Pagpapasigla ng wika
Ang pagpapasigla ng wika (Ingles: language revitalization) na maaaring tukuyin din bilang muling pagsilang ng wika o pagbaliktad ng pagbabago ng wika, ay isang pagtatangka na ihinto o baligtarin ang paghina ng isang wika o upang muling buhayin ang isang wikang lipol.[1][2] Kabilang sa mga posibleng kasangkot ang mga dalubwika, grupo pangkultura o ng komunidad, o mga pamahalaan. Iminumungkahi ng ilan ang paghihiwalay ng muling pagsilang ng wika (ang muling pagkabuhay ng isang wikang patay na walang buhay na katutubong nagsasalita) at pagpapasigla ng wika (ang pagsagip ng isang wikang "naghihingalo"). Napahiwatig na mayroon lamang isang matagumpay na halimbawa ng kumpletong pagsilang muli ng wika, ang wikang Ebreo na lumilikha ng isang bagong henerasyon ng mga katutubong nagsasalita nang walang buhay na katutubong nagsasalita bilang modelo.[3]
Kasama sa mga pinapasiglang wika ang mga may napakalimitadong paggamit at katanyagan. Minsan, maaari pang magamit ang iba't ibang mga taktika ng pagpapasigla ng wika upang tangkaing buhayin muli ang mga wikang lipol. Kahit na nag-iiba-iba ang mga layunin ng pagpapasigla ng wika depende sa kaso, kinapapalooban nila nang kadalasan ang pagtatangkang palawakin ang bilang ng mga nagsasalita at paggamit ng isang wika, o sinusubukang mapanatili ang kasalukuyang antas ng paggamit upang maprotektahan ang wika mula sa pagkalipol o pagkamatay ng wika.
Iba't iba ang mga dahilan para sa pagpapasigla. Sa kamakailang panahon[kailan?], tinatantya na mahigit sa 2000 wika na ang namatay. Tinatantya ng UN na higit sa kalahati ng mga wikang sinasalita sa ngayon ay may mas kaunti sa 10,000 nagsasalita at na ang isang sangkapat ay may mas kaunti sa 1,000 nagsasalita at na, maliban kung may mga pagsisikap na mapanatili ang mga ito, sa susunod na daang taon mawawala ang karamihan sa mga ito.[4] Madalas na binabanggit ang mga numerong ito bilang dahilan kung bakit kinakailangan ang pagpapasigla ng wika upang mapanatili ang kayamuan ng wika. Madalas na binabanggit din ang mga dahilang kultura at pagkakakilanlan para sa pagpapasigla ng wika, kapag itinuturing ang isang wika bilang natatanging "kultural na kayamanan."[5] Madalas na isinasaalang-alang ng isang komunidad ang wika bilang natatanging bahagi ng kanilang kultura, na kumokonekta sa kanila sa kanilang mga ninuno o sa lupain, na bumubuo ng isang mahalagang bahagi ng kanilang kasaysayan at pansariling imahe.[5]
Malapit din ang pagpapasigla ng wika sa larangan ng dokumentasyon ng wika. Sa larangang ito, nagtatangka ang mga dalubwika na lumikha ng buong talaan ng balarila, bokabularyo, at mga katangian ng wika. Kadalasan, maaaring humantong ang pagsasagawang ito sa higit pang pag-aalala para sa pagpapasigla ng isang partikular na wika na pinag-aaralan. Higit pa rito, kadalasang nilalayon ng pagdokumento ang layunin ng pagpapasigla.[6]
Ang lima na antas ng panganib sa wika
baguhin- Malusog/malakas
- Ginagamit ng lahat ng henerasyon ang wika sa iba't ibang mga tagpuan
- Nanghihina/maysakit
- Sinasalita ng mga matatandang tao; hindi ginagamit ng lahat sa mga nakababatang henerasyon
- Namamatay/himalatyon
- Kaunti na lamang ang nananatiling nagsasalita (di-bata); hindi na ginagamit ng mga bata bilang katutubong wika
- Patay
- hindi na ginagamit bilang katutubong wika
- Lipol
- hindi na nagsasalita o posibleng magsalita
Teorya
baguhinNagsasangkot ang isa sa mga pinakamahalagang panimulang hakbang sa pagpapasigla/pagbabawi ng wika ng pagtatatag ng antas ng "paglunsad" ng isang partikular na wika. Tinutulungan nito ang mga kasangkot na partido na hanapin ang pinakamahusay na paraan upang tulungan o muling buhayin ang wika.[7]
Mga hakbang sa pagbabaliktad ng pagbabago ng wika
baguhinMayroong maraming iba't ibang mga teoryang o mga modelong nagtatangkang maglagay ng plano para sa pagpapasigla ng wika. Ibinibigay ang isa sa mga ito ni Joshua Fishman, isang bantog na dalubwika. Binubuo ang modelo ni Fishman para sa muling pagbabalik ng mga napapanganib (o natutulog) na mga wika, o para sa pagpapanatili ng mga ito,[8][9] ng prosesong may walong yugto. Dapat konsentrado ang mga pagsisikap sa mga naunang mga yugto ng pagpapanumbalik hanggang maging matibay sila bago magpatuloy sa mga huling yugto. Ang walong yugto ay:
- Pagtatamo ng wika ng mga adulto, na kumikilos sa aktwalidad bilang mga baguhan ng wika (inirerekomenda kung saan matatanda ang karamihan ng mga natitirang mga nagsasalita ng wika at nakahiwalay mula sa iba pang mga nagsasalita ng wika).
- Bumuo ng isang pinagsamang populasyon ng mga aktibong nagsasalita (o mga tagagamit) ng wika (sa yugtong karaniwang pinakamainam na tumuon muna sa pasalitang wika kaysa sa nakasulat na wika).
- Sa mga lokalidad kung saan may makatwirang bilang ng mga tao na karaniwang gumagamit ng wika, hikayatin ang impormal na paggamit ng wika sa mga tao sa lahat ng mga pangkat ng edad at sa loob ng mga pamilya at palakasin ang pang-araw-araw na paggamit nito sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga lokal na institusyong kapitbahayan kung saan ang wika ay hinihikayat, protektado at (sa ilang mga konteksto) ginagamit nang eksklusibo.
- Sa mga lugar kung saan nakamit ang kakayahang pasalita sa wika sa lahat ng mga pangkat ng edad, hikayatin ang karunungang bumasa't sumulat sa wika, ngunit sa isang paraan na hindi nakasalalay sa tulong mula sa (o mabuting kalooban ng) sistemang edukasyon ng estado.
- Kung saan pinahihintulutan ito ng estado, at kung saan nagbibigay-katwiran ang mga numero, hikayatin ang paggamit ng wika sa sapilitang edukasyon ng estado.
- Kung saan nakamit ang mga yugto sa itaas at pinagsama-sama, hikayatin ang paggamit ng wika sa trabaho.
- Kung saan nakamit ang mga yugto sa itaas at pinagsama-sama, hikayatin ang paggamit ng wika sa mga serbisyo ng lokal na pamahalaan at midyang pangmasa.
- Kung saan nakamit ang mga yugto sa itaas at pinagsama-sama, hikayatin ang paggamit ng wika sa mas mataas na edukasyon, pamahalaan, atbp.
Nilalayon ng modelo ng pagpapasigla ng wika ang pagdirekta ng mga kahahantungan kung saan pinakaepektibo sila at upang maiwasan ang pag-aaksaya ng sipag sa pagtangka na makamit ang mga huling yugto ng pagbawi kapag hindi pa nakamit ang mga naunang yugto. Halimbawa, malamang na sayang ang kampanya para gumamit ng isang wika sa telebisyon o sa mga serbisyo ng gobyerno kung halos walang sinumang pamilya ang gumagamit ng wika.
Bukod pa rito, inilalarawan ni Tasaku Tsunoda ang iba't ibang mga pamamaraan o diskarte na maaaring gamitin ng mga nagsasalita upang subukang mapasigla ang isang wika, kabilang ang mga pamamaraan upang maibalik ang mga wikang lipol at mapanatili ang mahihinang wika. Madalas na limitado ang mga diskarteng inilista niya sa kasalukuyang sigla ng wika.
Sinasabi niya na hindi maaaring gamitin ang paraan ng paglulubog upang pasiglahin ang isang lipol o namamatay na wika. Sa kabaligtaran, maaaring magamit ang dalubhasa-baguhan na paraan ng isa-sa-isang pag-aaral sa kasanayan sa wika sa mga namamatay na wika. Mayroong iba pang mga paraan ng pagpapasigla, kabilang ang mga nakasalalay sa teknolohiya tulad ng mga pagtatala o midya, na maaaring gamitin para sa mga wika sa anumang estado ng kasiglahan.[10]
Mga salik sa matagumpay na pagpapasigla ng wika
baguhinNagmumungkahi si David Crystal, sa kanyang aklat na Language Death ("Pagkakamatay ng Wika"), na mas mataas ang pagkakataon na maging matagumpay ang pagpapasigla ng wika kung ang mga nagsasalita nito ay
- nagdaragdag sa prestihiyo ng wika sa loob ng nangingibabaw na komunidad;
- nagdaragdag sa kanilang yaman at kita;
- nagpapalaki ng kanilang lehitimong kapangyarihan sa mga mata ng nangingibabaw na komunidad;
- mayroong malakas na dating sa sistemang edukasyon;
- may kakayahang sulatin ang wika;
- may kakayahang gumamit ng elektronikong teknolohiya.[11]
Lingguwistikang pangmuling pagsilang
baguhinIminumungkahi ni Ghil'ad Zuckermann ang "Lingguwistikang Pangmuling Pagsilang" (Ingles: revival linguistics) bilang bagong lingguiwistikang disiplina at tularan.
Nakamodelo ang katawagan ni Zuckermann, 'Lingguwistikang Pangmuling Pagsilang', mula sa 'Lingguwistikang Pampakikipag-ugnayan'. Sinisiyasat ng lingguwistikang pangmuling pagsilang bukod sa iba pang mga bagay ang mga pangkalahatang hadlang at mekanismo na kasangkot sa pagbabawi, pagpapanibago at pagpapasigla ng wika. Kumukuha ito ng mga mapag-unawang pahambing na kabatiran mula sa isang pagtatangka ng muling pagsilang patungo sa iba, sa gayon ay nagiging epistemolohikal na plataporma ng mga magkahilerang diskurso sa mga iba't ibang lokal na pagtatangka upang gisingin ang mga natutulog na wika sa buong mundo.[12]
Ayon kay Zuckermann, "pinagsasama ng lingguwistikang pangmuling pagsilang ang mga siyentipikong pag-aaral ng pagtatamo ng katutubong wika at pag-aaral ng wikang banyaga. Sa huli, ang pagbawi ng wika ay ang pinakamatinding kaso ng pag-aaral ng pangalawang wika. Umaakma ang lingguwistikang pangmuling pagsilang ng itinatag na larangan ng lingguwistikang pandokumentaryo, na nagtatala ng mga nanganganib na wika bago sila matulog."[13]
Inimumungkahi ni Zuckermann na ang "nagbabago ang lingguwistikang pangmuling pagsilang sa larangan ng makasaysayang lingguwistika sa pamamagitan ng, bilang halimbawa, pagpapahina sa modelo ng puno ng pamilya, na nagpapahiwatig na may isang magulang lamang ang isang wika."[13]
Mayroong hindi pagkakasundo sa larangan ng pagpapasigla ng wika: kung dapat nakatuon ang muling pagsilang sa pagpapanatili ng tradisyunal na wika, kumpara sa pagpapahintulot sa pagpapapayak o laganap na paghiram mula sa pambansang wika.
Pagkompromiso
baguhinInaamin ni Zuckermann ang pagkakaroon ng "lokal na kakaiba at katangi-tanging ugali"[13] ngunit nagmumungkahi na
"may mga lingguwistikang hadlang na naaangkop sa lahat ng mga tangka sa muling pagsilang. Makatutulong ang pagpapakadalubhasa ng mga ito sa mga rebibalista at sa mga pinuno ng unang bansa na magtrabaho nang mas mahusay. Halimbawa, mas madaling buhayin muli ang mga basikong bokabularyo at pagbabanghay ng pandiwa kaysa sa mga tunog at pagkakaayos ng salita. Dapat maging makatotohanan ang mga rebibalista at aalisin ang mga pamansag na nakapanghihina ng loob at kontra-produktibo tulad ng "Bigyan kami ng awtentisidad o bigyan kami ng kamatayan!"[13]
Itinuro ni Nancy Dorian na ang mga konserbatibong saloobin sa mga salitang hiram at mga pagbabago sa gramatika ay kadalasang nakakasagabal sa pagtatangka na pagsiglahin ang mga napapanganib na wika (tulad ng Tiwi sa Australya), at maaaring magkaroon ng salungatan ang mga edukadong rebitalisador na interesado sa pagkatotoo, at ang mga natitirang nagsasalita na interesado sa katutubong at tunay na kawikaan (tulad ng naganap minsan sa Irlandes). Ayon sa iba, maaaring, sa katunayan, mapahusay ng istruktural na kompromiso sa pag-asa ng kaligtasan, tulad ng maaaring nangyari sa Ingles sa panahon pagkatapos ng mga Normando.[14]
Tradisyonalista
baguhinNakipagtalo ang iba pang mga dalubwika na kapag humihiram nang marami ang pagpapasigla ng isang wika mula sa wika ng karamihan, bagong wika ang resulta, marahil isang kreolo o pidgin. Halimbawa, ipinanukala ang pagkakaroon ng "Bagong Hawayano" bilang hiwalay na wika mula sa "Hawayanong Tradisyunal", dahil sa mabigat na impluwensya ng Ingles sa bawat aspeto ng nabuhay na wikang Hawayano. Iminungkahi rin ito para sa Irlandes, na may matalim na paghahati sa "Tagalungsod na Irlandes" ng mga nagsasalita ng Irlandes bilang pangalawang wika at tradisyunal na Irlandes na sinasalita bilang unang wika sa mga lugar ng Gaeltacht. Sinabi ni Ó Béarra: "... [ang] pagsunod ng palaugnayan at pansalitaing kombensyon ng Ingles, [ay gagawa] ng hindi ganoon kaiba sa Ingles na may bahid ng Irlandes." Tungkol sa wikang Manes na dating namamatay, sinabi ng iskolar na si TF O'Rahilly, "Kapag sumusuko ang isang wika sa banyagang idyoma, at kapag bilingguwal ang lahat ng nagsasalita nito, kamatayan ang parusa." Sinabi ni Neil McRae na unti-unting nagiging tokenistiko ang paggamit ng Eskosyang Gaeliko, at nawawala ang katutubong wika ng Gaeliko katig sa mga artipisyal na termino na nililikha ng mga nagsasalita ng pangalawang wika.
Mga tiyak na halimbawa
baguhinIsang beses lang nangyari ang kabuuang muling pagsilang ng isang wikang patay (sa diwa ng pagkakaroon ng walang katutubong nagsasalita) para maging komunidad ng ilang milyong katutubong nagsasalita na nagtutukod sa sarili, sa kaso ng wikang Ebreo, ang pambansang wika ng Israel ngayon. Sa kasong ito, mayroong mga natatanging katangiang makasaysayan at kultural na nagpabilis sa muling pagsilang (tingnan ang muling pagsilang ng wikang Ebreo). Ang Ebreo, na dating wikang liturhiko lamang, ay muling itinatag bilang paraan ng pang-araw-araw na komunikasyon ng mga Hudyo na lumilipat sa kasalukuyang Estado ng Israel at ng mga teritoryong Palestino, simula noong ikalabinsiyam na siglo: ito ang pinakasikat at matagumpay na halimbawa ng muling pagsilang ng wika. Gayunpaman, nag-ambag ang Sionistang paghimok ng Ebreo sa paglalagay ng hinaharap ng Yidis at Hudyo-Espanyol sa panganib.
Sa isang kaugnay na pag-unlad, nagtamasa ang mga wikang pampanitikan na walang mga katutubong nagsasalita ng prestihiyo at praktikal na kahalagahan bilang mga lingguwa prangka, kadalasang mayroong milyun-milyong matatas na nagsasalita sa isang pagkakataon. Sa maraming gayong mga kaso, ang paghina sa paggamit ng wikang pampanitikan, matarik na matarik kung minsan, ay kalaunang sinamahan ng malakas na pagkakaulit. Nangyari ito, bilang halimbawa, sa muling pagsilang ng Klasikong Latin sa Renasimiyento, at ang muling pagsilang ng Sanskrito noong mga unang siglo PK. Ang isang kahalintulad na kababalaghan sa mga kontemporaryong lugar na nagsasalita ng wikang Arabe ay pagpapalawak ng paggamit ng wikang pampanitikan (Modernong Pamantayang Arabe, isang uri ng Klasikong Arabe ng ika-6 siglo PK). Itinuturo ito sa lahat ng edukadong nagsasalita at ginagamit sa mga brodkast sa radyo, pormal na talakayan, atbp.[15]
Bilang karagdagan, nakataas minsan ang mga wikang pampanitikan sa antas ng pagiging pangunahing wika ng mga napakalawak na komunidad ng wika. Ang isang halimbawa ay pamantayang Italyano, na nagmula bilang isang wikang pampanitikan mula sa wika ng Firenze noong ika-13 siglo, lalo na ang ginamit ng mga mahalagang Florentinong manunulat tulad nila Dante, Petrarca at Boccaccio. Nabuhay ang wikang ito sa loob ng maraming siglo lalo na bilang behikulong pampanitikan, na may kaunting katutubong nagsasalita; kahit na noong 1861, bago ang pagkakaisa ng Italyano, 500,000 lamang ang bilang ng nagsasalita, karamihang di-katutubo, sa kabuuang populasyon ng s. 22,000,000. Ang kasunod na tagumpay ng wika ay sa pamamagitan ng sadyang pag-unlad, kung saan tinuruan ang mga nagsasalita ng alinman sa mga maraming wikang Italyano ng pamantayang Italyano bilang pangalawang wika at kasunod na ibinahagi ito sa kanilang mga anak, na natutunan ito bilang unang wika.[kailangan ng sanggunian] Malamang na nagbunga ito sa kapinsalaan ng mga lokal na wikang Italyano, karamihan sa mga ito ay napapanganib ngayon. Naging matagumpay rin sa mga katulad na kalagayan ng Mataas na Aleman, pamantayang Tseko, Kastilang Espanyol at iba pang mga wika.
Asya
baguhinNangyari ang muling pagsilang ng Sanskrit sa Indya. Sa sensus ng Indya noong 2001, 14,135 katao ang nagdeklara ng Sanskrit bilang kanilang sariling wika. Nadagdagan at naging 24,821 katao ito sa sensong 2011 ng Indya. Nakaranas ang Sanskrit ng isang paglago nang higit sa 70 porsiyento sa isang dekada dahil sa Pagpapanibagong-buhay ng Sanskrit. Gayunpaman, 0.00198 porsyento lamang ang nagsasalita ng Sanskrit sa kabuuang populasyon ng Indya.. Binuo rin ang maraming baryong nagsasalita ng Sanskrit.
Kasalukuyang namamatay ang wikang Ainu ng mga katutubong Ainu ng hilagang Hapon, ngunit mayroong mga tangkaing muling buhayin ito. Nagpahiwatig ang isang palatanungan noong 2006 ng mga Ainu ng Hokkaido na 4.6% lamang ng naitanong na Ainu ang nakakapag-usap o "nakakapagsasalita ng kaunting" Ainu. Mula noong 2001, hindi tinuturuan ang Ainu sa anumang paaralang elementarya o sekondarya sa Hapon, ngunit tinuturo ito sa maraming sentro ng wika at unibersidad sa Hokkaido, gayundin sa Unibersidad ng Chiba sa Tokyo.
Sa Tsina, isa sa mga pinakanapapanganib na wika ang wikang Manchu kung saan nasa tatlong maliliit na lugar na lamang sa Manchuria ang mga natitirang nagsasalita. Nagsisikap ang ilang mga tagahanga na muling buhayin ang wika ng kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng mga talatinigan at mga aklat-aralin, at kahit mga paminsan-minsang pagbisita sa Nagsasariling Kondehan ng Qapqal Xibe sa Xinjiang, kung saan katutubong sinasalita pa rin ang kaugnay na wikang Xibe.
Sa Pilipinas, ang isang baryante ng Kastila na nakabatay sa Mehikanong Espanyol ang dating lingguwa prangka ng bansa mula noong kolonisasyon ng Kastila noong 1565 at isang opisyal na wika kasama ang Filipino (isang pamantayang anyo ng wikang Tagalog) at Ingles hanggang 1987 kasunod ng isang ratipikasyon ng bagong Saligang-Batas kung saan muling itinalaga ito bilang boluntaryong wika. Bilang resulta ng pagkawala nito bilang wikang opisyal at mga taon ng marginalisasyon sa opisyal na antas sa panahon ng kolonisasyon ng Amerikano at pagkatapos nito, kapansin-pansing bumaba ang paggamit ng wikang Kastila sa pangkalahatang populasyon at naging himalatyon sa natitirang katutubong nagsasalita, karamihang mga matatanda.[16][17][18] Gayunpaman, kasalukuyang nagkakaroon ng mabagal na pagsilang muli dahil sa nakaraang promosyon ng pamahalaan sa ilalim ng pangangasiwa ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.[19][20] Pinaka-kapansin-pansin, nagpanumbalik ang Resolution No. 2006-028 ng Kastila bilang sapilitang asignatura sa mga sekundaryong paaralan at unibersidad.[21] Agarang nakita ang mga resulta dahil nadagdagan ang pangangailangan ng trabahador na nagsasalita ng wikang Kastila mula noong 2008.[22] Noong 2010, iniulat ng Suriang Cervantes na humigit-kumulang sa 3 milyon ang bilang ng mga Filipinong Hispanopono na may katutubong o di-katutubong kaalaman (kabilang ang mga nagsasalita ng Chavacano, isang katutubong kreolo na nakabatay sa wikang Kastila).[23] Bilang karagdagan sa mga pagtatangka ng pamahalaan, nagkaroon din muli ng kaunting interes sa Kastila sa midya salamat sa pag-angkat ng mga telenobela at musika mula sa Lating Amerika.[24][25]
Ang inisyatibo ng pagpapasigla ng Kodrah Kristang sa Singapore ay naglalayong buhayin ang wikang Kristang, isang wikang nanganganib nang kritikal.
Sa Taylandiya, mayroong proyekto ng pagpapasigla ng wika ng wikang Chong na pinamumunuan ni Suwilai Premsrirat.[kailangan ng sanggunian]
Australasya
baguhinAustralya
baguhinMalala ang epekto ng kolonisasyon ng Europa sa Australya, at ang kahihinatnang pinsala na naranasan ng mga pamayanang katutubo sa mga katutubong wika lalo na sa timog-silangan at timog ng bansa. Nawalan ang ilan ng mga tradisyunal na katutubong nagsasalita. Sinusubukan ng iilang mga pamayanang Aboriginal sa Victoria at sa ibang lugar na muling buhayin ang mga wikang ito. Karaniwang minamatnugot ang gawain ng isang pangkat ng mga matatanda at iba pang mga taong may alam, kasama ng mga manggagawa ng komunidad sa wika na gumagawa ng karamihan sa pananaliksik at pagtuturo. Sinusuri nila ang datos, bumuo ng mga sistema ng pagbaybay at bokabularyo at naghahanda ng mga rekurso. Sabay-sabay ginagawa ang pagpapasya. Nagpapatulong nag ilang mga komunidad sa mga dalubwika, at mayroon ding mga dalubwika na nakapagtrabaho nang nakapag-iisa,[26] tulad nina Luise Hercus at Peter K. Austin.
Ang Pertame Project ay isang halimbawa sa Gitnang Australya. Ang Timog Arrernte, na kilala rin bilang Pertame, mula sa bansa sa timog ng Alice Springs, kasama ang Ilog Finke, ay isang diyalekto sa Arrenteng pangkat ng mga wika. Nang may 20 natitirang matatas na nagsasalita na lamang sa 2018, naghahangad ang Proyektong Pertame na panatilihin at buhayin ang wika na pinamumunuan ni Christobel Swan, isang nakakatatandang Pertame.
Mayroong aktibong programa ang wikang Diyari ng malayong hilaga ng Timog Australya na may mga materyales para sa pagtuturo sa mga paaralan at mas malawak na komunidad.
Bagong Silandiya
baguhinIsa sa mga pinakamatagumpay na kaso ng pagpapasigla ng wika ay ang kaso ng wikang Māori, na kilala rin bilang te reo Māori. Ito ang wika ng mga ninuno ng katutubong mamamayan ng Bagong Silandiya at isang padaluyan para sa salaysay-prosa, tulang inaawit, at talaangkanang resaytal. Itinuturo ang kasaysayan ng mga taong Māori sa te reo Māori sa mga sagradong paaralan sa pasalitang pamamaraan. Kahit pagkatapos na naging wikang sinusulat ang te reo Maori, pinapanatili pa rin ang tradisyong pasalita.
Sa sandaling nagsimula ang kolonisasyon ng Europa, maraming isinabatas upang itaguyod ang paggamit ng Ingles sa halip ng te reo Maori ng mga katutubong tao. Minandato ng Education Ordinance Act of 1847 ang pagtuturo gamit ang wikang Ingles sa paaralan at nagtatag ng mga paaralan pangaserahan upang mapabilis ang asimilasyon ng mga kabataang Māori sa kultura ng Europa. Ipinagbawal ng Native School Act of 1858 ang pagsasalita ng wika Māori sa mga eskuwelahan. Itinaguyod din ng mga mananakop ang paggamit ng Ingles sa mga tahanan ng Māori, na nakakumbinsi ang maraming magulang na hindi makakakuha ng trabaho ang kanilang mga anak maliban kung nagsasalita sila ng Ingles.
Noong dekadang 1970, isang pangkat ng mga kabataan ng Māori, ang Ngā Tamatoa, ay matagumpay na nagkampanya upang maituro ang wikang Māori sa mga paaralan. Gayundin, itinatag ang mga Kohanga Reo, mga preschool ng wikang Māori na tinawag na pugad ng wika. Ang diin ay sa pagtuturo sa mga bata ng wika sa batang edad, isang napakaepektibong diskarte para sa pag-aaral ng wika. Nabuo ang Komisyon ng Wikang Māori noong 1987, na humantong sa mga pambansang reporma na naglalayong muling mapasigla ang te reo Māori. Kasama rito ang mga programang medya na ibinobrodkast sa wikang Māori, mga programang undergraduate sa kolehiyo na itinuro sa te reo Māori, at isang taunang linggo ng wikang Māori. Naglikha ang bawat iwi, o lipi ng sariling programa ng pagpaplano ng wika na bagay sa kanyang kalagayan. Nagresulta ang mga pagtatangkang ito sa patuloy-tuloy na pagtaas ng mga batang tinuturuan sa te reo Māori sa mga paaralan mula noong 1996, at nakabuo ito ng makabuluhang bilang ng mga taong nagsasalita nang matatas at ginagawang bantog at kapaki-pakinabang ang Māori sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Sobrang matagumpay ang programa na nakabatay ang mga katulad na programa rito. Tingnan ang muling pagsilang ng wikang Māori.
Europa
baguhinSa Europa, noong ika-19 at unang bahagi ng ika-20 siglo, dumalisdis ang paggamit ng mga lokal at natutunang wika habang nagpataw ang mga sentral na pamahalaan ng iba't ibang estado ng kanilang bernakular na wika bilang pamantayan sa buong edukasyon at opisyal na paggamit (ito ang nangyari sa Reyno Unido, Pransya, Espanya, Italya at Gresya, at sa ilang antas, sa Alemanya at Awstrya-Unggarya).[kailangan ng sanggunian]
Sa mga huling dekada, nagbunga ang pagkamakabansang lokal at mga kilusang karapatang pantao ng isang pamantayang multikultural sa patakaran sa mga estado ng Europa; ipinahayag ang matalim na pagkondena sa mga naunang kasanayan ng pagsugpo sa mga wikang panrehiyon sa paggamit ng mga salita tulad ng "lingguwisida". Pinasikat ng mga kampanya ang katanyagan ng mga wikang lokal hanggang sa punto na sa ilang mga rehiyon ng Europa, naging wikang opisyal ang mga lokal na wika, kasama ng pambansang wika. Kaiba ang aksyon ng Konseho ng Europa sa larangang ito (tingnan ang Europeong Karta para sa Mga Wikang Panrehiyon o Pangminorya) sa pagbibigay ng Unyong Europeo ng opisyal na katayuan sa limitadong bilang ng mga wikang opisyal (tingnan ang Mga Wika ng Unyong Europeo).[kailangan ng sanggunian] Kasalukuyan, ang mga pagtatangkang opisyal upang buhayin ang mga napapanganib wika – tulad ng pagsulong ng Gales, Galisyano, Basko at Katalan sa kani-kanilang sariling mga rehiyon – ay nagkaroon ng iba't ibang antas ng pagtatagumpay.
Irlandes
baguhinAng isa sa mga pinakakilalang Europeong pagtatangka sa pagpapasigla ng wika ay ang sa wikang Irlandes. Habang nangingibabaw ang Ingles sa karamihan ng Irlanda, sinasalita pa rin ang Irlandes, isang wikang Seltiko, sa ilang mga lugar na tinatawag na Gaeltachtaí,[27] ngunit humihina ito doon. Kabilang sa mga hamon na kinakaharap ng wika sa mga nakalipas na siglo ang pagbubukod mula sa mga mahahalagang larangan, denigrasyong panlipunan, pagkawala o paglipat ng mararaming mga nagsasalita ng Irlandes sa panahon ng taggutom sa Irlandes noong dekada 1840, at patuloy-tuloy na paglilipat mula noon. Nagtangka na muling buhayin ang Irlandes, gayunpaman, mula sa kalagitnaan ng siglo 1800, iniugnay ito sa pagnanais para sa kalayaang pulitikal ng Irlanda. Higit na kinasasangkutan ang kontemporaryong pagpapasigla ng wikang Irlandes ng pagtuturo ng Irlandes bilang isang sapilitang wika sa mga pangunahing paaralan na nagsasalita ng Ingles. Ngunit nangangahulugan ang pagkukulang sa pagturo nito sa mabisang at nakakaakit na paraan na (tulad ng itinala ni Andrew Carnie, isang dalubwika) hindi nakakakuha ng katatasan na kinakailangan para sa pangmatagalang biabilidad ng wika, at humantong ito sa pagkabagot at sama ng loob. Nabanggit din ni Carnie na kulang ang midya na nasa wikang Irlandes (2006), pero hindi na ito totoo.
Kinontra ang pagbagsak ng Gaeltachtaí at ang kabiguan ng muling pagsilang ng estado ng isang lunsuring kilusan ng muling pagsilang. Halos batay ito sa isang independiyenteng sistema ng paaralan na nakabase sa komunidad na karaniwang kilala bilang Gaelscoileanna. Ipinanturo nang buo ang wikang Irlandes sa mga paaralang ito at lumalaki ang kanilang bilang, na may higit sa tatlumpung paaralan sa Dublin lamang.[28] Mahahalaga ang mga elementong ito sa paglikha ng kabalagan ng mga lunsuring nagsasalita ng Irlandes (na kilala bilang Gaeilgeoirí), na karniwang bata, edukado at gitnang-klase. Marahil ngayon na nakamtan ng grupong ito ng kahalagahan, isang katotohanan na naipapakita sa pagpapalawak ng midya sa wikang Irlandes.[29] Kapansin-panis na nagtagumpay ang telebisyon sa wikang Irlandes.[30] Pinagtatalunan na posibleng na mas edukado sila kaysa sa mga monolingguwal na nagsasalita ng Ingles lamang at mas mataas na katayuan nila sa lipunan.[31] Kinakatawan nila ang pagbago ng Irlandes patungo sa isang modernong lunsuring mundo na may kasamang pagtaas ng prestihiyo.
Eskosyang Gaeliko
baguhinMayroon ding mga kasalukuyang pagtatangka upang buhayin muli ang kamag-anak na wika ng Eskosyang Gaeliko, na pinigilan kasunod ng pagbuo ng Reyno Unido, at dumalisdis pa lalo dahil sa mga Pagpapalayas sa Paltok. Sa kasalukuyan, laganap na sinasalita lamang ang Gaeliko sa Kanlurang Kapuluan at ilang maliliit na lugar ng Paltok at Isla. Bumagal ang pagkakaunti ng matatas na nagsasalita ng Gaeliko; gayunpaman, lumipat ang sentro ng populasyon sa mga L2 nagsasalita sa mga lunsuring pook lalo na sa Glasgow.
Manes
baguhinAng wikang Manes, isa pang wikang Seltiko, ay nawalan ng huling katutubong nagsasalita noong 1974 at idineklara na patay ng UNESCO noong 2009, ngunit hindi kailanman siya nalipol. Itinuturo ngayon ang wika sa mga pangunahing at sekundaryong paaralan, minsan bilang wika ng pagtuturo sa Bunscoill Ghaelgagh. Ginamit din ito sa ilang mga pampublikong kaganapan at sinasalita bilang pangalawang wika ng humigit-kumulang 1800 katao. Kabilang sa mga pagsisikap sa muling pagsilang ang mga palabas sa radyo sa Gaelikong Manx at mga rekurso sa social media at online. Kasangkot din ang gobyernong Manx sa pagtatangka sa pamamagitan ng paglikha ng mga organisasyon tulad ng Pundasyon ng Pamanang Manx (Culture Vannin) at ang posisyon ng Opisyal ng Wikang Manx. Nakapaghiwatig ang gobyerno ng opisyal na Diskarte sa Wikang Manx para sa 2017-2021.
Korniko
baguhinNagkaroon ng mga mararaming pagtatangka upang muling buhayin ang wikang Korniko, ilan pribado at ilan sa ilalim ng Kasosyo ng Wikang Korniko. Kasama sa mga aktibidad ang pagsasalinwika ng mga banal na kasulatan,[32] isang samahan ng mga musikero, at pagtataguyod ng mga panitikang Korniko sa modernong Korniko, kabilang ang mga nobela at tula.
Caló
baguhinNakabuo ang mga Hitanong nakarating sa Peninsula ng Iberian ng isang Iberikong diyalekto ng Romani. Nang lumipas ang panahon, huminto ang pagiging isang buong wika ang Romani at naging Caló ito, isang bernakular na naghahalo ng balarila ng Iberikong Romanse at bokabularyo ng Romani. Dahil sa sedentarisasyon at sapilitang pagtuturo sa mga wikang opisyal, bumihira nang bumihira ang paggamit ng Caló. Sapagka't lipol na ang wastong Iberikong Romani at napapanganib ang Caló, sinusubkan ng ilang mga tao na muling buhayin ang wika. Nagtataguyod si Juan de Dios Ramírez Heredia, isang politko ng Espanya, ng Romanò-Kalò, isang baryante ng Pandaigdigang Romani na pinayaman ng mga salitang Caló.[33] Ang kanyang layunin ay upang muling pagsamahin ang mga ugat ng Caló at Romani.
Hilagang Amerika
baguhinSa mga nagdaang taon, lumalago ang bilang ng mga tribong Amerikanong Indiyano na nagsisikap na muling buhayin ang kanilang mga wika. Halimbawa, mayroong Apple iPhone/iPod app para sa wikang Halkomelem ng Malawakang Vancouver na rehiyon ng Canada. Bilang karagdagan, mayroong mga app (kasama ang mga parirala, mga talaan ng salita at diksyonaryo) sa mga maraming katutubong wika na nagmula sa Cree, Cherokee at Chickasaw, hanggang sa Lakota, Ojibway at Oneida, Massachusett, Navajo at Gwych'in.
Ang Wampanoag, isang wikang sinasalita ng mga taong pinangalanan nito sa Massachusetts, ay sumailalim sa isang proyektong muling pagsilang na hinantong ni Jessie Little Doe Baird. Dahil sa proyekto, mayroon ng mga bata na nagsasalita ng wika nang matatas sa unang pagkakataon sa higit sa 100 taon.[34] Bilang karagdagan, may mga kasalukuyang pagtatangka na muling buhaying ang wikang Chochenyo ng California na naging lipol.
Timog Amerika
baguhinAng Kichwa ay isang uri ng wikang Quechua na sinasalita sa Ecuador at isa sa pinakasinasalita na wikang katutubo sa Timog Amerika. Sa kabila ng katotohanang ito, napapanganib na wika ang Kichwa, halos dahil sa pagpapalago ng Kastila sa Timog Amerika. Ang isang pamayanan ng mga dating nagsasalita ng Kichwa, ang mga Lagunas, ay isa sa mga unang katutubong komunidad na lumipat sa wikang Kastila. Ayon kay King, ito ay dahil sa pagtaas ng kalakalan at negosyo sa malapit na bayan na nagsasalita ng Kastila. Iginigiit ng mga taga-Lagunas na hindi ito dahil sa mga layuning pang-asimulasyon sa kultura, dahil pinahahalagahan nila ang pagkakakilanlan ng kanilang kultura. Gayunpaman, sa sandaling nagawa itong pakikipag-ugnay, nagbago nang nagbago ang wika ng mga taga-Lagunas sa mga henerasyon, patungo sa bilingguwalismo sa Kichwa at Kastila at ngayon sa halos monolingguwalismo sa Kastila. Nagpapahiwatig ang damdamin ng mga taga-Lagunas ng isang dikotomya ng paggamit ng wika, bilang karamihan sa mga miyembro ng Lagunas ay tanging nagsasalita ng Kastila at nakakaalam lamang ng ilang mga salita sa Kichwa.
Mapanglaw ang hinaharap ng muling pagsilang ng wikang Kichwa, dahil nakasalalayang mga magulang sa edukasyon para sa hangaring ito, na di-ganoo kaepektibo kumpara sa patuloy-tuloy na paglulubog sa wika sa tahanan. Bagaman may sadyang pokus sa pagtuturo sa Kichwa sa mga paaralan sa pamayanan ng Lagunas, binubuo ito ng halos alintiyak pna akikipag-ugnay, pagbabasa, at pagsulat sa Kichwa. Bilang karagdagan sa mga katutubong pagsisikap, nakatuon ng pansin ang mga pambansang samahan ng pagpapasigla ng wika, tulad ng CONAIE, sa mga katutubong bata na hindi nagsasalita ng Kastila na kumakatawan sa malaking minorya sa bansa. Hindi naging epektibo ang isa pang pambansang inisyatibo, Bilingual Intercultural Education Project (PEBI), sa pagpapasigla sa wika dahil ipinanturo ang Kichwa at itinuro ang Kastila bilang pangalawang wika sa mga bata na halos natatanging monolingguwal sa Kastila. Bagaman tila hindi epektibo ang ilang mga pamamaraan, nagbibigay ng ilang mga mungkahi si Kendall A. King:
- Ang paglalantad sa at pagkamit ng wika sa batang edad.
- Matinding diskarte sa paglulubog.
- Maramihang at magkakaibang mga pagtatangka upang abutin ang mga matatanda.
- Pagkahutukin at koordinasyon sa pagpaplano at pagpapatupad.
- Direktang pagtutugon sa iba't ibang mga uri ng wika.
- Pagbibigay-diin ng mga tagaplano na mahabang proseso ang pagpapasigla ng wika.
- Pag-aanyaya ng mararaming tao hangga't maaari.
- Ginagamit ng mga magulang ang wika sa kanilang mga anak.
- Pag-aatake ng problema ng mga tagaplano at tagapagtaguyod sa lahat ng dako.
Kabilang sa mga tiyak na mungkahi ang pagbibigay ng prestihiyosong pang-unawa sa wika sa mga paaralan, pagpopokus sa mga katutubong pagsisikap sa paaralan at sa bahay, at pagpapanatili ng pansin sa pambansang at panrehiyonal na antas.
Mga kasalukuyang pagsisikap sa pagpapasigla
baguhinNagpapatuloy ang mga pagpupunyagi sa pagpapasigla ng wika sa buong mundo. Gumagamit ang mga koponan ng pagpapasigla ng mga modernong teknolohiya upang madagdagan ang pakikipag-ugnay sa mga katutubong wika at upang maitala ang tradisyunal na kaalaman.
Sa Mehiko, nakababad ang wika ng mga taong Mixtec sa pakikipag-ugnayan ng klima, kalikasan, at kahalagahan nito sa kanilang kabuhayan. Kamakailang nagsagawa ang programang LINKS (Lokal at Katutubong Kaalaman) ng UNESCO ng proyektong makabuo ng isang talahulunganan ng mga terminong Mixtec na may kaugnayan sa klima. Naniniwala ang UNESCO na makabibigay ang tradisyunal na kaalaman ng mga taong Mixtec sa pamamagitan ng kanilang malalim na koneksyon sa mga kababalaghan ng panahon ng pananaw sa mga paraan upang matugunan ang pagbabago ng klima. Ang kanilang hangarin sa paglikha ng talahulunganan ay upang "mapadali ang mga talakayan ng mga dalubhasa at mga may hawak ng tradisyunal na kaalaman".
Sa Canada, naglalakbay ang proyektong Wapikoni Mobile sa mga katutubong pamayanan at nagbibigay ng mga aralin sa paggawa ng pelikula. Naglilibot ang mga pinuno ng programa sa iba't ibang dako ng Canada na may mga mobile audiovisual production units, at naglalayong bigyan ang mga katutubong kabataan ng paraan upang kumonekta sa kanilang kultura sa pamamagitan ng isang paksa ng pelikula na pipiliin nila. Nagsusumite ang proyektong Wapikona ng kanilang mga pelikula sa mga kaganapan sa buong mundo bilang pagtatangka upang maikalat ang kaalaman tungkol sa katutubong kultura at wika.
Sa mga kabataan sa Rapa Nui (Pulo ng Paskuwa), sampung porsyento ang nakakaaral ng kanilang katutubong wika. Nag-aaral ang natitirang bahagi ng komunidad ng Kastila upang makipag-usap sa mga banyaga at suportahan ang industriya ng turismo. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng UNESCO at ang Tsilenong Corporación Nacional de Desarrollo Indigena, nilikha ang Kagawaran ng Wikang at Kulturang Rapa Nui sa Paaralang Lorenzo Baeza Vega. Mula noong 1990, lumikha ang departamento ng mga teksto pampangunahing edukasyon sa wikang Rapa Nui. Noong 2017, nilikha rin ang Nid Rapa Nui, isang organisasyong di-pampamahalaan, na may layunin na magpatayo ng paaralan na nagtuturo ng mga kurso sa Rapa Nui.
Mga kritisismo
baguhinAyon kay John McWhorter, hindi magiging epektibong epektibo ang mga programa upang muling buhayin ang mga katutubong wika dahil sa mga kasangkot na praktikal na sagabal. Ayon din sa kanya, hindi tiyak ang pagkamatay ng isang kultura kung mamatay ang isang wika. Posible pa rin ang katutubong pagpapahayag kahit nawala na ang orihinal na wika, tulad ng mga pangkat ng Amerikanong Indiyano at tulad ng ipinapakitang kasiglahan ng kultura ng Amerikanong itim sa Estados Unidos sa mga taong hindi nagsasalita ng Yoruba kundi Ingles. Ipinagtatapat niya na ang pagkamatay ng wika, bilang kabalintunaan, ay isang senyas hanggang ngayon ng paghahalubilo ng mga nakahiwalay na mga grupo: "Nagaganap lamang ang pagpapanatili ng mga natatanging wika sa ibayo ng mga henerasyon kung may di-pangkaraniwang pagbubukod ng mga sarili — tulad ng mga Amish— o napakalalang paghihiwalay".[35]
Pinagtatalunan din ni Kenan Malik na "hindi makatwiran" upang subukang mapanatili ang lahat ng mga wika sa mundo, dahil natural ang pagkakamatay ng mga wika at madalas na hindi maiiwasan, kahit mayroong pakikialam. Ipinapanukala niya na nagpapabuti ang pagkamatay ng wika sa komunikasyon dahil natitiyak niya na mas marami ang nagsasalita ng parehong wika. Maaaring makikinabang ito sa ekonomiya at mabawasan ang salungatan. Ibinabahgi ng iba pa[sinong nagsabi?] na hindi nakapigil ang pagkakapareho sa wika at kultura sa mga brutal na digmaang sibil.
Ang proteksyon ng mga wikang minorya mula sa pagkalipol ay madalas na hindi aligata sa mga nagsasalita ng nangingibabaw na wika. Kadalasan, mayroong kapinsalaanat sinasadya ngpag-uusig sa mga wika g minorya, upang nibulsaang kpuhunangpangkultura at pang-ekonomiya ng mga pangkat ng minorya.[36] Minsan naman, itinuturing ng mga pamahalaan na masyadong malaki ang gastos ng mga programa sa pagpapasigla at paglikha ng mga iba't ibang linggwistikong materyal.[37]
Tingnan din
baguhin- Kategorya: Mga aktibista ng wika
- Mga wikang napapanganib
- Dokumentasyon ng wika
- Pugad ng wika
- Pagpaplano ng wika
- Batas pangwika
- Purismong lingguwistika
- Wikang minorya
- Wikang rehiyonal
- Proyektong Rosetta
- Sagradong wika
- Pagkamit ng pangalawang wika
- Wikang pinahahalagahan
- Mga wika sa mga senso
Mga organisasyon
baguhin- Saligan para sa Mga Wikang Napapanganib
- Ang Konserbansya ng Wika
- Pūnana Leo, mga paaralan ng wikang Hawayano
- Resource Network for Linguistic Diversity
- Culture Vannin, samahan ng wikang Gaelikong Manx
- SIL International
Mga talaan
baguhinMga sanggunian
baguhin- ↑ Tsunoda, Tasaku. Language Endangerment and Language Revitalization. Berlin: Mouton De Gruyter, 2005. 169. Print.
- ↑ Pine, Aidan; Turin, Mark (2017-03-29). Language Revitalization (sa wikang Ingles). Bol. 1. Oxford University Press. doi:10.1093/acrefore/9780199384655.013.8.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Laura Redish (2001), ‘Native Languages of the Americas: Endangered Language Revitalization and Revival’. http://www.native-languages.org/revive.htm
- ↑ "Endangered Languages". Inarkibo mula sa orihinal noong 2014-04-09. Nakuha noong 2014-04-20.
{{cite web}}
: Unknown parameter|deadurl=
ignored (|url-status=
suggested) (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 5.0 5.1 Grenoble, Lenore A., and Lindsay J. Whaley. Saving Languages: An Introduction to Language Revitalization. Cambridge, UK: Cambridge UP, 2006. p. 20. Print.
- ↑ New Perspectives on Endangered Languages. Ed. José A.F. Farfán and Fernando F. Ramallo. Amsterdam: John Benjamins, 2010. pp. 1-7. Print.
- ↑ Tsunoda, Tasaku (2005). Language Endangerment and Language Revitalization. Berlin: Mounton de Gruyter. p. 170.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Fishman, J. A. (1991). Reversing language Shift: Theory and Practice of Assistance to Threatened Languages. Clevedon : Multilingual Matters.
- ↑ Fishman, J. A. (ed.) (2001). Can Threatened Languages Be Saved? Reversing Language Shift, Revisited: A 21st Century Perspective. Clevedon : Multilingual Matters.
- ↑ Tsunoda, Tasaku. Language Endangerment and Language Revitalization. Berlin: Mouton De Gruyter, 2005. 201. Print
- ↑ Crystal, D. (2000). Language Death. Cambridge: Cambridge University Press, pp. 130-141. ISBN 0-521-65321-5
- ↑ Zuckermann, Ghil'ad and Walsh, Michael 2011. 'Stop, Revive, Survive: Lessons from the Hebrew Revival Applicable to the Reclamation, Maintenance and Empowerment of Aboriginal Languages and Cultures' Naka-arkibo 2012-03-15 sa Wayback Machine., Australian Journal of Linguistics Vol. 31, No. 1, pp. 111-127.
- ↑ 13.0 13.1 13.2 13.3 Ghil'ad Zuckermann, "Stop, revive and survive", The Australian, Higher Education, June 6, 2012.
- ↑ Nancy C. Dorian, ‘Purism v. compromise in language revitalisation and language revival’ in Language in Society 23, pp. 479-494.
- ↑ Kaye, Alan S. "Arabic." Morphologies of Asia and Africa. Winona Lake, IN: Eisenbrauns, 2007. 560-77. Print.
- ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-06-04. Nakuha noong 2010-08-06.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2011-06-04 sa Wayback Machine. - ↑ https://elpais.com/cultura/2016/04/12/actualidad/1460464651_728256.html
- ↑ https://web.archive.org/web/19991009202835/http://www.oneworld.org/ips2/june98/05_37_013.html
- ↑ "Archive copy" (PDF). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2011-06-04. Nakuha noong 2010-07-15.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2011-06-04 sa Wayback Machine. - ↑ https://web.archive.org/web/20070902192237/http://www.ulap.gov.ph/reso2006-28.html
- ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-07-16. Nakuha noong 2010-07-14.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2011-07-16 sa Wayback Machine. - ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-09-05. Nakuha noong 2010-07-14.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2012-09-05 sa Wayback Machine. - ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2010-06-29. Nakuha noong 2019-09-22.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2010-06-29 sa Wayback Machine. - ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-06-19. Nakuha noong 2010-07-14.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2011-06-19 sa Wayback Machine. - ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-10-24. Nakuha noong 2021-10-30.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2021-10-24 sa Wayback Machine. - ↑ Dr Christina Eira, community linguist with the Victorian Aboriginal Corporation for Languages (VACL), ‘Aboriginal Revival Languages,’ Lingua Franca, 27 June 2009, Radio National: http://www.abc.net.au/radionational/programs/linguafranca/aboriginal-revival-languages/3066470. Retrieved 21 June 2014.
- ↑ Carnie, Andrew. "Modern Irish: Modern Irish: A Case Study in Language Revival Failure." (1995).
- ↑ Gaelscoileanna Teo – Statistics: http://www.gaelscoileanna.ie/en/about/statistics/
- ↑ http://www.gaelport.com/default.aspx?treeid=37&NewsItemID=3726[patay na link]: ‘Schism fears for Gaeilgeoirí,’ Brian Ó Broin, 16 January 2010, The Irish Times.
- ↑ See the website of TG4: http://www.tg4.ie/.
- ↑ ‘Language and Occupational Status: Linguistic Elitism in the Irish Labour Market,’ The Economic and Social Review, Vol. 40, No. 4, Winter, 2009, pp. 435–460: https://ideas.repec.org/a/eso/journl/v40y2009i4p435-460.html
- ↑ Cornish New Testament
- ↑ "Unión Romaní imparte el primer curso de romanò-kalò" (sa Kastila), Union Romani, 29 December 2006
- ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-05-04. Nakuha noong 2019-09-22.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2016-05-04 sa Wayback Machine. - ↑ <John McWhorter, ‘The Cosmopolitan Tongue: The Universality of English’ in World Affairs Journal, Fall 2009: http://worldaffairsjournal.org/article/cosmopolitan-tongue-universality-english Naka-arkibo 2017-10-24 sa Wayback Machine.
- ↑ Ellis, Peter Berresford. 1985. The Celtic Revolution: A Study in Anti-imperialism. Talybont: Y Lolfa.
- ↑ Tsunoda, Tasaku. Language Endangerment and Language Revitalization. Berlin: Mouton De Gruyter, 2005. 158-159. Print.
Karagdagang pagbabasa
baguhin- Grenoble, L. A. and Whaley, L. J. (1998). Endangered Languages: Language Loss and Community Response. Cambridge University Press. (ISBN 0-521-59712-9)
- Nettle, D. and Romaine, S. (2000). Vanishing Voices. Oxford University Press. (ISBN 0-19-515246-8)
- Reyhner, J. (ed.) (1999). Revitalizing indigenous languages. Flagstaff, AZ : Northern Arizona University, Center for Excellence in Education. (ISBN 0-9670554-0-7)
- Zuckermann, Ghil‘ad (2020). Revivalistics: From the Genesis of Israeli to Language Reclamation in Australia and Beyond, Oxford University Press. ISBN 9780199812790 / ISBN 9780199812776
Mga kawing panlabas
baguhin- Podcast tungkol sa Kilusang Pagpapasigla ng Mga Katutubong Wika Naka-arkibo 2019-09-18 sa Wayback Machine., 22 min.
- "RPM YouTube Playlist – "Revitalization" " . RPM.fm. Nakuha 2012-08-08 .
Mga Organisasyon
baguhin- Enduring Voices Project Naka-arkibo 2015-04-02 sa Wayback Machine., National Geographic
- Living Tongues Institute for Endangered Languages
- Hans Rausing Endangered Languages Project Naka-arkibo 2012-07-29 sa Wayback Machine.
- Google Endangered Languages Project
- Fourth International 3L Summer School
- Resource Network for Linguistic Diversity
- World Oral Literature Project, Voices of Vanishing Worlds
Estados Unidos
baguhin- Documenting Endangered Languages, National Science Foundation
- Society to Advance Indigenous Vernaculars of the United States Naka-arkibo 2012-02-27 sa Wayback Machine., (Savius.org)
- Programs Concerned with Alaska Native Language (ANL) Revitalization Naka-arkibo 2017-10-24 sa Wayback Machine.
- "The Young Ancestors, Camino Verite Films". Retrieved 2012-08-08.
- Patia Stephens (2006). "Language 911: UM helps rescue fading indigenous voices". Vision, Research, Scholarship & Innovation, The University of Montana. Retrieved 2012-08-08.
California
baguhin- Advocates for Indigenous California Language Survival
- Indigenous Language Institute
- Live Your Language Alliance (LYLA) "It is the desire of the Live Your Language Alliance to hear and speak the traditional languages of the Tolowa, Karuk, Yurok, Hupa, Tsnungwe, Wiyot, Mattole, and Wailaki."
- Marisa Agha (2012-03-18). "Language preservation helps American Indian students stick with college" (PDF). The Sacramento Bee. Retrieved 2012-08-08.
Mga teknolohiya
baguhin- Recording your elder/Native speaker, practical vocal recording tips for non-professionals
- Learning indigenous languages on Nintendo
- Texting endangered languages Naka-arkibo 2017-05-25 sa Wayback Machine.
- First Nations endangered languages chat applications
- DOBES Documentation of Endangered Languages
Mga pamamaraan
baguhin- Kawaiisu Language and Cultural Center training Naka-arkibo 2012-11-28 sa Wayback Machine.
- Pointers on How to Learn Your Language (scroll to link on page)
- Do-it-yourself grammar and reading in your language Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine., Breath of Life 2010 presentations
- Language Hunters
- Where Are Your Keys
- Lost Words - The Documentary Naka-arkibo 2014-06-27 sa Wayback Machine., covers Dr. Stephen Greymorning's Accelerated Second Language Learning