Ang patis ay isang uri ng sawsawang gawa mula sa inasnang mga isda o hipon na pinaasim ng hanggang dalawang taon.[1][2][3]:234 Malinaw na kalawangin ang kulay nito, at ginagamit bilang sawsawan o panimpla sa mga lutuin ng Silangang Asya at Timog-silangang Asya, lalo na sa Myanmar, Kambodya, Laos, Pilipinas, Taylandiya, at Biyetnam.[4]
Dahil sa kakayahan nitong magpalinamnam ng mga pagkain, niyakap-yakap ito ng mga kusinero at naglulutong-bahay sa buong mundo. May lasang umami ang patis dahil sa nilalamang glutamato nito.[5]
Naitala sa Tsina, 2300 taon na ang nakalipas, ang mga sarsang nagsangkap ng mga binurong bahagi ng isda at mga iba pang sahog tulad ng karne at balatong.[6] Sa panahon ng dinastiyang Zhou ng sinaunang Tsina, ginawang kondimento ang binurong isda na may balatong at asin.[7][8] Pagsapit ng dinastiyang Han, binuro ang mga balatong nang walang kasamang isda para maging masang balatong at ang kakambal na produkto nito, toyo,[9]:346, 358-359 at nabuo nang nakahiwalay ang mga sarsa ng binurong isda para maging patis.[10] Posible na ang isang uri ng patis na tinatawag na kôechiap sa wikang Hokkien ang pinanggalingan ng ketsap.[11][2]:233
Ang patis ay isa sa mga pinakaimportanteng sangkap sa lutuing Pilipino.[12] Isa itong kakambal na produkto sa paggawa ng bagoong, kabilang dito ang bagoong isda (binurong isda) at bagoong alamang (binurong alamang). Karaniwang maliliit ang mga isda na ginamit tulad ng mga sardinas, dilis, galunggong, at mga anak ng mga mas malalaking isda. Di-tulad ng ibang mga baryante ng patis, hindi itinatapon ang mga binurong solido ngunit ibinebenta bilang hiwalay na produkto. Sinasagap ang patis mula sa bandang ibabaw ng binuburong bagoong at hindi pinipiga. Kaya kadalasang mas matagal ang paggawa ng Pilipinong patis kumpara sa iba pang uri ng patis dahil nakatali ito sa kahandaan ng bagoong.[13][14][15]
Halos palaging niluluto ang patis bago kainin, kahit na ipinantitimpla sa mga ensalada o iba pang hilaw na pagkain. Sinasangkap din ang patis sa mga lutong pagkain, kabilang ang arroz caldo, bilang kondimento para sa pritong isda o pampaumami sa karaniwang ulam na sinigang. Nagagamit din ang patis bilang panghalili ng asin tuwing kainan upang pasarapin ang kinakain. Maipapatak ito sa pagkain mula sa bote, o maihahalo sa kalamansi at siling labuyo para maging sawsawan.[16][15][17][13]
Mga tradisyonal na burnay (tapayan) na naglalaman ng bumuburong bagoong sa Ilocos Norte
↑Diksyunaryong Tagalog-Ingles ni Leo James English, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971-91055-0-X
↑ 2.02.1McGee, Harold. On Food and Cooking: The Science and Lore of the Kitchen [Patungkol sa Pagkain at Pagluluto: Ang Agham at Alamat ng Kusina] (sa wikang Ingles) (ika-Kindle (na) edisyon). Scribners.
↑Lacquian, Eleanor at Irene Sobreviñas (1977). "Patis". Filipino Cooking Here & Abroad (Lutuing Pilipino Dito at sa Labas ng Bansa).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
↑Butler, Stephanie (2012-07-20). "Ketchup: A Saucy History". History (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2017-04-04.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
↑"调料文化:酱油的由来". Big5.xinhuanet.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Enero 2012. Nakuha noong 2018-06-21.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
↑"醬", 维基百科,自由的百科全书 (sa wikang Tsino), 2024-04-19, nakuha noong 2024-12-30{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
↑Hsing-Tsung, Huang (2000). Joseph Needham: Science and Civilisation in China, Vol.6, Part 5. Cambridge University Press. ISBN0521652707.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
↑"Patis / Fish Sauce". Market Manila (sa wikang Ingles). 14 Hulyo 2007. Nakuha noong 13 Enero 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
↑ 13.013.1"Filipino Icon: Bagoong" [Ikonong Pilipino: Bagoong]. For Filipinos in Europe (sa wikang Ingles). 8 Abril 2014. Nakuha noong 13 Enero 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
↑Van Veen, E.M. (1953). "Fish Preservation in Southeast Asia" [Pagpepreserba ng Isda sa Timog-silangang Asya]. Sa Mrak; Stewart, G.F. (mga pat.). Advances in Food Research [Mga Pagsulong sa Pananaliksik sa Pagkain] (sa wikang Ingles). Bol. 4. Academic Press. p. 217. ISBN9780080567495.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)