Ang Life After People ay isang serye sa telebisyon ng History Channel na kung saan ang mga siyentipiko, inhinyero sa estruktura, at iba pang mga dalubhasa ay nagbubulaybulay tungkol sa kung ano ang mangyayari sa Daigdig kapag biglang nawala ang sangkatauhan. Pinag-uusapan ng mga tinampok na dalubhasa ang tungkol sa magiging bunga ng kawalan ng tao sa kalikasan at mga bakas ng kabihasnan na naiwan. Ang mga serye ay inunahan ng isang dalawang oras na espesyal na isinahimpapawid noong 21 Enero 2008 sa History Channel[1] na nagsilbing totohanang pilot para sa mga serye na unang ipinalabas noong 21 Abril 2009. Ang dokumentaryo at mga sumunod na serye ay kapuwang isinalaysay ni James Lurie.

Life After People
GumawaLouis Tarantino at Doug Cohen
Isinalaysay ni/ninaJames Lurie (Ingles)
Bansang pinagmulanEstados Unidos
WikaIngles
Bilang ng season2 (+ 1 natatangi)
Bilang ng kabanata20 (+ 1 natatangi) (#Mga kabanata)
Paggawa
Oras ng pagpapalabas45 minuto
KompanyaFlight 33 Productions
Pagsasahimpapawid
Orihinal na pagsasapahimpapawid21 Enero 2008 (2008-01-21) –
16 Marso 2010 (2010-03-16)
Website
Production

Batayan

baguhin

Hindi nagbibigay ang palabas ng ispekulasyon kung paanong maglaho ang sangkatauhan, at tinutukoy nito na nangyari o naganap na ito nang biglaan, kung kaya naiwan ang lahat ng mga bagay kabilang na ang mga alagang hayop at domestikadong hayop na kinakailangang mangalaga at magsustento sa kani-kanilang mga sarili. Ang eksperimentong kaisipan ay nakabatay sa mga naitalang bunga ng biglang pagtanggal ng mga tao mula sa isang lugar at ang mga bunga na naganap kapag hindi tinuloy ng tao ang pagpapanatili ng mga gusali at impraestrukturang urbano. Nagsisimula ang pagsasalaysay sa katanungang:

What would happen if every human on Earth disappeared? This isn't the story of how we might vanish...it's the story of what will happen to the world we leave behind

Ang mga kabanata ng serye ay nagbibigay ng mga halimbawa ng pagkabulok sa imprastraestrukturang urbano at biyolohiya. Ang pagtuon ay sa mga tiyak na lokasyon tulad ng mga tukudlangit, istrakturang panrelihiyon tulad ng mga simbahan, tulay, saplad at mga gusaling pampamahalaan, at ang magiging tadhana ng mga kaugnay na bagay tulad, ng mga artipakto, dokumento at katawan ng tao. Nakalakip din ang kapalaran ng ilang uri ng mga halaman at hayop. Bawat kabanata ay may isang bahagi na kung saang sinusuri ng mga dalubhasa ang mga tunay na lokasyong iniwan na ng tao, kabilang na ang mga ghost town at ibang mga sityo ng pagkasira, kung saan ang pagkasira ay dulot ng mga pangyayaring kahalintulad ng mga inilalahad sa kabanata. Bagaman pinag-uusapan ng serye ang mga magiging kalaparan ng mga kilalang palatandaang pook (landmarks) sa mundo, ang pangunahing tuon ay sa mga sitwasyon na maaaring maganap sa mga lokasyon sa Estados Unidos.

Ang maraming mga kaganapan maaaring maganap pagkaraang maglaho nang biglaan ang mga tao ay ipinapakita gamit ang mga dramatisasyong CGI (computer-generated imagery). Ang timeline ng mga hinulaang kaganapan ay nagsisimula sa mga isang araw pagkaraan ng paglaho ng sangkatauhan at magtutuloy hanggang sa sandaan-milyong taon sa hinaharap (isang araw, isang linggo, isang taon, 10 taon, 15 taon, 25 taon, 50 taon, 100 taon, 200 taon, atbp.).

Tagline

baguhin

Ang tagline ng palabas ay ang sumusunod na nagbabantang pagbati (sa Ingles):

Welcome to Earth...Population: Zero.

Habang ang lahat ng mga kabanata ay nagtatapos sa pamagat na umaangkop sa huling pangungusap:

...in a life after people.

Latinoamérica sin humanos

baguhin

May isang bersiyong Latinong Amerika ng palabas na ipinalabas sa History Latinoamerica, na may pamagat na Latinoamérica sin humanos. Pinag-uusapan ng palabas ang mangyayari sa Latinong Amerika, lalo na sa Arhentina, Brasil, Tsile, Colombia, Mehiko at Venezuela, kapag naglaho nang biglaan ang sangkatauhan.

Mga kabanata

baguhin
Panahon Kabanata Orihinal na pagsasahimpapawid
Unang isinahimpapawid Huling isinahimpapawid
Espesyal 21 Enero 2008 (2008-01-21)
1 10 21 Abril 2009 (2009-04-21) 23 Hunyo 2009 (2009-06-23)
2 10 5 Enero 2010 (2010-01-05) 16 Marso 2010 (2010-03-16)

Espesyal (2008)

baguhin

Unang panahon (2009)

baguhin
Blg. sa
serye
Blg. sa
panahon
Pamagat Petsa ng unang pagsasahimpapawid
11"The Bodies Left Behind"21 Abril 2009 (2009-04-21)
Sinusuri ng kabanatang ito ang magiging kinabukasan ng mga lungsod tulad ng Boston at Houston at ng kanilang mga estrukturang kasunod ng paglaho ng sangkatauhan, tulad ng Tulay ng Burol ng Bunker at Toreng John Hancock sa Boston, at Astrodome at Toreng JP Morgan Chase sa Houston. Tinitingnan din ng kabanata kung anong mangyayari sa mga katawang nakalibing, nakaembalsamo, at nakamomya, gayon din ang magiging kapalaran ng Immortality Drive sa loob ng International Space Station, mga katawang pinailado gamit ang cryonics (cryonically-frozen bodies) pati mga embryo, at mga pikoy. Sisiyasatin din nito ang magiging kapalaran ng Kapilya Sistina sa Lungsod Batikano at ng Istatwa ng Kalayaan sa Lungsod ng New York. Itinatampok sa kabanata ng Pulo ng Hashima sa Prepektura ng Nagasaki, Hapon, na iniwan ng mga tao noong 1974.
22"Outbreak"28 Abril 2009 (2009-04-28)
Ipinalalagay ng kabanatang ito ang hindi mapipigilang paghimasok ng kalikasan sa nakatiwangwang na mga lungsod ng Chicago, Atlanta at Londres, at kung gaanong hindi masusugpo ang nakamamatay na mga birus tulad ng rabies sa gitna ng biglang pagdami ng mga populasyon ng mga nakatakas na alagang hayop dahil sa kawalan ng pangingialam ng tao, pati na rin ang pagdami ng mga nakatakas na domestikadong baboy ramo (wild hogs) at mga corgi ni Reynang Elizabeth II sa Palasyo ng Buckingham. Sinisiyasat ng kabanata ang magiging kapalaran ng mga estruktura tulad ng Big Ben sa Londres; Sentrong John Hancock, nakaangat na sistemang riles ng treng L, Toreng Willis (dating Toreng Sears) at Palaruan ng Wrigley sa Chicago, at ang Larawan ng Memoryal ng Konpederado malapit sa Atlanta na maaaring tumagal nang 5000 taon. Itinatampok sa kabanata ang lungsod ng Gary, Indiana, na may ilang mga bahaging abandonado na mula pa noong kahulihan ng dekada-1970.
33"The Capital Threat"5 Mayo 2009 (2009-05-05)
Sa isang mundong wala na ang sangkatauhan, unti-unting sasakupin ng mga puwersa ng kalikasan ang pambansang kabisera ng Estados Unidos na Washington, D.C. at kung gaanong masisira ang mga pambansang kayamanan ng Amerika na nasa nabanggit na lungsod. Samantala, tatakas ang mga hayop na nasa mga zoo, habang unang masusunog ang Los Angeles sa isang dambuhalang apoy, at kasunod nito ay isang malaking lindol at sa huli ay babalik sa dating kalagayan nito bago ito tinirhan ng mga tao. Itinatampok ng kabanata ang Angkor Wat sa Cambodia, isang hugnayan ng mga templo na iniwan ng mga tao noong ika-15 dantaon.
44"Heavy Metal"12 Mayo 2009 (2009-05-12)
Inilalarawan ng kabanatang ito kung gaanong katagal na mananatiling nakatayo ang mga gusali at tulay bago kainin ng mga elemento ang asero at kongkreto, tulad ng Empire State Building, Gusaling Chrysler, Tulay ng Brooklyn at Trambiya ng Pulo ng Roosevelt sa Lungsod ng New York; at Gateway Arch sa St. Louis. Gayon din, isinusuri ng kabanata kung gaanong babalik ang dating mga pinaamong hayop, tulad ng mga kabayo, sa daigdig ng nga maiilap na kawan na gumagala sa mga damuhan ng Estados Unidos. Itinatampok sa kabanata ang ng bayang naulog (ghost town) ng Rhyolite, Nevada, isang bayang ninais ng mga tagadisenyo nito na kalabanin ang Chicago ngunit iniwan ng mga tao noong mga 1910.
55"The Invaders"20 Mayo 2009 (2009-05-20)
Kasunod ng paglaho ng sangkatauhan, walang humpay na lalawak at darami ang mga mapanirang halaman at hayop tulad ng mga Birmanong sawa. Babayuhin naman ng mga bagyo ng buhangin ang Phoenix, habang lulubog sa karagatan ang mga lungsod ng Miami, Estados Unidos at Shanghai, Tsina. Kasama rin sa kabanata ang magiging kapalaran ng Taj Mahal sa India, ang Kennedy Space Center, ang Grand Canyon Skywalk, at ang Pitong Milyang Tulay sa Florida Keys. Itinatampok ng kabanata ang nayon ng Tyneham, katimugang Inglatera, na kinuha ng Tanggapan ng Digmaan noong 1943, sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, bilang paghahanda para sa mga pagdating noong D-Day.
66"Bound and Buried"26 Mayo 2009 (2009-05-26)
Sa isang kinabukasang wala na ang sangkatauhan, hindi makatatagal magpakailanman ang nakatagong mga artipakto tulad ng Kampana ng Kalayaan at ng Pagpapahayag ng kalayaan ng Estados Unidos sa Philadelphia, Pennsylvania at ng Pandaigdigang Taguan ng Binhi ng Svalbard sa Noruwega. Sumisikap naman ang mga lobo at asong feral o ligaw para mabuhay. Sa San Francisco mapuputol ang mga kable sa Tulay ng Golden Gate, habang makasasagasa ang tanyag na mga kotseng de-kable. Makatatayo nang matagal ang Toreng Petronas sa Kuala Lumpur, Malaysia kompara sa ibang makabagong mga tore. Ipinapakita rin ang magiging kapalaran ng Mona Lisa, Venus de Milo at Katedral ng Notre-Dame sa Paris, ang prehistorikong mga yungib ng Lascaux, at ang makabagong replika ng Lascaux II. Itinatampok ng kabanata ang Centralia, isang bayan sa Pennsylvania na malakihang inabandona noong 1984 dahil sa isang sunog sa suson ng karbon [en] sa ilalim nito.
77"Sin City Meltdown"2 Hunyo 2009 (2009-06-02)
Ipinalalagay ng kabanatang ito ang pagkasira ng mga tanyag na puntahan sa pagsusugal kapag wala na ang sangkatauhan. Sasalakayin ng mga daga ang Las Vegas, Nevada; babayuhin ng disyerto ang Luxor Las Vegas; guguho ang Toreng Stratosphere; mahuhulog mula sa kinatatayuan nito ang tanyag na karatula ng Las Vegas, at malulusaw ang mga estatwang pagkit ng mga artista at kilalang tao sa museo ng Madame Tussaud's. Mawawasak ang Atlantic City sa pagbayo ng mga malalaking alon at bagyo na hahampasin ang mga kasino nito at wawasakin ang boardwalk at mga piyer nito. Mapupuruhan din ang palatandaang-pook na Lucy ang Elepante malapit sa Atlantic City. Babalik sa iláng ang mga kamelyo ng Hilagang Amerika katulad ng kanilang mga ninuno, at babago ang kanilang anyo sa susunod na kapanahunan ng yelo. Sa loob ng libu-libong mga taon, binabayo ng mga alikabok at pira-piraso sa kalawakan ang mga sasakyang pangkalawakan ng Voyager, kaya magiging ilan lamang ang matitirang labi ng sangkatauhan. Itinatampok ng kabanata ang Parkeng Panlibangan ng Americana sa Monroe, Ohio, at ipinapakita kung papaanong nasa malalang kalagayan na ito mula nang iniwan ito kamakailan lamang, noong 2002.
88"Armed & Defenseless"9 Hunyo 2009 (2009-06-09)
Sa isang kinabukasang wala nang sangkatauhan, masisira ang mga makinaryang pandigma. Puntirya ang USS Missouri ng panibagong "pag-atake" sa Pearl Harbor, habang nagiging isang pulong hitik sa halaman ang barkong pandigma. Puntirya naman ng disyerto ang pasilidad ng ika-309 Pangkat ng Pagpapanatili at Pagbubuong-muli ng Eroplano sa Tucson, Arizona. Karamihan sa mga baka ay mamamatay, ngunit ang ilan ay makaliligtas at maka-aangkop sa pamumuhay sa mga kapatagan ng Amerika kasabay ng mga kawan ng bison. Sisiyasatin din ng kabanata ang toreng orasan ng Toreng Aloha sa Honolulu at ang gusali ng Sentrong Wells Fargo sa Denver. Itinatampok ng kabanata ang Pulo ng North Brother sa labas ng Lungsod ng New York, na iniwan noong mga taong 1960.
99"Roads to Nowhere"16 Hunyo 2009 (2009-06-16)
Sinisiyasat ng kabanatang ito kung papaanong masisira ang mga sasakyan ng sangkatauhan kapag wala na ang mga tao, kung papaanong sasabog ang mga dalisayan ng langis sa Texas, at kung papaanong mawawasak sa gitna ng mararahas na mga taglamig ang mga planta ng kotse at sagisag ng transportasyon ng Amerika – ang Lundayang Renaissance at Tulay ng Ambassador sa Detroit. Sa San Antonio paluluhurin ng panibagong mananalakay - mula sa Inang Kalikasan - ang misyong Alamo, at maguguho ang Gusaling Tower Life. Samantala, maaangkop ang mga hayop tulad ng pagkalat ng mga armadillo, pagbuhay ng likas na kakayahang makahanap ng makakain ang ilang mga aso, at uusbong muli ang Texas longhorn. Itinatampok ng kabanata ang planta ng Packard sa Detroit at ang 60 milya kuwadrado (160 km2) ng lungsod na kapuwang inabandona mula pa noong dekada-1960.
1010"Waters of Death"23 Hunyo 2009 (2009-06-23)
Sa isang mundong walang katao-tao, babahain ng tubig ang mga lungsod tulad ng New Orleans at Seattle. Nanganganib ang mga hayop sa dagat na nasa loob ng akwaryum ng New Orleans. Agad na malilipol ang mga kuto pagkawala pa lamang ng sangkatauhan. Ipinapakita rin ang masaklap na kapalaran ng mga tanyag na estruktura, tulad ng Space Needle sa Seattle; otel ng Burj Al Alab sa Dubai, Nagkakaisang Arabong Emirato; Katedral ni San Basilio sa Mosku, Rusya; at Sentrong Hancock Whitney (dating One Shell Square) sa New Orleans na pinakamatayog na gusali sa Louisiana. Itinatampok ng kabanata ang ilang mga lugar sa lungsod ng New Orleans na nawasak sa paghagupit ang Bagyong Katrina noong 2005, at nilisan ng mga residente kasunod nito.

Pangalawang panahon (2009)

baguhin
Blg. sa
serye
Blg. sa
panahon
Pamagat Petsa ng unang pagsasahimpapawid
111"Wrath of God"[2]5 Enero 2010 (2010-01-05)
Ipinapalagay ng kabanata ang magiging kapalaran ng mga sagisag at artepakto ng relihiyon ng sangkatauhan pagkawala nito – tulad ng estatwa ni Kristo ang Tagapagtubos sa Rio de Janeiro, Katedral ng Kristal at Koliseong Memoryal ng Los Angeles sa katimugang California, Simbahang Hubileo at Basilika ni San Pedro sa Roma, at Sindone ng Torino [en]. Darami ang mga rattlesnake (miyembro ng ulupong) sa Timog-kanlurang Amerika. Gayunpaman, patuloy na poprotektahan ng mga asong pastol [en] ang mga tupa sa loob ng maraming mga salinlahi. Itinatampok ng kabanata ang Kolmanskop, isang pamayanang disyerto sa Namibia na itinatag ng mga Aleman sa kasagsagan ng isang dagsa ng diyamante [en], at iniwan noong dekada-1960.
122"Toxic Revenge"[3]12 Enero 2010 (2010-01-12)
Sa isang mundong wala na ang sangkatauhan, tatagas ang nakalalasong mga materyales sa kapaligiran nang walang pamamagitan ng mga tao. Kusang sasabog at masusunog ang mga nagamit na gatong ng nukleyar; tatapon ang gas ng kloro mula sa mga tangke at magpapa-asido sa mga lawa at katubigan; at sa Lungsod ng New York ang pang-ilalim na metanong gas na nagmumula sa Grand Central Terminal ay tatagas sa katabing Gusaling MetLife na paglaon ay maglilikha ng isang pagsabog. Matatangay palampas ng nawasak na Pandaigdigang Tulay ng Daambakal ang mga barkong pangkargamento buhat ng iba't-ibang mga pantalan sa Mga Malalaking Lawa, at babagsak sa Talon ng Niagara. Pansamantalang gagamitin ng mga mapatse ang mga naiwang tahanan bilang kanilang pansamantalang paraiso. Itinatampok sa kabanata ang Picher, Oklahoma, isang dating bayan na nagmimina ng tingga na unti-unting iniiwan mula pa noong dekada-1970.
133"Crypt of Civilization"[4]19 Enero 2010 (2010-01-19)
Sinisiyasat ng kabanata kung papaanong tatagal ang mga nitso, kahadeyero (safes), kahang silid (vaults), at time capsule kapag wala na ang sangkatauhan, kabilang na ang kakatuwang "Crypt of Civilization" sa Unibersidad ng Oglethorpe sa Atlanta, Estados Unidos. Ipinapakita rin ang magiging kapalaran ng gusaling pangopisina na 30 St Mary Axe (mas tanyag na The Gherkin) sa Londres, Pandigmaang Memoryal ng Hukbong Kawal Pandagat at Aklatan ng Kongreso sa Washington, D.C. Kakalabanin ng mga sinanay nang German Shepherd ang mga koyote sa iláng, at ililibing ang mga labi ng Amerikanong bayaning pandagat na si John Paul Jones sa papataas na karagatang magpapalunod sa Annapolis, Maryland. Ipapakita rin ang kapalaran sa malayong hinaharap ng ipinapanukalang satelayt na KEO, ng mga disk ng Rosetta (nakatuon ang palabas sa isa sa mga disk na nakatanghal sa Institusyong Smithsonian), at ng unang modelo ng 10,000-taong orasan. Itinatampok ng kabanata ang Pampamahalaang Ospital ng Norwich sa timog-silangang Connecticut, na may ilang mga bahaging iniwan sa pagitan ng mga taong 1970 at 1995.
144"Last Supper"[5]26 Enero 2010 (2010-01-26)
Sa isang mundong iniwan ng mga tao, mabubulok ang mga pagkain ng sangkatauhan habang nagiging kanlungan ng mga insekto at peste ang mga supermarket sa buong mundo. Masisira ang tanyag na miyural ni Leonardo da Vinci na Ang Huling Hapunan na nakatanghal sa Santa Maria delle Grazie. Kapuwang mawawasak ang restorang Randy's Donuts sa Los Angeles at gusaling Taipei 101 sa Taipei, Taiwan salamat sa grabidad. Tatagal nang 25 taon ang mga pangmeryendang keyk, ngunit ang mga pulot-pukyutan ay maaari pang kainin pagkaraan ng sanlibong taon. Kasama sa kabanata ang isang aktuwal na bidyo mula sa isang abandonadong groseri sa Fort Worth, Texas at nasa loob pa rin ang lahat ng mga pagkaing nabubulok na pagkaraan lamang ng tatlong buwan, at itinatampok ng kabanata ang mga bukid ng Tranquille sa looban ng British Columbia na iniwan at isinara noong 1985.
155"Home Wrecked Home"[6]2 Pebrero 2010 (2010-02-02)
Ipinalalagay ng kabanata ang di-kanais-nais na kapalaran ng mga tahanan ng sangkatauhan—mula Bahay Stahl sa labas ng Los Angeles hanggang Kastilyong Hearst sa San Simeon, California. Lulubog ang Co-op City ng Bronx, Lungsod ng New York sa gitna ng pagtaas ng tubig, at guguho ang Burj Khalifa ng Dubai, ang pinakamatayog na gusali sa mundo. Lalamunin ng malalaking mga sunog ang mga tahanang naik tulad ng Levittown, New York dahil sa pagsingaw ng gas, habang magiging sanhi naman ng pagkasunog ng mararangyang mga tahanan tulad ng Mga Apartamento ng San Remo sa Lungsod ng New York ang langis ng linseed sa mga basahang nakababad sa mga pintura. Masaklap na kapalaran ang magiging tagpo ng mga nilalaman ng Bettman/Corbis Archive sa Pennsylvania. Titirahan ng mga bobcat ang mga abandonadong bahay, at tatakas ang mga sebra ng pampribadong zoo ng Kastilyo ng Hearst upang mabuhay nang marami pang mga salinlahi. Itinatampok ng kabanata ang bayan ng Balestrino sa Italya na inabandona noong dekada-1950 dahil sa mga aktibidad ng heolohiya.
166"Holiday Hell"[7]9 Pebrero 2010 (2010-02-09)
Tampok sa kabanatang ito ang mga pook bakasyunan at kayamanang pangkapistahan. Sasabog ang mga pabrika ng paputok nang hindi masasaksihan ng mga tao; ang buhanging nasa loob ng sasakyang rondilyo ng Silver Bullet ng Knott's Berry Farm ay susi sa pagkawasak nito; habang tatagal ang fruitcake nang 130 taon. Sasama ang pinaamong mga reyndir sa mga kawan ng maiilap na mga karibu, ngunit mabibiktima sila ng mga lobo. Tatakas ang mga leon ng San Diego Wild Animal Park at mapupunan nila ang gampaning ekolohiya na taglay rati ng mga Amerikanong leon. Di-kalayuan, lalamunin ng disyerto ang Palm Springs, ang trambiyang panghimpapawid nito ay papalya, at masisira ang mga turbina nitong pinapatakbo ng hangin. Sa Detroit, masasaksihan ng tindahang Aldrige's Always Christmas ang hindi gaanong magalak na eksena simula sa pagkawala ng mga ilaw. Malilipol ang pinaamong mga pabo habang mabubuhay ang kanilang mga kamag-anak sa iláng. Itinatampok sa kabanata ang lawa ng Dagat Salton sa katimugang California, kung saang iniwan ang mga bahagi ng isang dating bayang liwaliwan mula noong dekada-1970.
177"Waves of Devastation"[8]16 Pebrero 2010 (2010-02-16)
Sinusuri ng kabanata ang mga epekto ng tubig sa mga estruktura ng mga tao. Babaha ang Rotterdam sa Nederland, at kasabay nito ang pagkawasak ng mga kayamanang sining ng Museo ng Boijmans. Unang babahain ang Sacramento, kabisera ng California, at kasunod nito ay tuluyang pagkawasak nito nang bumigay ang Saplad ng Folsom. Makalulusot ang di-katutubong mga karpang Asyano sa mga harangang inilagay ng mga tao upang sakupin ang Mga Malalaking Lawa, ngunit kailangan nilang makipagpaligsahan sa isa pang nananalakay na mga espesye: ang sea lamprey. Bibigay ang Daluyang Trans-Alaska na siyang makapagtatapon ng mapanganib na mga nilalaman nito, lulubog sa karagatan ang piyer ng Santa Monica, guguho ang Bahay-Opera ng Sydney, at kakalas ang Tulay ng Sydney Harbour. Itinatampok ng kabanata ang Rusong pamayanan ng Pyramiden sa Svalbard, isang bayang nagmimina ng karbón na iniwan noong 1998. Dahil sa napakalamig na mga temperaturang Artiko, maaaring tumagal ang Pyramiden bilang isa sa kahuli-hulihang mga bayang nakatayo pa rin sa Daigdig.
188"Sky's the Limit"[9]2 Marso 2010 (2010-03-02)
Ang kapabayaan dulot ng paglaho ng sangkatauhan ay lubusang maka-aapekto sa kalangitan at mga sagisag ng aeronautika, tulad ng Air Force One, ang Gusaling Theme at isang control tower sa Paliparang Pandaigdig ng Los Angeles, ang Spirit of St. Louis sa Pambansang Museo ng Himpapawid at Kalawakan sa Washington, D.C., at ang palo ng KVLY-TV [en] sa North Dakota. Sa ibang dako, sasalakayin ng mga balang ng Bulubunduking Rocky ang mga bukirin ng Gitna-kanlurang Estados Unidos; mapepreserba ng yelo ng Bundok Everest ang mga artipaktong iniwan ng mga umaakyat, pati na ang mga katawan ng mga sinawing-palad na umaakyat na namatay sa tuktok nito; at ang mga padron ng pandarayuhan ng mga ibon gayon din ang panahon ay apektado ng kawalan ng mga taong pumapatrolya sa mga kalangitan. Patuloy na isinasahimpapawid ang himpilan ng radyo na KTAO kahit wala na ang mga tao, salamat sa enerhiyang galing sa araw. Babagsak ang sasakyang pangkalawakan na Cassini sa buwang Enceladus ng Saturno, at magbubunsod ito sa pagkalat sa posibleng karagatan nito ng baktiryang ekstremopilo buhat ng Daigdig at maaaring magdulot ng pagsimula ng buhay sa buwang ito. Itinatampok ng kabanata ang Edgar, Ontario, isang sityong radar ng kapanahunang Digmaang Malamig na iniwan noong 1999, at ang pinaglumaang Paliparan ng Berlin Tempelhof sa Alemanya na iniwan noong 2008.
199"Depths of Destruction"[10]9 Marso 2010 (2010-03-09)
Sa kapanahunang wala na ang mga tao, daranas ng mapaminsalang kapalaran ang mundo sa ilalim ng lupa at ng tubig. Aatakihin ang mga pasilidad ng NORAD, habang tatagal ang mga echo chamber sa ilalim ng pundasyon ng Gusaling Capitol Records sa Los Angeles sa kabila ng pagguho ng nabanggit na gusali. Muling titirahan ng mga paniki ang mga Yungib ng Carlsbad sa New Mexico; hindi mapipigilan ang paglaki ng mga dyipsum sa loob ng Minahang Naica sa Disyerto ng Chihuahua, Mehiko; at bibitiw ang lakas ng mga dating planta ng enerhiyang heotermal tulad ng the Geysers sa hilagang California dahil sa mga puwersang heolohiko. Hihinto nang tuluyan sa paggana ang Sistemang Panlulan ng Satelayt sa ilalim ng paliparan ng Seattle, at ang Underwater Sculpture Gardens sa labas ng St. George's sa Grenada ay masasakupan ng mga bahurang korales. Muling aangkinin ng mga aso ng kaparangan (prairiw dogs) ang kanilang lupain sa Lubbock, Texas. Itinatampok ng palabas ang Minahan ng Bonne Terre na inabandona noong 1960 at binaha paglaon, at ang bapor na Arabia sa Parkville, Missouri.
2010"Take Me to Your Leader"[11]16 Marso 2010 (2010-03-16)
Sinusuri ng kabanata ang magiging hindi kanais-nais na kahihinatnan sa mga estruktura at testamentong nakalaan sa mga pinuno ng daigdig kapag wala nang mga taong magpapanatili sa mga ito. Ang mga ipinakita sa palabas ay ang White House, Palasyo ng Versailles, tahanan ni dating pangulo ng Estados Unidos Thomas Jefferson sa Monticello, Gusaling Sekretarya at Kamara ng Pangkalahatang Kapulungan ng punong-tanggapan ng Mga Nagkakaisang Bansa, at ang Bulwagan ng Kataas-taasang Pagkakaisa [en] sa Pinagbabawalang Lungsod sa Beijing, Tsina. Sa kauna-unahang pagkakataon malilibing ang nakabaong katawan ni Ulysses S. Grant, habang mabubunyag ang lihim ng mahiwagang katawan ni Mao Zedong sa Musoleo ni Mao Zedong. Dahil sa pagkawala ng mga amo nito, magbabago ang pala-asang buhay ni "Bo," ang alagang aso ng pangulo ng Estados Unidos, nang magkabisa ang mailap na mga katutubong gawi nito. Itinatampok ng kabanata ang bunga ng bombang nagpasabog sa Hiroshima sa San Francisco Naval Shipyard sa Hunters Point.

Antas/Datos

baguhin

Ang pandalawang-oras na espesyal na dokumentaryo ay may mga takapakinig na 5.4 na milyong manonood at ang pinakapinapanood na palabas sa History Channel.[12] Isinahimpapawid ang palabas sa Nagkakaisang Kaharian sa Channel 4 at isinalaysay ni Struan Rodger noong 29 Mayo 2008. Isinahimpapawid sa Australya sa Channel Seven ang palabas noong 25 Nobyembre 2008, ibinago upang maipalabas sa loob ng 90 minuto, at isinalaysay ni Simon Reeve. Isinahimpapawid naman ito sa Hong Kong sa Television Broadcast Limited (TVB), at isinalaysay ito ni Kenneth Chan Yan.

Ang tagumpay ng espesyal ay nagbunga ng paggawa ng spin-off na mga serye sa telebisyon na unang ipinalabas sa History Channel noong 21 Abril 2009. Sinimulan ang pagsasahimpapawid ng ikalawang panahon noonh 5 Enero 2010.[13]

Pambahay na midya

baguhin

Inilabas ng A&E Home Video ang mga sumusunod na DVD:

Tungkol sa orihinal na dokumentaryo:

  • Pamagat: Life After People (History Channel).
    • UPC: 733961110906.
    • Petsa ng paglabas ng DVD: March 18, 2008.
    • Oras ng pagpapalabas: 94 minuto.

Tungkol sa unang panahon ng mga serye:

  • Pamagat: Life After People: The Complete Season One.
    • UPC: 733961155303.
    • Petsa ng paglabas ng DVD: 27 Oktubre 2009.
    • Oras ng pagpapalabas: 470 minuto.

Tungkol sa ikalawang panahon ng mga serye:

  • Pamagat: Life After People: The Complete Season Two.
    • UPC: 733961221626.
    • Petsa ng paglabas ng DVD: 27 Hulyo 2010.
    • Oras ng pagpapalabas: 425 minuto.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Life After People — History.com TV Episodes, Schedule, & Video". History.com. Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 29, 2009. Nakuha noong Agosto 3, 2010. {{cite web}}: Unknown parameter |deadurl= ignored (|url-status= suggested) (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Wrath of God". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 3, 2011. Nakuha noong Pebrero 19, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Toxic Revenge". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 2, 2012. Nakuha noong Pebrero 19, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Crypt of Civilization". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 2, 2012. Nakuha noong Pebrero 19, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Last Supper". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 2, 2012. Nakuha noong Enero 11, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Home Wrecked Homes". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 2, 2012. Nakuha noong Enero 11, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "Holiday Hell". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 2, 2012. Nakuha noong Enero 11, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Waves of Devastation". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 2, 2012. Nakuha noong Enero 11, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Sky's the Limit". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Oktubre 2012. Nakuha noong Pebrero 15, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Depths of Destruction". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 2, 2012. Nakuha noong Pebrero 15, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "Take Me to Your Leader". Life After People – Episode Guide. MSN TV. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 2, 2012. Nakuha noong Pebrero 15, 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. Tucker, Neely (Marso 8, 2008). "Depopulation Boom". washingtonpost.com. Nakuha noong Agosto 3, 2010.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Life After People — History.com TV Episodes, Schedule, & Video". History.com. Nakuha noong 3 Agosto 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)