Batanes

lalawigan ng Pilipinas

Ang lalawigan ng Batanes (Batánes)[3][a] ay isang kapuluan at ang pinakahilagang lalawigan ng Pilipinas. Kabilang ito sa rehiyon ng Lambak ng Cagayan. Sa laking 219.01 km2 at kabuuang populasyon na 17,246 noong 2015, ito rin ang pinakamaliit na lalawigan pagdating sa kabuuang laki ng sakop at populasyon. Ang bayan ng Basco, matatagpuan sa isla ng Batan, ay ang kabisera nito.

Batanes
Lalawigan ng Batanes
Watawat ng Batanes
Watawat
Opisyal na sagisag ng Batanes
Sagisag
Mapa ng Pilipinas na magpapakita ng lalawigan ng Batanes
Mapa ng Pilipinas na magpapakita ng lalawigan ng Batanes
Map
Mga koordinado: 20°35'N, 121°54'E
Bansa Pilipinas
RehiyonLambak ng Cagayan
KabiseraBasco
Pagkakatatag1909
Pamahalaan
 • UriSangguniang Panlalawigan
 • GobernadorMarilou Cayco
 • Manghalalal12,204 na botante (2019)
Lawak
[1]
 • Kabuuan219.01 km2 (84.56 milya kuwadrado)
Populasyon
 (senso ng 2020)
 • Kabuuan18,831
 • Kapal86/km2 (220/milya kuwadrado)
 • Kabahayan
4,709
DemonymIvatan
Ekonomiya
 • Kaurian ng kitaika-5 klase ng kita ng lalawigan
 • Antas ng kahirapan2.60% (2021)[2]
 • Kita₱533,267,488.40 (2020)
 • Aset₱1,408,638,816.35 (2020)
 • Pananagutan₱529,574,499.54 (2020)
 • Paggasta₱413,648,327.39 (2020)
Pagkakahating administratibo
 • Mataas na urbanisadong lungsod0
 • Lungsod0
 • Bayan6
 • Barangay29
 • Mga distrito1
Sona ng orasUTC+8 (PST)
Kodigo postal
3900–3905
PSGC
020900000
Kodigong pantawag78
Kodigo ng ISO 3166PH-BTN
Klimatropikal na monsoon na klima
Mga wikaWikang Ibatan

Matatagpuan ang kapuluan sa layong 162 kilometro hilaga ng isla ng Luzon at halos 190 kilometro timog naman ng isla ng Taiwan. Napapagitnaan ito ng dalawang bambang na naghihiwalay sa kapuluan mula sa karatig nitong anyong-lupa, ang Bambang ng Bashi sa hilaga, at Bambang ng Balintang sa timog.

Etimolohiya

baguhin

Galing sa salitang Ivatan na Batan ang Batanes. Ang salitang ito ay ang lokal na tawag ng mga Ivatan sa kanilang pangkat-etniko.

Tao at Kultura

baguhin

Ang mga tao rito ay mabait. Ang kultura ng mga taga-Batanes o mga Ivatan, ang tawag nila sa kanilang mga sarili, ay isa sa mga pinakamatanda sa buong Pilipinas. Sinasabing ang mga ninuno ng mga Ivatan ay nanggaling sa timog Taiwan 3,500 taon na ang nakakaraan at ginawang tulay ang Batanes upang makarating na sa mga malalayong lugar tulad ng Indonesia at Micronesia. Ang kultura nila ay pareho rin sa kultura ng mga tribo sa Lan Yu (timog Taiwan), dahil sa ang kanilang wika, ang Yami, ay medyo hawig sa Ivatan. Isa pang tribo na ikinukumpara ang mga Ivatan ay sa mga isla ng Riyuku na matatagpuan sa timog Hapon. Sa pakikipagkapwa, talagang masaya sila kung may malalaman silang mga kababayan. Talagang mahal nila ang kanilang kapwa, tinatawag na pachilipulipus.

Ngayon, ang kanilang kultura ay may halong banyaga na dahil sa pag-kolonisa sa kanila ng mga Kastila, na naghatid ng malaking impluwensiya sa kanilang wika, relihiyon, at mga tradisyon. Nahaluan na rin ng modernong mga kostumbre ang mga Ivatan dahil sa impluwensiya ng Maynila (na may mga direct flight na patungo roon) at ng Amerika, sa kadahilanang maraming Ivatan na ang maaaring magtungo roon.

Ang kanilang wika, ang Ivatan, ay katangi-tangi rin dahil sa kakaibang bokabularyo at pagbigkas nito hindi katulad ng isang tipikal na wika sa Pilipinas. May mga similaridad naman ang Ivatan sa ibang mga wika sa hilagang Luzon, tulad ng Ilokano at Ibanag. Ang Ivatan ay may malaking pagkakatulad sa isang wika sa timog Taiwan, ang Yami, na salita ng mga katutubong Lanyu roon. Sinasabi ng mga lingguwistiko na iisa ang pinanggalingan ng dalawang salita. Sinasabi rin daw na may ilang tribo pa sa timog Taiwan malapit sa lugar ng Banking na ginagamit ang Ivatan bilang wika.

Dahil sa binubuo ang Batanes ng maraming isla, hindi masyadong nagkakaintindihan ang mga tao roon. Sa mismong isla pa lang ng Batan, may dalawang diyalekto na ng Ivatan ang natagpuan, ang Ivasayen na ginagamit sa kapitolyo (Basco). Ang ikalawa ay ang Isamurungen, na ginagamit sa mga munisipalidad ng Mahatao, Ivana, Uyugan, at Sabtang. Hindi masyadong magkaiba ang dalawa ngunit ang nakikitang pagkakaiba nila ay may kinalaman sa pagbigkas. May isa pang diyalekto ang Ivatan, ang Itbayaten. Ito ay ginagamit sa isla ng Itbayat. Ang isang taga-Batan o Sabtang na makapunta sa Itbayat sa unang pagkakataon ay hindi kaagad makakaunawa ng diyalekto nila roon. Sinasabi nga na ibang lengguwahe na ang Itbayaten dahil hindi na halos maintindihan ang kanilang salita. Ang huling diyalekto ng Ivatan ay ang Ibatan, ang wika sa Babuyan Islands na parte na ng Cagayan. Mas magkatulad pa sila ng Itbayaten kaysa sa Ivasayen at Isamurungen.

Administrasyon

baguhin

Nahahati sa anim na bayan ang Batanes, lahat ay kinakatawan ng iisang distritong pangkongreso.

 
Mga paghahating administratibo sa Batanes.
Mga bayan ng Batanes
Bayan Populasyon (2020) Lawak (km2) Kapal (kada km2) Barangay
Basco 9,517 49.46 170 6
Itbayat 3,128 83.13 34 5
Ivana 1,407 16.54 80 4
Mahatao 1,703 12.90 120 4
Sabtang 1,696 40.70 40 6
Uyugan 1,380 16.28 80 4
KABUUAN 18,831 219.01 79 29
Kabisera ng Batanes ang nakadiin.

Heograpiya

baguhin

Topograpiya

baguhin
 
Mga baka, sa madamong burol ng Batanes

Ang Batanes ay grupo ng mga isla na tinatawag na Mga Isla ng Batanes(Batanes Islands) at ang mga ito ay nasa dulong hilagang bahagi ng Pilipinas. Ang mga ito ay nasa pagitan ng Mga Isla ng Babuyan (nasasakop ng Probinsiya ng Cagayan) at Taiwan. Ang mga islang ito ay may kaunting naninirahan at madalas na daanan ng mga bagyo.

Ang tatlong malalaking isla ay ang Itbayat, Batan, at Sabtang. Ang nasa pinakadulong hilaga naman ay ang Isla ng Mavudis.

Halos kalahating bahagi ng Batanes ay burol at bundok. Ang Isla ng Batan, ay may kabuuang lawak na 35 km², ay halos bulubundukin ang hilaga at timog-silangang bahagi nito. Animo'y hugis palaggana ang gitna nito. Ang Isla ng Itbayat, na may kabuuang lawak na 95 km², ay padalisdis kadalasan pakanluran, dahil sa bulubundukin at maburol ang hilaga at silangang baybayin nito. Ang Sabtang naman ay nasasakop ng bundok ang gitnang bahagi, ang islang ito ay may kabuuang lawak na 41 km², na siyang dahilan upang ang lupa ay dumalisdis palabas ng baybayin nito.

 
Kamangha manghang mga burol ng Basco

Ang mga isla ay napapalibutan ng malawak na katubigan ng Bashi Channel at Balintang Channel, kung saan ang Karagatang Pasipiko at Dagat Tsina ay nagtatagpo. Ang lugar ay syang pangunahing daanang pantubig ng Pilipinas at Japan, Tsina, Hongkong at Taiwan. Mayaman ito sa yamag-dagat, kabilang na ang pinaka bihirang corals sa mundo.

Ang probinsiya ay maburol at mabundok, na may halos 1,631.50 ektarya o 7.10% na bahagi nito ay taas-baba at 78.20% o 17,994.40 ektarya ay nahahati sa pataas-baba hanggang sa padalisdis, hanggang sa sobrang dalisdis. Apatnapu't dalawang bahagi (42%) o 9,734.40 ektarya ang padalisdis hanggang sa mabangin na lugar.

 
Mabatong baybayin ng Valugan Beach

Dahil sa natatanging katangian ng lugar, maganda ang daloy ng tubig dito at halos di nagtatagal ang pagbaha. Ang pangunahing isla ng Batan ang may pinakamalaking bahagi ng patag at halos patag ang lupa, kasunod ang Itbayat at Sabtang. Ang Itbayat ay may padalisdis hanggang sa halos patag na lupa sa mala talampas ng paligid nito patuloy hanggang sa matataas na bangin na umaabot sa halos 20-70 metro ang taas sa ibabaw ng dagat, at halos walang dalampasigan. Ang Sabtang naman ay may maliit na patag na lupa na manaka-nakang nakapaligid sa baybayin nito, habang ang gitna naman ay halos nasasakop ng matarik na bundok at malalalim na lambak. Ang isla ng Batan at Sabtang ay may paputol putol na maiikling baybayin na may buhangin at mga batuhan.

Ang kalupaan ng probinsiya na kahangahanga at kaakit akit ang halos bawat sulok, ay may limitadong katangian sa pagpapalawak ng agrikultura para sa sadyang napakaiit na probinsiya.

 
Madilim na ulap sa ibabaw ng parola ng Basco, nagbabadya ng ulan

Ang klima dito ay halos pareho ng sa Taiwan. Kadalasan ang lugar ay nakakaranas ng mababa sa normal na temperatura na 55 degri Fahrenheit (13 °C).

Ang probinsiya ay kadalasang winawalis ng malakas na hangin at ulan na syang nagbibigay ng maling paniniwalang ang Batanes ay palaging ginugupo ng mga bagyo.Kung bakit ang Batanes ay laging naiiugnay sa sama ng panahon, ito ay dahil sa ang kabisera nitong basco ay ang huling himpilan ng panahon sa hilaga. Ito rin ang lugar na pinagbabatayan ng lahat ng bagyo na pumapasok sa nasasakupan ng Pilipinas. Wala itong ipinahayag na tuyo at basang panahon. Umuulan dito ng halos pinakamababa ang walong araw hanggang sa pinakamataas na 21 araw sa loob ng isang buwan. Nakakaranas dito ng praktikal na apat na pahahon, ang pinakamainam ay ang tag araw (Abril-Hunyo) at taglamig (Disyembre-Pebrero), kung saan ang temperatura ay kadalasang bumababa sa pitong digri Celsius.

Ang mainam na panahon ng pagpunta dito ay tuwing kalagitnaan ng Marso hanggang Hunyo. Ang "Indian summer" kadalasang nag uumpisa ng Setyembre. Minsan, ang panahon ay nag uumpisang maging maganda pinakamaaga na ang Pebrero hanggang sa pinakahuli ang Hulyo. Hanging galing hilaga o timog ang nagdadala ng malamig na hangin. Nagdadala rin ang mga ito ng sama ng panahon at namumuong mga ulap na nagiging dahilan ng pagkakansela ng pagdating o pag alis ng eroplano. Ang tag-lamig, ay ang malamig na panahon na nararanasan ng Ivatan kaya tinatawag nila itong tag-lamig (winter) ay nararanasan tuwing Disyembre hanggang Pebrero. Kung mag pupunta ng Batanes, lagi lang tandaan na sa mga islang ito ayvmadaling magbago ang panahon. Kung kaya't dapat maging handa sa anumang panahon ang mararanasan mo.

Pisikal

baguhin

Ang Batanes ay 680 km ang layo sa Maynila at 280 sa bayan ng Aparri. Sa hilaga nito, naroon ang kanal ng Bashi, sa timog naman ay ang kanal ng Balintang. Sa kanluran ay ang Dagat Timog Tsina, at sa silangan ay ang Karagatang Pasipiko. Binubuo ang lalawigan ng sampung isla. Ito ang Batan, Itbayat, Sabtang at Vuhos na pinakamalaki, ang iba pa ay Siayan, Mavudis, Misanga, Ditarem, Dinem at Dequey na walang nakatirang tao.

Kalikasan

baguhin

Ang flora at fauna sa Batanes ay talagang katangi-tangi at doon lang matatagpuan. Maraming species ng mga hayop at halaman ang doon lang matatagpuan. Pati ang mga tanawin doon ay kakaiba, tulad ng mga bundok at mga dalampasigan.

Mga tanawin

baguhin

Mga bundok at dalampasigan:

  • Valugan Beach
  • Mt. Riposed
  • Mt. Iraya
  • Mt. Matarem
  • Rapang du Kavuyasan
  • Mt. Karobooban
  • Duvek Bay
  • Vuhos Marine Reserve
  • Tukon Hedgerows

Mga tradisyonal na bahay sa:

 
Pamayanan ng mga mangingisda ng Diura
  • Savidug
  • Chavayan
  • Nakanmuan
  • Sumnanga
  • Diura
  • Raele

Mga arkitekturang may impluwensiyang Kastila:

  • ang simbahan at plaza ng San Carlos Borromeo, Mahatao

Mga Ijangs (mga fortress o kuta sa mga bundok):

  • Itbud Ijang
  • Ivana Ijang
  • Chuhangin Ijang
  • Savidug Ijang

Mga tirahan ng mga sinaunang Ivatan:

  • Rakuaydi
  • Nahili du Vutox
  • Mt. Karobooban

Mga libingang pa-barko ang hitsura:

  • Chuhangin
  • Nakamaya
  • Turungan

Mga hayop at halaman

baguhin

Mga puno:

  • Vutalaw (Calophyllum inophyllum)
  • Aynas (Anacardium occidentale)
  • Nato (Palaquium luzoniense)
  • Malaapdo (Gonstylus bancanus)
  • Vatinglaw (mga species ng Diospyros)

Mga damo:

  • Vayasuvas (Freycinetia willamsii)
  • Tamidok
  • Karukmuten

Mga hayop:

Ekonomiya

baguhin

Halos 75% ng mga Ivatan ay magsasaka at mangingisda. Ang ibang bahagi naman ay nagtatrabaho sa pamahalaan at pribadong kompanya. Bawang at bakahan ang pangunahing pinagkakakitaan dito. Ang mga Ivatan ay nagtatanim din ng kamote baging, kamoteng kahoy, gabi, at ang biharang uri ng puting uvi. Ang tubo ay itinatanim upang makagawa ng palek, isang uri ng katutubong alak, at suka.

Sa kasalukuyan, ang mga isdang nahuhuli rito ay unti-unting nababawasan dahil sa kakulangan ng tamang kaalaman. Kakaunti lang ang mga pwedeng pasukang trabaho rito. Kadalasan ang mga nakapag-aral na mga Ivatan ay lumuluwas sa siyudad o nag pupunta sa labas ng bansa.

Ang wind diesel generating plant ay binuksan noong 2004.

Layo at masamang panahon ang syang humahadlang sa pag angat ng ekonomiya rito. Ang ibang pangngailangan gaya ng bigas, softdrinks, at gasolina ay kadalasang may dagdag na 75% hanggang 100% kumpara sa presyo nito sa Maynila.

Talababa

baguhin
  1. Wikang Ivatan: Provinsiya nu Batanes

Sanggunian

baguhin
  1. "Province: Batanes". PSGC Interactive. Quezon City, Philippines: Philippine Statistics Authority. Nakuha noong 12 Nobyembre 2016.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "2021 Full Year Official Poverty Statistics of the Philippines" (PDF). Pangasiwaan ng Estadistika ng Pilipinas. 15 Agosto 2022. Nakuha noong 28 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Batánes". Diksiyonaryo.ph (sa wikang Filipino). Nakuha noong 3 Enero 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Kawing Panlabas

baguhin