Palabaybayan ng Filipino

Armonisadong ortograpiya para sa mga wikang Awstronesyo sa Pilipinas
(Idinirekta mula sa Ortograpiya ng Wikang Filipino)

Tinatalakay ng artikulong ito ang palabaybayan ng Filipino, isang wikang Awstronesyo.

Dati-rati, walang pamantayang palabaybayan ang Filipino. Dulot ito ng kawalan ng pansin ng pamahalaan sa direksiyong nais tunguhin ng wikang ito. Hanggang sa ngayon, kapansin-pansin ang maliliit ngunit lubhang maraming pagkakaiba sa baybay ng mga salitang Filipino ng mga tagapaglathala at mga pamantasan.

Paglalarawan at mga layunin

baguhin

Bagamat sinasabing hindi pa maaaring ganap na sipiin, ang ortograpiyang ito ay ginawa alinsunod sa prinsipyo ng makabagong lingguwistika. Subalit ginawa rin ito upang tugunan ang praktikal na pangangailangan ng mga gumagamit ng wikang pambansa — mga nagsisimulang bumasa’t sumulat, at mga bihasa nang sumusulat at nagbabasa sa wikang pambansa; mga Pilipinong ang unang wika ay Tagalog, at ang mas maraming Pilipino na ang unang wika ay di Tagalog; mga dayuhang gustong matuto ng Filipino bilang wikang dayuhan, at ang mga Pilipinong gustong gawing tulay ang kanilang wikang sarili upang matuto ng wikang dayuhan. Hindi sapat na maging siyentipiko ang isang ortograpiya. Kailangan din itong matanggap ng publiko. Sa puntong ito, kailangang linawin na walang ganap na bagong kalakaran at kumbensiyon sa patnubay na ito. Ang marami rito ay dati nang mga kaalaman at tuntunin na naipahayag, naimungkahi o naiharap na sa nakaraan, subalit sa di malamang dahilan ay naiwaksi at nakalimutan. Sa ganang amin, ang muling pagpapahayag ng mga subok na at nakagawian nang tuntunin ay hindi masama kundi mabuting bagay.

Bilang patnubay

baguhin

Ang patnubay na ito ay binuo ng Komisyon sa Wikang Filipino pagkatapos ng serye ng mga konsultasyon sa buong bansa noong 2006 hanggang 2007 para rebyuhin ang ortograpiyang Filipino. Hiniling dati na "maaaring magpadala ng komentaryo, katanungan, pusisyon at mungkahi tungkol sa patnubay na ito." Sinikap ng KWF na ilabas ang pinal na bersiyon ng patnubay bago matapos ang 2007. May bahagi ng proyektong ito na pinondohan ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining (NCCA). May mga espesyal na simbolong ginagamit sa patnubay na ito: [ ] representasyong ponetiko; “ “ representasyong grapemiko; ( ) diin; ( ) haba; ( ) impit na tunog; ( .) hati ng pantig, (~) alomorpo o baryant, at (*) di gramatikal o di katanggap-tanggap.

Mga payo

baguhin

Ipinapayong ituro muna ang baybay ponetiko lalo na sa panimulang pagbasa at pagsulat, at isunod na ituro ang baybay Ingles.

Tinalakay din sa mga konsultasyon ang mungkahi na baybayin nang pasalita kahit ang mga tuldik. Halimbawa, ang “baít” ay babaybayin na “bi” “ey” pahilis na “ay” – “ti”. Tumanggap ito ng maraming puna, kung kayat minarapat ng KWF na ang pagbabaybay ng mga tuldik ay huwag isama sa mga tuntunin.

Mga katwiran

baguhin

May mga katwiran sa pagtuturo ng dalawang paraan ng pagbabaybay:

Ang mga kalakasan ng dalawang pagbabaybay ay ang sumusunod:
a. Pagsasarili. Maipapakita na magkaiba ang wikang sarili at ang wikang Ingles sa pamamagitan ng magkaibang paraan ng pasalitang pagbabaybay.
b. Madaling matutuhan. Kumpara sa tawag Ingles, ang tawag abaseda ay higit na malapit sa aktuwal na tunog na kinakatawan ng mga letra. Inaasahang makapagpapadali ito sa pagkakatuto ng mga nagsisimulang bumasa’t sumulat sa wikang pambansa.
c. Episyente. Sa ortograpiyang ito ay nababaybay hindi lamang ang katutubong mga salita sa wikang pambansa at sa iba pang mga wika sa Pilipinas kundi pati ang mga hiram na salita buhat sa mga banyagang wika.
d. Tumpak. Ang pagsusulat ng mga letra at di letra gaya ng mga tuldik at ng gitling ay nagpapatingkad sa pangangailangan na maging eksakto at tumpak, lalo pa’t ang mga tuldik at gitling ay kumakatawan sa mga makahulugang tunog sa wikang pambansa.
e. Madaling ituro. Kabisado pa rin ng mga guro ang tawag abakada, kung kaya’t inaasahang hindi na mahihirapan ang mga ito kapag bumalik sa pagbabaybay ponetiko. Kapag walang mga tuldik, nahihirapan kapwa ang guro at mag aaral sa pag alam kung ano ang tamang bigkas at tamang ibig sabihin ng mga nakasulat na salita.
f. Maililipat sa ibang mga wika. Makatutulong ang ortograpiyang ito para mas madaling maunawaan at matutuhan hindi lamang ang mga lokal na wika kundi pati ang mga wika para sa mga pangalawang wika.

Mga pagtutol

baguhin

Tutol ang iba sa dalawang paraan ng pagbabaybay sapagkat "nakasanayan na raw ng mga tao ang baybay Ingles." Kahit totoo ito, dapat tandaan na ang kasanayan sa baybay Ingles ay nakamtan sa eskuwelahan. Ibig sabihin, maaari ring ituro at makasanayan ang baybay abaseda.

Mga grapema

baguhin

Ang mga grapema o pasulat na simbolo sa praktikal na ortograpiya ng wikang pambansa ay binubuo ng titik at di-titik.

Ang mga titik, na kung tawagi’y ang alpabeto, ay binubuo ng dalawampu’t walong (28) simbolo:

Malalaking titik
A B C D E F G H I J K L M N Ñ Ng O P Q R S T U V W X Y Z
Maliliit na titik
a b c d e f g h i j k l m n ñ ng o p q r s t u v w x y z

Ang mga di-titik ay binubuo ng: wala ( ) at gitling (-), na parehong sumisimbolo sa impit na tunog; ng tuldik: wala ( ), pahilís ( ΄ ), paiwà ( `) at pakupyâ ( ˆ ); ng bantas: tuldok (.), pananong (?), pandamdam (!), kuwit (,), tuldok-kuwit (;), tutuldok (:), at kudlit ( ’ ).

Tawag sa mga titik at pasalitang pagbaybay

baguhin

Tawag sa mga titik

baguhin

May dalawang paraan sa pagtawag ng mga letra:

  1. Tawag abaseda o ponetiko: “a”, “ba”, “se”, “da”, “e”, “fa”, “ga”, “ha”, “i”, “ja”, “ka”, “la”, “ma”, “na”, “nya”, “nga”, “o”, “pa”, “kwa”, “ra”, “sa”, “ta”, “u”, “va”, “wa”, “eksa”, “ya” at “za”.
  2. Tawag Ingles: “ey”, “bi”, “si”, “di”, “i”, “ef”, “ji”, “eych”, “ay”, “jey”, “key”, “el”, “em”, “en”, “enye”, “enji”, “ow”, “pi”, “kyu”, “ar”, “es”, “ti”, “yu”, “vi”, “dobolyu”, “eks”, “way”, “zi”.
  3. Ang pagtawag sa mga di letra ay alinsunod sa I, (B).

Pasalitang pagbabaybay

baguhin

May dalawang paraan ng pasalitang pagbaybay:

  1. Baybay abaseda (a ba se da) o ponetiko: “Rizál” = “malaking ra” “i” “za” “a” “la”, “pag asa = “pa” “a” “ga” “gitling” “a” “sa” “a”, “buko” = “ba” “u” “ka” “o”, “baít” = “ba” “a” “i” “ta”, “lutò” = “la” ”u” “ta” “o”, at “basâ” = “ba” “a” “sa” “a”.
  2. Baybay Ingles (ey bi si di): “Rizál” = “kapital ar” “ay” “zi” “ey” “el”, “pag asa” = “pi” “ey” “ji” “gitling” “ey” “es” “ey”, “buko” = “bi” “yu” “key” “ow”, “baít” = “bi” “ey” “ay” “ti”, “lutò” = “el” ‘yu” “ti” “ow”, at “basâ” = “bi” “ey” “es” “ey”.

Mga tunog, haba, at diin

baguhin

Mga katinig

baguhin
  1. Ang mga letrang pangkatinig ay: Bb, Cc, Dd, Ff, Gg, Hh, Jj, Kk, Ll,Mm, Nn, Ññ, NGng, Pp, Qq, Rr, Ss, Tt, Vv, Ww, Xx, Yy at Zz
  2. Sa pagbabaybay ng karaniwang katutubong salita sa wikang pambansa, gamitin lamang ang sumusunod na mga letrang pangkatinig: Bb,Dd, Gg, Hh, Kk, Ll, Mm, Nn, NGng, Pp, Rr, Ss, Tt, Ww at Yy. Ang mga letrang ito ay sumisimbolo sa 15 sa 16 na katutubong katinig sa wikang pambansa: /b/, /d/, /g/, /h/, /k/, /l/, /m/, /n/, /ŋ/, /p/, /r/, /s/, /t/, /w/, at /y/.Ang bawat letra ay representasyon ng isang katinig lamang.Ang panlabing anim na katutubong katinig—ang impit—ay kinakatawan ng wala ( ), gitling ( ), paiwa ( ` ) at pakupya ( ˆ ).
  3. Sa pagbabaybay ng mga salitang buhat sa iba pang mga katutubong wika sa Pilipinas, panatilihin ang orihinal na anyo ng mga ito batay sa palabaybayan at/o palatunugan ng pinagkunang wika.
  4. Sa pagbaybay ng mga hiram na salita buhat sa banyagang wika, may dalawang paraang ginagamit:
    1. panatilihin ang orihinal nitong anyo batay sa palabaybayan ng pinagkunang wika.
    2. baybayin ito ayon sa katutubong sistemang nakasaad sa III A at B Kung aling paraan ang gagamitin ay matutunghayan sa ikalimang bahagi ng patnubay na ito.
  5. Ang impit na tunog ay kinakatawan ng mga sumusunod na di letrang pangkatinig: wala ( ), gitling (-), tuldik na paiwà (`) at pakupya (ˆ).

Mga tuldik

baguhin

Pangunahing artikulo: Tuldik

Komplikadong mga simbolo ang mga tuldik. Mayroong apat na simbolo ng tuldik.

Una, ang pahilís (΄), na may dalawang bigkas: ang mabilís, na mabilis ang bigkas ng salita at laging nasa hulíng pantig ng salita (hal: buháy - alive, bukás - open) at malúmay, na marahan o mabagal ang bigkas ng salita at laging nasa una o mga gitnang pantig (hal: búhay - life, búkas - tomorrow). Ito ay acute sa Ingles.

Ikalawa, ang paiwà (`). Isa lang ang bigkas nito, ang malumì. Binibigkas ito nang mabagal o marahan at nagtatapos na may impit. Impit ang tawag sa biglang paghinto ng tunog tulad ng à sa talà (star). Lagi itong nasa hulíng pantig (hal: punò - tree). Lagi itong nilalagyan ng tuldik na pahilís at malúmay kung higit sa dalawa ang pantig (Hal: pinúnò - leader). Ito ay grave sa Ingles.

Ikatlo, ang pakupyâ (^). Isa lang ang bigkas nito, ang maragsâ. Binibigkas ito nang mabilis at nagtatapos na may impit tulad ng â sa talâ (list). Ito ay circumflex sa Ingles.

Ikaapat, ang patuldok (¨). Binibigkas ito nang may schwa (ə) at matatagpuan sa mga wikang IlokanoMëranaw, at Kankana-ëy. Ito ay dieresis sa Ingles.

a. Ang impit na nasa unahan ng salita at nasa pagitan ng mga patinig ay hindi isinusulat: “aso” /' a . so/, at “kain” /'ka . in/.
b. Ang impit na nasa pagitan ng katinig at patinig ay kinakatawan ng gitling: “pang araw” /paŋ.' a .raw/
c. Ang impit na nasa dulong pantig ng salitang may diin sa penultima ay kinakatawan ng tuldik na paiwà sa ibabaw ng patinig ng dulong pantig: “batà” / ba .ta /
d. Ang impit na nasa dulo at may diing pantig ng salita ay kinakatawan ng tuldik na pakupya sa ibabaw ng patinig ng dulong pantig: “likô” /li. ko /. Ang impit na tunog sa pinal na pusisyon ng salita ay hindi nabibigkas ng ilang tagapagsalita. Ang dahilan nito ay sapagkat sa unang wika nila ay walang impit na matatagpuan sa naturang pusisyon. Naililipat nila ang ganitong nakagawian sa kanilang pangalawang wika: “likô” /li. ko / > /li. ko/.
e. Para sa ilang tagapagsalita, ang impit na nasa dulo ng salita ay napapalitan ng haba, kapag ang salita ay nasundan ng ibang mga salita: “matandâ” /ma.tan.'da / pero “matandá na siya” /ma.tan.da:. na. si.yá/. Para naman sa ibang tagapagsalita, nananatili ang impit kahit ang salita ay nasundan ng ibang salita: “matandâ na siya” /ma.tan. da . na. si.yá/.

Mga patinig

baguhin
1. Ang mga patinig sa wikang pambansa ay kinakatawan ng mga letrang: Aa, Ee, Ii, Oo at Uu.
2. Sa pagbigkas ng katutubong salita, hindi makabuluhan ang pagkakaiba ng “i” vs. “e” at ng “o” vs. “u”.
Salita Pagkabigkas
sakít /sa. kit/ /sa. ket/
kurót /ku. rot/ /ku. rut/
laláki /la. la:.ki/ /la. la:.ke/

pero

kalalakihan /ka.la.la. ki .han/ /ka.la.la. ki .han/
3. Kahit hindi kontrastibo sa bigkas, may nakagawian nang gamit ang “e” at “i”. gayon din ang “o” at “u”. Ginagamit ang “e” at “o” sa dulong pantig ng mga katutubong salita at ang “i” at “o” sa ibang kaligiran.
e -> i
babae kababaihan
laláki kalalakihan
silbe kasilbihan
o -> u
bato kabatuhan
halos kahalusan
pasko kapaskuhan
pulo kapuluan
tapos katapusan
tipon katipunan
tulong katulungan
4. Nagiging makabuluhan lamang ang letra at tunog na “e” at “o” kapag ikinokompara ang mga hiram na salita sa mga katutubo o kapwa hiram na salita. Katulad ng “mesa”: “misa”, “oso” : “uso”.
5. Gaya ng mga katinig, maaari ring gamitin ang mga letrang patinig ng wikang Filipino sa pagbabaybay ng mga hiram na salita sa orihinal nilang anyo. Pero ang patinig ng hiram na salita ay maaaring kumatawan sa mahigit na isang tunog. Katulad ng “table” = /'tey.bol/, at “ballet” = /ba.'ley/.

Haba at diin

baguhin
1. Ang diin ay kinakatawan ng sumusunod na simbolo: wala ( ) at pahilis ( ΄ ).
2. Ang diin sa isang bukas na pantig (i.e. isang pantig na nagtatapos sa patinig) maliban sa ultima ay binibigkas na mahaba ( ). Katulad ng tao / ta . o/, mahaba ang may diing ta pero: isá / i. sa/, walang habà ang may diing sa; sa tukóy /tu. koy/, walang habà ang may diing koy.
3. Ang diin sa penultima ay hindi isinusulat. Katulad ng tao / ta . o/; lumà / lu .ma /
4. Ang diin sa iba pang pantig maliban sa penultima ay minamarkahan ng pahilis ( ΄ ) sa ibabaw ng patinig na may diin. Katulad ng taním [ta.'nim], tániman /ta .'ni .man/, at pátániman /pa .ta .'ni .man/.
5. Ang katutubong salita na may saradong penultima ay may awtomatikong diin sa dulong pantig. Katulad ng bantáy /ban. tay/.
6. May awtomatikong diin sa dulong pantig ang katutubong salita na sa pasulat na anyo ay may magkatabing magkaparehong patinig sa penultima at sa dulong pantig. Katulad ng biík /bi.' ik/ at suót /su.' ot/. May ilang kataliwasan dito: tulad ng pinsan, minsan at bibingka na may diin sa saradong penultima. Sa Sebwano, ang mga salitang may saradong penultima ay may awtomatikong diin sa penultima. Ang naturang salita, sa ponetikong transkripsiyon, ay:
a. may impit na tunog sa unahan ng dulong pantig;
b. may bukas na penultimang pantig;
c. may magkaparehong patinig sa dulo at penultimang pantig. Ang eksepsiyon dito ay ang salitang oo.
7. May awtomatikong diin sa dulong pantig ang katutubong salita na may uw o iy sa pagitan ng penultima at dulong pantig. Katulad ng tuwíd /tu. wid/ at tiyák /ti. yak/. Nakakaltas ang “u” at “i” sa mga salitang ito sa aktuwal na pagsasalita: katulad ng tuwíd / twíd/ at tiyák / tyák/.

Mga pantig

baguhin

Katutubong pantig

baguhin
1. Dalawa lámang ang kayarian ng pantig sa katutubong palapantigan: KP (katinig patinig) at KPK (katinig patinig katinig).
2. Walang di pinal na pantig ng katutubong salita na nagtatapos sa impit na tunog / /. Ang isang salitang gaya ng: “bâgo” /ba .'go/ ay hindi pangkaraniwan sa wikang pambansa, sapagkat ang unang pantig nito ay nagtatapos sa impit na tunog.
3. Walang di pinal na pantig ng katutubong salita na nagtatapos sa tunog na “h”. Ang isang salitang gaya ng: “kahkah” /'kah.kah/ ay hindi rin pangkaraniwan, sapagkat ang dalawang pantig nito ay nagtatapos sa “h”.
4. May mga nagsasabi na ang dulong pantig ng isang katutubong salita ay laging nagtatapos sa katinig. Halimbawa, ang salitang gaya ng “sabi” ay nagtatapos raw sa tunog na /h/.
A. Mga halimbawa sa araw-araw na buhay na sumasalungat sa ganitong pusisyon:
a. Hindi distintibo o hindi naririnig ang [h] na ito kumpara sa mga wikang may /h/ sa dulo ng pantig, gaya ng Kakilingan Sambal; Kakilingan Sambal “lotò / lo .to / `luto’ “lotoh / lo .toh/ `pagsabog (ng bulkan)’
b. Ang salitang gaya ng “sabi” kapag sinundan ng “daw”, ay nagiging ['sa .bi. raw] hindi */'sa .bih. raw/ o */'sa .bih.daw/. Ibig sabihin, walang naririnig na /h/ bago ng /r/ o /d/; at
c. Malamang na nagtatapos sa patinig ang “sabi”, sapagkat nagiging “daw” ang “raw“. Ang tuntunin ay ginagamit ang “raw” kapag ang salitang sinundan o nasa unahan nito ay nagtatapos sa patinig.
B. Mayroon din namang ebidensiya na nagpapahiwatig na mayroong /h/ sa dulo ng “sabi”. Kapag kinabitan ito ng hulaping “ an”, nagiging distintibo at naririnig ang /h/. / sa .bih/ + / an/ > /sa. bi .han/ “sabihan”.
C. Alinman sa pagsusuring ito ang gamitin, malinaw na hindi sinusulat ang [h] sa dulo ng isang pantig ng isang katutubong salita.

Hiram at dayuhang pantig

baguhin
1. Dahil sa panghihiram, nadagdagan ang kayarian ng pantig sa wikang pambansa. Bukod sa KP at KPK, ang mga hiram na pantig ay: KKP, KKPK, KKPKK at KPKKK. Katulad ng tra po / tra .po/ (KKP KP), plan ta / plan.ta/ (KKPK KP), trans por tas yon /trans.por.tas. yon/ (KKPKK KPK KPK KPK), at ispórts /is.ports/ (KPK KPKKK).
2. Isang palaisipan sa maraming Pilipino ang tamang pagpapantig sa mga salitang hiram na may kambal katinig gaya ng “sobre” ( “sob re” o “so bre”?); ng “tokwa” (“tok wa” o “to kwa”?) at ng “pinya” (“pin ya” o “pi nya”?). May dalawang tuntunin na sinusunod kaugnay nito:
a. Ang tamang pagpapantig ay umaayon sa katutubong kayarian na KP at KPK. Ang “sob ra”, “tok wa” at “pin ya” ay sumusunod sa katutubong kayarian na KP at KPK. Mas malayo sa aktuwal na bigkas at mas malapit sa hiram o dayuhang pantig ang “so bra”, “to kwa” at “pi nya.” Ang totoo’y tama ang huling paraan ng pagpapantig sa pinanghiramang wika.
b. Ang tamang pagpapantig ay umaayon o mas malapit sa aktuwal na bigkas. Ang bigkas ng mga Pilipino sa nasabing mga salita ay mas malapit sa / sob.bre/ ~ / sob.bre/, / tok.kwa/ ~ / tok.kwa/, at / pin.nya/ ~/ pin.nya/. Ibig sabihin, sumasama ang huling katinig ng penultima sa bigkas ng dulong pantig. Kung ang tamang pagpapantig ay “sob re”, “tokwa” at “pin ya”, mas madaling ipaliwanag ang pagsasama ng huling katinig ng penultima sa dulong pantig. Mas mahirap ipaliwanag ang ganitong pangyayari kung ang istandard na pagpapantig ay: “so bre”, “to kwa” at “pi nya”, gaya ng sa pinanghiramang wika.
3. Palaisipan din sa maraming Pilipino ang tamang pagbabaybay at pagpapantig ng mga salitang may kambal patinig sa orihinal na baybay. Ang ilang halimbawa ay: “provincia” (“pro bín si yá” o “pro bin sya”?), “infierno” (“im pi yer no” o “im pyer no”?), “violin” (“bi yo lín” o “byo lín”?), “guapo” (“gu wa po” o “gwa po”?), cuénto” (“ku wen to” o “kwento”?) at “acción” (“ak si yón” o “ak syón”?). Mayroon ding ilang tuntuning sinusunod kaugnay nito:
a. Ang namamayaning pagbabaybay (at pasulat na pagpapantig) ay umaayon sa katutubong kayarian na KP at KPK. Mas malapit ang pagpapantig ng unang anyo (i.e. “pro bín si yá”, “gu wa po”, “im pi yer no”, “bi yo lín”) sa katutubong kayarian na KP at KPK. Ang ikalawang anyo (i.e. “pro bin sya”, gwa po. “im pyer no”, “byo lín) ay may mga pantig na binubuo ng KKP na itinuturing dito na hiram o dayuhang pantig.
b. Ang namamayaning bigkas (at pasalitang pagpapantig) ay umaayon sa aktuwal na bigkas at kung gayo’y mas malapit sa ikalawang anyo (i.e. “pro bin sya”, “gwa po,” “im pyer no”, “byo lín). Samakatwid, mas malapit sa namamayaning bigkas ang ikalawang anyo, pero mas malapit sa namamayaning baybay ang unang anyo.
c. Iwasan ang tatlong magkakasunod na katinig sa loob ng isang salita. Ang baybay na “probínsiyá”, “impiyerno” at “aksiyón” ay hindi lamang umaayon sa katutubong kayarian ng pantig kundi nakaiilag din sa tatlong magkasunod na katinig (i.e. “aksyón”). Totoo lamang ang tuntuning ito (*KKK) sa mga hiram na salita na may orihinal na kambal patinig pero hindi sa iba pang mga kaso (i.e. “eksklusibo”).
d. Piliin ang anyo na maaaring paghanguan ng iba pang anyo. Halimbawa: maaaring sabihin na sa anyong “ku wen to” nagmula ang “kwen to”. Nakuha ang maikling anyo nang kaltasin ang “u”.

Panghihiram

baguhin

Tuntunin sa panghihiram

baguhin
1. Huwag manghiram. Ihanap ng katumbas sa wikang pambansa ang konsepto. Katulad ng rule = tuntunin, hindi “rul”.
2. Huwag pa ring manghiram. Ihanap ng katumbas sa mga lokal na wika ang konsepto. Katulad ng tarsier = máomag, málmag (Bol anon), whale shark = “butandíng” (Bikol)
3. Kapag walang eksaktong katumbas, hiramin ang salita batay sa sumusunod na kalakaran:
a. Kung wikang Espanyol ang pinanghiraman, baybayin ang salita ayon sa katutubong sistema. Hal: strategic = estratégico. Kung gayon, estratehiko.
b. Kung wikang Ingles, baybayin ang salita nang ayon sa bigkas. Hal: sophisticated = sofistikeyted. Malayang gamitin ang mga titik F, J, V, at Z.
Sa kuwento ay mahahango ang tatlo pang deribasyon: nagkúkuwento (inuulit ang “ku”); nagkwékwento (pagkatapos kaltasin ang u, inuulit ang kwe) at nagkékwento (pagkatapos kaltasin ang u, inuulit ang unang katinig at unang patinig). Kung ang pangunahing anyo ay “kwento”, mahahango lamang ang huling dalawang anyo ng reduplikasyon. Mahalagang banggitin din dito na ang biswal na ispeling ng nagkwékwento ay hindi nagkakaloob ng palatandaan para sa bumabása kung paano ang tamang pagpapantig (nag kwé kwen to o nag kwék wen to). Walang ganitong problema sa nagkuwento at nagkukuwento.
4. Sumunod sa opisyal na pagtutumbas. Sa pana-panahon ay naglalabas ang KWF, kasabay ng ibang ahensiya ng pamahalaan, ng mga opisyal na pagtutumbas sa mga termino sa likas na agham, agham na panlipunan, sining at panitikan. Mangyaring sumunod sa mga opisyal na pagtutumbas o salin buhat sa mga ahensiyang ito. Katulad ng aghám panlipunan, hindi sosyal sayans.

Pagbabaybay ng hiram na salita

baguhin

Ito ang mga mungkahi sa pagbabaybay ng hiniram na mga salita:

1. Maaaring panatilihin ang orihinal na baybay ng lahat ng mga salitang pantangi, panteknikal at pang agham. Katulad ng Manuel Luis Quezon, Ilocos Norte, chlorophyll, at sodium chloride.
2. Maaaring baybayin alinsunod sa katutubong sistema ang lahat ng hiram na salita buhat sa Espanyol maliban sa mga salitang pantangi. Katulad ng cebollas na katumbas ng sibuyas, socorro na katumbas ng saklolo, componer na katumbas ng kumpuní, pero na katumbas ng pero.
3. Maaaring panatilihin ang orihinal na baybay ang lahat ng salitang galing sa ibang katutubong wika sa Pilipinas. Katulad ng vakul, hadji, ifun, at cañao.
4. Maaaring panatilihin ang orihinal na baybay ng lahat ng hiram na salita buhat sa Ingles maliban kung taliwas sa nakasaad sa ikalimang mungkahi. Mga halimbawa: daddy, boyfriend, sir, at joke.
5. Maaari nang baybayin alinsunod sa katutubong sistema ang lahat ng hiram na salita na naiba na ang kahulugan sa orihinal: Katulad ng stand by na binabaybay na istambay, up here na naging apír, hole in na naging holen, caltex na naging kaltek (tabò).
6. Gamitin ang baybay ng salitang hiram na matagal na o lagi nang ginagamit, tulad ng teléponó (hindi teléfonó), pamilya (hindi familiá o familya), epektibo (hindi efektibo o efektivo).
7. Kailangang tandaan na ang bawat tunog sa bawat wika ay may kanya kanyang partikularidad alinsunod sa sistemang pamponolohiya nito. Kahit magkakahawig ang bigkas (at letra) ng mga salita sa nanghihiram at sa orihinal na wika ay hindi pa rin masasabing magkakatumbas ang mga tunog ng mga ito. Halimbawa, may ilang nagmumungkahi na gamitin ang mga salitang “deskriptiv” at “narativ” (sa halip ng nakagawiang “paglalarawan” at “pasalaysay”). Ayon sa mga ito, ang “v” ay katutubong tunog daw sa mga wika sa Pilipinas kung kaya’t maaari na raw gamitin ito sa karaniwang mga salita. Ang baybay daw sa “deskriptiv” at “narativ” ay bahagi raw ng leksikal na elaborasyon ng Filipino at bahagi ng intelektuwalisasyon. Hindi ito tamang katwiran, sa sumusunod na kadahilanan:
a. Ang “v” sa mga wika sa Pilipinas ay iba sa “v” ng Ingles. Panlabi ang artikulasyon ng “v” sa Pilipino; “labiodental” naman ang sa Ingles. Bukod dito, natatagpuan lamang ang “v” na Pilipino sa pagitan ng dalawang patinig; hindi ito nakikita sa dulo ng isang karaniwang salita at pantig.
b. Ang ispeling na “narativ” at “deskriptiv” ay nakikipagkompetensiya sa “narrative” at “descriptive” ng Ingles, at mababansagang maling ispeling.
c. Sa lumang tuntunin sa panghihiram, maaaring hiramin ang salita sa orihinal na anyo. Hindi na kailangang “isakatutubo” ang ispeling ng salita.
d. Ang intelektwalisasyon at modernisasyon ng wikang pambansa ay hindi lamang nakasandig sa pagkakaroon ng mga terminong magagamit sa diskursong pangkapantasan. Mas importante pa rito ay ang kahandaan ng mga Pilipinong gamitin ang sarili nilang wika upang lumikha at magpalitan ng bago, orihinal at makabuluhang mga kaalaman.

Pagbigkas sa mga hiram na salita

baguhin

Ito ang mga mungkahi sa pagbigkas sa mga hiram na salitang nasa orihinal na baybay:

1. Sa pagpapanatili ng hiram na salita sa orihinal na anyo, ang mga letra, ma katinig man o ma patinig, ay maaaring kumatawan sa mahigit sa isang tunog, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na halimbawa:
a. Ang /c/ ay maaaring kumatawan sa tunog na /k/, /s/ o /ts/;
Kastila Filipino
casa kasa (/'ka.sa/)
bicicleta bisikleta
Ingles Filipino
ice ise (/'ays/)
Chile Tsile
China Tsina
camerun kamerun
Italyano Filipino
cello selo (/'če.low/)
b. Ang /j/ ay maaaring kumatawan sa tunog na /h/ o /dy/;
Ingles Filipino
jeepney dyip
Japan Hapón
Jamaica Hamaika
c. Ang /q/ ay maaaring kumatawan sa tunog na /k/ o /kw/;
Ingles Filipino
quantillion kuwantilyon
antique antike
d Ang /x/ ay maaaring kumatawan sa tunog na /s/ o /ks/;
Ingles Filipino
extra ekstra
2. Kahit pinanatili sa orihinal na anyo, ang mga salitang dayuhan ay binibigkas pa rin ng maraming Pilipino sa katutubong paraan gaya ng sumusunod:
a. Ang /f/ ay binibigkas na parang /p/;
Kastila Filipino
Filipinas Pilipinas
Ingles Filipino
Fiji Pidyi
father páder
b. Ang /ñ/ ay binibigkas na parang /ny/;
c. Ang /v/ ay binibigkas na parang /b/;
Ingles Filipino
visa bisa
visayas bisayas
vice bise
d. Ang /z/ ay binibigkas na parang /s/;
Ingles Filipino
zero sero
zoo so
e. Ang /æ/ ay nagiging /a/; map /mæp/ > /map/
f. Ang /ow/ ay nagiging /o/; goal /gowl/ > [gol]
g. Ang /i/ ay nagiging /i/; brief /bri f/ > /brip/
h. Ang /u/ ay nagiging /u/; shoot /šu t/ > /šut/

Kasaysayan

baguhin

Noong unang maisulat ang mga wikang Pilipino sa alpabetong Romano, ginamit nito ang palabaybayang Kastila. Abecedario ang tinawag sa alpabetong ito, na mayroong 32 titik. Matatanaw pa rin sa ngayon ang pamana ng sistemang ito sa Kastilang pamamaraan ng pagsulat ng mga katutubong apelyido, tulad ng Maquilin, Mañálac, Guinto, at iba pa. Marami ring mga pook na may katutubong pangalan ang nasusulat sa palabaybayang Kastila, madalas nakikikompetensiya o nakikipagsama sa kanilang mga "katutubong" anyo, tulad ng Bulacán/Bulakan, Bícol/Bikol, Caloocan/Kalookan, Marahui/Marawi, Taguig/Tagig, atbp. Noong ika-19 dantaon, iminungkahi ni José Rizal ang paggamit ng K sa halip na C at Q.

Noong 1935, naglabas si Lope K. Santos ng bagong palabaybayan para sa wikang pambansa na gumagamit ng abakada o alpabeto ng 20 titik. Noong 1973, ipinalawak ang alpabetong ito sa 31 titik. Noong 1987, muling binago ang komposisyon ng alpabeto at ginawa itong 28 titik; ito ang kasalukuyang alpabeto ng Filipino.

Noong taong 2001, naglabas ng mga patakaran ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF sa tamang paraan ng pagbaybay ng Filipino. Ayon sa KWF, ang Ortograpiya ng Wikang Pambansa ng Pilipinas ay ang kabuuan ng ipinapalagay na pinakamaunlad at pinakatumpak na mga kalakaran kung paano inililipat ng mga Pilipino ang sinasalitang wika sa anyong pasulat. Ang ortograpiyang ito ay tumutukoy sa istandardisadong set ng mga grapema (o pasulat na mga simbolo) at ng mga tuntunin sa paggamit ng mga simbolong ito, kapag sumusulat sa wikang pambansa. Itinutol ito ng mga suriang pang-edukasyon at, dahil dito, ibinawi.

Ilan sa mga pamantasan sa Pilipinas ang kasalukuyang ginagamit ang iilang mga repormang nasimula nang maipatupad ng pamahalaan. Ilan sa mga ito ang:

Kapansin-pansin na, bagaman tinatangkilik ng Unibersidad ng Pilipinas ang mga reporma, ang mismo nitong pangalan ay nakabaybay ayon sa mga makalumang panuto (Pilipinas sa halip na Filipinas, ang pangalawang baybay na padalas nang ginagamit sa mga lathala ng mga unibersidad sa itaas at ng pamahalaan).

Masasabing higit na mas radikal ang mga iminumungkahing reporma ng UP kung ihahambing sa ibang mga pamantasan.

Kapansin-pansin din na, sa mismong sa loob ng mga pamantasang ito ay may tendensiya ring maging di-regular sa pagbaybay ng mga salita, partikular na sa UP.

Noong 2008, naglabas ang KWF ng Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Filipino. Itinakwil nito ang mga radikal na rebisyon ng 2001 at mas binigyang-halaga ang status quo, bagaman kinokodipika o ginagawa nang opisyal ang ilang mga aspeto nito.

Mga sanggunian

baguhin

Tingnan din

baguhin