Kasaysayan

Sistematikong pag-aaral sa mga nakaraang pangyayari
(Idinirekta mula sa Nakasulat na nakalipas)

Kasaysáyan[1][a] ang sistematikong pag-aaral at pagdodokumento sa nakaraan. Madalas tumutukoy ito sa nakaraan matapos ang pag-imbento sa pagsulat; ang panahon bago ang puntong ito ay tinatawag naman na prehistorya. Para malaman ng mga historyador ang mga kaganapan sa nakaraan, naghahanap sila at pinag-aaralan ang mga mapagkukunang nila ng impormasyon, tulad ng mga nakasulat na dokumento, pasalitang paglalarawan, sining, at materyal na artipakto, gayundin ang mga iniwang bakas sa kalikasan.[3] Dahil patuloy na gumagalaw ang oras, hindi makukumpleto ang kasaysayan, at hindi kailanman makukuha ng mga historyador ang kumpletong larawan patungkol sa isang pangyayari nang walang kiling.

Si Herodoto ang itinuturing na "Ama ng Kasaysayan."

Isang larangan ang kasaysayan na gumagamit ng naratibo upang mailarawan, maipaliwanag, kwestyunin, at suriin ang mga pangyayari sa nakaraan, pati na rin ang pag-imbestiga sa kahalagahan at ang sanhi at bunga ng naturang pangyayari sa isang lugar o sa mundo. Pinagdedebatehan ng mga historyador ang kalikasan ng kasaysayan, at ang silbi nito sa paghugis sa mga problema sa kasalukuyan.[4]

Madalas ginugrupo bilang mga pamanang kultural ang mga kuwentong karaniwan sa isang kultura, tulad halimbawa ng mga kuwentong-bayan kagaya ng kay Haring Arturo sa Britanya at ang kuwento ng Sampung Datu ng Borneo sa Pilipinas.[5] Iba ang kasaysayan mula sa mito dahil sa pagkakaroon nito ng mga ebidensiyang mapapatunayan. Malawak ang modernong pag-aaral ng kasaysayan, mula sa malalawak na paksa tulad ng kasaysayan ng sangkatauhan hanggang sa mga napakatiyak tulad ng kasaysayan ng isang lungsod. Bahagi ito ngayon ng kurikulum ng maraming mga bansa sa mundo, at tinuturo bilang asignatura sa mababa at mataas na edukasyon, gayundin bilang isang kursong inaalok ng mga pamantasan.

Si Herodoto ang kinokonsiderang "Ama ng Kasaysayan" dahil siya ang itinuturing na unang historyador ng Kanluraning Mundo.[6] Kinekredit siya pati na rin ang kontemporaryo niyang si Tucidides bilang mga nagpasimula sa kasaysayan bilang isang lehitimong pag-aaral sa Europa. Samantala, sa Silanganing Mundo, nakasulat sa Mga Tala ng Tagsibol at Taglagas ang opisyal na 241 taong kasaysayan ng Estado ng Lu (ngayo'y bahagi ng Tsina), bagamat maliit na bahagi na lang nito ang nananatili sa kasalukuyan.

Etimolohiya

 
History ("Kasaysayan") ni Frederick Dielman (1896)

Galing sa "sanaysay" ("kuwento") ang salitang "kasaysayan," na nagmula naman sa salitang "saysay" ("pahayag").[1] Ang pagkakaroon ng panlaping kabilaan na "ka-...-an" sa salita ang nagpapahiwatig na isa itong pangngalang kolektibo, sa kahulugang "koleksyon ng mga kuwento." Samantala, galing naman sa wikang Kastila ang salitang "historya".[2] Nagmula naman ito sa sinaunang wikang Griyego na historía (Sinaunang Griyego: ἱστορία, romanisado: historíā, lit. 'paliwanag').[7] Sa ganitong pananaw isinulat ni Aristoteles ang kanyang akdang Kasaysayan ng mga Hayop.[8] Ang ninunong salita nito, ἵστωρ, ay makikita sa mga himno ni Homer, kay Heraklito, sa panunumpa ng mga ephebos ng Atenas, at sa mga kasulatang sa rehiyon ng Boeotia; ginamit ito sa pananaw na "manghusga." Hiniram ang salitang ito sa wikang Latin bilang historia ("imbestigasyon", "paliwanag", o "naratibo"), na kalaunan ay hiniram din ng mga wikang Romanse katulad ng wikang Kastila, Pranses, at Ingles. Nagmula sa wikang Anglo-Norman ang salitang Ingles na history, kung saan una itong lumabas sa Gitnang Ingles sa pananaw na "kuwento"; ang modernong salitang Ingles na story ay nagmula rin sa salitang ito.[9] Ang modernong kahulugan ng history ay nagmula sa Renasimiyento, kung saan ginamit ni Francis Bacon ang kahulugan nito sa wikang Griyego upang ilarawan ang likas na kasaysayan.[9]

Prehistorya

 
Ang Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna ay ang pinakamatandang rekord na nakasulat sa Pilipinas. Tinatayang ginawa ito noong 900 KP.

Ginagamit ang punto ng pagkaimbento sa pagsulat bilang ang simula ng kasaysayan ng isang lugar. Ito ay dahil kinakailangan ng pisikal na ebidensiya ang kasaysayan, at hindi ito matutupad nang walang rekord na nakasulat, tulad halimbawa ng mga hiroglipiko sa sinaunang Ehipto. Ang panahon bago ito ay tinatawag na prehistorya (lit. na 'bago ang kasaysayan'). Hindi pantay-pantay kung kailan nagsimula ang kasaysayan at nagtapos ang prehistorya, dahil sa iba't ibang punto ng panahon naimbento ang pagsulat sa iba't ibang kabihasnan. Bukod dito, ginagamit rin ang salitang prehistorya upang tukuin ang panahon bago ang unang beripikadong rekord na nakasulat. Halimbawa, ang Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna ay tinatayang nagawa noong 900 KP.[10] kaya naman ito ang ginagamit na batayan sa hangganan ng kasaysayan ng Pilipinas at ang prehistorya nito. Mas maagang nagsimula ang kasaysayan sa ibang lugar, lalo na sa mga lambak-ilog ng Tigris-Euphrates, Indus, at Yangtze, kung saan may mga nakasulat na'ng rekord simula pa noong 5000 BKP.

Historiograpiya

 
Mga retaso ng ika-2 siglong papirong kopya ng Ang Kasaysayan ni Herodoto.

Historiograpiya ang tawag sa pag-aaral sa mga paraan na ginagamit ng mga historyador sa pagsusuri sa kasaysayan. Maaari rin itong tumukoy sa koleksyon ng mga magkakatulad na gawa patungkol sa isang paksa. Kadalasang patungkol ito sa paksa; halimbawa, ang historiograpiya ng Pilipinas at ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maaari rin itong patungkol sa isang bahagi ng pag-aaral sa kasaysayan, tulad halimbawa ng kasaysayang pampulitika at kasaysayang panlipunan. Simula noong ika-19 na siglo, ang pag-aaral sa historyograpiya ay binigyang-pansin, bagamat may mga iilang panitikang nagawa bago ito. Pinakasikat sa mga ito ang Ang Kasaysayan ni Herodoto at Mga Tala ng Dakilang Historyador o Shiji, na ginawa ni Sima Qian. Noong ika-20 siglo, nagsimula namang isama ng mga historyador ang pananaw na panlipunan sa kanilang mga historiograpiya, tulad ng politika, ekonomiya, at kultura.[11]

Kaparaanan

 
Isang depiksyon sa Dakilang Aklatan ng Alexandria.

Sa Europa, nagsimula ang pagdebelop sa mga kaparaanan simula noong panahon ni Herodoto, kung saan isinulat niya ang Mga Kasaysayan ukol sa Digmaang Griyego-Persyano. Para dito, tinagurian siyang "Ama ng Kasaysayan." Samantala, isinulat naman ni Tucidides, isang kontemporaryo ni Herodoto, ang Kasaysayan ng Digmaang Peloponisos. Di tulad ni Herodoto, itinuring ni Tucidides na produkto ang kasaysayan ng mga gawain at mga piniling landas ng sangkatauhan, hindi isang resulta ng supernatural na pangyayari.[12] Binigyang-diin niya ang kronolohiya ng mga pangyayari nang walang pagkiling. Naniwala ang mga historyador ng sinaunang Gresya, kabilang silang dalawa, sa ideya na umuulit ang kasaysayan.[13]

Samantala, sopistikado na ang larangan ng historyograpiya sa sinaunang Tsina. Nagsimula ito sa historyador ng korte na si Sima Qian, ang may-akda ng Mga Tala ng Dakilang Historyador (Shiji). Pagsapit naman ng Gitnang Kapanahunan sa Europa, naging maimpluwensya ang mga gawa ni Agustin ng Hipona sa mundo ng Kristiyanismo at ng kaisipang Kanluranin. Madalas pinag-aaralan ang kasaysayan sa panahong ito sa pananaw ng relihiyon. Nagbago ito pagsapit ng ika-19 na siglo, nang nagsimulang magpokus ang mga historyador sa pilosopiya tulad ng kay Georg Wilhelm Friedrich Hegel, at naging mas sekular.[14]

Sa aklat na Muqaddimah (1377), nagbabala ang may-akda nitong si Ibn Khaldun sa pitong kamalian ginagawa diumano ng mga historyador. Ayon sa kanya, magulo ang nakaraan kaya dapat itong masusing pag-aralan. Kontra siya sa mga nakatalang supernatural na haka-haka at sa hindi paggamit ng datos ng kasaysayan. Nagmungkahi siya ng kaparaanan sa pag-aaral sa kasaysayan na katulad halos ng pamamaraang makaagham na maiimbento sa Europa sa mga sumunod na siglo. Ito ang nagbigay-daan sa kritikal na pag-aaral sa gampanin ng propaganda, estado, komunikasyon, at sistematikong pagkiling sa kasaysayan; dahil rito, itinuturing siyang "ama ng historyograpiya".[15][16]

Sa Kanluraning Mundo, nagsimulang madebelop ang modernong historyograpiya noong ika-17 at ika-18 siglo sa Pransiya at Alemanya. Bagamat may mga historyador sa panahong ito na nangangahad na gawing maagham ang pag-aaral sa kasaysayan, tulad ni Henry Thomas Buckle, laganap ang ideya ni Leopold von Ranke patungkol sa larangan sa panahong ito. Ayon kay Ranke, dapat maingat na kolektahin ang mga datos ng kasaysayan, at suriin ito nang kritikal at mabuti.[17] Pagsapit ng ika-20 siglo, nagsimulang lumayo ang mga historyador sa pagtrato sa kasaysayan bilang mga pangyayari na resulta ng mga "dakilang tao" o pokus sa mga mala-epikong sanaysay patungkol sa isang bansa sa lente ng nasyonalismo. Imbes, nagpokus na sila sa aspetong panlipunan ng kasaysayan. Nagbigay-daan ito upang ituring bilang isang agham panlipunan ang kasaysayan, di kagaya noon na isang sining ang tingin sa larangan.[18]

Sangay

Periodisasyon

Madalas hatiin ng mga historyador ang kasaysayan sa mga maliliit na bloke ng panahon. Binibigyan nila ng mga pangalan ito (hal. Panahon ng Pagtuklas, Gitnang Kapanahunan) upang mas mapadali ang pagtukoy sa isang partikular na pangyayari.[19] Bagamat may mga pangkalahatang pangalan ang binibigay sa mga panahon sa kasaysayan ng mundo, hindi ito pare-pareho sa iba't ibang panig ng mundo. Ginagamit madalas ang siglo at dekada sa pagpepetsa sa mga bloke, depende sa ginagamit na sistema (hal. KP sa Karaniwang Panahon at BKP sa Bago ang Karaniwang Panahon). Ginagamit din ang periodisasyon sa prehistorya, bagamat saklaw ito ng arkeolohiya.[20]

Heograpiya

Simula ng pag-aaral ng kasaysayan ang pagpili sa partikular na lugar na magiging saklaw ng pag-aaralan. Halimbawa, kasaysayan ng isang kontinente, bansa, o lungsod. Mahalaga ito upang mabigyan ng konteksto ang mga pangyayari. Malaking bagay ang panahon, lokasyon ng tubig at ang kalupaan ng lugar sa pag-aaral sa mga pangyayaring naganap doon. Halimbawa, nagsimula ang mga unang sibilisasyon malapit sa mga ilog, tulad ng Ilog Nilo, na nagbigay-daan upang magkaroon dito ng isang malakas na sibilisasyon sa lugar. Dahil sa taunang pagbaha, hindi masyadong kailangan ng maraming magsasaka, kaya naman nagkaroon ng ibang mga trabaho.

Narito ang mga pahina patungkol sa mga kasaysayan sa mga kontinente ng mundo:

Politikal

Saklaw ng kasaysayang politikal ang pag-aaral sa politika ng isang lugar, at ang epekto nito sa pangkalahatang kasaysayan sa lugar. Pinag-aaralan dito ang mga organisasyon at operasyon ng kapangyarihan sa mga lipunan.

Si Leopold von Ranke ang nagpasimula sa maagham na pag-aaral sa kasaysayan ng politika. Mahalagang aspeto ang ideolohiya sa pag-aaral, at nakapokus ito madalas sa mga pinuno at mahahalagang tao at ang kanilang desisyon. Gayunpaman, mula dekada 1960s, nagsimulang humina ang pag-aaral dahil sa mga pag-angat ng ibang mga katulad na larangan tulad ng kasaysayang panlipunan at kultural, na nagpokus naman sa lipunan.

Militar

 
Ang Digmaang Prangko-Pruso, digmaan sa pagitan ng Imperyo ng Pransiya at Hilagang Alemanya. Ang naturang digmaan ang nagpabagsak sa huling imperyo ng Pransiya at ang pagsisimula ng ikatlong republika, at nagbigay-daan ito sa pagkabuo ng modernong Alemanya.

Pinag-aaralan sa kasaysayang militar ang digmaan, estratehiya, labanan, sandata, at ang sikolohiya ng pakikipaglaban. Saklaw din nito ang pag-aaral sa mga doktrina, taktika, at dahilan ng pakikipagdigmaan. Bagamat nakapokus ang pag-aaral sa mga heneral at komander ng mga labanan, sa modernong panahon, nagpopokus ang mga historyador sa mga sundalong lumaban at ang epekto ng mga digmaan sa kasalukuyan at hinaharap.

Relihiyon

Mahalagang tema sa mga historyador ang pag-aaral sa kasaysayan ng mga rehiliyon. Matagal na'ng nakatala ang depiksyon ng relihiyon ng sangkatauhan. Gayunpaman, ang konsepto ng "relihiyon" ay nabuo noong ika-16 at ika-17 siglo. Pinag-aralan ng mga iskolar ang mga banal na teksto ng mga relihiyon, tulad ng Bibliya at Koran. Malaki ang saklaw ng pag-aaral, mula sa kaligirang politikal nito hanggang sa teolohiya at liturhiya.

Panlipunan

Ang kasaysayang panlipunan ay ang sangay ng kasaysayan na nakatuon sa ordinaryong tao. Dinodokumento nito ang buhay ng mga lipunan mula sa konteksto ng kabuuang kasaysayan ng lugar. Una itong sumikat noong dekada 1960s kasabay ng mga pagbabagong naganap sa dekadang yon, bagamat ang pinagmulan nito ay maaaring nagsimula pa isang siglo bago ito. Bago ang dekadang ito, tipikal na tinutukoy ng kasaysayang panlipunan ang mga popular na kilusan na kontra sa may kapangyarihan, tulad halimbawa ng populismo.

Kultura

Kasaysayang kultural ang sangay ng kasaysayan na nakatuon sa kultura ng isang lugar o lipunan. Malawak ang saklaw nito, at kabilang sa mga sangay na nasa ilalim nito ang kasaysayan ng sining at musika. Bukod dito, sakop din nito ang pagtatala sa mga seremonya, paniniwala, at kaugalian ng mga tao sa isang lipunan.[21]

Diplomasya

Nakatuon ang kasaysayang diplomatiko sa relasyon ng mga bansa, lalo na sa diplomasya at sa mga sanhi ng digmaan. Inilalarawan nito ang kasaysayan sa pananaw ng estratehiya sa mga relasyong panlabas ng mga bansa bilang ang sanhi ng mga pagbabago sa kasaysayan. Ayon kay Muriel Chamberlain, matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig, "pinalitan ng kasaysayang diplomatiko ang kasaysayang konstitusyonal bilang ang simula ng mga imbestigasyong pangkasaysayan, na noo'y ang pinakamahalaga, ang pinakatiyak at sopistikado sa lahat ng mga pag-aaral sa kasaysayan."[b][22] Dagdag niya, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinalitan rin ito kalaunan ng kasaysayang panlipunan.

Ekonomiya

 
Ang GDP ng mundo kada kapita World GDP mula 1400 hanggang 2003.

Bagamat itinuturing na bilang sangay ang kasaysayang pang-ekonomiya simula pa noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, mas kumikiling na sa ngayon ang pag-aaral sa ekonomiya sa konteksto ng ekonomiya at hindi sa tradisyonal na pag-aaral sa kasaysayan.[23] Kalapit na sangay nito ang kasaysayang pangnegosyo, na nag-aaral naman sa kasaysayan ng mga kumpanya, organisasyon, at negosyo sa isang lugar. Mas madalas itong itinuturo sa mga paaralang pangnegosyo.[24]

Kalikasan

Maituturing na bago ang pag-aaral sa likas na kasaysayan, na pormal na naging sangay noong dekada 1980s.[25] Pinag-aaralan nito ang interaksyon ng sangkatauhan sa kalikasan sa paglipas ng panahon, at ang epekto nito sa kabuuang kasaysayan. Una itong seryosong pag-aralan sa Estados Unidos bilang resulta ng mga kilusang pangkalikasan na unang umusbong noong dekada 1960s. Bagamat nagsimula ito bilang resulta sa mga problema sa kalikasan tulad ng pag-init ng daigdig, lumawak ang saklaw nito upang maisama ang populasyon, lungsod, at ang padebelop ng likas-kaya sa mga ito.[26]

Pandaigdig

Pinag-aaralan sa pandaigdigang kasaysayan ang mga pangunahing kabihasnan ng nakalipas na 3000 taon. Di tulad ng ibang mga sangay ng kasaysayan, isa itong sangay na panturo at hindi pampananaliksik. Sumikat ang sangay na ito sa Estados Unidos at Hapon noong dekada 1980s bilang resulta ng unti-unting pag-usbong ng globalisasyon.[27][28]

Ideya

Unang umusbong ang kasaysayang intelektuwal at ang kaugnay nitong kasaysayan ng mga ideya noong ika-20 siglo. Nagpopokus ito sa mga intelektuwal at ang kanilang mga ideya at aklat, gayundin sa mga ideya bilang isang hiwalay na bagay.[29][30]

Laylayan

Pokus sa kasaysayan ng nasa laylayan na maidokumento ang kasaysayan sa pananaw ng pangkaraniwang tao. Sakop nito ang mga kilusan ng mga tao at ang mga itinuring na "tagalabas", mga indibidwal na madalas na hindi itinatala sa kasaysayan tulad ng mga mahihirap, hindi bumoboto, naaapi, at mga naiiba sa karaniwan. Madalas itong isinusulat ng mga may-akda na makakaliwa at sosyalista, tulad halimbawa ng History Workshop sa Reyno Unido noong dekada 1960s.[31]

Publiko

Isang malawak na sangay ng kasaysayan ang kasaysayang pampubliko, na kalimitang pinapraktis ng mga taong may kaunti o di pormal na pagsasanay sa kasaysayan at labas sa akademiya. Una itong umusbong noong dekada 1970s sa Estados Unidos at Canada, at naging propesyonal ito kalaunan. Ilan sa mga lugar na tipikal na saklaw nito ang mga pook pangkasaysayan, lugar ng mga labanan, museo, mga pelikula, at simula noong ika-21 siglo, sa internet.[32]

Kasarian

 
Isang demonstrasyon noong 1970 ukol sa kalayaan ng mga bakla.

Isang sangay sa ilalim ng kasaysayan at araling pangkasarian ang kasaysayang pangkasarian. Layunin nito na tingnan ang nakaraan sa pananaw ng kasarian. Una itong umusbong bilang isang sangay na resulta ng pemenismo at ang kasaysayan ng kababaihan. Ngayon, malawak na ang saklaw ng pag-aaral upang isama rin ang pagkalalaki at pagkababae, gayundin ang mga kasarian na labas sa tradisyonal na konsepto, tulad ng mga bakla, silahis, at transgender (kolektibong tinatawag na LGBT). Kaugnay ng pag-aaral na ito ang kasaysayan ng LGBT, na nakapokus naman sa pagdodokumento sa mga unang nakatalang pangyayari na patungkol sa LGBT, kagaya halimbawa ng mga nakatalang relasyon ng magkaparehong kasarian sa iba't-ibang mga kultura sa mundo.[33]

Historyador

Historyador o mananalaysay ang tawag sa mga taong nag-aaral ng kasaysayan at kinokonsiderang ekaperto patungkol rito. Pinag-aaralan nila ang mga pangyayari sa nakaraan ng sangkatauhan gamit ang samu't saring mga metodolohiya. Bagamat maraming tao ang nagtala ng mga pangyayari sa nakaraan, noon lamang ika-19 na siglo nagsimulang tawagin ang mga taong ito bilang mga historyador, sa kasagsagan ng paglago ng pananaliksik sa mga pamantasan sa Alemanya at sa mga karatig-lugar nito.

Seudohistorya

 
Ang Holokausto ay ang sistematikong pagpatay ng mga Nazi sa mga Hudyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagamat maraming ebidensiyang nakasulat at pisikal ang nagpapatunay sa katotohanan ng pangyayari, marami pa ring tao ang itinatanggi ito nang buo o bahagya.

Seudohistorya ang tawag sa anyo ng kasaysayan na sadyang binabago o minamanipula upang iabante ang isang ideya, paniniwala, o agenda. Madalas itong gumagamit din ng mga kaparehong kaparaanan sa pagkolekta ng kasaysayan ng mga iskolar. Kaugnay ito sa seudosiyensiya at seudoarkeolohiya. Ginagamit rin nito ang mga nakakagulat na paratang o isang malawakang kasinungalingan (Ingles: big lie) upang ipamukha na mali ang bersyon ng kasaysayang tinatanggap ng maraming iskolar bilang mga tunay na naganap. Kalimitang tumataliwas ito sa mga ebidensiya, at umaasa sa ideya ng kawalang kasiguraduhan sa mga naganap sa nakaraan. Halimbawa ng mga sikat na seudohistorya ay ang Nawalang Sanhi ng Kompederasiya sa Estados Unidos at ang pagtanggi sa Holokausto, gayundin sa ginto ni Yamashita at ang kodigo ni Kalantiaw sa Pilipinas.

Pagtuturo

 
Mga ibinebentang aklat ng kasaysayan sa isang tindahan ng mga aklat.

Itinuturo ang kasaysayan bilang isang asignatura sa iba't-ibang panig ng mundo. Kontrolado ng maraming bansa ang mga nakasulat sa mga aklat ng kasaysayan na ginagamit ng mga mag-aaral. Ginagawa ito upang maituro ang nasyonalismo at ibigay ang opisyal na naratibo ng isang bansa patungkol sa kasaysayan nito kung saan paborable madalas ang bansa.[34] Halimbawa, sa Hapon, hindi itinuturo sa mga mag-aaral hanggang bago mag-kolehiyo ang masaker sa Nanking at madalas pinapasada lang ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[35] Isa ring halimbawa ang pagtanggal sa mga aklat pampaaralan sa Turkiya ang pagpatay sa mga Armenyano ng mga otoridad ng Imperyong Ottoman noong Unang Digmaang Pandaigdig..[36] Samantala, madalas na may sinusunod na panuntunan ang mga aklat tungkol sa kasaysayan sa mga komunistang bansa.[37] Sa Estados Unidos, kung saan nananatili pa ring kontrobersiyal ang kanilang digmaang sibil noong dekada 1860s,[38] bahagyang iniiba ng mga palimbagan ang ilang termino ukol sa pang-aalipin; halimbawa nito ang paggamit ng McGraw-Hill Education ng salitang worker (lit. na 'manggagawa') upang tukuyin ang mga aliping produkto ng palitan ng alipin sa Atlantiko, na marami ang pumuna.[39]

Iba ang kaso sa Alemanya. Sentro ang Alemanya sa dalawang pandaigdigang digmaan noong ika-20 siglo at responsable sa Holokausto. Matapos ang digmaan, nahati ito sa dalawanf bahagi sa kasagsagan ng Digmaang Malamig, hanggang noong 1990, nang muli itong naging isa. Dahil rito, kontrolado ng 16 estado ang kurikulum ng kasaysayan at maituturing na makakapayapaan at sadyang hindi makabayan. Naging resulta ito sa pagmamaliit ng mga aklat sa ideya ng patriotismo at mas pinapaboran ang ideya ng demokrasya, progreso, karapatang pantao, kapayapaan, at pagka-Europeo.[40]

Tingnan din

Talababa

  1. ibang katawagan: histórya[2]
  2. Orihinal na sipi: "diplomatic history replaced constitutional history as the flagship of historical investigation, at once the most important, most exact and most sophisticated of historical studies"

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 "kasaysayan - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 "historya - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Arnold, John H. (2000). History: A Very Short Introduction [Kasaysayan: Isang Maikling Pagpapakilala] (sa wikang Ingles). New York: Oxford University Press. ISBN 019285352X.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Richard J. Evans (2001). "The Two Faces of E.H. Carr" [en]. History in Focus (sa wikang Ang Dalawang Mukha ni E. H. Carr). University of London. Inarkibo mula sa orihinal noong 9 Agosto 2011. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: unrecognized language (link)
  5. Lowenthal, David (2000). "Dilemmas and Delights of Learning History" [Mga Dilema at Kasiyahan sa Pagkatuto sa Kasaysayan]. Sa Peter N. Stearns; Peters Seixas; Sam Wineburg (mga pat.). Knowing Teaching and Learning History, National and International Perspectives [Pag-intindi, Pagturo, at Pagtuto sa Kasaysayan, Pambansa at Pandaigdigang Perspektibo] (sa wikang Ingles). New York & London: New York University Press. p. 63. ISBN 978-0814781418.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Halsall, Paul. "Herodotus" [Herodoto]. Internet History Sourcebooks Project (sa wikang Ingles). Fordham University. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Nobyembre 2020. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Joseph, Brian; Janda, Richard, mga pat. (2008) [2004]. The Handbook of Historical Linguistics [Handbook ng Lingguwistikang Pangkasaysayan] (sa wikang Ingles). Blackwell Publishing. p. 163. ISBN 978-1405127479.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Ferrater-Mora, José (1994). Diccionario de Filosofia [Diksiyonaryo ng Pilosopiya] (sa wikang Kastila). Barcelona: Editorial Ariel.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. 9.0 9.1 "history, n.". OED Online (sa wikang Ingles). Oxford University Press. 9 Marso 2015.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Postma, Antoon (1992). "The Laguna Copper-Plate Inscription: Text and Commentary" [Ang Inskripsyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna: Teksto at Komentaryo]. Philippine Studies (sa wikang Ingles). Pamantasan ng Ateneo de Manila. 40 (2): 182–203. JSTOR 42633308.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Georg G. Iggers (2005). Historiography in the Twentieth Century: From Scientific Objectivity to the Postmodern Challenge [Historyograpiya sa Ikadalawampung Siglo: Mula Maagham na Kawalang-kilingan papunta sa Hamon ng Posmodernismo] (sa wikang Ingles). p. 1-4. ISBN 978-0819567666.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. Lamberg-Karlovsky, C.C.; Jeremy A. Sabloff (1979). Ancient Civilizations: The Near East and Mesoamerica. Benjamin-Cummings Publishing. p. 5. ISBN 9780881338348.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. Lamberg-Karlovsky, C.C.; Jeremy A. Sabloff (1979). Ancient Civilizations: The Near East and Mesoamerica [Mga Sinaunang Kabihasnan: Ang Malapit na Silangan at Mesoamerika] (sa wikang Ingles). Benjamin-Cummings Publishing. p. 6. ISBN 9780881338348.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Graham, Gordon (1997). "Chapter 1" [Kabanata 1]. The Shape of the Past [Ang Hugis ng Nakaraan] (sa wikang Ingles). University of Oxford.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. Mowlana, H. (2001). "Information in the Arab World" [Impormasyon sa Mundong Arabo]. Cooperation South Journal (sa wikang Ingles). 1.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. Enan, Muhammed Abdullah (2007). Ibn Khaldun: His Life and Works [Ibn Khaldun: Kanyang Buhay at Gawa] (sa wikang Ingles). The Other Press. p. v. ISBN 9789839541533.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. Muse of History, p 147.
  18. Ostrovski, Max (2006). The Hyperbole of the World Order [Ang Hyperbole ng Kaayusang Pandaigdig] (sa wikang Ingles). Lanham: Rowman & Littlefield.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. Marwick, Arthur (1970). The Nature of History [Ang Kalikasan ng Kasaysayan] (sa wikang Ingles). The Macmillan Press LTD. p. 169.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. Lucas, Gavin (2005). The Archaeology of Time [Ang Arkeolohiya ng Panahon] (sa wikang Ingles). Oxon: Routledge. p. 50. ISBN 0415311977.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. Liu, Siyung; Alley, Fatihiya (Agosto 2019). "Learning from the historical culture of American people for the current society" [Kaalaman mula sa historikal na kultura ng lahing Amerikano para sa kasalukuyang lipunan]. Linguistics and Culture Review (sa wikang Ingles). 3 (1): 32–47. Nakuha noong 14 Mayo 2024.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  22. Chamberlain, Muriel (1988). Pax Britannica? British Foreign Policy 1789–1914 [Pax Britannica? Patakarang Panlabas ng Britanya 1789-1914] (sa wikang Ingles).{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. Whaples, Robert (Abril 2010). "Is Economic History a Neglected Field of Study?" [Hindi ba Pinapansin ang Pag-aaral sa Kasaysayang Pang-ekonomiya?]. Historically Speaking (sa wikang Ingles). 11 (2).{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  24. Amatori, Franco; Jones, Geoffrey, mga pat. (2003). Business History Around the World [Kasaysayang Pangnegosyo sa Iba't-ibang Panig ng Mundo] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Hunyo 2009.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  25. Hughes, J.D. (2006). What is Environmental History [Ano ang Likas na Kasaysayan] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Abril 2016.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  26. MacEachern, Alan; Turkel, William J., mga pat. (2009). Method & Meaning in Canadian Environmental History [Paraan at Kahulugan sa Likas na Kasaysayan ng Canada] (sa wikang Ingles). Toronto: Nelson Education. ISBN 978-0-17-644116-6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  27. Sharpe, M.E. (1997). Einsbee, Ainslie; Gluck, Carol (mga pat.). Asia in Western and World History: A Guide for Teaching [Asya sa Kanluranin at Pandaigdigang Kasaysayan: Gabay sa Pagturo] (sa wikang Ingles).{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  28. Akita, Shigeru (Tagsibol 2010). "World History and the Emergence of Global History in Japan" [Pandaigdigang Kasaysayan at ang Pag-usbong ng Pandaigdigang Kasaysayan sa Hapon]. Chinese Studies in History (sa wikang Ingles). 43 (3): 84–96.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  29. Grafton, Anthony (2006). "The History of Ideas: Precept and Practice, 1950–2000 and beyond" [Ang Kasaysayan ng mga Ideya: Panimula at Gawi, 1950-2000 at higit pa] (PDF). Journal of the History of Ideas (sa wikang Ingles). 67 (1): 1–32. doi:10.1353/jhi.2006.0006. S2CID 143746040. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 3 Hunyo 2016. Nakuha noong 6 Disyembre 2015.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  30. Horowitz, Maryanne Cline, pat. (2004). New Dictionary of the History of Ideas [Bagong Diksiyonaryo ng Kasaysayan ng mga Ideya] (sa wikang Ingles). Bol. 6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  31. Wade Matthews (2013). The New Left, National Identity, and the Break-up of Britain [Ang Bagong Makakaliwa, Pambansang Pagkakilanlan, at ang Pagwatak ng Britanya] (sa wikang Ingles). Brill. pp. 20–21. ISBN 978-9004253070. Inarkibo mula sa orihinal noong 28 Setyembre 2020.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  32. Glassberg, David (1996). "Public History and the Study of Memory" [Kasaysayang Pampubliko at ang Pag-aaral sa Alaala]. The Public Historian (sa wikang Ingles). 18 (2): 7–23. doi:10.2307/3377910. JSTOR 3377910.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  33. Morris, Bonnie J. "History of Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender Social Movements" [Kasaysayan ng Kilusang Panlipunan ng Lesbiyana, Bakla, Silahis, at Transgender]. American Psychological Association (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 11 Enero 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  34. Jason Nicholls, pat. (2006). School History Textbooks across Cultures: International Debates and Perspectives [Mga Aklat ng Kasaysayan sa mga Paaralan sa iba't-ibang Kultura: Mga Pandaigdigang Debate at Pananaw] (sa wikang Ingles).{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  35. Claudia Schneider (Mayo 2008). "The Japanese History Textbook Controversy in East Asian Perspective" [Ang Kontrobersiya sa mga Aklat ng Kasaysayan sa Hapon sa Pananaw ng Silangang Asya]. Annals of the American Academy of Political and Social Science (sa wikang Ingles). 617: 107–122.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  36. Guillory, John (2015). The Common Core and the Evasion of Curriculum [Ang Karaniwang Nilalaman at ang Pagsalakay sa Kurikulum] (sa wikang Ingles). Bol. 130. PMLA. pp. 666–672.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  37. "Problems of Teaching Contemporary Russian History" [Mga Problema sa Pagturo sa Kontemporaryong Kasaysayan ng Rusya]. Russian Studies in History (sa wikang Ingles). 43 (3): 61–62. Taglamig 2004.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  38. Goldstein, Dana (12 Enero 2020). "Two States. Eight Textbooks. Two American Stories" [Dalawang Estado. Walong Aklat. Dalawang Kuwento ng Amerika]. The New York Times (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 5 Mayo 2020. {{cite news}}: |archive-date= / |archive-url= timestamp mismatch (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  39. Fernandez, Manny; Hauser, Christine (5 Oktubre 2015). "Texas Mother Teaches Textbook Company a Lesson on Accuracy" [Tinuruan ng isang Ina mula Texas ang isang Kumpanya ng Aklat ukol sa Pagkatumpak]. The New York Times (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Hulyo 2018.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  40. "History Textbooks and Historical Scholarship in Germany" [Mga Aklat ng Kasaysayan at Pag-aaral sa Kasaysayan sa Alemanya]. History Workshop Journal (sa wikang Ingles) (67): 128–129. Tagsibol 2009. {{cite journal}}: Unknown parameter |authors= ignored (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)