Mga salin ng Bibliya

(Idinirekta mula sa Salin ng Bibliya)

Ang mga salin ng Bibliya ay ang pagsasalinwika ng Tanakh na bibliya ng Hudaismo (o Lumang Tipan sa mga bibliyang Kristiyano) at ang Bagong Tipan papunta sa iba't ibang mga wika.

Orihinal na mga wika ng Bibliya

baguhin

Tanakh

baguhin

Ang Tanakh o Bibliya ng mga Hudyo na tinatawag na Lumang Tipan sa bibliyang Kristiyano ay pangunahing isinulat sa Hebreo na may ilang mga bahaging isinulat sa Aramaiko gaya ng sa Aklat ni Daniel at Aklat ni Ezra. Mula ika-9 siglo hanggang ika-15 siglo CE, ang mga skolar na Hudyo na kilala ngayong bilang mga Masorete ay naghambing ng teksto ng lahat ng mga manuskrito ng Bibliya upang lumikha ng isang pinag-isang pamantayang teksto ng Tanakh. Ang isang serye ng labis na magkakatulad na mga teksto ay kalaunang lumitaw at ang anuman sa mga tekstong ito ay tinatawag na Tekstong Masoretiko. Ang mga Masorete ay nagdagdag rin ng mga puntong patinig (niqqud) sa tekstong ito dahil ang orihinal na teksto ay naglalaman lamang ng mga katinig.

Bagong Tipan

baguhin

Ang Bagong Tipan ng Kristiyanismo ay orihinal na isinulat sa Griyegong Koine. Ang mga orihinal na manuskrito ng mga aklat ng Bagong Tipan ay hindi na umiiral at ang tanging umiiral lamang na mga manuskrito nito ang mga kopya ng mga kopya ng mga orihinal na manuskritong nito. Ang pagkakatuklas ng mas matandang mga manuskrito ng Bagong Tipan na kabilang sa tekstong uring Alexandrian na kinabibilangan ng ika-4 na siglong Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ay nagtulak sa mga skolar ng Bagong Tipan na baguhin ang kanilang pananaw sa orihinal na tekstong Griyego. Ang mga pagtatangka sa muling paglikha ng orihinal ay tinatawag na mga edisyong kritikal. Binatay ni Karl Lachmann ang kanyang edisyong kritikal noong 1831 ng mga manuskritong may petsang mula sa ika-4 siglo at mas maaga pa rito upang ipakita na ang Textus Receptus ay dapat itama ayon sa mas naunang tekstong ito.

Ang pangunahing mga tekstong uri ng mga manuskrito ng Bagong Tipan ang Alexandrian na pinakamatandang mga manuskrito, ang Byzantine na pinakahuling mga nilikhang manuskrito at naglalaman ng mga korupsiyon at ang Western. Ang mga manuskritong ito ay naglalaman ng maraming mga pagkakaiba sa pagbabaybayn, mga bantas, mga artikulo at marami pang iba. Ito ay kinabibilangan rin ng mga pagtutuwid ng mga kalaunang skriba, mga pag-aalis ng mga salita o talata at pagdaragdag ng mga salita o talata ng mga kalaunang skriba. Ayon sa mga skolar, ang mga bahagi ng Bagong Tipan na idinagdag(interpolasyon) sa Bagong Tipan ang bahagi ng Ebanghelyo ni Marcos kapitulo 16:9-20, ang Pericope Adulteræ(Juan 7:53-Juan 8:11), ang Comma Johanneum(1 Juan 5:7-8) at ang mga kanluraning bersiyon ng Mga Gawa ng mga Apostol.

Mga salin

baguhin

Mga salin ng Tanakh

baguhin
  • Aramaikong mga Targum: Mga unang salin ng Tora ng Hudaismo ng maging lingguwa prangka ang Aramiko.
  • Samaritanong Pentateuko
  • Septuagint: Ang salin ng Tanakh sa wikang Griyego na isinalin noong ika-3 hanggang ika-1 siglo BCE. Ang saling ito ang pinagsipian ng mga may akda ng Bagong Tipan ng mga sinasabing hula ni Hesus at gayundin ng mga ama ng simbahan. Ito ay hindi tinatanggap ng mga Hudyo sanhi ng mga korupsiyong natagpuan dito. Ang ginagamit ng mga Hudyo na bersiyon ng Tanakh ang Masoretiko.
  • Mga salin sa Griyego ng Hebreong Tanakh nina Aquila ng Sinope, Symmachus at Theodotion.

Mga salin ng Bagong Tipan

baguhin

Ang mga aklat ng Bagong Tipan ay orihinal na isinulat sa Griego. Ang mga kauna unahang salin ng Bagong Tipan sa ibang lenggwahe ay kinabibilangan ng lumang Latin(ika 2 siglo CE), lumang Syriac(ika 4 hanggang ika 5 siglo CE), at Coptic(ikaapat na siglo CE). Isa pang salin sa Latin bukod sa "lumang Latin" ang Vulgata na isinalin ni Jerome(342-420 CE). Ang Peshitta na isinalin sa lenggwaheng Syriac ang bibliang ginagamit sa iglesiang Syriac. Ang Peshitta ay naglalaman ng 22 sa 27 mga aklat ng Bagong Tipan at hindi kasama rito ang 2 at 3 Juan, 2 Pedro, Judas at Apocalipsis. Ang pinakamatandang pragmentaryong manuskrito ng Coptic(sinaunang lenggwahe sa Ehipto) ay nagmula sa ikaapat na siglo CE na binubuo ng mga teksto ng ebanghelyo.

Ang saling Aleman na tinatawag na Luther Bible ay isinalin ng "ama ng repormasyon" na si Martin Luther noong 1534. Ang saling ito ay base sa Textus Receptus. Ang Luther Bible ang kauna unahang salin ng biblia na may hiwalay na seksiyong tinatawag na Apokripa. Ang mga aklat na hindi kasama sa tekstong Masoretiko ng Lumang Tipan ay inilipat ni Luther sa seksiyong ito. Si Luther ay naghayag din ng pagdududa sa apat na aklat ng Bagong Tipan na Sulat sa mga Hebreo, Sulat ni Santiago, Sulat ni Judas at Aklat ng Pahayag. Ang apat na aklat na ito ay inilipat niya sa huli ng mga aklat ng Bagong Tipan.

Ang pinakaunang salin ng Bagong Tipan sa lumang Ingles ay kinabibilangan ng bibliyang Tyndale(1539), Geneva(1560), Bishop(1568), Douay-Rheims(1582), King James Version(1611). Ang mga saling ito ay base sa Griegong Textus Receptus. Ang mga Bagong Salin naman sa Ingles gaya ng NASB(1963) at New International Version o NIV(1973) ay base sa edisyong kritikal ng Griegong Bagong Tipan na "Novum Testamentum Graece" na resulta ng "kritisismong tekstwal". Ang Novum Testamentum Graece ang pinaniwalaan ng mga skolar na pinakamalapit sa orihinal na Griego ng Bagong Tipan. Ang Textus Receptus at Novum Testamentum Graece ay magkaiba sa 6,000 na instansiya ng Bagong Tipan.

Mga pakikitungo ng pagsasalin sa modernong panahon

baguhin

Ang ilang mga pakikitungong lingwistiko, pilolohikal, ideolohikal ay ginamit sa pagsasalin ng mga modernong Bibliya sa kasalukuyang panahon. Ang mga ito ang

Mga pagkakaibang pang-doktrina

baguhin

Bukod sa mga pakikitungong lingwistiko, ang mga isyung teolohikal o pang-doktrina ay nagtutulak rin sa kung paanong isasalin ang mga modernong Bibliya. Ang ilang mga salin na nilikha ng isang sekta o mga pangkat ng sekta ng simbahan ay makikitang sumailalim sa pananaw ng komite ng pagsasalin ng mga sektang ito. Kabilang dito ang saling Bagong Sanlibutang Salin(en:NWT) ng Mga Saksi ni Jehova dahil sa pagsasalin ng ilang mga talata na sumusuporta sa doktrina nito. Kabilang sa mga binagong ito sa NWT ang tungkol sa pagkadiyos ni Kristo na iba sa ibang salin at ang pagpapalit ng Kyrios, "Lord," bilang "Jehovah" kapag tumutukoy sa diyos.

Mga pinagbatayang manuskrito

baguhin

Ang isang mahalagang isyu sa pagsasalin ng Bibliya ang pagpili ng pinagsangguniang manuskrito o teksto. Dahil hindi na umiiral ang mga orihinal na manuskrito nito at ang mga kopya ng kopya ng kopya nito ay naglalaman ng maraming mga pagkakaiba, pagtutuwid, interpolasyon, pagbabawas, kaya mahalaga na tukuyin ang orihinal na teksto o ang pinakamalapit sa orihinal na teksto nito. Ang prosesong ito ang tekstuwal na kristisismo. Sa Tanakh, ang Masoretiko ang karaniwang ginagamit sa pagsasalin ng Lumang Tipan sa mga modernong salin. Ang Septuagint ay ginagamit sa pagsasalin ng apokripa. Ang Septuagint ay hindi ginagamit sa kasalukuyang Rabinikong Hudaismo dahil sa sinsasabing korupsiyon nito. Sa Bagong Tipan, ang tekstong uri ng pinakamatandang mga manuskritong Alexandrian ang batayan ng kritikal na edisyong Novum Testamentum Graece na nabuo mula sa Tekstuwal na kristisismo at basehan ng mga modernong salin ng Bibliya. Ito ang pinaniniwalaang ang pinakamalapit sa orihinal na teksto ng Bagong Tipan. Sa panahon ng Repormasyon, ang batayan ng mga salin gaya ng King James Version at iba pa ng Bagong Tipan ang Textus Receptus na batay sa mga manuskritong Byzantine na mas huli sa Alexandrian.

Mga salitang hindi alam ang kahulugan

baguhin

Ang ilang mga salita partikular na sa Bibliyang Hebreo ay umiiral lamang ng isang beses at wala ng iba pa sa mga sinaunang panitikan. Dahil dito, ang mga kahulugan nito ay minsang nakatago at tanging bahaging matutukoy sa konteksto ng mga talata nito. Marami ring mga salitang Hebreo sa Tanakh ay malabo o maraming kahulugan at ang kahulugan ng mga ito ay hindi matitiyak sa konteksto nito.

Kontrobersiya sa kasarian

baguhin

May mga salin ng modernong Bibliya na gumagamit ng neutral na wika sa ilang mga talata. Halimbawa, ang salitang isinaling "mga anak" sa Mateo 5:9 ay karaniwang isinasaling "mga anak na lalake"(sons) ngunit ang ilan ay gumamit ng "mga anak" upang isama ang parehong mga kasarian.