Naik

pananahanang pantao na kanugnog ng malaking bayan o kalunsuran

Ang naik (pagbigkas: ná•ik; Ingles: suburb)[1] o arabal (Kastila: arrabal) ay kanugnóg na pook ng lungsod na karaniwan ay binubuo ng mga kabahayan o pook na samot-saring pinaggagamitan, mapabahagi man ng isang lungsod o kalakhang kalungsuran (tulad sa Australia, New Zealand, Tsina at United Kingdom), o bilang isang hiwalay na pamayanang pangkabahayan na maaaring manakay lang patungong kalungsuran (tulad sa Canada, Estados Unidos, Kuwait at Pransiya).

Ang Nassau County, sa Long Island ay sumisimbolo sa patuloy na paggapang ng kalungsuran ng Lungsod ng New York, Estados Unidos.
Mga tract housing sa Colorado Springs, Colorado. Ang mga cul-de-sac ay palatandaan ng mga pagpaplano ng mga naik.

May antas ng awtonomiya sa pangangasiwa ang ilang naik, at karamihan ay may higit na mababang kapal ng populasyon kaysa sa pinakalungsod. Unang nagsulputan nang maramihan ang mga naik noong ika-19 at ika-20 dantaon dulot ng pagbuti ng transportasyon sa kalsada at riles, na nagparami sa mga namamasahe.[2] Karaniwang nagsusulputan ang mga naik sa paligid ng mga lungsod na malawak ang kalapít na kapatagan.[3]

Kasaysayan

baguhin

Unang kasaysayan

baguhin

Kasabay ng pagdami ng mga kabayanang pamayanan ang pagsulpot ng mga unang naik. Ang mga napapaderang mga lungsod ay naging sentro kung saan nagsulputan ang mga maliliit na pamayanang malapit sa mga pamilihang bayan. Ang salitang 'suburbani' (pinagmulan ng Ingles na 'suburban') ay unang ginamit ng Romanong lider na si Cicero, bilang pagtukoy sa mga malalaking villa at lupain ng mga patricio ng Roma sa labas ng lungsod.

Habang lumalago ang mga populasyon noong Maagang Makabagong Panahon sa Europa, yumabong ang mga naik dulot ng patuloy na pagdagsa ng mga tao mula sa kanayunan. Sa ilang lugar, kinain ng mga lungsod ang mga kalapít na pamayanan nang lumawig ang nasasakupan nito. Karaniwang mga mahihirap ang naninirahan sa mga lugar na nakapalibot sa mga lungsod.[4]

Pinagmulan ng mga modernong naik

baguhin

Bunga ng mabilisang pandarayuhan ng mga taong mula sa kanayunan patungo sa mga maindustriyang lungsod ng Inglatera noong huling bahagi ng ika-18 dantaon, nabaligtad ang kalakaran at ang mga bagong may kayang gitnang uri ay nagsimulang mamilí ng lupain at villa sa labas ng London. Napabilis ang kalakarang ito hanggang ika-19 na dantaon, lalo na sa mga lungsod gaya ng London at Manchester na nakararanas ng mabilis na pag-unlad, at ang mga unang distritong naik ay sumulpot sa paligid ng sentro ng lungsod upang magbigay-daan sa mga taong gusto makalisan sa nanlilimahid ng kondisyon ng mga lungsod. Sa pagtatapós ng dantaon, nang mapaunlad ang sistema ng pampulikong transportasyon gaya ng metro, trambiya at bus, naging posible nang manirahan sa labas ng lungsod ang nakararami sa populasyon nito at mamasahe na lang patungo sa sentro ng kalakalan.[4]

 
Pabalát ng Metro-Land guide na inilimbag noong 1921

Sa gitnang bahagi ng ika-19 na dantaon, ang mga unang pangunahing naik ay nag-uusbungan na sa paligid ng London, dahil sa ang lungsod (pinakamalaki noong panahong iyon) ay nagiging masikip at marumi na. Naging hudyat ng paglago ng mga naik ang pagbubukás ng Metropolitan Railway (Met) noong mga 1860. Pinagdugtong ng linya ng riles ang sentro ng pananalapi ng lungsod (ng London) at ang mga magiging naik ng Middlesex.[5] Naabot ang Harrow noong 1880, at kalaunan umabot ang linya hanggang sa Buckinghamshire, may 80 km mula sa Baker Street at sentro ng London.

Di gaya ng iba pang kompanya ng riles, na dapat magbenta ng mga labis na lupain, pinayagan ang Met na hawakan pa rin ang mga naturang lupain sa paniniwalang magagamit ng mga riles sa hinaharap.[6] Sa simula, ang labis na lupain ay pinamahalaan ng Komite sa Lupa,[7] at, mula noong mga 1880, ang lupain ay pinaayos at ibinenta sa mga lokal na mamimili sa mga lugar tulad ng Willesden Park Estate, Cecil Park, malapit sa Pinner at sa Wembley Park.

Ang taguring "Metro-land" ay linikha ng Met noong 1915, nang ang Guide to the Extension Line ay naging gabay na Metro-land, na ibinebenta sa halagang 1d. Itinampok nito ang mga lugar na dinadaanan ng Met para sa mga manlalakad, dayo, at kalaunan ang mga naghahanap ng bahay.[8] Taunang inilathala hanggang 1932, ang huling buong taong malaya pa ang Met, ipinakita na gabay ang benepisyo ng "The good air of the Chilterns", gamit ang mga katagang "Each lover of Metroland may well have his own favourite wood beech and coppice — all tremulous green loveliness in Spring and russet and gold in October".[9] Ginawang pangarap ang isang modernong bahay sa kanayunan na may mabilis na serbisyo ng tren patungo sa sentro ng London.[10] Noong mga 1915, nagsikumpulan ang mga taga-London upang manirahan sa kanilang pinapangarap na malalawak na mga bagong tayóng mga naik sa kabila ng hilagang-kanlurang London.[11]

Paglawig ng mga naik sa Inglatera sa pagitan ng mga digmaan

baguhin

Malaki ang naging impluwensiya ng garden city movement ni Ebenezer Howard at ng pagtatayô ng mga halamanan sa mga naik sa pagpasok ng ika-20 dantaon sa paglago ng mga naik noong panahon sa pagitan ng mga digmaan.[12] Naitayo ang unang halamanang naik sa pagsisikap ng panlipunang repormistang si Henrietta Barnett at ng kaniyang asawa. Naging inspirasyon nila si Ebenezer Howard at ang kilusan para sa pagsasagawa ng modelong pabahay (naging halimbawa nito ang halamanang lungsod ng Letchworth), pati na rin ang kagustuhang maprotektahan ang bahagi ng Hampstead Heath mula sa pagpapaunlad. Nagtatag sila ng mga trust noong 1904 na bumili sa 243 akre (98.4 ha.) ng lupain sa kahabaan ng bagong bukas na Northern line extension na pa-Golders Green at itinayo rito ang Hampstead Garden Suburb. Nakahikayat ng talento ng mga arkitekto ang naik, gaya nina Raymond Unwin at Sir Edwin Lutyens, at ito'y kalauna'y lumawig pa sa 800 akre (323.7 ha.).[13]

 
Mock Tudor semi-detached cottage, itinayo c.1870.

Noong Unang Digmaang Pandaigdig, kinomisyon ang Tudor Walters Committee na magbigay ng mga rekomendasyon para sa rekonstruksiyon pagkatapos ng digmaan at pagpapatayo ng mga bahay. Bahagi ito ng pagtugon sa pagkagulat sa kakulangan sa pangangatawan ng maraming recruit noong Digmaang Pandaigdig I, dahil na rin sa pangit na kalagayan ng kanilang mga tirahan; isang paniniwalang maibubuod sa katagang ginamit sa poster sa pabahay noong panahong iyon "you cannot expect to get an A1 population out of C3 homes" ("hindi ka makakaasa ng A1 na populasyon mula sa C3 na pabahay") – na tumutukoy sa klasipikasyon ng pangangatawan ng mga militar noong naturang panahon.

Ginamit ng pamahalaan ang ulat ng Komite noong 1917, na nagsabatas sa Housing, Town Planning, &c. Act 1919, na kinilala rin na Addison Act, isinunod ito kay Dr. Christopher Addison, ang noo'y Ministro sa Pabahay. Pinayagan ng batas ang pagtatayo ng mga bago at malalaking lupaing pabahay sa mga naik pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig[14] at naging simula ng mahabang tradisyon noong ika-20 dantaon ng pabahay na pag-aari ng estado, na magiging council estates kalaunan.

Isinabatas din ng Ulat ng Komite ang kinakailangang, pinakamababang pamantayan para sa pagpapatayo sa mga naik; kasama rito ang regulasyon sa pinakamataas na kapal ng pabahay at ng kanilang pagkakayos. Inirekomenda din nito ang nararapat na bilang ng silid-tulugan at iba pang silid bawat bahay. Bagaman unang idinisenyo ng Shaws (mag-amang architectural partnership) noong ika-18 siglo ang semi-detached na bahay, noon lang lumaganap ang pabahay sa mga naik, noong panahon sa pagitan ng mga digmaan unag namayagpag ang semi-detached na bahay bilang simbolo ng naik, na higit na pinipili ng mga gitnang uring maybahay kaysa sa maliliit na townhouse.[15] Lubhang naimpluwensiyahan ng Art Deco ang disenyo ng maraming kabahayan na naging katangian noong naturang panahon, batay na rin sa mga Tudor Revival, estilong tsalet (chalet), at pati disenyo ng barko.

Sa loob lamang ng isang dekada, biglaang dumami ang laki ng mga naik. Mula 1,500 hanggang higit sa 10,000 ang Harrow Weald habang ang Pinner ay tumalon mula 3,000 hanggang higit 20,000. Noong mga 1930, naging may pinakamalaking populasyon sa mga naik ang Inglatera sa buong daigdig dahil sa 'suburban revolution' kung saan higit sa 4 milyong bagong pabahay sa naik ang itinayo.[16]

Paglawig ng mga naik sa Hilagang Amerika pagkatapos ng digmaan

baguhin

Lumago ng husto ang populasyon sa mga naik sa Hilagang Amerika pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sabáyang nagtungo sa mga naik ang mga nagsiuwiang mga beterano upang makapagsimula ng bagong pamumuhay. Umunlad ang Levittown sa New York bilang isang pangunahing gumagawa ng prototype ng pangmasang pabahay. Kasabay nito, mabilis na nagtungo pa-hilaga ang mga Aprikano-Amerikano upang makahanap ng maayos na trabaho at magkaroon ng oportunidad na makapag-aral na hindi nila nakakukuha sa Timog kung saan sila ihinihiwalay. Ang pagbuhos nila sa mga lungsod sa Hilaga, kasabay ng mga riot ng iba't-ibang lahi sa maraming malalaking lungsod gaya ng Detroit, Chicago, Washington, D.C., at Philadelphia ay lalo pang nagtulak sa mga puti na lumiban patungong mga naik. Nakatulong sa paglago ng mga naik ang pagsasaayos ng mga batas sa pagsosona, redlining at iba't ibang inobasyon sa transportasyon. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, pinasigla pa ng mga pautang ng Federal Housing Administration ang housing boom sa mga naik sa Amerika. Sa ilang matatandang lungsod sa hilagang-silangan ng Estados Unidos, unang itinayo sa mga riles ng tren at tram ang streetcar suburb na nakapaghahatid sa mga manggagawang papasók at palabás ng sentro ng mga lungsod kung saan naroroon ang mga trabaho. Isinilang ng kaugaliang ito ang konseptong "bedroom community", na nangangahulugang nagaganap ang mga gawaing pangnegosyo tuwing umaga sa mga lungsod, kasama ang mga manggagawang lumilisan sa lungsod tuwing gabi para lamang umuwi upang matulog.

 
Tanawin ng mga ginagawang pabahay malapit sa bukirin sa Richfield, Minnesota (1954).

Ang unang malakihang naik na nadebelop sa Estados Unidos ay ang Long Island sa New York, isang naik na umusbong sa huling bahagi ng ika-19 na dantaon dahil sa pagdebelop ng mga buong pamayanan para sa mga nakatataas-na-gitnang-uri. Mabilis na paglobo ng populasyon ang idinulot nito. Habang dumami ang nagmamay-ari ng mga sasakyan at lumapad pa ang mga daan, lalo pang nagpatuloy ang kalakarang ng pamamasahe sa Hilagang Amerika. Ang patuloy na paninirahan sa labas ng mga kabayanan at lungsod ay tinawag na urban exodus.

Nakatulong din ang mga batas sa pagsosona ng mga pook pangkabahayan sa labas ng sentro ng lungsod sa paglikha ng malalawak na lugar o sona kung saan tanging mga pantirahang gusali lang ang papayagang itayo. Itinayo ang mga kabahayan sa mga naik sa higit na malalawak na lote kaysa sa sentro ng lungsod. Sa mga naik, ang mga stand-alone na bahay ang uso. Ang mga gusaling pangkomersiyo at pagawaan ay sa hiwalay na lugar sa lungsod.

Kasabay ng pagnanaik, maraming kompanya ang nagsimulang ilipat ang kanilang mga tanggapan at iba pang mga pasilidad sa labas ng sentro ng mga lungsod na nagresulta sa pagtaas ng densidad ng mga naunang naik at pagdami ng mga naik na mababa ang densidad na higit pang malayo sa sentro ng mga lungsod. Naging alternatibong estratehiya ang maayos na pagdisenyo ng mga "bagong mga bayan" at pagprotekta ng mga luntiang espasyo sa paligid ng mga lungsod. Ang ilang repormistang panlipunan ay nagbalák pang pagsamahin ang mga pinakamagandang katangian ng mga naturang konsepto para sa kilusang luntiang lungsod.[17]

Sa Estados Unidos, ang 1950 ang unang taon kung saan higit na maraming tao ang naninirahan sa mga naik kaysa iba pang mga lugar.[18] Ang pagtatayô ng mga skyscraper at matinding pagbintog ng halaga ng real estate sa Estados Unidos, ay nagdulot na maging pangnegosyo na lamang halos ang mga sentro ng mga lungsod, na nagtulak sa mga residente na manirahan sa labas na lamang nito.

Palko ng mga larawan

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. "History of Naic.":

    Naik is a rarely used but highly cultured Tagalog word meaning "suburbs" or "countryside."

    Hinango noong 2014-09-29.
  2. Hollow, Matthew (2011). "Suburban Ideals on England's Interwar Council Estates". Nakuha noong 2012-12-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. The Fractured Metropolis: Improving the New City, Restoring the Old City, Reshaping the Region Naka-arkibo 2013-12-03 sa Wayback Machine. by Jonathan Barnett, via Google Books.
  4. 4.0 4.1 "History of Suburbs". Nakuha noong 2012-12-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Edwards, Dennis; Pigram, Ron (1988). The Golden Years of the Metropolitan Railway and the Metro-land Dream. Bloomsbury. p. 32. ISBN 1-870630-11-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. The Land Clauses Consolidation Act 1845 required railways to sell off surplus lands within ten years of the time given for completion of the work in the line's enabling Act. (Jackson 1986, p. 134)
  7. Jackson 1968, p. 134, 137
  8. Jackon 1986, p. 240
  9. Rowley 2006, p. 206, 207.
  10. Green 2004, panimula
  11. "History of London Metro-Land and London's Suburbs".
  12. "The suburban aspiration in England since 1919".
  13. "Henrietta Barnett and the Beginnings of the Suburb". Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-12-06. Nakuha noong 2014-09-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2013-12-06 sa Wayback Machine.
  14. "Outcomes of the War: Britain".
  15. Lofthouse, Pamela (2012). "The Development of English Semi-detached Dwellings During the Nineteenth Century". Papers from the Institute of Archaeology. Ubiquity Press. 22: 83–98. doi:10.5334/pia.404. Nakuha noong 17 Marso 2013.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. "Suburban Ideals on England's Interwar Council Estates". Nakuha noong 2012-12-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. Garden Cities of To-Morrow. Library.cornell.edu. Retrieved on 2011-11-22.
  18. England, Robert E. and David R. Morgan. Managing Urban America, 1979.