Hapon

monarkiyang konstitusyonal na bansa sa Silangang Asya
(Idinirekta mula sa Toyone, Aichi)

Ang Hapon (Hapones: 日本; Nippon o Nihon) ay bansang pulo na matatagpuan sa Silangang Asya. Ito'y nasa hilagang-kanlurang Karagatang Pasipiko, at nasa kanluran ng Dagat Hapon, habang umaabot mula sa Dagat Ohotsk sa hilaga patungo sa Dagat Silangang Tsina at Taywan sa timog. Bahagi ang bansa ng Singsing ng Apoy ng Pasipiko at sumasaklaw sa isang kapuluan ng 6852 pulo na mayroong lawak na 377,975 kilometrong kuwadrado; ang limang pangunahing isla ay ang Honshu, Hokkaido, Shikoku, Kyushu, at Okinawa. Ang kabisera at pinakamalaking lungsod nito ay Tokyo.

Hapon
日本国 (Hapones)
Nippon-koku o Nihon-koku
Awitin: 君が代
Kimigayo
"Paghahari ng Kanyang Kamahalang Imperyal"
Lunting Maitim: Lupaing Hapones. Lunting Mapusyaw: Lupaing inaangkin ngunit hindi pinamamahalaan.
Lunting Maitim: Lupaing Hapones.
Lunting Mapusyaw: Lupaing inaangkin ngunit hindi pinamamahalaan.
Kabisera
at pinakamalaking lungsod
Tokyo
35°41′N 139°46′E / 35.683°N 139.767°E / 35.683; 139.767
Pambansang wikaHapones
KatawaganHapones
PamahalaanUnitaryong parlamentaryong monarkiyang pansaligang batas
• Emperador
Naruhito
Shigeru Ishiba
LehislaturaPambansang Diyeta
• Mataas na Kapulungan
Kapulungan ng mga Konsehal
• Mababang Kapulungan
Kapulungan ng mga Kinatawan
Pagkabuo
Pebrero 11, 660 BK
Nobyembre 29, 1890
Mayo 3, 1947
Lawak
• Kabuuan
377,975 km2 (145,937 mi kuw) (ika-62)
• Katubigan (%)
1.4 (noong 2015)
Populasyon
• Pagtataya sa 2021
125,502,000 (ika-11)
• Senso ng 2020
126,226,568
• Densidad
332/km2 (859.9/mi kuw) (ika-24)
KDP (PLP)Pagtataya sa 2021
• Kabuuan
Increase $5.586 trilyon (ika-4)
• Bawat kapita
Increase $44,585 (ika-27)
KDP (nominal)Pagtataya sa 2021
• Kabuuan
Increase $5.378 trilyon (ika-3)
• Bawat kapita
Increase $42,928 (ika-23)
Gini (2018)33.4
katamtaman · ika-78
TKP (2019)Increase 0.919
napakataas · ika-19
SalapiYen ng Hapon (¥)
Sona ng orasUTC+09:00 (JST)
Gilid ng pagmamanehokaliwa
Kodigong pantelepono+81
Internet TLD.jp
Eksklusibong sonang ekonomiko ng Hapon

Ang Hapon ay binubuo ng 6,852 mga pulo. Karamihan sa mga pulo dito ay mabundok, at ang iba ay may mga bulkan, kabilang na ang pinakamataas na bahagi ng bansa, ang Bundok Fuji. Ang Hapon ay pang-sampu sa may pinakamalaking populasyon, na may 128 milyong katao. Ang Kalakhang Tokyo, kasama ang Tokyo at ang iba pang nakapalibot na prepektura, ay ang pinakamalaking metropolitanong lugar, na tinitirahan ng 30 milyong katao.

May mga pagsasaliksik na nagsasabi na may mga taong nanirahan na sa mga kapuluan ng Hapon noong panahon pa ng paleolitiko. Ang bansang Hapon ay ang ikatlong pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo noong 2012 (ayon sa nominal GDP), at ang ikaanim sa pinakamalaking naaangkat at tagapag-angkat. Ito ay kasapi ng mga Nagkakaisang Bansa, G8, at ng APEC.

Etimolohiya

baguhin

Isinusulat sa wikang Hapones ang pangalan para sa Hapon gamit ang kanji na 日本 at binibigkas na Nippon o Nihon. Nangangahulugan ang simbolong (nichi) na "araw" at (hon) na "base" o "pinagmulan"; kapag pinagsama, maisasalin ito na "pinagmulan ng araw". Galing ang nomenklaturang ito sa pagsusulatan sa Dinastiyang Sui, dahil sa perspektibo ng mga Tsino ay sumisikat ang araw mula sa Hapon. Dito galing ang tanyag na Kanluraning epiteto na "Lupain ng Sumisikat na Araw".[1]:143–144

Bago opisyal na ginamit ang Nihon, nakilala ang Hapon sa Tsina bilang Wa (倭) o Wakoku (倭国), at sa lokal na lugar sa endonimong Yamato. Pangalan ang Wa na ginamit noong maagang bahagi sa Tsina upang tumukoy sa pangkat-etnikong Yayoi na naninirahan sa Hapon noong panahon ng Tatlong Kaharian. Pangunahing nanirahan sila sa islang Kyushu hanggang sa rehiyong Kantō sa Honshu. Kinaugaliang isinulat ng mga eskribang Tsino, Koreano, at Hapones ang Hapon bilang Wa o Yamato na may Tsinong karakter na 倭 hanggang sa ika-8 siglo, nang makita ng mga Hapones ang pagkakamali dahil sa lapastangang konotasyon nito, at pinalitan ng 和 o "armonya, kapayapaan, balanse".

Kasaysayan

baguhin
 
Sasakyang pandagat ng mga Jomon (3000 hanggang 2000 BC)

Ang isang kulturang Paleolitiko noong mga 30,000 BCE ang bumubuo ng unang alam na pagtira ng tao sa kapuluang Hapones. Ito ay sinundan noong mga 14,000 BCE na pasimula ng panahong Jōmon ng isang kulturang Mesolitiko hanggang Neolitiko na semi-sedentaryong mangangaso-tagpagtipon na kultura na kinabibilangan ng mga ninuno ng parehong mga kontemporaryong taong Ainu at taong Yamato na inilalarawan ng mga tirahang hukay at isang rudimentaryong agrikultura. Ang mga pinalamutiang putik na tapayan ang ilan sa mga pinakamatandang umiiral na halimbawa ng palayukan sa mundo. Noong mga 300 BCE, ang isang uri ng mga bagong tao na mga Yayoi na marahil ay galing sa kontinenteng Asya ay nagsimulang pumasok sa kapuluang Hapon. Sila ang nagmarka ng mga bagong kasanayan tulad ng pagtatanim ng bigas, mga sinaunang uri ng pananahi, pagpapaamo sa mga kabayo at baka, at paggamit ng mga bakal at tanso bilang kagamitan. Ang kanilang kultura ay humalo sa unang kultura ng Jomon. Ang Hapon ay unang lumitaw sa isinulat na kasaysayan sa isang Aklat na Tsino na Aklat ng Han. Ayon sa Talaan ng Tatlong Kaharian, ang pinakamakapangyarihang kaharian sa kapulugang Hapones ay noong ikatlong siglo na tinatawag Yamataikoku. Ang pinakaunang naisulat na kasaysayan patungkol sa Hapon ang Kojiki at Nihon shoki na nagsasalaysay ng mito ng paglikhang Hapones hinggil sa pinagmulan ng langit at mundo gayundin sa pinagmulan ng kapuluang Hapon, kung paano nabuo ang pundasyon ng estado at ang unang emperador ng Hapon na si Emperador Jimmu noong 660 BCE. Si Emperador Jimmu ay apo sa tuhod ni Ninigi-no-Mikoto na bumabang mula sa langit na apo naman ng Diyosa ng araw na si Amaterasu. Sa mga Hapones, ang kanilang mga Diyos ay mababait, matatalino at marangal. Ang panahong Nara (710–794 CE) ay nagmarka ng pag-ahon ng isang malakas na estadong Hapones na nakasentro sa isang korteng imperyal sa Heijō-kyō (modernong Nara). Ito ay inilalarawan ng paglitaw ng umaahong panitikan gayundin ang pag-unlad ng mga sining at arkitekturang Budista. Noong 784, nilipat ni Emperador Kammu ang kabisera mula Nara tungo sa Nagaoka-kyō bago muling ilipat sa Heian-kyō (modernong Kyoto) noong 794. ito ang pasimula ng panahong Heian (794–1185 CE) kung saan ang isang natatanging katutubong kulturang Hapones ay lumitaw na kilala sa sining, tula at prosa. Ang Ang Kuwento ni Genji at titik ng pambansang awitin ng Hapon na Kimi ga Yo ay isinulat. Ang Budismo ay kumalat sa panahong Heian na pangunahing sa pamamagitan ng dalawang mga sektang Tendai ni Saichō at Shingon ni Kūkai. Ang Budismong Dalisay na Lupain (Jōdo-shū, Jōdo Shinshū) ay sumikat sa huling kalahati ng ika-11 siglo. Ang Panahong Yamato, mula sa ika-6 siglo hanggang ika-9 siglo, ay nakitaan ng pagbuo ng isang dominanteng politika na nakasentro sa kapatagang Yamato sa katimugang bahagi ng pangunahing pulo ng Hapon ng Honshu. Sinasabi nila na ang kanilang mga ninuno ay ang mga diyos ng araw at natamo ang kaisahang pampolitika,mga nasa kalagitnaan ng ika-apat na siglo. Pinag-igi naman ang reporma ng Taika ng 645, kung saan ang lahat ng lupain ay kinukuha ng hari at ang pagsisimula ng mas pinagbuting pagbubuwis. Ang panahong ito ay nakitaan din ng unang paggamit sa salitang Nihon (日本) bilang pangalan ng pabuo ng estado.

Panahong Pyudal

baguhin

Ang panahong pyudal ng Hapon ay inilalarawan ng paglitaw at pananaig ng klase ng mga mandirigma na samurai. Noong 1185 kasunod ng pagkatalo ng liping Taira sa digmaang Genpei noong, ang samurai na si Minamoto no Yoritomo ay hinirang na shogun at nagtatag ng base ng kapangyarihan sa Kamakura. Pagkatapos ng kanyang kamatayan, ang liping Hōjō ay umakyat sa kapangyarihan bilang mga regent ng mga shogun. Ang Budismong Zen ay ipinakilala mula sa Tsina sa panahong Kamakura at sumikat sa klaseng samurai. Pinaurong ng shogunatong Kamakura ang mga pananakop ng Mongol noong 1274 at 1281 ngunit kalaunang pinabagsak ni Emperador Go-Daigo. Si Go-Daigo ay natalo ni Ashikaga Takauji noong 1336. Itinatag ni Ashikaga Takauji ang shogunato sa Muromachi, Kyoto na nagpasimula na panahong Muromachi (1336–1573). Ang shogunatong Ashikaga ay nagkamit ng kaluwalhatian sa panahon ni Ashikaga Yoshimitsu at ang kulturang batay sa Budismong Zen ay umunlad. Sa kabilang dako, ang humaliling shogunatong Ashikaga ay nabigong kumontrol sa mga pyudal na daimyo o panginoon ng digmaan at ang isang digmaang sibil na Digmaang Ōnin na nagbubukas ng tumagal ng isang daan taong panahong Sengoku. Noong ika-16 siglo, ang mga mangangalakal at misyonaryong Heswita mula sa Portugal ay dumating sa Hapon sa unang pagkakataon na nagpasimula ng isang tuwirang palitang pang-kalakalan at pang-kultura sa pagitan ng Hapon at Kanluran. Sinakop ni Oda Nobunaga ang maraming ibang mga daimyo gamit ang mga baril at teknolohiyang Europeo. Pagkatapos niyang paslangin noong 1582, pinag-isa ng kanyang kahaliling si Toyotomi Hideyoshi ang bansang Hapon noong 1590. Dalawang beses na sinakop ni Hideyoshi ang Korea ngunit pagkatapos ng mga pagkatalo sa mga pwersang Korean at Tsinong Ming gayundin pagkatapos ng kamatayan ni Hideyoshi, ang mga hukbong Hapones ay umatras noong 1598. Ang panahong ito ay tinatawag na panahong Azuchi-Momoyama (1573–1603). Si Tokugawa Ieyasu ang regent para sa anak ni Hideyoshi at ginamit ang kanyang posisyon upang magkamit ng suportang militar at pampolitika. Si Ieyasu ay hinirang na shogun noong 1603 at itinatag ang shogunatong Tokugawa sa Edo sa modernong Tokyo. Ang shogunatong ito ay nagpatupad ng mga hakbang kabilang ang buke shohatto na isang kodigo ng pag-aasal upang kontrolin ang autonomosong daimyo. Noong 1639 ay ipinatpuad ang patakarang pakikipaghiwalay na sakoku o saradong bansa na tumagal ng 250 taon ng pagkakaisang pampolitika na kilala bilang panahong Edo (1603–1868). Ang pag-aaral ng mga agham na Kanluranin na kilala bilang rangaku ay nagpatuloy sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Dutch enclave sa Dejima sa Nagasaki. Ang panahong ito ay nagpalitaw rin ng kokugaku o mga pambansang pag-aaral na pag-aaral ng Hapon ng mga Hapones.

Modernong panahon

baguhin

Noong 31 Marso 1854, pwersahang binuksan ni Commodore Matthew Perry at ng "Black Ships" ng Hukbong Pandagat ng Estados Unidos ang Hapon sa panlabas na daigdig sa Kumbensiyon ng Kanagawa. Ang mga kalaunang kasunduan sa mga bansang Kanluranin sa panahong Bakumatsu ay nagdulot ng mga krisis ekonomiko at pampolitika. Ang pagbibitiw ng shogun ay humantong sa pagtatatag ng isang sentralisdong estado na pinagkakaisa ng Emperador o restorasyong Meiji. Sa pag-ampon ng Hapon ng mga institusyong pampolitika, hudisyal at militar ng Kanluranin, ang Gabinete ng Hapon ay pinangasiwaan ng Konsehong Privy na ipinakilala ng Saligang Batas na Meiji at nagtipon ng Imperyal na Diet. Ang pagpapanumbalik na Meiji ay nagpabago sa Imperyo ng Hapon tungo sa isang industriyalisadong pandaigdigang kapangyarihan na nagpursigi ng mga alitang militar upang palawakin ang impluwensiya nito. Pagkatapos ng Unang Digmaang Sino-Hapones (1894–1895) at Digmaang Ruso-Hapones (1904–1905), nakontrol ng Hapon ang Taiwan, Korea at katimugang kalahati ng Sakhalin. Ang maagang ika-20 siglo ay nakakita ng maikling panahon ng demokrasyang Taishō na napanaigan ng papalaking pagpapalawig at militarisasyon ng Hapon. Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay pumayag sa Hapon sa panig ng mga nagwaging Alyado na palawakin ang teritoryo nito. Ito ay nagpatuloy sa pananakop ng Manchuria noong 1931. Dahil sa pagkundena ng ibang bansa sa pananakop ng Hapon, ang Hapon ay nagbitiw sa Liga ng mga Bansa pagkatapos ng dalawang taon. Noong 1936, ang Hapon ay lumagda sa Kasunduang Anti-Comintern sa Alemanyang Nazi. Ang Kasunduang Tripartite noong 1940 ay gumawa sa Hapon na isa sa Kapangyarihang Aksis. Noong 1941, ang Hapon ay nakipagkasundo sa Kasunduang Neutralidad na Sobyet-Hapones. Sinakop ng Imperyo ng Hapon ang ibang mga bahagi ng Tsina noong 1935 na nagtulak sa Ikalawang Digmaang Sino-Hapones (1937–1945). Mabilis na nabihag ng Hukbong Imperyal na Hapones ang kabiserang Nanjing at isinagawa ang Masaker sa Nanking. Noong 1940, sinakop ng Imperyo ng Hapon ang Pranses na Indotsina na nagtulak sa Estados Unidos na maglagay ng embargo ng langis sa Hapon. Noong 7 Disyembre 1941, sinalakay ng Hapon ang baseng pandagat ng hukbo ng Estados Unidos sa Pearl Harbor at nagdeklara ng digmaan dito na nagtulak sa Estados Unidos upang pumasok sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang Pilipinas ay surpresang sinalakay ng mga Hapones noong 8 Disyembre 1941 mga 10 oras pagkatapos ng pag-atake sa Pearl Harbor sa Hawaii. Ang mga tagapagtanggol na Amerikano at Pilipino sa Bataan laban sa mga Hapones ay sumuko noong 9 Abril 1942 at napilitang magtiis sa Martsa ng Kamatayan sa Bataan kung saan ang mga 2,000 hanggang 10,000 Pilipino at mga 100 hanggang 650 Amerikano ay namatay o pinatay. Ang mga 13,000 nakaligtas ay sumuko sa Corregidor noong 5 Mayo 1942. Agad na binuwag ng mga autoridad na Hapones ang nakaraang pamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ng Estados Unidos at itinatag ang isang bagong puppet na pamahalaan noong 1943 sa ilalim ni Pangulong Jose Laurel. Ang Hong Kong ay sumuko sa mga Hapones noong 25 Disyembre 1941. Sa Malaya, napaatras ng mga Hapones ang hukbong alyado na binubuo ng mga pwersang British, Indian, Australian at Malay sa Singapore. Noong 15 Pebrero 1942, ang Singapore ay bumagsak sa mga pwersang Hapones na nagdulot ng pinakamalaking pagsuko ng pinamunuan ng British na militar na personnel sa kasaysayan. Ang tinatayang mga 80,000 Indian, Australyano at British ay binihag. Pagkatapos ng pananakop ng Sobyet sa Manchuria at mga pagbagsak ng Estados Unidos ng mga bombang atomiko sa Hiroshima at Nagasaki noong 1945, ang Hapon ay umayon sa isang walang kondisyong pagsuko noong 15 Agosto 1945. Ang digmaan ay nagdulot ng maraming mga kamatayan sa Hapon at pagkasira ng industriya at imprastruktura nito. Ibinalik ng Mga Alyado ng Digmaan na pinamunuan ng Estados Unidos ang mga katutubong Hapones mula sa kolonya at mga kampong militar sa buong Asya. Ito ay malaking nag-alis ng Imperyo ng Hapon at nagbalik ng kalayaan sa mga sinakop nitong teritoryo. Nagtipon rin ang Mga Alyado ng isang Internasyonal na Tribunal na Miltaryo para sa Malayong Silangan noong 3 Mayo 1946 upang litisin ang ilang mga pinunong Hapones para sa mga krimeng pandigmaan. Gayunpaman, ang mga unit ng pananaliksik na hinggil sa bakterya gayundin ang mga kasapi ng Hukbong Imperyal ng Hapon na nasangkot sa digmaan ay napalaya mula sa paglilitis na kriminal ng Supreme Allied Commander sa kabila ng mga pagtawag sa paglilitis ng parehong pangkat. Noong 1947, ang isang bagong Saligang Batas ay nilikha sa Hapon na nagbibigay diin sa mga kasanayang liberal demokratiko. Ang pananakop ng Mga Alyado sa Hapon ay nagtapos sa Kasunduan sa San Francisco noong 1952 at ang Hapon ay pinagkalooban ng pagsapi sa United Nations noong 1956. Kalaunan ay nagkamit ang Hapon ng isang mabilis na paglago at naging ikalawang pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo hanggang sa malampasan ng Tsina noong 2010.

Pamahalaan at politika

baguhin

Ang Hapon ay isang monarkiyang konstitusyonal, kung saan ang kapangyarihan ng Emperador ay kakaunti o limitado lamang. Siya ay itinakda ng saligang batas bilang "simbolo ng estado at ng pagkakaisa ng pamayanan". Pangunahing hawak ng Punong Ministro ng Hapon at ng mga halal na kasapi ng Diet ang kapangyarihan sa pamamahala, samantalang nasa mga Hapones ang karapatan sa soberenya.[2]

Ang hari ang gumaganap na pinuno ng estado sa mga okasyong diplomatiko. Si Naruhito ang kasalukuyang Emperador ng Hapon.

Ang lehislatibong sangay ng pamahalaan ng Hapon ay ang Pambansang Diet, isang parliyamentong bikameral. Ang Diet ay binubuo ng isang Kapulungan ng mga Kinatawan, na may 480 na puwesto, hinahalal bawat apat na taon o kung ito ay buwagin at ng Kapulungan ng mga Konseho na may 242 puwesto at hinahal bawat anim na taon. Ang pangkalahatang karapatang bumoto ay itinakda sa 20 taong gulang.[3]

Ang Punong Ministro ng Hapon ang pinuno ng pamahalaan. Ang posisyon ay itinatalaga ng Emperador ng Hapon pagkatapos hirangin ng Diet mula sa mga kasapi nito at dapat makuha ang pagtitiwala ng Kapulungan ng mga Kinatawan upang manatili sa puwesto. Ang Punong Ministro din ang pinuno ng Gabinete at nagtatalaga at nag-aalis ng mga Ministro ng Estado, at ang karamihan nito ay dapat kasapi ng Diet.

Ugnayang panlabas at sandatahan

baguhin
 
Ang JDS Kongō (DDG-173) sa paglulunsad ng Standard Missile 3 anti-ballistic missile.

Pinapanatili ng Hapon ang malapit na ugnayang pang-ekonomiya at pansandatahan sa kanyang pangunahing kaalyado, ang Estados Unidos, na ang Alyansang katiwasayan ng Estados Unidos-Hapon ang nagsisilbing haligi ng kanilang patakarang panlabas.[4] Isang bansang kasapi ng Mga Nagkakaisang Bansa simula pa noong 1956, at nanilbihang bilang isang hindi-permanenteng kasapi ng Kapulungang Panseguridad na may kabuuang labing siyam na taon, na ang pinakahuli ay noong 2009 at 2010. Isa rin ito sa mga kasapi ng Pangkat ng Apat na naglalayong makakuha ng permanenteng pagkakasapi sa Kapulungang Panseguridad.[5]

Bilang kasapi ng G8, APEC, ASEAN Plus Three, at bilang kalahok ng East Asia Summit, Ang Hapon ay aktibong nakikilahok sa mga pandaigdigang kapakanan at sa pagpapabuti ng mga diplomatikong relasyon sa mga mahahalagang bansa buong mundo. Lumagda ang Hapon nang isang kasunduang panseguridad sa Australia noong Marso 2007[6] at sa Indiya noong Oktubre 2008.[7] Ang Hapon din ang ikatlong pinakamalaking tagapagbigay ng tulong pagpapaunlad pagkatapos ng Estados Unidos at Nagkakaisang Kaharian, na nagbigay ng EU$8.86 bilyon noong 2004.[8]

 
Ang JDS Hyuga, isa sa dalawang helicopter carrier ng Pansariling Manananggol na Hukbong Pandagat ng Hapon.

Ang Hapon ay kasama rin sa ilang mga alitang teritoryal sa mga kalapit bansa nito: sa Rusya dahil sa mga Pulo ng Timog Kuril, sa Timog Korea dahil sa mga batong Liancourt, at sa Republikang Popular ng Tsina at Taiwan dahil sa Mga pulo ng Senkaku

Pagkakahating Administratibo

baguhin

Binubuo ang Hapon ng apatnapu't pitong mga prepektura, na pinamamahalaan ng isang gubernador na tagapagbatas at administratibong burokrasya. Ang bawat ay nahahati pa sa mga lungsod, bayan at mga nayon.

 HokkaidōPrepektura ng AomoriPrepektura ng AkitaPrepektura ng IwatePrepektura ng YamagataPrepektura ng MiyagiPrepektura ng FukushimaPrepektura ng NiigataPrepektura ng TochigiPrepektura ng GunmaPrepektura ng IbarakiPrepektura ng NaganoPrepektura ng SaitamaPrepektura ng ChibaMetropolis ng TōkyōPrepektura ng KanagawaPrepektura ng ToyamaPrepektura ng IshikawaPrepektura ng GifuPrepektura ng FukuiPrepektura ng YamanashiPrepektura ng ShizuokaPrepektura ng AichiPrepektura ng ShigaPrepektura ng KyotoPrepektura ng MiePrepektura ng NaraPrepektura ng HyōgoPrepektura ng ŌsakaPrepektura ng WakayamaPrepektura ng TottoriPrepektura ng OkayamaPrepektura ng ShimanePrepektura ng HiroshimaPrepektura ng YamaguchiPrepektura ng KagawaPrepektura ng TokushimaPrepektura ng EhimePrepektura ng KochiPrepektura ng FukuokaPrepektura ng ŌitaPrepektura ng SagaPrepektura ng NagasakiPrepektura ng KumamotoPrepektura ng MiyazakiPrepektura ng KagoshimaPrepektura ng OkinawaMetropolis ng TōkyōPrepektura ng KanagawaPrepektura ng ŌsakaPrepektura ng Wakayama

Heograpiya

baguhin
 
Hapon mula sa kalawakan

Ang Hapon ay isang bansang may mahigit sa tatlong libong mga pulo na matatagpuan sa baybayin ng Pasipiko. Ang panguning mga pulo nito, mula timog hanggang timog, ay ang Hokkaidō, Honshū (ang pangunahing pulo), Shikoku at Kyūshū. Ang Kapuluan ng Ryukyu, kasama ang Okinawa, ay tanikala ng mga pulo sa timog ng Kyushū. Sa kabuuan tinatawag silang Kapuluang Hapones.

Nasa 70% hanggang 80% ng bansa ay kagubatan, mabundok,[9][10] at hindi angkop sa pagsasaka, industriya, o paninirahan. Ito ay dahil sa pangkahalatang katarikan ng lupa, klima at ang banta ng pagguho ng lupa dahil sa lindol, malambot na lupa at malalakas na ulan. Ito ay nagdulot ng napakataas na densidad ng populasyon sa mga sonang maaaring tirahan na pangunahing matatagpuan sa mga baybayin lokasyon. Isa ang Hapon sa mga bansang may pinakamataas ang densidad ng populasyon sa buong mundo.[11]

Ang lokasyon nito sa Pacific Ring of Fire, sa sugpungan ng tatlong platong tektoniko, ang nagbibigay sa Hapon ng madalas na mahihinang pagyanig at okasyunal na aktibidad ng mga bulkan. Ang mga malalakas ng lindol, na kadalasang nagdudulot ng tsunami, ay nagaganap ng ilang ulit bawat isang dantaon.[12]

 
Shiranesanzan (mula kaliwa pakanan: Bundok Nōtori, Bundok Aino, Bundok Kita), tanaw mula Bundok Kenashi sa Prepektura ng Shizuoka.

Ang klima ng Hapon ay pangkalahatang katamtaman, subalit labis na nag-iiba mula hilaga patimog.[13] Ang katangiang heograpikal ng Hapon ay nahahati sa anim na pangunahing sonang pangklima:

  • Hokkaidō: Ang pinakahilagang sona na may katamtamang klima na may mahaba, malamig na taglamig at malamig na tag-araw. Hindi madalas ang pag-ulan, subalit ang mga pulo ay kadalasang nakakabuo ng malalalim na niyebe tuwing tag-lamig.
  • Dagat ng Hapon: Sa kanlurang bahagi ng Honshū, ang hanging hilagang kanluran tuwing taglamig ay nagbibigay ng maraming niyebe. Tuwing tag-init,a ng rehiyon ay mas malamig kaysa sa bahaging Pasipiko, subalit paminsan minsan ay nakakaranas ng mainit na temperatura, dahil sa hindi pangkaraniwang hanging foehn
  • Gitnang Kabundukan: May tipikal na klimang panloob, na may malaking pagkakaiba sa temperatura sa pagitan ng tag-init at tag-araw, at sa pagitan ng araw at gabi. Ang pag-ulan ay hindi madalas.
  • Panloob na Dagat ng Seto: Ang kabundukan ng Chūgoku at ang rehiyong Shikoku ay humaharang sa pana=panahong pagbabago ng hangin, at nagbibigay ng mahinahon na klima sa kabuuan ng taon.
  • Karagatang Pasipiko: ang silangang baybayin ay nakakaranas ng malamig na tag-lamig na may kakaunting niyebe, at mainit, maalinsangang tag-init dahil sa timog-silangang hangin.
  • Kapuluan ng Ryukyu: Ang kapuluan ng Ryuku ay may klimang subtropikal na may mabanas na tag-lamig at mainit na tag-init. Madalas ang pag-ulan, lalo na tuwing panahon ng tag-ulan. Ang mga bagyo ay madalas.

Ekonomiya

baguhin

Kasaysayan

baguhin
 
Ang Pamilihang Sapi ng Tokyo ay ang pinakamalaking pamilihang sapi sa Asya.

Ang ilang mga katangiang pangistruktura ng paglago ng ekonomiya ng Hapon ay umunlad noong panahong Edo gaya ng network ng mga ruta ng paghahatid sa kalye at tubig at mga kontrata sa future, pagbabangko at insurance sa mga broker ng kanin sa Osaka. Noong panahong panahong Meji mula 1868, ang ekonomiya ng Hapon ay lumawig sa pagyakap nito ng ekonomiyang pamilihan. Ang karamihan ng mga negosyo ay itinatag sa panahong ito at ang Hapon ang umahon na pinaka-maunlad na bansa sa Asya. Ang panahon ng kabuuang paglagong real sa ekonomiya mula 1960 hanggang 1980 ay tinatawag na milagrong Hapones pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Sa isang bahagi, ito ay natulungan ng tulong pananalapi ng Estados Unidos ngunit pangunahing sinanhi ng mga isinagawang patakaran ng pamahalaan ng Hapon. Ang natatanging mga katangian ng ekonomiya ng Hapon sa panahong ito ng milagro ay kinabibilangan ng pakikipagtulungan ng mga tagapagmanupaktura, mga tagapagsuplay, mga distributor, at mga bangko sa isang malapit na magkakaugnay na mga pangkat na tinatawag na keiretsu; ang mabuting mga unyon ng negosyo at shuntō; mabuting mga ugnayan sa mga byurokrata ng pamahalaan at katiyakan ng habang buhay na trabaho (Shūshin koyō) sa mga malalaking korporasyon at napaka unyonisadong mga manwal na manggagawa. Ang milagrong ito ay pangunahing itinulak ng mga patakaran ng pamahalaan sa ekonomiya ng Hapon partikular na sa Kagawaran ng Internasyonal na Kalakalan at Industriya. Noong 2012, ang ekonomiya ng Hapon ang ikatlong pinakamalaking ekomomiya sa buong mundo pagkatapos ng Estados Unidos at Tsina hinggil sa nominal na GDP. Ito ang ikaapat na pinakamalaking ekonomiya hinggil sa purchasing power parity.

Niluluwas

baguhin
 
Ito ang Toyota Prius, isang hybrid plug in na sasakyan. Ang Toyota ang isa sa pinakamalaking tagapaggawa ng kotse sa buong mundo. Ang Hapon ang ikalawang pinakamalaking prodyuser ng mga sasakyan sa buong mundo.

Ang Hapon ay may malaking kapasidad na industriyal. Ito ang tahanan ng ilan sa mga pinakamalalaki at pinakamaunlad sa teknolohiyang prodyuser ng mga sasakyang motor, elektronika, mga kasangkapan ng makina , mga bakal at mga hindi ferrous na metal, mga barko, mga sustansiyang kemikal, mga textile, at mga prinosesong pagkain.

Inaangkat

baguhin

Ang pangunahing mga inaangkat ng Hapon ang makinarya at mga kasangkapan, mga fossil fuel at mga pagkain sa partikular ang karne ng baka, mga kimikal, mga textile, at mga hilaw na materyal para sa mga industriya nito.

Agham at teknolohiya

baguhin
 
Ang Japanese Experiment Module (Kibo) sa International Space Station.

Ang Hapon ay isa sa mga bansang nangunguna sa pananaliksik pang-agham lalo na sa teknolohiya, makinarya, at biomedikal. Ang halos 700,000 mananaliksik na Hapones ay pinagkakalooban ng 130 bilyong US dolyar na budget ng pamahalaan ng Hapon na ikatlong pinakamalaki sa mundo. Ang Hapon ay isang pinuno ng daigdig sa pundamental na pagsasaliksik sa agham. Ang Hapon ay nakalikha ng 16 Nobel laureate sa pisika, kimika o medisina, 3 medalya sa gantimpalang Fields at isang gantimpala sa Gantimpalang Gauss. Ang mga kilalang ambag ng Hapon sa teknolohiya ay sa larangan ng elektronika, sasakyan, makinarya, inhenyeriya ng lindol, industriyal na robotiko, optika, kimikal, semikonduktor at metal. Ang Hapon ay nangunguna sa paglikha at paggamit ng mga robot na nag-aangkin ng higit sa kalahati ng pandaigdigang mga industriyal na robot.

Imprastraktura

baguhin

Noong 2008, ang 46.4 porsiyento ng enerhiya sa Hapon ay nalilikha mula sa petrolyo, 21.4 porsiyento mula sa coal, 16.7 mula sa natural gas, 9.7 porsiyento mula sa nuclear power, 2.9 porsiyento mula sa hydropower. Gayunpaman, ang lahat ng mga plantang nukleyar sa Hapon ay pinatigil noong Mayo 2012, dahil sa nangyaring sakuna sa Fukushima Daiichi noong 2011.

Ang paggastos ng Hapon sa mga kalye ay ekstensibo. Ang 1.2 milyong km nitong nilatagang kalye ang mga pangunahing paraan ng paghahatid. Ang isang network ng napakabilis at limitadong paggamit na mga kalyeng may toll ay naguugnay ng ma pangunahing lungsod.

Demograpiya

baguhin
 
Isang tanaw ng tawiran sa Shibuya, isang halimbawa ng mataong kalsada sa Tokyo.
 
Ang Greater Tokyo Area ay ang pinakamataong pook metropolitan sa buong mundo na may 35 milyon katao.

Ang populasyon ng Hapon ay tinatayang nasa 127.3 milyon.[14] Ang lipunang Hapones ay magkakatulad sa pananalita at kultura na may maliit na bilang ng mga banyagang manggagawa.[15] Ang mga Koreano,[16] Tsino, Pilipino, mga Brasilyanong Hapones,[17] Perubyanong Hapones ay ang ilan lamang sa mga maliliit na minorya sa Hapon.[18] Noong 2003, mayroong tinatayang 136,000 kanluraning taga-ibang bansa ang nasa Hapon.[19] Ang pinakanangingibabaw na katutubong pangkat etniko ay ang mga Taong Yamato; ang pangunahing pangkat minorya ay kinabibilangan ng katutubong mga Ainu[20] at mga Ryukyuano, pati rin ang pangkat minoryang panlipunan gaya ng mga burakumin.[21]

Ang Hapon ay isa sa mga bansang may mataas na antas ng inaasahang haba ng buhay sa buong daigdig, sa gulang na 81.25 na taon noong 2006.[22] Ang populasyong Hapones ay mabilis na tumatanda, epekto ng baby boom pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig na sinundan ng pagbaba ng ipinapanganak noong huling bahagi ng ika-20 dantaon. Noong 2004, nasa 19.5% ng populasyon ang may gulang na higit sa 65.[23]

Ang pagbabago sa istrukturang demograpiko ay nagdulot ng ilang mga isyung panlipunan, lalo na ang posibleng pagbaba ng populasyon ng mga manggagawa at ang pagtaas ng gastos ng mga benepisyong panlipunang paseguruhan gaya ng pampublikong planong pensiyon. Maraming mga kabataang Hapones ang tumataas ang pagnanais na hindi mag-asawa o magkapamilya pagtumanda.[24] Ang populasyon ng Hapon ay inaaasahang bababa sa 100 milyon pagdating ng 2050 at aabot sa 64 milyon pagdating ng 2100.[23] Ang mga Demograpo at ang taga-plano sa pamahalaan ng Hapon ay kasalukuyang nasa mainit na debate kung paano masusulusyunan ang suliranin.[24] Ang Imigrasyon at pagkakaroon ng insentibo sa mga bagong panganak ay minsang iminungkahing solusyon upang makapagbigay ng mga batang manggagawa upang matugunan ang tumatandang populasyon ng bansa.[25][26]

Dumaranas ang bansang Hapon sa mataas na antas ng pagpapakamatay.[27][28] Noong 2009, ang bilang ng nagpapakamatay ay lumagpas sa 30,000 sa ika-12 sunod sunod na taon.[29] Ang pagpapakamatay ay pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga taong nasa gulang na 30.[30]


Higit sa 99 porsiyento ng populasyon ng Hapon ay nagsasalita ng wikang Hapones bilang unang wika. Ang wikang Hapones ay isang wikang agglutinative. Ang pagsulat ng wikang Hapones ay gumagamit ng kanji at dalawang hanay ng kana. Bukod sa Hapones, ang mga wikang Ryuukan na bahagi ng pamilya ng wikang Haponiko ay sinasalita rin sa Okinawa.

Relihiyon sa Hapon

baguhin
 
Dambanang Itsukushima



 

Relihiyon sa Hapon (2011)[31]

  Budismo (22%)
  Ibang mga relihiyon (3%)
  Kristiyanismo (2%)
  Hindi isinaad (6%)

Ang pinakamataas na tantiya ng bilang ng Budismo at Shintoismo sa Hapon ay nasa 84-96%, na kumakatawan sa malaking bilang ng mga naniniwala sa sinkretismo ng parehong relihiyon.[3][32] Subalit, ang mga tantiyang ito ay nakabatay sa mga taong may kaugnayan sa mga templo, hindi sa mga bilang ng taong talagang nananalig sa relihiyon.[33] Ipinahiwatig ni Dalubhasa Robert Kisala (Pamantasan ng Nanzan) na 30 bahagdan lang ng populasyon ang nagsasabi na sila ay kasapi ng isang relihiyon.[33]

 
Isang mongheng Sōtō sa Arashiyama, Kyoto

Ang Taoismo, Confucianismo at Budismo na nagmula sa Tsina ay nakaimpluwensiya din sa paniniwala at kaugalian ng mga Hapones. Ang relihiyon sa Hapon ay likas na naghahalo, at ito ay nagdudulot ng iba't ibang uri ng nakasanayan, gaya ng ang mga magulang at anak nito na nagdiriwang ng mga ritwal na shinto, mga mag-aaral na nagdarasal bago kumuha ng pagsususulit, mga mag-asawang ikinakasal sa isang Kristiyanong simbahan at ang paglilibing na ginaganap sa isang templong Budhismo. May minoridad (2,595,397, o 2.04%) ang nagpahayag na sila ay mga Kristiyano.[34] Dagdag pa dito, simula noong kalagitnaan ng ika-19 dantaon, may mga bilang ng sektang (Shinshūkyō) ang sumulpot sa Hapon, gaya ng Tenrikyo at Aum Shinrikyo (o Aleph).

Kultura

baguhin

Sining

baguhin

Ang mga tradisyonal na sining Hapones ay kinabibilangan ng mga kasanayang seramiko, textile, lacquerware, mga espada at mga manika; mga pagganaap ng bunraku, kabuki, noh, pagsasayaw at rakugo; gayundin ang seremonya ng tsaa, ikebama, martial arts, kaligrapiya, origami, onsen, Geisha at mga laro.

Panitikan

baguhin

Ang pinakamaagang mga akda ng panitikang Hapones ay kinabibilangan ng mga kronikang Kojiki at Nihon Shoiki at antolohiyang tulang Man'yōshū na mula ika-8 siglo at isinulat sa karakter na Tsino. Sa maagang panahong Heian, ang mga sistema ng ponograma na kilala bilang kana (Hiragana at Katakana) ay binuo. Ang Kuwento ng Tagaputol ng Kawayan ay itinuturing na pinakamatandang salaysay na Hapones. Ang salaysay ng buhay sa korte na Heian ay ibinigay sa Makura no Sōshi ni Sei Shōnagon samantalang ang Ang Kuwento ni Genji ni Murasaki Shikibu ay kadalasang inilalarawan bilang ang kauna unahang nobel sa mundo. Noong panahong Edo, ang chōnin o mga taong bayan ang naging mga manunulat at mambabasa sa halip na ang aristokrasyong samurai. Ang kasikatan ng mga akda ni Saikaku halimbawa ay naghahayag ng pagbabago sa mambabasa at manunulat samantalang muling binuhay ni Bashō ang tradisyong tula ng Kokinshū sa kanyang haikai (haiku). Ang panahong Meiji ay nakakita ng pagbagsak ng mga anyong panitikang tradisyonal. Sina Natsume Sōseki at Mori Ōgai ang mga unang modernong nobelista ng Hapon na sinundan nina Ryūnosuke Akutagawa, Jun'ichirō Tanizaki, Yukio Mishima at Haruki Murakami. Ang mga manunulat na sina Yasunari Kawabata at Kenzaburō Ōe ay nagwagi ng Gantimpalang Nobel sa Panitikan noong 1968 at 1994.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Piggott, Joan R. (1997). The Emergence of Japanese Kingship. Prensa ng Pamantasang Stanford. ISBN 978-0-8047-2832-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "The Constitution of Japan". House of Councillors of the National Diet of Japan. 1946-11-03. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-03-17. Nakuha noong 2007-03-10.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 "World Factbook; Japan". CIA. 2007-03-15. Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-12-26. Nakuha noong 2007-03-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Michael Green. "Japan Is Back: Why Tokyo's New Assertiveness Is Good for Washington". Real Clear Politics. Nakuha noong 2007-03-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "UK backs Japan for UNSC bid". Cenral Chronicle. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-02-21. Nakuha noong 2007-03-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Japan-Australia Joint Declaration on Security Cooperation
  7. Joint Declaration on Security Cooperation between Japan and India
  8. Table: Net Official Development Assistance In 2004 (PDF).PDF (32.9 KB) Organisation for Economic Co-operation and Development (2005-04-11). Retrieved on 2006-12-28.
  9. "Japan". Microsoft Encarta Online Encyclopedia. 2006. Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-11-01. Nakuha noong 2006-12-28. {{cite ensiklopedya}}: Unknown parameter |deadurl= ignored (|url-status= suggested) (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Japan Information—Page 1". WorldInfoZone.com. Nakuha noong 2006-12-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "World Population Prospects". UN Department of Economic and Social Affairs. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-05-11. Nakuha noong 2007-03-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. "Tectonics and Volcanoes of Japan". Oregon State University. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-02-04. Nakuha noong 2007-03-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Essential Info: Climate". JNTO. Nakuha noong 2007-04-01.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. "World Factbook; Japan—People". CIA. 2008. Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-12-26. Nakuha noong 2008-05-18. {{cite web}}: Unknown parameter |month= ignored (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. "'Multicultural Japan' remains a pipe dream". Japan Times. 27 Marso 2007.
  16. "Japan-born Koreans live in limbo". The New York Times. 2 Abril 2005.
  17. "An Enclave of Brazilians Is Testing Insular Japan". The New York Times. 1 Nobyembre 2008.
  18. 'Home' is where the heartbreak is for Japanese-Peruvians Naka-arkibo 2010-01-06 sa Wayback Machine.. Asia Times. 16 Oktubre 1999.
  19. Registered Foreigners in Japan by Nationality. Stat.go.jp.
  20. Fogarty, Philippa (2008-06-06). "Recognition at last for Japan's Ainu". BBC News. BBC. Nakuha noong 2008-06-07.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. The Invisible Race Naka-arkibo 2012-12-16 sa Wayback Machine.. Time. 8 Enero 1973.
  22. "The World Factbook: Rank order—Life expectancy at birth". CIA. 2006-12-19. Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-12-26. Nakuha noong 2006-12-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. 23.0 23.1 "Statistical Handbook of Japan: Chapter 2—Population". Japan Ministry of Internal Affairs and Communications. Nakuha noong 2006-12-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  24. 24.0 24.1 Ogawa, Naohiro."Demographic Trends and Their Implications for Japan's Future" The Ministry of Foreign Affairs of Japan. Transcript of speech delivered on (7 Marso 1997). Retrieved on 14 Mayo 2006.
  25. Hidenori Sakanaka (2005-10-05). "Japan Immigration Policy Institute: Director's message". Japan Immigration Policy Institute. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-09-29. Nakuha noong 2007-01-05.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  26. French, Howard."Insular Japan Needs, but Resists, Immigration". "The New York Times" (2003-07-24). Retrieved on 2007-02-21.
  27. Strom, Stephanie (15 Hulyo 1999). "In Japan, Mired in Recession, Suicides Soar". Health. The New York Times. Nakuha noong 2008-09-20.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  28. Lewis, Leo (19 Hunyo 2008). "Japan gripped by suicide epidemic". The Times (London). Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-10-07. Nakuha noong 2008-09-20.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  29. "Suicides in Japan top 30,000 for 12th straight year, may surpass 2008 numbers". The Mainichi Daily News. 26 Disyembre 2009.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  30. Ozawa-de Silva, Chikako (2008), "Too Lonely to Die Alone: Internet Suicide Pacts and Existential Suffering in Japan", Cult Med Psychiatry, 32 (4): 516–551, doi:10.1007/s11013-008-9108-0 {{citation}}: Unknown parameter |month= ignored (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link) p. 519
  31. Views on globalisation and faith Naka-arkibo 2013-01-17 sa Wayback Machine.. Ipsos MORI, 5 Hulyo 2011.
  32. Bureau of Democracy, Human Rights, and Labor (2006-09-15). "International Religious Freedom Report 2006". U.S. Department of State. Nakuha noong 2007-12-04.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link)
  33. 33.0 33.1 Kisala, Robert (2005). Robert Wargo (pat.). The Logic Of Nothingness: A Study of Nishida Kitarō. University of Hawaii Press. pp. 3–4. ISBN 0824822846.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  34. "Religious Juridical Persons and Administration of Religious Affairs, [[Agency for Cultural Affairs]] Retrieved 25 Agosto 2008" (PDF). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2008-09-09. Nakuha noong 2010-04-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga kawing panlabas

baguhin
Pamahalaan
Tagapaghatid ng balita
Turismo
Pangkalahatang impormasyon