesya at aristokrasya. Upang makamit ito, hinikayat niya ang praternisasyon ng mga tropa sa magkasalungat na panig ng tunggalian, paglunsad ng mga welgang manggagawa, pagbuo ng mga bagong rebolusyonaryong sosyalistang organisasyon, at ang patuloy na pagpuna sa nasyonalismo. Binatikos din niya ang hukbong Ruso at pinuri ang pagsulong ng Alemanya sa Rusya, sa paniniwalang ipapahina nito ang awtoridad ng Tsar. Binigyang-katwiran niya ito sa paggigiit na ang Tsarismo ay "1000 beses na mas masahol kaysa sa Kaiserismo", at ang Tsar ay napaka-reaksyunaryo na kailangan ang pagtanggal nito para magtagumpay ang proletaryado sa himagsikan.

Sa impluwensyahan ng mga pangyayaring naganap, isinulat ni Lenin ang Imperyalismo, ang Pinakamataas na Yugto ng Kapitalismo. Nangatuwiran siya na ang imperyalismo ay produkto ng monopolyong kapitalismo dahil ang mga kapitalista ay naghahangad na ipalago ang kanilang kita sa pamamagitan ng pagpapalawak sa mga bagong teritoryo kung saan mas mababa ang sahod at mas mura ang mga hilaw na materyales. Tinuligsa niya ang pananaw ni Kautsky na ang mga imperyalistang kapangyarihan ay magkakaisa upang bumuo ng mapayapang "ultra-imperyalismo" na "ultra-kalokohan". Sa halip, naniwala si Lenin na lalakas ang kompetisyon at tunggalian at magpapatuloy ang digmaan sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan hanggang sa mapatalsik sila ng proletaryong himagsikan na magtatatag ng sosyalismo. Nalimbag ang kanyang aklat noong Setyembre 1917. Gamit ang pampublikong aklatan ng Bern, inilaan ni Lenin ang maraming oras sa pagbabasa ng mga gawa nina Georg Wilhelm Friedrich Hegel, Ludwig Feuerbach, at Aristoteles, mga pangunahing impluwensya sa kaisipan ni Marx. Tinanggihan niya ang kanyang mga naunang interpretasyon ng Marxismo; kung dati ay naniwala siyang maaaring mabuo ang mga patakaran batay sa mga predeterminadong prinsipyong siyentipiko, pinanindigan na niya na ang tanging pagsubok kung ang isang patakaran ay tama o hindi ay sa pamamagitan ng praktika. Bagama't kinilala pa rin niya ang kanyang sarili bilang ortodoksong Marxista, nagsimula siyang lumihis mula sa ilan sa mga prediksyon ni Marx ukol sa pag-unlad ng lipunan; habang naniwala si Marx na kailangan munang maganap ang isang "burges-demokratikong rebolusyon" ng gitnang uri bago ang sosyalistang rebolusyon ng proletaryado, nakita ni Lenin na sa Rusya ay maaari nang ibagsak ng proletaryado ang rehimeng Tsarista nang walang rebolusyon sa pagitan. Sa Suwisa, muling binuhay ni Lenin ang Bolshebistang rebista na Sosyal-Demokrata kasama si Grigory Zinoviev noong Nobyembre 1914. Bihira siyang nakipag-ugnayan sa mga Bolshebista sa Rusya dahil sa digmaan at ang pinatinding pagsupil ng Okhrana sa Bolshevismo.

Himagsikang Pebrero at mga Araw ng Hulyo

baguhin

Sumiklab ang Himagsikang Pebrero sa San Petersburgo, na muling pinangalanang Petrogrado sa simula ng Unang Digmaang Pandaigdig, noong 1917 kung saan nagwelga ang mga manggagawang industriyal dahil sa kakulangan sa pagkain at mga lumalalang kondisyon ng pabrika. Kumalat ang kaguluhan sa ibang bahagi ng Rusya, at sa takot na marahas siyang mapapatalsik ay nagbitiw sa trono si Nicolas II. Binuwag ang monarkiya at pinalitan ng Pampamahalaang Duma, na nagtatag ng Pamahalaang Probisyonal at inihayag ang Republikang Ruso. Nang malaman ito ni Lenin ay nagdiwang siya kasama ang iba pang disidente, at agad na nagpadala ng payo sa mga Bolshebista sa Rusya. Ninais ni Lenin na bumalik sa Rusya upang pangasiwaan ang mga Bolshebista roon, ngunit karamihan sa mga daanang papunta sa bansa ay hinarangan dahil sa pagraragasa ng Unang Digmaang Pandaigdig, na pinasyahan ng Pamahalaang Probisyonal na ipagpatuloy. Nag-organisa siya ng plano upang makipag-ayos sa Alemanya ng daanan para sa kanila, kung saan ang Russia ay nakikipagdigma noon. Sa potensyal ng mga disidenteng ito na magdulot ng mga problema sa mga kaaway na Ruso, pumayag ang gobyerno ng Alemanya na pahintulutan ang 32 mamamayang Ruso na maglakbay sakay ng isang karwahe ng tren sa kanilang teritoryo, kabilang sa kanila si Lenin at ang kaniyang asawa.

Pamahalaan at Pamumuno

baguhin

Konsolidasyon ng Sobyetikong Pamahalaan

baguhin

Pansariling Buhay

baguhin

Legasiya

baguhin

Ideolohikong Paniniwala at Impluwensya

baguhin
 
Lenin

Pinaniwalaan ni Lenin na ang kanyang interpretasyon ng Marxismo, na unang binansagang "Leninismo" ni Martov noong 1904, ay ang tanging tunay at ortodokso. Sa kanyang perspektibo, mararating ng sangkatauhan sa kalaunan ang ganap na komunismo, isang lipunang egalitaryo ng mga manggagawa kung saan nilansag ang konsepto ng estado at uri; lahat ng tao ay malaya sa pagsasamantala at alienasyon; kontrolado nila ang kani-kanilang kapalaran at sumunod sa panuntunang “mula sa bawat isa ayon sa kanyang kakayahan, para sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan".

Sa pananaw ni Lenin, hindi maaari na direktang magbago ang lipunan mula sa kasalukuyan nitong kalagayan tungo sa komunismo, ngunit kailangan munang pumasok sa sosyalismo bilang yugto ng transisyon, kaya una niyang isinaalang-alang ang paglilipat ng Rusya rito. Ayon sa kanya, dapat sugpuin ng diktadura ng proletaryado ang burgesya at bumuo ng sosyalistang ekonomiya, isang "kaayusan ng mga sibilisadong ko-operador kung saan pagmamay-ari ng lipunan ang moda ng produksyon" na papalawigin nang papalawigin hanggang sa maabot ang isang lipunan ng kasaganaan. Upang makamit ito, dapat munang isailalim ang ekonomiyang Ruso sa pampamahalaang kontrol; lahat ng mamamayan ay magiging "empleyado ng estado". Ang bersyong ito ng sosyalista ay planado, sentralisado, at istatista, na parehong mahigpit na pinangangasiwaan ang produksyon at pamamahagi. Naniniwala siya na kusang sasali ang lahat ng manggagawa sa bansa para paganahin ang sentralisasyon ng ekonomiya at politika ng estado. Sa ganitong paraan, ang kanyang pananawagan sa "kontrol ng manggagawa" sa moda ng produksyon ay hindi tumukoy sa direktang kontrol ng mga manggagawa sa kanilang mga empresa, kundi ang pagpapatakbo ng lahat ng negosyo sa ilalim ng isang "estadong manggagawa". Nagresulta ito sa itinuturing na kontradiksyon sa kaisipan ni Lenin: ang pangmadlang kontrol ng manggagawa, at ang sentralisado, herarkikal, at sapilitang aparato ng estado.

Si Lenin ay internasyonalista at masigasig na tagasuporta ng pandaigdigang himagsikan, itinuturing niya ang mga hangganang pambansa na lumang konsepto at ang nasyonalismo ay gambala sa tunggalian ng uri. Naniwala siya na sa isang sosyalistang lipunan, magkakaisa ang mga bansa ng mundo at magreresulta sa isang pandaigdigang pamahalaan na magiging sentralisado at unitaryo, pagkat nakita niya ang pederalismo bilang burges na konsepto. Sa kanyang mga kasulatan, itinaguyod ni Lenin ang mga ideyang anti-imperyalista at sinabi na ang lahat ng bansa ay karapat-dapat sa "karapatan ng pansariling determinasyon". Sinuportahan niya ang mga digmaan ng pambansang pagpapalaya at tinanggap ang posibilidad ng paghiwalay ng mga minoryang pangkat sa isang sosyalistang estado, dahil ayon sa kanya ang mga sosyalistang estado ay hindi "banal o nakaseguro laban sa mga pagkakamali o kahinaan".

Sanggunian

baguhin
  1. Sebestyen, Victor (2017). Lenin the Dictator: An Intimate Portrait. Londres: Weidenfeld & Nicolson. ISBN 978-1-47460-044-6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 Service, Robert (2000). Lenin: A Biography. Londres: Macmillan. ISBN 978-0-333-72625-9.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 Fischer, Louis (1964). The Life of Lenin. Londres: Weidenfeld & Nicolson. ISBN 978-1842122303.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Figes, Orlando (2014). A People's Tragedy: The Russian Revolution, 1891–1924. Londres: The Bodley Head. ISBN 9781847922915.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 Rice, Christopher (1990). Lenin: Portrait of a Professional Revolutionary. Londres: Cassell. ISBN 978-0304318148.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Read, Christopher (2005). Lenin: A Revolutionary Life. Routledge Historical Biographies. Londres: Routledge. ISBN 978-0-415-20649-5.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Pipes, Richard (1990). The Russian Revolution: 1899–1919. Londres: Collins Harvill. ISBN 978-0-679-73660-8.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Rappaport, Helen (2010). Conspirator: Lenin in Exile. Bagong York: Basic Books. ISBN 978-0-465-01395-1.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)