Larangan

sangay ng pag·aaral

Ang larangan o akadémikóng disiplína[i][1][2] ay ang bahagi ng kaalaman na itinuturo at sinasaliksik sa mga kolehiyo at pamantasan. Binibigyang-kahulugan ang mga larangan ng mga akademikong dyornal, kung saan inilalathala madalas ang mga pananaliksik, at sa lipunang may-alam at kagawarang pang-akademiko o faculty sa loob ng mga kolehiyo at pamantasan. Hinahati ang mga larangan sa dalawa: araling pantao (wika, sining, at araling pangkultura) at larangang pang-agham (pisika, kimika, biyolohiya); itinuturing minsan ang agham panlipunan bilang isa pang kategorya nito.

Mga iba't ibang larangan.

Eksperto at espesyalista ang madalas itawag sa mga taong nasa isang larangan (hal. eksperto sa bagyo, espesyalista ng mata). Ang tawag naman sa mga taong nag-aaral sa liberal na sining o teorya ng sistema imbes na mag-aral sa isang partikular na larangan ay tinatawag naman na heneralista.

Bagamat bihira lang na pag-aralan ang iisang larangan, pinagsasama ng mga maiskolar na paraan tulad ng interdisiplinaryo, transdisiplinaryo, at krus-disiplinaryo ang ibat ibang mga larangan, na pumipigil agad sa mga potensyal na problemang maaaring lumitaw dahil sa pagpokus lang sa iisang larangan. Halimbawa, maaaring mahirapan ang isang propesyonal na makipag-usap sa ibang mga larangan dahil sa pagkakaiba sa wika, konsepto, o kaparaanan.

May mga ilang mananaliksik na nagsasabing maaaring mapalitan ang mga larangan ng tinatawag na Mode 2[3] o "pos-akademikong agham,"[4] na kinabibilangan ng pagkuha sa krus-disiplinaryong kaalaman sa pamamagitan ng mga espesyalista mula sa ibat ibang larangan.

Etimolohiya

baguhin

Ang salitang larangan ay galing sa salitang lárang — isang disiplina o saklaw na pag-aaral na akademiko.[5] Samantala, parehong galing naman sa Kastila ang salitang disiplina (mula disciplina) at akademiko (panlalaki ng academica).[1][2] Ang mga salitang Kastila na ito ay nanggaling naman sa Latin: disciplīna ("paraan", "pag-aaral", o "pagtuturo")[6][7] at academicus, na nagmula naman sa Griyego akadēmikós (Griyego: Ακαδημικός).[8]

Kasaysayan

baguhin

Ang pinakaunang rekord ng mga larangang itinuturo ay nanggaling sa sinaunang Gresya, partikular kay Socrates. Matematika at musika ang ilan sa mga unang tinuro sa Gresya noong panahong ito. Noong binuksan ni Plato ang Akademya, kasama sa kurikulum niya ang pulitika at edukasyon bukod sa matematika ng panahong iyon. Samantala, nagpokus naman ang mga Romano sa batas.[9]

Itinuturo sa mga unang pamantasan sa Europa noong ika-12 siglo ang mga larangang may kinalaman sa trabaho, lalo na sa relihiyon. Sa siglong ito rin unti-unting umusbong ang mga pamantasan; ang ilan sa kanila, tulad ng Pamantasan ng Oxford at Cambridge sa Inglatera at Pamantasan ng Bologna sa Italya, ay nananatiling bukás hanggang ngayon.[9] Sa ika-13 siglo, ang mataas na edukasyon ay kinabibilangan ng mga "liberal na sining," at kinabibilangan ng pasalitang sining (balarila, retorika, at lohika) at mga numerikal na sining (aritmetika, heometriya, astronomiya, at teorya ng musika). Ang mga ito ay pinag-aaralan sa wikang Latin, at may matinding pokus sa bibliya at simbahan. Para sa mga taong gusto pa lalong humusay sa kanilang pinag-aaralan (at maging mga master at doktor), may tatlong larangan na pwede nilang kunin: batas, medisina, o teolohiya.[6]

Sa mga sumunod na siglo, unti-unti rin pinag-aralan ang iba pang mga larangan, kabilang na ang moral at likas na pilosopiya. Bukod sa Latin, ginamit rin ang mga wikang Ebreo, Griyego, at Arabe. Noong ika-16 na siglo, idinagdag ng Pamantasan ng Cambridge at Oxford ang Anglo-Saxon, botanika, kimika, pilosopiya, heolohiya, kasaysayan, at ekonomiya.[6]

Pagsapit ng ika-17 siglo, nagsulputan na rin ang mga pamantasan sa Bagong Mundo, partikular na sa mga kolonya ng Gran Britanya. Ang mga pamantasang ito ay rehiliyoso, at tumatanggap lang sila ng mga estudyante ng relihiyon nila. Pagdating naman ng sumunod na siglo, lalo pang lumawak ang mga larangang itinuturo: kasaysayan at nabigasyon, alhebra, heograpiya, at wika ang ilan sa mga nadagdag. Ang rebolusyong naganap sa mga agham noong ika-19 na siglo ang nagbigay-daan upang dumami pa nang husto ang mga larangan.[9]

Napagtanto ng mga mananaliksik sa pagpasok ng ika-20 siglo na ang bagong impormasyon ay sobrang malaki at malawak na, at ito ang nagbigay-daan upang dumami ang mga indibidwal na nakapokus na lang sa iisa o mga magkakaugnay na larangan, na humantong naman sa espesyalisasyon.[10]

Kritisismo

baguhin

May isang maimpluwensyang naisulat na kritisismo na kontra sa konsepto ng larangan. Isinulat ito ni Michel Foucault noong 1975 sa kanyang librong Pagsubaybay at Pagparusa. Ayon kay Foucault, nagmula ang mga larangan sa parehong mga kilusang panlipunan at mekanismo ng pagkontrol na nagtatag sa mga modernong sistemang penal at piitan ng Pransiya noong ika-18 siglo, at ang katotohanang ito ang nagpapakita sa kanilang pagkakapareho magpahanggang ngayon: "Ang mga larangan ay nagpapakilala, nag-uuri, nagpakadalubhasa; nagbabahagi sila ayon sa isang sukat, ayon sa isang pamantayan, nagpapailalim ng mga indibidwal sa isang hiyarkiya depende sa relasyon nila sa iba at, kung kakailanganin, nagdidiskwalipika at nagpapawalang-bisa."[ii][11]

Talababa

baguhin
  1. Ibang tawag: disiplinang akademiko, larangang akademiko, akademikong larangan, disiplinang pang-akademiya, larangang pang-akademiya.
  2. Orihinal na sinabi: "The disciplines characterize, classify, specialize; they distribute along a scale, around a norm, hierarchize individuals in relation to one another and, if necessary, disqualify and invalidate."

Sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 "disiplina". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong Disyembre 15, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 "akademiko". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong Disyembre 15, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Gibbons, Michael; Limoges, Camille; Nowotny, Helga; Schwartzman, Simon; Scott, Peter; Trow, Martin (1994). The New Production of Knowledge: The Dynamics of Science and Research in Contemporary Societies [Ang Bagong Produksiyon ng Kaalaman: Ang Daynamiks ng Agham at Pananaliksik sa mga Kontemporaryong Lipunan] (sa wikang Ingles). London, Inglatera: Sage.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Ziman, John (2000). Real Science: What It Is, and What It Means [Totoong Agham: Ano Ito, at Anong Ibig Sabihin Nito] (sa wikang Ingles). Cambridge, Inglatera: Cambridge University Press.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "larangan". Tagalog Lang (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 15, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 6.2 Brown, Bradford (2016). "What are Academic Disciplines? & What is the Discipline of History? plus A Quick Guide to Thinking Historically" [Ano ang mga Larangan? [at] Ano ang Larangan ng Kasaysayan? at Isang Mabilisang Gabay para sa Historikal na Pag-iisip] (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 15, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "disciplina". Diccionario de la lengua española (sa wikang Kastila) (ika-23 (na) edisyon). Real Academia Española. 2014. Nakuha noong Disyembre 15, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "académico, ca". Diccionario de la lengua española (sa wikang Kastila) (ika-23 (na) edisyon). Real Academia Española. 2014. Nakuha noong Disyembre 15, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. 9.0 9.1 9.2 Tobin, Victoria; Martin, Taylor; Damon, Mickayla Bea; Crate, Nicole; Godinez, Andrew; Bennett, Andrew. McElreavy, Christine (pat.). "The History of the Academy and the Disciplines" [Ang Kasaysayan ng Akademya at mga Disiplina]. Rebus Community (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 15, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Cohen, Eli B.; Lloyd, Scott J. (2014). "Disciplinary Evolution and the Rise of the Transdiscipline" [Ebolusyon ng Disiplina at at Pag-angat ng Transdisiplina] (PDF). Informing Science: the International Journal of an Emerging Transdiscipline (sa wikang Ingles). 17.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. salin sa Ingles: Foucault, Michel (1977). Discipline and Punish: The birth of the prison [Disiplina at Parusa: Ang kapanganakan ng piitan] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Sheridan, Alan. New York, Estados Unidos: Vintage.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link); orihinal: Foucault, Michel (1975). Surveiller et punir : Naissance de la prison [Pagsubaybay at Pagparusa: Ang kapanganakan ng piitan] (sa wikang Pranses). Paris, Pransiya: Gallimard.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)