Microsoft Windows

pamilya ng mga operating system na ginawa para sa mga personal na computer, server, smartphone at naka-embed na aparato

Ang Windows ay isang pangkat ng ilang mga pamilya ng propiyetaryong grapikal na operating system na ginawa at ibinebenta ng Microsoft. Tumutugon ang bawat pamilya sa ilang sektor ng industriya ng kompyuter, halimbawa, ang Windows NT para sa mga konsyumer, ang Windows Server para sa mga server, at ang Windows IoT para sa mga embedded system. Kabilang sa mga pamilya ng Windows na hindi na binebenta ang Windows 9x, Windows Mobile, and Windows Phone.

Microsoft Windows
Sinulat saAssembly, C, C++
PamilyaWindows 9x, Windows CE, at Windows NT
Estado ng pagganaInilabas sa publiko
Modelo ng pinaggalinganClosed/shared source
Unang labas20 Nobyembre 1985; 38 taon na'ng nakalipas (1985-11-20) (di-suportado)
Pinakabagong labas10.0.19042.789
(2 Pebrero 2021; 3 taon na'ng nakalipas (2021-02-02)[1]) [±]
Pinakabagong pasilip10.0.21301.1010
(1 Pebrero 2021; 3 taon na'ng nakalipas (2021-02-01)[2]) [±]
Layunin ng pagbentaPersonal na kompyuter
Magagamit sa137 wika[3]
Paraan ng pag-update
  • Windows Update
  • Windows Anytime Upgrade
  • Windows Store
  • Windows Software Update Services
Package managerWindows Installer (.msi), Windows Store (.appx)
PlatapormaARM, IA-32, Itanium, x86-64
Uri ng kernel
  • Pamilya ng Windows NT: Hybrid
  • Windows 9x at mas maaga: Monolithic (MS-DOS)
User interfaceWindows shell
LisensiyaPagmamay-aring binebentang software
Opisyal na websitewindows.microsoft.com

Nailabas ang unang bersyon ng Windows noong Nobyember 20, 1985, bilang isang grapikal na operating system shell para sa MS-DOS bilang tugon sa dumadaming interes sa mga graphical user interface (GUI).[4]

Ang Windows ay ang pinakapopular na desktop operating system, na mayroong 75% bahagi sa merkado magmula noong 2022, sang-ayon sa StatCounter.[5] Bagaman, ang Windows ay hindi ang pinakaginagamit na operating system kapag isasama ang parehong OS na pang-mobile at pang-desktop, dahil sa malaking paglago ng Android.[6]

Magmula noong Setyembre 2022, Windows 11 ang pinakabagong bersyon para sa mga konsyumer, PC, at tablet, Windows 11 Enterprise para sa mga korporasyon, at Windows Server 2022 para sa mga server.

Kasaysayan

 
Kahon ng Windows 1.0; pansining hindi pa ito nabubuksan, at nakasulat sa kahong isa itong kapaligirang pampamamalakad.
Silipin din: Windows 1.0x at 2.x

Nagsimula ang Microsoft Windows bilang isang graphical user interface at operating environment ng mga kompyuter ng IBM at iba pang mga kahalintulad na kompyuter na tumatakbo sa ilalim ng MS-DOS. Ito ay noong Nobyembre 20, 2012, ang pagkakalabas ng Windows 1.0[7], ang pinakaunang bersyon ng Microsoft Windows. Kailangang alalahaning ang mga unang limang bersyon ng Microsoft Windows: Windows 1.0, 2.x, 3.0 at 3.1x, ay hindi mga operating system kundi mga pakikihalubilong makikitang pantagagamit at kapaligirang pampamamalakad lamang. Ang mga ito ay gumaganap lamang bilang isang pagpapalawig ng mga kakayahan ng MS-DOS, ngunit lahat pa rin ng mga paglakad ay ginaganap pa rin ng MS-DOS.

Noong una, ang pagpapabuti ng Microsoft sa Windows ay mariing pinipigilan ng mga pagsasakdal ng Apple. Ito ay dahil sa hindi mailakip ng Microsoft ang mga katangiang kagaya ng mga nagpapatung-patong na dungawan, at ang tapunan ng basura sa paniniwala ng Apple na ang mga istilong iyon ay dapat panghawakan ng Apple lamang dahil sila ang unang gumawa at gumamit ng ganoong istilo, at ang mga ito ay saklaw ng karapatang-aring sila ay tanging may-hawak. Sa lahat-lahat, inaangkin ng Apple na nalugi sila nang USD 5 bilyon dahil dito.[8][9]

Silipin din: Windows 3.x

Noong Mayo 22, 1990, inilabas ng Microsoft ang Windows 3.0,[10] ang ikaapat na bersyon ng Microsoft Windows. Agad itong naging isa sa mga pinakatanyag at mabiling operating system sa kasaysayan ng Microsoft Windows at ng buong pamilihang pang-OS, at ang mayroong pinakamalaking naiambag sa pagsikat ng Microsoft at Microsoft Windows sa pamilihang panteknolohiya. At malamang ang mga pangunahing dahilan nito ay ito lamang ang nag-iisang bersyon ng Microsoft Windows na mayroong kakayahang tumakbo sa tatlong magkakaibang uri ng alaala.

Ang mga katangian ng Windows 3.0 ay pinagbutihan pa noong Abril 6, 1992,[10][11] nang inilabas ng Microsoft ang Windows 3.1, isang bagong OS ng Microsoft na batay sa Windows 3.0, na mayroong dagdag na pagsasaayos sa mga suliranin ng Windows 3.0, at pagtaguyod sa mga midya at TrueType.[12] Bagaman marami pa rin itong kulang na katangiang mahahalaga, katulad ng mahahabang pangalang pantalaksan, isang hapag-gawaan, o isang kaparaanang pananggalang mula sa mga talaksang mapanira, matatagpuan lahat sa katunggali nitong OS/2, isang OS na tinulungan ding pagbutihin dati ng Microsoft, ng IBM, naging matagumpay pa rin ito sa pamilihang pang-OS. Ang pangunahing nagdulot nito ay ang kasikatan ng nauna pa nitong bersyon, ang Windows 3.0.

Naglabas din ng mga pagpapabuti ang Microsoft alang-alang sa Windows. Ang Windows 3.11 ay halos kaparang-kapara ng Windows 3.1, at nagdagdag lamang ng ilang mga talaksan. Bagaman dito, marami pa ring mga sirang matatagpuan sa Windows 3.1 ang matatagpuan pa rin sa Windows 3.11.

 
Ang logo ng Windows NT
Silipin din: Windows NT 3.1, 3.5 at 3.51

Ang pinakaunang inilabas na operating system ng Microsoft ay ang Windows NT 3.1, na ginawa sa arkitekturang Windows NT, isang hanay pang-OS ng Microsoft alang-alang sa pamilihang pantanggapan, ay inilabas noong Hulyo 27, 1993,[13] hindi lumaon nang maghiwalay ng landas ang Microsoft at IBM sa paggawa ng kanilang sari-sariling operating system.

Ang arkitektura ay ginawa sa ilalim ng pamumuno ni Dave Cutler, ang punong arkitekto sa paggawa ng Windows NT. Ginawa ang Windows NT sa utos ng Microsoft na gumawa siya ng isang bitbiting, magagamit sa iba-ibang mga arkitekturang pangkompyuter, OS/2, at isa ring bitbiting pamalit sa Windows na nananalig sa isang DOS. Ngunit nang ang kanyang pulutong ay matapos, iba na ang kaparaanang kanilang nagawa.

Noong panahong iyon, si Dave Cutler ay isa rating pinunong arkitekto ng kakatigil lamang na proyektong PRISM, isang proyekto alang-alang sa pagpapabuti ng arkitekturang RISC ng Digital Electronics Corporation at Mica, ang paunang bansag sa operating system ng naturang arkitekturang pangkompyuter. At noong itinapos ng DEC ang proyekto, agad na kinuha ng Microsoft si Dave Cutler upang gawin ang operating system. Marami ang naghinalang dinala ni Cutler at ng kanyang kawanian ang ilang bahagi ng kodigo alang-alang sa Mica kaya naman binantaang sakdalin ng DEC ang Microsoft kundi nila itutuloy ang pagtaguyod ng Windows NT alang-alang sa DEC Alpha.[14] Bagaman dito, sabay ding inalis ng Microsoft at Compaq, ang bahay-kalakal na bumili ng DEC noong bumagsak ito, ang pagtaguyod sa isa at isa noong Agosto 1999.[15]

Silipin din: Windows 95, NT 4.0 at 98

Noong Agosto 24, 1995, ngunit ang kaunahang balak ay dapat Hulyo 11, inilabas ng Microsoft ang Windows 95, ang pinakamalaking hakbang sa pagbabago sa GUI ng Microsoft Windows simula nang inilabas ito, at ang pinakaunang ganap na pantahanang operating system na ginawa ng Microsoft; ang mga naunang OS ay nasa sa MS-DOS. Kasama sa mga malalaking pagbabago nito sa GUI ay isang ganap na hapag-gawaang hindi na alang-alang sa mga pinaliit na dungawan kundi alang-alang na sa paglalagay ng mga talaksan at iba pa, paggamit ng kanang bahagi ng maws, higit na pinadaling pakikipag-ugnayan sa Internet sa tulong ng mga nakaluklok nang pagtaguyod sa iba-ibang mga pang-Internet na protokol at isang gawaang-baras at Start Menu. Ngunit kailangang alalahaning ang wari ng isang taskbar ay hindi unang nagpakita sa Windows 95 kundi sa Windows 1.0; inalis lamang ito ng Microsoft sa mga sumunod na bersyon, at ibinalik sa Windows 95. Hindi katulad ng mga naunang OS sa Windows 95, likas na tumatakbo ang Windows 95 sa 32-bit; ngunit mayroon pa rin itong pagtaguyod alang-alang sa 16-bit, at kaya pa ring tumakbo rito.[16] At maging kahit sa pinakabagong bersyon ng Microsoft Windows, na ang Windows Vista, ay ginagamit pa rin ang kaparang banghay ng GUI. Bagaman dito, ayon sa Micromart, nasasaloob pa rin sa Windows 95 ang mababang kaligtasan ng mga naunang bersyon ng Windows at MS-DOS. Isa rito ang mababang kaligtasan ng mga panagutang pantagagamit ng Windows 95, bagaman maaari nang magkaroon ng mga mararaming panagutan sa Windows 95, walang kahit ano mang dagdag na kaligtasan itong ibinibigay; pinapahintulutan nito ang pagkakaroon ng mga iba-ibang nais alang-alang sa bawat panagutan, ngunit pinapahintulutan din nitong pindutin ang "Cancel" sa pambungad, at makapagbigay ng malayang daan sa kahit sino mang taong may-hangad na gamitin ang kompyuter. Maging sa Windows 98 ay makikita pa rin ang suliraning ito.[17]

Sumunod namang inilabas ng Microsoft Windows ang Windows 98 noong Hunyo 25, 1998, unang ginawa noong Mayo 15, 1998.[18] Walang masyadong nagbago sa GUI ng bersyong ito. At nagdagdag lamang ng ilang katangian sa Windows 95, katulad ng higit na malawak na pagtaguyod sa mga hardwer, at paggamit ng Internet Explorer, kung saan sa bersyong ito ay malawak na inilakip sa mga programa ng Microsoft Windows, maging sa Windows Explorer. Ngunit mayroong isang inhinyerong pangkompyuter, na si Shane Brooks, na gumawa ng isang manluluklok, nagngangalang 98Lite, noong Nobyembre 22, 1998 na mayroong kakayahang alisin ang nakalakip na Internet Explorer sa Windows Explorer sa iba-ibang mga bersyon ng Windows, at nagpatunay na kayang tumakbo ng Windows 98 at iba pang mga bersyon ng Windows nang walang Internet Explorer at iba pang inilakip na programa;[19] pinabilis din nito ang pagtakbo ng Windows. Napasinungalingan ang mga pag-aangkin ng Microsoft na hindi maaalis ang Internet Explorer mula sa Windows 98, kung maalis man ito, hindi ito gagana, at kung gumana man ito, tatakbo ito nang napakabagal. Sa katotohanan, ang pag-aalis ng Internet Explorer ay nagbigay ng kabaligtaran ng mga sinabi ng Microsoft, bagaman sa pag-aalis na ito ay hindi na magagamit ang mga bersyon ng Notepad at Wordpad alang-alang sa Windows 98, ngunit malulutas naman ito kung gagamitin ang Notepad at Wordpad alang-alang sa Windows 95 sa Windows 98, at mawawala rin ang Windows Update, na malulutas din sa madaling paraan.[20][21][22]

Silipin din: Windows 2000 at Me
50 ulit na higit na maaasahan ang Windows 2000 Professional kaysa sa Windows 98, at 17 ulit na higit na maaasahan kaysa sa Windows NT Workstation 4.0.

Microsoft, [23]

Noong Pebrero 17, 2000, inilabas ng Microsoft ang Windows 2000, isang operating system na batay sa arkitekturang NT.[24][25]. Bagaman noong una, pinagpipilitan ng Microsoft na ilalabas nila ang OS nang Oktubre 6, 1999,[26] o nang alin mang petsa sa 1999. Lubhang ipinagmamalaki ng Microsoft ang OS, kagaya ng nakasaad sa itaas, ngunit walang masyadong nagbago sa OS sa larangan ng GUI, at ang hitsura nito ay kamukhang-kamukha pa rin ng Windows 98 at NT 4.0. Mariin ding iginigiit ng Microsoft na ang Windows 2000 ay alang-alang sa mga tanggapan, at hindi ipinapayo alang-alang sa mga tahanan. Ang dahilang ito ay, bagaman mayroong dagdag na pagtaguyod ang Windows 2000 alang-alang sa hardwer, marami pa ring mga larong pangkompyuter at hardwer ang hindi itinataguyod ng Windows 2000.[27]

Noong Setyembre 14, 2000 naman, at ayon sa ilan, ang kaunahang balak ay Mayo 26,[28] inilabas ang Windows Me, OS na ginawa ng Microsoft alang-alang sa mga tahanan.[29][30][31][32][33][34] Walang masyadong nagbago sa Windows Me kung ihahambing sa Windows 2000 at 98, at nagkaroon lamang ito ng higit na bagong bersyon ng Internet Explorer at Windows Media Player.[35] Isinama rin dito ang pinakaunang bersyon ng Windows Movie Maker. Ngunit bagaman iyon, marami ring nagsasabing ang Windows Me ay isa sa mga pinakamapanganib na bersyon ng Windows. Ang pangungutiyang ito ay dahil mabagal daw ito, palaging namamatay, at maraming hindi pinapatakbong programa.[36]

Hati ng mga OS sa pamilihan[37]
Punong artikulo: Kasaysayan ng Microsoft Windows#Hati sa pamilihan
OS Hati sa pamilihan
Windows XP 72.12%
Windows Vista 15.26%
Mac OS 7.83%
Windows 2000 2.25%
Linux 0.68%
Iba pa 1.97%
Silipin din: Windows XP, Server 2003 at Fundamentals for Legacy PCs

Ang taong 2001 ang naging pinakamabuting taon sa Windows. Sa Oktubre 25 ng taong ito, inilabas ng Microsoft ang pinakamabiling operating system sa kasaysayan, ang Windows XP.[38][39][40][41][42][43] At maging ngayon, nananatili pa rin itong pinakamatagumpay sa pamilihan bagaman dalawang taon na mula nang inilabas ang higit na bago nitong bersyon, ang Windows Vista.[44] Nagpapakita rin ng panibagong disenyo ang OS, at inilakip na MSN Messenger.[45]

Noong Marso 28, 2003, inilabas ng Microsoft ang Windows Server 2003 sa mga pamilihan. Ayon sa Microsoft, ang operating system ay dalawang ulit na higit na mabilis sa lahat ng paggawa nito kung ihahambing sa ibang mga OS. Ito rin daw ay nakakatipid ng 20% sa pangkalahatang gastos, at 50% ang matitipid kung ihahambing sa Windows NT Server 4.0.[46] Ilan sa mga bagay na pinagbutihan dito ay ang Active Directory at mga patakarang pampamamahala nito.[47] Bagaman dito, maging sa pinakabagong bersyon nito, walang pagtaguyod ang OS alang-alang sa maraming programang pangkompyuter, lalo na sa mga programang pantagalingkod kahit sa mga gawa ng Microsoft mismo.[48]

Noong Hulyo 12, 2006 naman, inilabas ng Microsoft ang Windows Fundametals for Legacy PCs. Sa katotohanan, isa lamang itong pinamura[49] at pinababang pagkakalimbag ng Windows XP.[50] At dahil dito, ang hitsura nito ay totoong katulad na katulad pa rin ng Windows XP. Ginawa ng Microsoft ang bersyong ito alang-alang sa mga luma at mababagal na mga kompyuter.[51][52]

Silipin din: Windows Vista, Home Server at Server 2008
 
Ang hitsura ng bagong Start Button

Inilabas ang Windows Vista[53] noong Enero 30, 2007 sa buong daigdig;[54][55][56][57][58] inilabas naman ito sa mga malalaking mangangalakal sa isang higit na maagang petsa ng Nobyembre 30, 2006.[59][60][61][62][63][64][65][66][67][68][69] Bago pa ang paglalabas na ito, ilang ulit na ring ipinahayag ng Microsoft ang paglalabas ng Windows Vista nang simula pa noong Hulyo ng 2006,[70] at nangako rin sila rating ilalabas nila ito nang Disyembre 2006[71][72] ngunit hindi natuparan ng Microsoft ang mga petsang ito. Naglakip ito ng mararaming pagbabago lalo na sa GUI nito. Isa na rito ang inibang Start Menu, at ang bagong disenyong Aero na nagbibigay ng napapaglagusang-liwanag na mga dungawan, ngunit nakakabagal ito ng pagtakbo ng operating system.[73] Bagaman dito, maraming nagsasabing pangit ang OS na ito dahil sa laki ng kinakain nitong kagamitan at alaalang pangkompyuter, at sa kawalang-pagtaguyod nito sa napakaraming sopwer at hardwer.[74] Kasama rin sa bersyong ito ang pangangailangan ipasugid ang Windows Vista, isang kayarian laban sa pamimirata. Kundi gagawin matapos ang 30 araw na palugit mula sa araw ng pagkaluklok sa kompyuter, maraming kagamitan ng OS ang mamamatay at babagal.[75] Bagaman mayroon nang ganito, madali pa ring mababaliwala ang katangiang ito sa pamamagitan ng mga napakaraming pangwarak na ipinamimigay nang libre sa Internet.[76][77]

Noong Nobyembre 5, 2007 naman, naglabas ang Microsoft ng isang OS na pantagalingkod, ngunit sa pagkakataong ito, ito ay alang-alang naman sa mga tahanan hindi sa mga tanggapan, ito ang Windows Home Server,[78] ang pinakaunang Windows na pantagalingkod na ginawa alang-alang sa mga tahanan. Unang ipinakilala ito ng Microsoft sa Consumer Electronics Show noong Enero 8, 2007. Ilan sa mga itinatampok sa bagong OS ay ang kakayahan nitong gumawa ng mga bak-ap araw-araw ng mga kompyuter alang-alang sa madaliang pagbangon sakaling masira man, at, ayon sa Microsoft, ang pagkakaroon ng isang higit na nakapagitna at buong daan sa mga kompyuter at talaksan nitong nakaugnay sa kompyuter na mayroong Windows Home Server. Ayon din sa Microsoft, ito raw ang sagot sa panininop kung mayroong malaking katipunan ng mga retrato, musika at bidyo.[79][80]

Ngayon ang pinakabagong bersyon ng Windows ay isang tagalingkod. Ito ang Windows Server 2008, isang OS na pantagalingkod na inilabas sa ilalim ng walong pagkakalimbag[81] noong Pebrero 27, 2008,[82] bagaman ipinangako ng Microsoft na ilalabas nito ang OS sa huling bahagi ng 2007.[83] Ang OS na ito ay ipinagbuti nang limang taon, at ang kasunod ng Windows Server 2003. Ayon sa Microsoft, nilalayon ng Server 2008 na bawasan ang ginagastos na oras sa pagtatrabaho, tulungang mabilis na makaangkop ang mga bahay-kalakal sa mga pangangailangan, at dagdagan ang kaligtasan. Maganda ang mga kritisismong natanggap ng Windows Server 2008, at totoong nagtatampok ang OS ng dagdag na kaligtasan;[84] isa rito ang pangangangailangan ng pagtatakda ng isang "matatag" na hudyat, isang hudyat na naglalaman ng mga bilang, tanda at titik, bago makalagda sa isang panagutan.[85] Kahit batay ito sa Windows Vista, higit na maayos ang pagtakbo nito.[86][87][88][89]

Mga bersyon

Silipin din: Talaan ng mga bersiyon ng Microsoft Windows
 Windows 1.0Windows 2.0Windows 3.0Windows NTWindows 3.1xWindows 3.1xWindows NT 3.1Windows NT 3.1Windows 95Windows NT 4.0Windows NT 4.0Windows 98Windows MeWindows 2000Windows 2000Windows XPWindows XPWindows Server 2003Talaan ng mga pagkakalimbag ng Windows XP#Media Center EditionTalaan ng mga pagkakalimbag ng Windows XP#Media Center EditionWindows VistaWindows VistaWindows Server 2008
Pamilya ng Microsoft Windows

Kaligtasan

Sa mga rumaraang taon, ilan nang ulit na iginigiit ng Microsoft na ang kanilang operating system ay higit na higit na ligtas; mayroong ilang sumasang-ayon sa Microsoft ngunit totoong maraming tumututol.

Pag-aangkin

Isa sa mga pag-aangkin ng Microsoft na ang kanilang Windows ay higit na ligtas ay higit na ligtas daw ang Windows XP kaysa sa Linux, at ginagawang 15 ulit na higit na ligtas ang pagkakaroon ng SP2 sa Windows XP ang OS.[90]

Ayon sa Patnugot ng Estratehiyang Pangkaligatasan Jeff Jones ng Microsoft, higit na ligtas pa rin ang Microsoft kung ihahambing sa ibang mga OS, at dito ipinaghambing niya ang Linux at Apple laban sa Windows;[91] matinding tinutulan ito ng pamayanang Linux. Ayon sa kanila, hindi katulad ng Microsoft, na inaayos ang mga suliranin ng Windows nang patago, inilalathala ng Linux ang bawat pagsasaayos na kanila ginagawa sa Linux kaya, hindi katulad ng Linux, kakaunti lamang ang nakakaalam ng mga suliranin ng Windows, at kung ang isang OS ay ligtas na, hindi na ito nangangailangan pa ng mga pagsasaayos at dagdag mula sa manggagawa nito,[92] isang bagay na sinasalungat palagi ng Microsoft sa kanilang palagiang paglalabas ng mga pagsasaayos sa Windows.

Bukod pa rito, ang pinakamalaking pag-aangkin ng Microsoft sa panig ng kaligtasan ay nang sinabi nitong ang Windows Vista ang pinakaligtas na OS magpakailanman. Ang pag-aangking ito ay dahil sa pagkakaroon ng Vista ng User Account Control, Internet Explorer 8, BitLocker Drive Encryption at mga teknolohiyang pampagsasalihim.[93]

At sinabi ni Bill Gates na ang kaligtasang ito ng Windows ay dulot ng mga mararaming mananadtad at manunulat ng mga birus, at ang Windows ay higit na magiging ligtas kung higit na marami pang mga mamimili ang magluluklok ng mga pagsasaayos.[94]

Pagtugon

Kagaya ng naunang sinabi, inangkin ng Microsoft na ang Windows ang pinakaligtas na operating system, ito ay lubhang pinasinungalingan at tinuligsa ng iba-ibang tao at pamayanan.

Ayon sa isang ulat, walang gaanong nagbago sa Windows Vista kung ihahambing sa Windows XP. Ang Vista ay katulad na katulad pa rin daw ng XP sa kaligtasan nito, na sinasabing mababa, at ang Vista ay nag-iba lamang ng hitsura. Ang Windows Vista raw ay marami pa ring mga butas sa kaligtasan nito, at walang pinagkaiba sa pagsasanggalang nito mula sa mga birus.[95]

Mayroon namang isang pag-aaral na isinaliksik ni Nicholas Petreley, isang manunulat ng mga patungkol sa Linux, na nagsasabing ang Linux naman daw ay higit na ligtas kaysa sa Windows.[96]

Panagutang pantagapangasiwa

Sa kadalian ng pagnanakaw ng mga hudyat mula sa Windows, ang naging malaking suliranin rito ay kapag nanakaw ang hudyat alang-alang sa isang panagutang pantagapangasiwa, ang pinakamakapangyarihang panagutan, lagot na ang kompyuter na pinatatakbuhan ng Windows.[97].

Punong artikulo: Kahinaan ng Windows Metafile

Noong Enero 2, 2006, napag-alamang ang mga Windows Metafile ay mga maaaring mang-aangkat ng mga birus ng mga kompyuter. Ito ay dahil laging itinuturing ng operating system ang mga talaksang .wmf, ang daglat ng Windows Metafile (huwag ikalito sa Wikimedia Foundation), bilang mga larawan bagaman mayroong kakayahan ang mga itong magkaroon ng iba pang mga uri ng talaksan sa loob ng mga ito. Ayon sa McAfee, ginagamit ang mga talaksang ito upang magpatakbo ng hanggang 30 sari ng Bifrose, isang uri ng birus, at tumama rin daw ito sa 6% ng mga mamimili ng McAfee.[98]

Punong artikulo: User Account Control
 
Ang UAC habang humihingi ng pahintulot sa tagagamit

Dahil sa suliranin ng mga makapangyarihang panagutang pantagapangasiwa, ang mga bersyong Windows Vista at ang mga sumusunod dito ay niluklukan na ng User Account Control. Ito raw, ayon sa Microsoft, ang nagdulot sa Windows Vista sa pagiging pinakaligtas na OS na ginawa ng Microsoft.[99] Bagaman nakaluklok ang UAC sa Windows Vista nang pangkaraniwan, mailuluklok din ito sa mga naunang bersyon ng Windows mula sa websayt ng Microsoft.

Pinagbabawalan ng UAC ang tahasang pagganap ng mga programang gumagamit ng mga kagamitan ng kaparaanan ng operating system nang walang pahintulot mula sa isang tagapangasiwa. Ito ay dahil pinapatakbo ng UAC ang alin mang panagutan bilang isang pangkaraniwang panagutan, maging pantagapangasiwa man ito. Ito, ayon sa Microsoft, ang bumabawas sa pangkalahatang dulot ng mga birus at iba pang banta.[100][101]

 
Punong artikulo: Internet Explorer 8

Ang bagong bersyon ng Internet Explorer na nakaluklok sa Windows Vista ay tumatakbo na sa ilalim ng "Protected Mode", na pumipigil sa mga programa at iba pang galing sa Internet sa paggagalaw sa kompyuter nang walang pahintulot mula sa tagagamit.[102]

 
Ang Windows Defender
Punong artikulo: Windows Defender

Ang Windows Defender, dating kilala bilang Windows AntiSpyware, ay isang nakaluklok na programa sa Windows Vista, ngunit maaari ring mailuklok sa Windows XP, na punong panlaban sa mga adwer, ispaywer at ispamwer.[103] Ilan sa mga kagamitan nito ang Microsoft SpyNet, isang lambat-lambat ng Microsoft na kumukuha ng kaalaman mula sa mga kasapi nito upang madaling makaalam ng mga bagong banta at malutas ito, at ang Software Explorer, isang bahagi ng Defender na pinapahintulutan ang mga tagagamit nitong usisain ang mga programang tumatakbo sa kasalukuyan at nang nakatakda sa kanilang kompyuter. Binansagan din ito ng ZDNet bilang pinakamabuting libreng panlabang-ispaywer.[104] Ngunit bagaman dito, mayroong ilang kabagalan ang pagtakbo nito.[105]

 
Ang Windows Live OneCare
Punong artikulo: Windows Live OneCare

Ang Windows Live OneCare ay isang antimalwer, nangangahulugang pinupuksa nito ang mga programang hindi nakakabuti sa kompyuter, at pangkalahatang pangmatyag ng buong kompyuter.[106] Dahil sa kakayahan nito laban sa mga adwer, ispamwer at ispaywer, at payrwol, ang pagluluklok nito ay nangangahulugan ng pananalanta ng Windows Defender at Windows Firewall. Ito rin ay hindi nakaluklok nang nakatakda kundi binibili bilang isang bahagi ng Windows Live, isang hanay ng mga yari ng Microsoft.

Batay sa dalawang nagsasariling pag-aaral, ang OneCare lamang ang tanging programang bumagsak sa 17 mga antibirus na sinulit. Natagpuan lamang ng OneCare ang 82.4% sa 500,000 mga birus na iniharap.[107]

Pagtaguyod

Silipin din: Kasaysayan ng Microsoft Windows#Pagtaguyod

Dahil sa Windows Life-Cycle Policy, isang patakaran pampagtaguyod ng Microsoft, pinapatid ng Microsoft ang pagtaguyod sa mga bersyon ng Windows matapos ang 4 na taon pagkatapos ng malawakang pagkaroon nito sa pamilihan.[108] Bagaman mayroong ilang kataliwasan kung saan pinapahaba pa ng Microsoft ang pagtaguyod sa mga bersyon ng Windows na totoong mabili nang ilang taon, kagaya ng Windows 2000, na ang pagtaguyod mula sa Microsoft ay pinahaba hanggang Hunyo 30, 2010.[109][110]

Lunti = itinataguyod ng Microsoft; Pula = hindi itinataguyod
Taon 16-bit 32-bit 64-bit
1985 Windows 1.0
1987 Windows 2.0
1988 Windows 2.1x
1990 Windows 3.0
1992 Windows 3.1x
1993 Windows NT 3.1
1994 Windows NT 3.5
1995 (Mayo) Windows NT 3.51
1995 (Agosto) Windows 95
1996 Windows NT 4.0
1998 Windows 98
2000 Windows 2000
2001 (Setyembre) Windows Me
2001 (Oktubre) Windows XP
2003 (Marso) Windows XP 64-bit Edition
2003 (Abril) Windows Server 2003
2005 Windows XP Professional x64 Edition
2006 (Hulyo) Windows Fundamentals for Legacy PCs
2006 (Nobyembre) Windows Vista
2007 Windows Home Server
2008 Windows Server 2008
2009 (Oktubre) Windows 7
2009 (Oktubre) Windows Server 2008 R2
2011 Windows Home Server 2011
2012 (Setyembre) Windows Server 2012
2012 (Oktubre) Windows 8
2013 (Oktubre) Windows 8.1
2013 (Oktubre) Windows Server 2012 R2
2015 Windows 10
2021 Windows 11


Mga sanggunian

  1. "Pebrero 2, 2021—KB4598291 (Gawa Blg. 19041.789 at 19042.789)". Microsoft Support. Pebrero 2, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Announcing Windows 10 Insider Preview Build 21301" [Inaanunsyo ang Windows 10 Insider Preview Gawa Blg. 21301]. Windows Experience Blog. Enero 27, 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Listing of available Windows 10 language packs". Msdn.microsoft.com. Nakuha noong january 5, 2015. {{cite web}}: Check date values in: |accessdate= (tulong)
  4. "The Unusual History of Microsoft Windows" (sa wikang Ingles). Nakuha noong Abril 22, 2007.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  5. "Desktop Operating System Market Share Worldwide". StatCounter Global Stats (sa wikang Ingles).
  6. Keizer, Gregg (Hulyo 14, 2014). "Microsoft gets real, admits its device share is just 14%". Computerworld. IDG. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 21, 2016. [Microsoft's chief operating officer] Turner's 14% came from a new forecast released last week by Gartner, which estimated Windows' share of the shipped device market last year was 14%, and would decrease slightly to 13.7% in 2014. Android will dominate, Gartner said, with a 48% share this year{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Kasaysayang pambersyon ng Windows
  8. "Apple laban sa Microsoft". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-12-01. Nakuha noong 2008-05-23.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. Isang maikling kasaysayan ng panunuos[patay na link]
  10. 10.0 10.1 Kasaysayang pambersyon ng Windows
  11. IBM
  12. Isang kasaysayan ng Microsoft Windows
  13. "Guidebookgallery". Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-10-02. Nakuha noong 2007-12-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. "Kuru-kuro patungkol sa Windows NT". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-11-07. Nakuha noong 2008-01-02.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. Pagkamatay ng Alpha sa NT
  16. Windows 95
  17. Ang Walang XPng Pook: Ikaapat na Bahagi
  18. Ang petsa ng paglalabas ng Windows 98 itinalaga: Hunyo 25
  19. Windows 98
  20. CNN
  21. The Register
  22. "Mang-aalis ng IE Nang-aalis ng Pambasa-basahin sa Windows". Inarkibo mula sa orihinal noong 2006-05-11. Nakuha noong 2008-01-06.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. "Active Network". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-17. Nakuha noong 2008-01-10.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  24. "AMD". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-02-24. Nakuha noong 2008-01-10.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  25. "CNet". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-09-27. Nakuha noong 2008-01-10.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  26. Petsa ng paglalabas ng Windows 2000 itinala na
  27. Windows 2000
  28. Network World Fusion[patay na link]
  29. Microsoft
  30. Petsa ng paglalabas ng Windows Me, ipinahayag[patay na link]
  31. "CNN". Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-02-08. Nakuha noong 2008-01-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  32. Inilabas ang Windows Me sa UK
  33. Paul Thurrott's SuperSite for Windows
  34. "Windows Millenium Edition". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-15. Nakuha noong 2008-01-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  35. The Register
  36. "Windows Me: Pinakapangit na kaparaanang pampamamalakad Magpakailanman". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-07-02. Nakuha noong 2008-01-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  37. Hati ng mga OS sa pamilihan
  38. CNN Money
  39. "Paglalabas ng Windows XP ng Microsoft, itinakda sa Oktubre". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-08-09. Nakuha noong 2008-01-15.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  40. BBC News
  41. Personal Computer World[patay na link]
  42. "CNN News Europe". Inarkibo mula sa orihinal noong 2004-12-28. Nakuha noong 2008-01-15.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  43. "Network World Fusion". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-03-08. Nakuha noong 2008-01-15.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  44. "Pinakamalaking katunggali ng Windows Vista ay Windows XP". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-04-23. Nakuha noong 2008-01-15.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  45. Windows XP
  46. Microsoft
  47. Microsoft Windows 2003
  48. The Inquirer[patay na link]
  49. Microsoft
  50. FLzone
  51. "Windows Fundamentals pinatagal hanggang 2006". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-09-16. Nakuha noong 2008-01-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  52. "ZDNet". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-02-24. Nakuha noong 2008-01-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  53. "Computing Market Intelligence". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-07-25. Nakuha noong 2008-07-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  54. Pandaigdigang petsa ng paglalabas ng Windows Vista
  55. "About.com". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-10-22. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  56. The Register
  57. TechShout.com
  58. "64-bit Computers". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-04-04. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  59. "Computing". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-10-07. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  60. Vista, binigyan ng petsa ng paglalabas
  61. Petsa ng paglalabas ng Vista: Nobyembre 30[patay na link]
  62. Vista, nakakuha ng petsa ng paglalabas
  63. "EarthTimes". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-10-25. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  64. ItWeek[patay na link]
  65. "Gadgetizer". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-01-24. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  66. "iHotDesk". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-06-29. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  67. "Microsoft Windows Vista". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-02-16. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  68. "Windows Vista, darating nang Nobyembre 20". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-11-08. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  69. "Vistaultimate.com". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-05-13. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  70. "Computerworld". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-15. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  71. "Ang paglalabas ng Vista ay Disyembre 1?". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-07-20. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  72. Silicon[patay na link]
  73. Microsoft Windows Vista[patay na link]
  74. "CNet". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-07-12. Nakuha noong 2008-01-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  75. Microsoft
  76. "Blorge". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-27. Nakuha noong 2008-01-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  77. "Windows Vista Activation Crack". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-20. Nakuha noong 2008-01-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  78. Microsoft Watch[patay na link]
  79. Microsoft Home Server
  80. "Vnunet". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-05-13. Nakuha noong 2008-05-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  81. The Register
  82. ComputerWeekly
  83. "Inilabas ng Microsoft ang Windows Server 2008". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-03-02. Nakuha noong 2008-03-02.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  84. ComputerWeekly
  85. "ZDNet". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-05-17. Nakuha noong 2008-05-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  86. Higit na mabuti ang Windows Server 2008 kaysa sa Vista?
  87. "ZDNet". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-05-16. Nakuha noong 2008-05-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  88. "HP". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-09-14. Nakuha noong 2008-05-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  89. "PCAdvisor". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-06-30. Nakuha noong 2008-05-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  90. "Inaangkin ng Microsoft na ang Windows ay higit na ligtas kaysa sa Linux". Inarkibo mula sa orihinal noong 2005-07-13. Nakuha noong 2005-07-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  91. Heise Security
  92. Heise Security
  93. Microsoft: Vista Pinakaligtas na OS Magpakailanman
  94. The Register
  95. Windows Vista hindi higit na ligtas kaysa sa XP
  96. "Linux, higit na ligtas kaysa sa Windows ayon sa pag-aaral". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-12-05. Nakuha noong 2008-01-26.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  97. "Windows Security". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-05-27. Nakuha noong 2008-01-22.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  98. Wikinews
  99. User Account Control
  100. User Account Control
  101. "Microsoft Windows Vista: isang balik-tanaw ng UAC". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-06-18. Nakuha noong 2008-01-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  102. Internet Explorer Protected Mode
  103. "Microsoft Windows Vista: balik-tanaw ng Windows Defender". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-07-04. Nakuha noong 2008-01-26.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  104. "Microsoft Windows Defender". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-02-10. Nakuha noong 2008-01-26.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  105. "Microsoft Windows Defender 7". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-05-17. Nakuha noong 2008-05-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  106. "About.com". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-10-19. Nakuha noong 2008-01-26.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  107. Ibinagsak ng Microsoft ang ikalawang pagsusulit ng birus
  108. Windows Life-Cycle Policy
  109. "Hewlett-Packard". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-04-22. Nakuha noong 2008-01-20.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  110. Blog ng MSDN

Panlabas na kawing

Silipin din