Mga Malay

Ang pangkat etniko na nagmula sa isla ng Sumatra
Tumuturo dito ang Malayo at Melayu. Para sa ibang gamit, tingnan ang Malay (paglilinaw).

Ang mga Malay (Malay: Melayu; Kastila: malayo) ay isang pangkat etnikong Awstronesyo mula sa Timog-silangang Asya na pangunahing matatagpuan sa Bruney, Indonesia at Malaysia.[1][2] Bagaman isang menorya ngayon sa Singapore, sila rin ang kinikilalang mga katutubo ng lungsod-estado.[3] May higit-kumulang 300 milyon ang bilang ng mga Malay.

Malay ang lingguwa prangka ng mga Malay, bagaman sa iba't ibang yugto ng kanilang kasaysayan ay natuto rin sila ng Portuges, Olandes at Inggles. Maliban sa mga wikang nabanggit, nagsasalita rin ng sari-sarili nilang mga lokal na wika ang mga Malay, na nabibilang sa pamilyang Awstronesyo. Ang Arabe naman ang mga wikang liturhiko ng mga Malay.

Kasaysayan

baguhin

Ayon sa kasaysayan ng Jambi, ang salitang Melayu ay mula sa isang ilog na may pangalang Sungai Melayu malapit sa Sungai Batang Hari ng kasalukuyang bayan ng Muara Jambi, lalawigang Jambi ng Sumatra, Indonesia. Ang nagpundar ng Malacca Parameswara ay isang prinsipe ng Palembang na pag-aari ng isang bansang tinatawag na Melayu noong siglo 7. Malinaw na itinala ito ni Yi Jing (635-713) sa kanyang talaarawang aklat na mayroong bansang may pangalang Ma-La-Yu. Ayon sa mga arkeolohikong pananaliksik ng Jambi, maraming mga kasangkapan pang-arkitektura noong sinaunang Melayu ang natagpuan kasama ang mga ebidensiya nito. Sa matandang wikang Tamil ng India, 'Kanlurang Bundok' ang ibig sabihin ng Malaya.

Ang salitang Malay ay direktong hiniram mula sa Inggles; ang katawagang Malay sa Inggles ay siya namang nagmula sa salitang Olandes na Maleiër na nagmula naman sa na Melayu ng salitang Malay. Sa Kastila naman, malayo ang ginagamit na katawagan. Ayon sa isang hinuang popular, ang salitang Melayu ay nangangahulugan ng "dumayo" o "lumayo," na maaring pakahulugan sa mapaglakbay na lipi sa rehiyong ito.

Pagkakasapi

baguhin

Ang katagang Malay ay tumutukoy sa etnikong grupo na naninirahan sa tangway Malay (na kasama ang pinakatimog na bahagi ng Thailand na tinatawag na Pattani at Satun) at silangang Sumatra gayundin ang ang daigdiging kultural na lumalagom sa malaking bahagi ng kapuluan. Sa Malaysia at Brunei, mayoridad ang etnikong Malay, at isang malaking menoridad sa Singapore at Indonesia. Nagsasalita sila ng iba’t-ibang diyalekto ng wikang Malay. Ang diyalekto ng tangway ang saligang wika ng mga Malay ng Malaysia at Singapore. Ang diyalektong Riau naman ng silangang Sumatra ang pambansang wikang Indones (Bahasa Indonesia) sa buong Indonesia. Sa Malaysia, 51% ng populasyon ay Malay kasama ng ibang menoriya tulad ng timoging Tsino (e.g. Hokkien at mga Cantones), timoging Indio (ang karamihan ay mga Tamil at Malayali) gayundin ang mga Eurasyano.

Sa tiyak na kaisipan, ang katagang Malay ay tumutukoy rin sa isang grupo na taal sa silangang bahagi ng Sumatra na dumayo sa Tangway Malay at sa Kapuluang Riau nitong mga nakaraang libong taon. Minsan, ngunit madalang, ang grupong ito ay tinatawag na “Malay Riau” upang ipakita bilang isang hiwalay na grupo.

Nasala ang impluwensiya ng kulturang Malay sa buong kapuluan tulad ng monarkong estado, relihiyon (Hinduismo/Budismo noong unang milenyo AD, Islam noong ikalawang milenyo) at ang wikang Malay. Ang makapangyarihang kaharian ng Śrīvijaya ang nag-isa sa iba't-ibang grupong etniko sa timog silangang Asya bilang isang pinag-isang daigdiging kultural sa halos isang milenyo. Noong panahong iyon nangyari ang malawak na paghiram ng mga salita at konsepto sa Sanskrit na nagpadali sa paglinang ng Malay bilang isang wika. Malay ang pinaka rehiyonal na lingguwa prangka at ang mga wikang creolo mula sa Malay ang ginagamit sa mga punduhang kalakalan sa Indonesia.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Milner, Anthony. 2008. The Malays. Wiley: Chichester.
  2. Sakai, M. 2009. "Reviving Malay Connections in Southeast Asia," sa Huhua Cao at Elizabeth Morrell (ed.), Regional Minorities and Development in Asia. Routledge: Londres.
  3. http://www.visitsingapore.com/travel-guide-tips/about-singapore/people-of-singapore/

Mga panlabas na kawing

baguhin