Bagoong alamang

(Idinirekta mula sa Belacan)

Ang bagoong alamang o bagoong aramang (Ingles: shrimp paste, shrimp sauce) ay ang bagoong na hipon (ang hipon ay tinatawag ding alamang, krill sa Ingles) o pagkit na hipon na karaniwang sangkap na ginagamit sa mga lutuing sa Timog-Silangang Asya at sa mga lutuing Intsik. Tinatawag itong terasi (binabaybay din na trassi o terasie) sa Indonesyano, ngapi (ငါးပိ [ŋəpḭ]) sa Burmes, kapi (กะปิ) sa Thai, Khmer (កាពិ) at wikang Lao, belacan (binabaybay din na belachan o blachang) sa Malay, mắm ruốc, mắm tép at mắm tôm sa Biyetnames (nakabatay ang pangalan sa uri ng hipong ginamit),[1] haam ha/ha jeung sa wikang Intsik na Kantones at hom ha/hae ko (Pe̍h-ōe-jī: hê-ko) sa wikang Intsik na Min Nan.

Gawa ito mula sa giniling na hipon na sumailalim sa proseso ng permentasyon na hinaluan ng asin. Ang ilang mga bersiyon ay nasa anyo nitong basa na katulad ng mula sa Biyetnam, habang ang iba namang bersiyon ay pinatuyo sa sikat ng araw at maaaring hiniwa upang maging mga bloke parisukat na kahugis ng kamao o ipinabibili nang nakabulto. Isa itong mahalagang sangkap sa maraming mga kari (almuhasa, na curry sa Ingles) at mga sarsa. Matatagpuan ang bagoong alamang sa karamihan ng mga pagkain sa Myanmar, Laos, Thailand, Malaysia, Singapore, Indonesia, Vietnam at Pilipinas. Madalas itong isinasangkap sa mga sawsawan para sa isda o mga gulay.

Bagoong alamang

baguhin

Ang bagoong alamang o ginamos (sa Kanlurang Kabisayaan, bagaman ang "ginamos" ay maaaring tumukoy sa "bagoong isda") ay isang lutuing Pilipino na gawa sa maliliit na mga hipong tinatawag na alamang, at karaniwang kinakain bilang pamatong sa hilaw na mga mangga o ginagamit bilang isang pangunahing sangkap sa pagluluto. Nag-iiba-iba ang anyo, lasa, at kalinamnaman ng bagoong alamang ayon sa uri. Ang kulay rosas at maalat na bagoong alamang ay ipinagbibili bilang "sariwa", subalit ang pinaghalong hipon at asin ay iniwang inaatsara sa loob ng ilang mga araw. Ang ganitong bagoong ay madalang na giangamit na nasa ganitong anyo, maliban na lamang bilang pamatong para sa mga manggang hilaw. Ang bagoong na ito ay kadalasang iginigisang may kasamang iba pang mga pampalasa o rekado, at ang lasa nito ay maaaring maging maalat hanggang sa pagiging maanghang na matamis. Ang kulay ng sarsa ay maaaring paiba-iba rin ayon sa oras ng pagkakaluto at sa mga sangkap na ginamit sa paggisa. Ang cincalok ay isang bersiyon ng "sariwang" bagoong alamang.

Hindi katulad ng iba pang mga bahagi ng Timog-Silangang Asya at sa Kanlurang Kabisayaan, kung saan ang hipon ay sumailalim sa permentasyon o "binulok" (binuro) na hindi na makikilala ang orihinal na hitsura o iginiling upang maging makinis ang hitsura, ang hipon sa bagoong alamang, sa maraming bahagi ng Pilipinas, ay kaagad na makikilala, at ang sarsa mismo ay mayroong isang matipak na hitsura. Sa Kanlurang Kabisayaan, ang bagoong na tinatawag na ginamos ay inihahanda sa napaka kahalintulad na paraan, gayon din sa iba pang mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Sa Ilo-ilo, natatangi na sa Banate (na tanyag dahil sa pagkaing ito), ang maliliit na mga hipon ay inaasnan, tinutuyo sa ilalim ng sikat ng araw, at ginigiling.

Ang isang kaunting dami ng niluto o ginisang bagoong ay inihahain sa gilid ng isang tanyag na lutuing tinatawag na "kare-kare", isang "nilagang" buntot ng kapong baka na mayroong mga mani. Ginagamit din ito bilang pangunahing sangkap na pampalasa ng isang ginisang pagkaing may karneng baboy, na tinatawag na "binagoongan" (literal na "nilagyan ng bagoong"). Subalit ang salitang "bagoong" ay nagpapahiwatig din ng bagoong na ginamitan ng isdang Emmelichthys nitidus (kilala sa Ingles bilang mga bonnetmouth) at dilis (lagunlong) at tinatawag na bagoong terong.

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Mam Ruoc - what is this Vietnamese sauce?". Inarkibo mula sa orihinal noong Enero 6, 2011. Nakuha noong Hulyo 11, 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)