Mga puntod na apog ng Kamhantik

Ang mga puntod na apog ng Kamhantik (Ingles: Limestone Tombs of Kamhantik) ay isang pook pang-arkeolohiya kung saan matatagpuan ang mga labi na tinatayang nailibing noong sinaunang panahong bago dumating ang mga Kastila sa Pilipinas. Matatagpuan ang mga puntod sa mga gubat ng Bundok Kamhantik sa loob ng Buenavista Protected Landscape o Nakaprotektang Tanawin ng Buenavista ng bayan ng Mulanay, Quezon, Pilipinas. Sa teoriya ng mga eksperto, indikasyon ang mga puntod na ito na may malapit na pamayanan o barangay (isang terminong ginamit upang ipakahulugan ang isang kaayusang pampamahalaan noong klasikong panahon) na naging pinanirahan ng mga sinaunang tao sa lugar na ito. Malawak na pinaniniwalaan na mga Austronesyo, partikular ang mga Tagalog bago ang kolonya, ang lumikha ng mga libingan.

Mga puntod na apog ng Kamhantik
Puntod ng Kamhantik
Mga puntod na apog is located in Pilipinas
Mga puntod na apog
Mga puntod na apog
Kinaroroonan ng apog na puntod
KinaroroonanMulanay, lalawigan ng Quezon
Mga koordinado13°31′13″N 122°25′13″E / 13.52028°N 122.42028°E / 13.52028; 122.42028
KlaseKompleks ng puntod / lugar ng libigan
Bahagi ngPilipinas
Lawak5 ektarya
Kasaysayan
MateryalApog
Itinatagc. ika-9 na dantaon
Nilisanc. ika-15 dantaon
Mga kulturaSinaunang Tagalog
Kaugnay saMga Maharlika at mga karaniwang tao
Pagtatalá
Hinukay noong2011–2012
PamunuanNakaprotektang Tanawin ng Buenavista ng Mulanay, Quezon,
Pambansang Museo ng Pilipinas

Binubuo ito ng labing-limang puntod na apog at batay sa nangungunang arkeologo ng Pambansang Museo ng Pilipinas na "isang kompleks na pook pang-arekolohiya na may parehong tirahan at mga labi mula sa panahon ng humigit-kumulang ika-10 hanggang ika-14 dantaon ... ang unang ganitong uri sa Pilipinas na inukit na apog na libingan." [1] Gayunpaman, pagkatapos ng pagpetsa ng karbono o carbon-dating ng mga buto ng tao na natagpuan sa pook, nalaman na mas luma ang lugar na tinatayang nasa pagitan ng 890-1030 AD.[2] Bukod sa labi ng mga tao at puntod, natagpuan din ang mga palayok at mga ibang buto ng hayop tulad ng unggoy, at baboy-ramo.[3]

Pagkatuklas

baguhin

Alam na ng Pambansang Museo ng Pilipinas ang pagkakaroon ng lugar na ito sa Mulanay noong pang 1998 at naideklera ang lugar bilang isang pook na nakaprotekta[4] subalit nauna na itong sinalakay ng mga mananalakay ng puntod noong mga dekadang nauna, at ninakaw ang mga mahahalagang artepakto.[5]

Noong Setyembre 2012, ipinabatid ng Pambasang Museo ng Pilipinas na natuklasan nila ang mga sinaunang puntod sa Bundok Kamhantik na malapit sa bayan ng Mulanay Quezon, at naglabas sila ng mga litrato na kuha noong Marso 2011 na pinapakita ang mga arkeologong Pilipino na nagtratrabaho at nagsusuri sa mga puntod.[6] Noong 2012 din, hinikayat ng noo'y Gobernador ng Quezon na si David Suarez at ang Alkalde ng Mulanay na si Joselito Ojeda ang Pambansang Museo na magpatuloy na galugarin at pag-aralan ang pang-arkelohiyang lugar na ito sa Tangway ng Bondoc.[7]

Nasuri lamang ng mga arkelogo ang maliit na bahagi ng limang ektaryang lupain ng gubat at maaring marami pang artepakto at puntod na apog ang matatagpuan sa lugar.[3] Partikular na inisip ng mga eksperto na maaring mayroon pang nakukubli na mga puntod na apog sa ilalim ng isang puno na balete na tinatayang 300 taon ang edad.[8]

Ayon sa isang episodyo ng iWitness noong Pebrero 2013 kung saan idinokumento ni Kara David ang lugar, pansamantalang ipinatigil ng Pambansang Museo ng Pilipinas ang pag-aaral sa mga puntod sa Bundok Kamhantik, at nang sinubukan ng programa na hingan ng pahayag tungkol dito, hindi nagpaunlak ang mga taga-Pambansang Museo ng Pilipinas.[8]

Paglalarawan

baguhin

Kakaiba at natatangi ang mga puntod na apog sa Bundok Kamhantik dahil kadalasang nasa bangang palayok at ataol na kahoy ang mga puntod ng mga sinaunang Pilipino,[6] tulad ng mga bangang Manunggul na natagpuan sa Yungib ng Manunggul sa timog-kanlurang Palawan.[9][10] Sinabi ng noo'y opisyal ng Pambasang Museo ng Pilipinas na si Eusebio Dizon noong 2012 na hindi bababa sa 1,000 taon ang gulang ng mga puntod ng apog sa Bundok Kamhantik batay sa pagpepetsa ng karbono (o carbon dating) na isinagawa sa Estados Unidos.[6] Napakabihira man ito sa Pilipinas, matatagpuan ang mga ganitong uri ng apog na puntod sa Timog-silangang Asya tulad ng natuklusan sa Sumatra sa Java, Bali sa Indonesia, at Taitung sa Taiwan.[11]

Ang mga puntod na apog sa Kamhantik ay isang sarkopogong hugis parihaba na unukit ang mga apog nakausli mula sa mga lupa ng gubat.[6] May mga bilugang hukay na natagpuan sa paligid na ito na ayon kay Thelma Roales, isang arkeologo at ilustrador na siyentipiko, tinayuan ng posteng yari sa kahoy na pinagpatungan ng mga alay o ilaw, o kaya'y pinatungan ng pawid ang poste para maging lilim sa puntod.[8][12] Ang pagkakaiba nito sa ibang sarkopogong natagpuan sa ibang bahagi ng Timog-silangang Asya ay wala itong takip.[8] Subalit sa paghihinala ni Alkalde Ojeda ng Mulanay, maaring sa pagmamadali ng mga sumalakay sa puntod at nang makukuha ng mga mahahalagang bagay, itinapon na lamang ang takip.[8]

Hindi tulad din ng mga sarkopogo sa ibang lugar, payak lamang ito at walang detalyadong larawang mitolohiko o imahe ng tao.[3] Bagaman, pinaniniwalaan ng mga makabagong residente ng Mulanay na tahanan ang Bundok Kamhantik ng mga engkanto, at ang mga puntod na apog ay libingan ng mga engkanto.[2]

Mga sanggunian

baguhin
  1. "1,000-year-old village found in Philippines". telegraph.co.uk. Nakuha noong Mayo 20, 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 "iJuander: Mount Camhantik sa Quezon, pinamamahayan umano ng mga engkanto?". GMA News Online (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2021-01-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 "Unique ancient tombs found in Quezon province". SunStar Publishing Inc. (sa wikang Ingles). 2012-09-20. Nakuha noong 2024-03-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Geronimon, Gian C. (2012-09-26). "1,000-year-old stone sarcophagi point to sophisticated early Filipino society". GMA News Online (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-03-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Tomb raiders spoil Philippine archaeological find". phys.org (sa wikang Ingles). AFP. 2012-09-12. Nakuha noong 2024-03-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 Gomez, Jim. "Unique tombs found in Philippines (Update)". phys.org (sa wikang Ingles). Associated Press. Nakuha noong 2024-03-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Mallari Jr, Delfin T. (2012-09-30). "Gov asks archaeologists: Keep digging in Quezon". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-03-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. 8.0 8.1 8.2 8.3 8.4 Kara David (Pebrero 18, 2013). iWitness: Ang Misteryo ng Kamhantik (Dokumentaryo sa telebisyon). GMA 7. Nakuha noong Marso 16, 2024.{{cite midyang AV}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. Miksic, J.N. (2003). Earthenware in Southeast Asia: Proceedings of the Singapore Symposium on Premodern Southeast Asian Earthenwares. NUS Press. (sa Ingles)
  10. Guillermo, A.R. (2012). History Dictionary of the Philippines. Scarescrow Press. p 275 (sa Ingles)
  11. Dizon, Eusebio Z.; Cuevas, Nida T. (Disyembre 2021). "The Community Utilization of Ceramics in Sarcophagus Burials from Mt. Kamhantik site, Mulanay, Quezon probince, southeastern Luzon, Philippines" (PDF). moc.gov.tw (sa wikang Ingles). Journal of Austronesian Studies. Nakuha noong 2024-03-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)
  12. "iJuander: Mount Camhantik sa Quezon, pinamamahayan umano ng mga engkanto?". GMA News Online (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2021-01-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)