Kebab
Ang kebab ay isang ulam ng mga putol ng karne o gulay na tinutuhog. Sa mas mapaglarawang kahulugan, ang kebab (kebap sa Turko, kabab sa Iran, Afghanistan, India at Pakistan, binabaybay din na kebob, kabob; Urdu: کباب ) na may kahulugang "inihaw na karne" o "karneng idinarang sa apoy" sa Persa (Persian) at Turko. Ang kebab ay karaniwang gawa mula sa karne ng tupa o baka. Kung minsan, ginagamit din ang karne ng manok o isda para sa ilang mga estilo. Ang karne ng baboy ay hindi kailanman ginagamit ng mga Muslim subalit ginagamit ng mga nagbebentang hindi Muslim. Ang mga Muslim ay hindi pinapahintulutang kumain ng baboy, dahil sa mga kadahilanang panrelihiyon.
Ang kebab ay isang malawak na saklaw ng mga pagkaing dinuro o tinuhog ng patpat o metal sa Gitnang Silangan[kailangan ng sanggunian] na lumaong inako ng Kabalkanan (mga Balkan), ng Caucasus, ibang mga bahagi ng Europa, pati na sa Gitnang Asya at Timog Asya, kung kaya't ngayon ay matatagpuan na sa buong mundo. Ang kebab ay pangkalahatang tumutukoy sa shish kebab (Persa (Persian): "sheesh kabob", na nangangahulugang "anim na kebob" bilang pagtukoy sa mga tipak o tigkal ng pagkain na nakatuhog) (Turko: "şiş kebap") na inihahaing nakatuhog sa patpat.[1] Subalit, sa Gitnang Silangan ang kebab ay maaaring tumukoy sa karne na niluto sa ibabaw o katabi ng apoy; malalaki o maliliit na mga hiwa ng karne, o kahit na giniling na karne; maaari itong ihain na nasa mga plato, nasa loob ng mga tinapay bilang palaman, o nasa mga mangkok. Ang nakaugaliang karne para sa kebab ay ang karne ng tupa, subalit alinsunod sa katutubong panlasa at mga pagbabawal na mga panrelihiyon, maaari na itong maging karne ng baka, kambing, manok o kaya isda. Katulad ng ibang mga pagkaing etniko na dala-dala ng mga manlalakbay, ang kebab ay naging bahagi ng pang-araw-araw na lutuin sa maraming mga bansa sa paligid ng mundo.
Maraming mga uri ng kebab at ang kataga ay nangangahulugan ng iba't ibang mga bagay sa iba't ibang mga bansa. Ang henerikong katagang kebab ay karaniwang tumutukoy sa doner kebab o döner kebap sa Europa at bilang shish kebab sa Estados Unidos, bagaman maaaring magkaiba-iba ang kahulugan nito. Sa Timog Asya, ang kataga ay maaaring tumukoy sa isang malawak na kasaklawan ng mga bagay na katulag ng Chappali Kabab, Shami Kabab, Bihari Kabab at iba pa.
Marahil, ang pinakamaagang resipi ay nasa loob ng pang-ika-10 daantaon na Kitab al-Tabeekh كتاب الطبيخ ("Aklat ng Pagluluto") ni Ibn Sayyar al-Warraq ng Baghdad, Irak. Ang kaniyang reseta o resipi para sa Kebab Khalis ay gumagamit ng maninipis na mga hiwa ng walang taba o hindi matabang karne na inasnan at inihaw sa isang kawaling prituhan na hindi gumagamit ng mantika.
Sa Pilipinas, madalas itong tawaging barbikyu (Ingles: barbecue, kung minsan ay binabaybay din bilang bar-b-q, nangangahulugang inihaw sa ihawan). Sa Iran at sa Pilipinas, inuulam ito kasama ng kanin. Ang mga kebab na nabibili sa mga kainan sa Pilipinas ay karaniwang nilalagyan nung sarsang bawang (garlic sauce).
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Gil Marks (2010). Encyclopedia of Jewish Food. John Wiley and Sons. p. 296.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)