Haluang metal na bakal
Ang haluang metal na bakal o balahak na bakal, ay isang uri ng bakal na hinaluan ng iba’t-ibang elemento na may mga timbang na naglalaro sa 1.0% hanggang 50% upang mapabuti ang kalidad ng katangiang mekanikal nito. Mahahati ang mga haluang metal na bakal sa dalawang grupo: ang mababang-halong bakal at mataas ang halong bakal. Ang pinagkaiba ng dalawa ay nagkakaiba depende sa pinagkunang sanggunian: ayon kay Smith at Hashemi, ang pinagkaiba ay nasa 4.0% samantalang kay Degarmo, at iba pa, ang pinagkaiba ay nasa 8.0%. Ang pinakakaraniwang katagang "haluang metal na bakal" ay tumutukoy sa mababang-halong bakal.
Sa katunayan, lahat ng bakal ay may halo, ngunit hindi lahat ng bakal ay matatawag na "haluang metal na balak." Ang pinakakaraniwang bakal ay ang bakal na may halong karbon (na nasa pagitan ng 0.1% at 1%, depende sa uri). Gayunman, ang katagang "haluang metal na bakal" ay ang karaniwang ginagamit upang pantukoy sa mga bakal na may halong ibang elemento bukod sa halong karbon. Ang mga karaniwang ginagamot panghalo ay mangganeso (ang pinakakaraniwan), nikel, kromyo, molibdeno, banadyo, silikon, at boron. Ang mga hindi gaanong karaniwan ay aluminyo, kobalto, tanso, seryo, niobyo, titanyo, wolpramyo, lata o estanyo, sink, tingga, at sirkonyo.
Ang mga sumusunod ay ang mga napabuting katangian sa mga haluang metal na bakal (kumpara sa mga karbong bakal): lakas, katigasan, katibayan, panlaban sa pagkaluma o pagkadeporma, panlaban sa pagkaagnas, kakayahang tumigas pagkatapos painitan, at kung gaano ito katigas pagkatapos painitan.
Upang makamit ang ilan sa mga nasabing napabuting katangian, kailangang sumailalim ang isang bakal sa mga prosesong pagpapainit. Ang ilan sa mga nasabing katangian ay nagagamit sa mga mahihirap at nangangailangan ng matinding kakayanan na aplikasyon gaya ng sa elisi ng mga makina ng jet, sa mga sasakyang pangkalawakan, at sa mga plantang nukleyar. Dahil sa katangian perromagnetikong bakal, ilan sa mga haluang metal na bakal ay nagagamit sa mga importanteng aplikasyon kung saan importante ang reaksyon nila sa magnetismo, gaya ng sa mga de kuryenteng motor at sa mga transpormador.