Kabihasnan

(Idinirekta mula sa Civilization)

Sa payak na kahulugan nito, ang kabihasnan ay isang yugto ng kaunlaran ng isang lipunan.[1] Naiisip natin na sibilisado ang mga tao kapag tinipon nila ang kanilang mga sarili upang maging isang matatag at mabisang pangkat, sa halip na gumagalaw ng magkakahiwalay o bahagi lámang ng isang tribo.

Gitnang bahagi ng Lungsod ng New York, Estados Unidos. Isang katangian ng kabihasnan ang pagkakaroon ng mga lungsod.

Lampas dito, inaasahan nating makikilala ang alin mang kabihasnan sa pamamagitan ng kanilang wika, sining, arkitektura, edukasyon, at nakamit na gawaing intelektuwal, pamahalaan, at kakayahan maipagtanggol ng sarili. Samakatuwid, isa itong konseptong tumutukoy sa pagkadalubhasa ng mga tao sa isang kulturang kinagisnan o nakasanayan, kulturang nalinang o kulturang tinanggap na resulta sa paninirahan sa isang partikular na lugar o kapaligiran. Naging isang masalimuot na lipunan o pangkat ng kultura o kalinangan ang kabihasnan na kinatatangian ng pagsandig sa agrikultura, pangangalakal kahit sa malalayong mga lugar, uri ng pamahalaan pang-estado at naghahari o namumuno, espesyalisasyon sa hanap-buhay, urbanismo, at antas-antas na mga klase ng mga tao. Bukod pa sa ganitong mga pangunahing mga elemento, kadalasang natatakan ang sibilisasyon ng anumang kumbinasyon ng isang bilang ng pangalawang mga elemento, kabilang ang maunlad na sistema ng transportasyon, pagsusulat, pamantayan ng pagsusukat, pati na pananalapi, pormal na sistema ng batas, magiting na estilo ng sining, mabantayog na arkitektura, matematika, sopistikadong metalurhiya, at astronomiya.

Etimolohiya

baguhin

Nagmula ang salitang civilization sa Latin na civis na may ibig sabihing "isang taong naninirahan sa isang bayan". Sa Tagalog, nagmula ang salitang kabihasnan sa salitang-ugat na "bihasâ" (skilled sa Ingles) na kasingkahulugan ng "sanay" at "batak".

Mga kahulugan

baguhin

Ang unang ibig sabihin nito ay paninirahan sa isang lugar.Kadalasang ginagamit ang kabihasnan bilang kasingkahulugan ng mas malawak na salitang "kultura" o "kalinangan", kapwa sa mga samahang tanyag at pang-akademya.[2] Lumalahok ang bawat isang tao sa isang kalinangan, na may ibig sabihing "ang mga sining, mga gawi, mga nakasanayan... mga paniniwala, mga pagpapahalaga, ugali, at nakagawiang mga materyal na binubuo ng paraan ng pamumuhay ng mga tao".[3] Subalit, sa pinakamalawak nitong kahulugan, isang mapaglarawang salita ang sibilisasyon para sa nakahinlog na masalimuot na kulturang agrikultural at urbano. Maipagkakaiba ang kabihasnan mula sa iba pang mga kalinangan sa pamamagitan ng kanilang mataas na kasalimuotang panglipunan at organisasyon, at sa pamamagitan ng kanilang samu't saring mga gawaing pangkabuhayan at pangkalinangan.

Sa mas matanda ngunit palagi pa ring ginagamit na diwa, maaaring gamitin ang "kabihasnan" sa pagtatakda rin ng pamayanan: sa mga kontekstong panglipunan, kung saan inaakalang mas nakaaangat ang isang masalimuot at urbanong mga kultura mula sa iba pang mga "barbaro" o "primitibong" mga kalinangan, ginagamit ang konsepto ng "sibilisasyon" bilang kasingkahulugan ng "kultural (at madalas na etikal) na kaangatan ng ilang partikular na mga pangkat." Sa katulad na diwa, nangangahulugan ang sibilisasyon bilang "kapinuhan ng kaisipan, mga gawi, o panlasa".[4] Malalim na nakaugat ang ganitong masalig sa pamantayang diwa ng kabihasnan sa kaisipang nagbibigay ang urbanisadong mga kapaligiran ng mas mataas na pamantayang pampamumuhay, na binubuo kapwa ng benepisyong pangnutrisyon at taglay na kakayahan sa pagpapaunlad ng pag-iisip.

Sa kanyang aklat na The Philosophy of Civilization o "Ang Pilosopiya ng Kabihasnan", ibinalangkas ni Albert Schweitzer, isang pangunahing pilosopo hinggil sa diwa ng kabihasnan, ang ideya na may dalawang mga opinyon sa loob ng lipunan: isang tungkol sa sibilisasyon bilang isang purong materyal at ang isa pa na ang sibilisasyon ay kapwa etikal at materyal. Sinabi niya ang pangkasalukuyang krisis ng daigdig, noong 1923, ay dahil sa pagkawala ng pagsilang ng kabihasnan ng sangkatauhan. Sa akda ring ito, binigyang kahulugan niya ang kabihasnan, na sinasabing:

Ito ang kabuoang bilang ng lahat ng pagsulong na gawa ng tao sa lahat ng saklaw ng galaw at mula sa bawat pananaw habang ang nakatutulong ang progreso papunta sa maka-espiritung pagpeperpekto ng mga indibiduwal bilang pagsulong sa lahat ng pagsulong.

Paglalarawan

baguhin

Bagaman nagkakapatong-patong sa panahon at pook ang mga kabihasnan, karaniwan silang binibigyang kahulugan kung saan natipon ang kanilang populasyon sa pinakamalaking bilang, o kung saan nakahimpil ang kanilang pamahalaan noong nasa pinakakalakasan ang kanilang kapangyarihan. Halimbawa, pinamahalaan ang Imperyong Romano mula sa Roma. Dating kumalat ang kanilang imperyo mula sa mga hangganang Eskoses hanggang sa Hilagang Aprika at Silangang Mediteraneo. Nagkaroon sila ng sariling wika, ang Latin, na naging mas ninanais na paraan ng pakikipag-ugnayan ng edukadong mga tao hanggang sa matagal nang naglaho ang kanilang sibilisasyon. Sa ngayon, ginagamit pa rin ng mga manananggol at mga politiko, mga manggagamot at mga siyentipiko, mga dalubhasa at iba pa ang Latin sa kurso ng kanilang pang-araw-araw na mga gawain, bagaman namatay na ang sibilisasyon ng sinaunang mga Romano mahigit na 1,500 mga taon na ang nakararaan. Sinasabing mahusay sa Latin si William Shakespeare. Itinuturo pa rin ang Latin sa ilang mga paaralan. Hinahangaan pa rin natin at ginagaya ang arkitekturang Romano, gumagamit tayo ng mga bilang na Romano upang bilangin ang ilang mga bagay, gumagamit tayo ng mga pangalan ng mga Romanong diyos upang tandaan ang mga araw at mga buwan ng ating mga kalendaryo, pinapangalanan natin ang mga konstelasyon sa kalangitan na ang ginagamit ay ang mga pangalan ginamit ng mga Romano para sa mga ito, at naging huwaran ng ating mga konstitusyon at mga istrukturang pampolitika ang kaparaan ng mga Romano, katulad ng Senado, halalan, tribunal, katarungan, pagboto, senso, pati na ang salitang Konstitusyon, na mga salitang Latin, na hindi nagbabago ang kahulugan sa loob ng libu-libong mga taon.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Civilization". Hammond Quick & Easy Notebook Reference Atlas & Webster Dictionary. Hammond, ISBN 0843709227., pahin 45.
  2. "Civilization" (1974), Encyclopaedia Britannica, ika-15 edisyon, Tomo II, Encyclopaedia Britannica, Inc., 956.
  3. "Culture", Wiktionary, [1] Naka-arkibo 2010-08-25 sa Wayback Machine.. Nakuha noong 25 Agosto 2007.
  4. "Civilization" (2004), Merriam-Webster's Collegiate Dictionary ika-11 edisyon, Merriam-Webster, Inc., pahina 226.