Karagatang Pasipiko

karagatan
(Idinirekta mula sa Pacific)

Ang Karagatang Pasipiko (mula sa salitang Latin na Mare Pacificum, na ang ibig sabihin ay payapang dagat, na iginawad ng manggagalugad na Portuges na si Fernando Magallanes sa korona ng Espanya) ay ang pinakamalaki at pinamalalim sa limang hatian ng karagatan sa daigdig. Kinabibilangan ito ng isang katlo ng buong kalatagan ng Lupa at may sukat na 165.25 milyon km² (63.8 milyon milya kwadrado). Umaabot ito ng mga 15,500 km (9,600 mi) mula sa Dagat Bering sa Karagatang Artiko hanggang sa mayelong lugar ng Dagat Ross ng Antartika sa timog. May kalaparang silangan-kanluran na mga 5 gradong H latitud, nakalatag ito sa mga 19,800 km (12,300 mi) mula Indonesia hanggang sa baybayin ng Colombia. Ang kanlurang hangganan ng karagatan sa kadalasan ay ang Kipot ng Malaka. Matatagpuan ang pinakamababang dako sa mundo sa Bambang ng Marianas sa ilalim ng Pasipiko na nasa 10,928 metro (35,853 tal) mababa sa pantay dagat.

Karagatang Pasipiko

Naglalaman ang Karagatang Pasipiko ng mga 25,000 pulo (mahigit ito sa kabuuang bilang ng buong pinagsamang mga karagatan sa mundo; silipin: Mga Isla ng Pasipiko). Marami rito ay matatagpuan sa timog ng ekwador. Maraming laot ang nasa kanlurang baybayin ng Pasipiko. Pinamalalaki rito ang Dagat Selebes, Dagat Korales, Dagat Timog Tsina, Dagat Silangang Tsina, Dagat Hapon, Dagat Luzon, Dagat Sulu, Dagat Tasman at Dagat Dilaw. Ang Kipot ng Malaka ay sumasama sa Pasipiko at ang Karagatang Indiyo sa kanluran at ang Kipot ng Magallanes ang nagkakabit sa Pasipiko sa Karagatang Atlantiko sa silangan. Sa timog, ang Kipot ng Bering ang nagkakabit sa Pasipiko sa Karagatang Artiko.

Ang manunuklas na Portuges na si Ferdinand Magellan ang nagpangalan sa karagatan dahil sa napansin niyang kalmadong tubig nito at naging mapayapa ang kanyang paglalayag mula Kipot ni Magallanes hanggang Pilipinas. Subalit, hindi laging mapaya ang Pasipiko. Maraming bagyo at unos (o hurricane) ang tumatama sa mga pulo nito. Ang mga lupain din sa paligid ng Pasipiko ay puno ng mga bulkan at kadalasang niyayanig ng lindol. Dulot naman ng lindol sa ilalim ng tubig ang tsunami na nakapagpawasak na ng maraming pulo at nakapagpabura ng maraming bayan nito.

Ang tsunami (daluyong), na dulot ng lindol sa ilalim ng tubig, ay nagdulot ng kapahamakan sa maraming mga pulo na gumunaw sa buong kabayanan.

Mga katangian ng tubig Pasipiko

baguhin

Ang temperatura ng tubig sa Pasipiko ay iba-iba mula sa napakalamig sa mga polong (polar) lugar hanggang 29 °C (84 °F) malapit sa ekwador. Iba-iba rin ang kaalatan (salinity) nito. Ang tubig malapit sa ekwador ay may mababang kaalatan kumpara sa gitnang latitud dahil sa madalas na pag-ulan buong taon dito. Mula sa timpladong (temperate) latitud patungo sa mga polo, mababa rin ang kaalatan dahil sa mabagal na pagsingaw (evaporation) ng tubig alat sa napakalamig na lugar na ito. Kilala ang Dagat Pasipiko na mas mainit sa Dagat Atlantico.

Sa pangkalahatan, ang ikot ng tubig sa rabaw ng Pasipiko ay kamukha ng ikot ng relo sa Hilagang Hemispero (ang Gire ng Hilagang Pasipiko) at kamukha ng pakontrang ikot ng relo sa Timog Hemispero. Ang Hilagang Agos Ekwatoryal, na itinutulak pakanluran sa 15°N latitud ng viento alisios (trade winds) ay lumiliko ng pahilaga malapit sa Pilipinas upang maging mainit na Agos Kuroshio o Hapon. Pasilangan sa 45°N, nagsasanga ang Kuroshio kung saan ang iba ay patungo pahilaga bilang Agos Aleutian at kung saan ang karamihan ay patimog upang sumama sa Hilagang Agos Ekwatoryal. Ang Agos Aleutian ay nagsasanga pagdating nito sa Hilagang Amerika at bumubuo bilang simunong agos na pakontrang-ikot ng relo sa Laot Bering. Ang timoging galamay nito ay naging malamig at mabagal ng dumadaloy pahilaga bilang Agos California.

Ang Timog Agos Ekwatoryal, na dumadaloy ng kanluran sa ekwador ay umiikot patimog silangan ng New Guinea, at lumiko pasilangan sa halos 50°S, at sumasama sa kalakhang pakanlurang sirkulasyon ng Timoging Pasipiko na kasama ang umiikot na Sirkumpolong Agos Antartika. Kapag malapit na ito sa pasigan ng Chile, nahahati ang Timog Agos Ekwatoryal; ang isa ay dumadaloy malapit sa Cape Horn at ang isa ay pahilaga upang bumuo ng Agos Humboldt o Peru.

Heolohiya

baguhin

Ang Linya ng Andesita ang pinakakilalang pagkakaibang rehiyonal sa Pasipiko. Naghihiwalay ito sa malalim at basikong batong igneo (igneous) ng Kalukungan ng Gitnang Pasipiko (Central Pacific Basin) sa bahagyang lubog na lupalop na lugar na may maasim na batong igneo sa mga baybayin nito. Sumusunod ang Linya ng Andesita sa kanlurang gilid ng mga pulo malapit sa California at bumabagtas sa timog ng arko ng Aleutian, sa silangang gilid ng Tangway ng Kamchatka (Kamchatka Peninsula), ng Kapuluang Kuril sa Hapon, ng Kapuluang Mariana, ng Kapuluang Solomon, at ng New Zealand. Patuloy ang pagkakaiba pahilagang silangan sa kanlurang gilid ng Cordillera ng Albatross sa Timog Amerika hanggang Mexico at bumabalik sa mga pulo malapit sa California. Ang Indonesia, Pilipinas, Hapon, New Guinea, at New Zealand – na lahat ay pasilangang karugtong ng blokeng lupalop (continental block) ng Australia at Asya – ay nasa labas ng Linya ng Andesita.

Sa loob ng Linya ng Andesita ang pinakamalalim na trintsera (trench), mga lubog na bulkang bundok, at mga pulong mula sa bulkang dagat na bumubuo sa Kalukungan ng Gitnang Pasipiko. Sa ilalim nito, banayad na bumulwak sa mga bitak ang basaltong lava upang bumuo ng malaking mala-simboryong bulkang bundok kung saan naagnas naman ito upang bumuo ng mga arko, kadena at kalipunan ng mga pulo. Sa labas ng Linya ng Andesita, sumasabog ang bulkanismo. Ang Bilog na Apoy ng Pasipiko (Pacific Ring of Fire) ay pinakabantog sa daigdig dahil nakapaligid rito ang nakakakilabot na bulkanismo nito.

Mga katangian

baguhin
 
Ang Pasipiko ay napaliligiran ng maraming bulkan at trentserang pangkaragatan

Ang pinakamalaking katihan sa loob ng Dagat Pasipiko ay ang pulo ng New Guinea – na pangalawa sa mundo. Halos lahat ng maliliit ng mga pulo ng Pasipiko ay nasa pagitan ng 30°N at 30°S, na mula Timog-silangang Asya hanggang sa Pulo ng Paskuwa (Easter Island); halos lahat ng mga pulo sa Kalukungang Pasipiko ay nakalubog.

Ang bantog na tatsulok (triangle) ng Polynesia na nagdudugtong sa Hawaii, Pulo ng Paskuwa at New Zealand ay napalolooban at lumalagom sa kulumpon ng mga maliliit na pulo ng Cook, Marquesas, Samoa, Society, Tokelau, Tonga, Tuamotu, Tuvalu, at Wallis at Futuna.

Mula sa hilaga ng ekwador at kanluran ng International Date Line, maraming maliliit na pulo ng Micronesia ang kasama rito: ang mga pulo ng Caroline, Marshall, at Mariana.

Sa timog kanluran sulok ng Pasipiko, narito ang mga pulo ng Melanesia na pinangungunahan ng New Guinea. Ang iba pang mahahalagang kapuluan ng Melanesia ay ang mga kapuluan ng Bismarck, Fiji, New Caledonia, Solomon, at Vanuatu.

May apat na uri ang mga pulo sa Dagat Pasipiko: pulong lupalop (continental island), pulong mataas (high island), pulong korales (corral island), at itinaas na plataporma ng korales (raised corral platform). Ang mga pulong lupalop ay nasa labas ng Linya ng Andesita at kasama rito ang New Guinea, ang mga pulo ng New Zealand at ang Pilipinas. Ang mga pulong ito ay mga karugtong ng kalapit na lupalop. Ang mga pulong mataas ay galing sa bulkan at marami ay aktibo pa.. Kilala rito ang Buganbilya, Hawaii at Solomon.

Ang ika-tatlo at ika-apat na uri ng pulo ay mula sa resulta ng paglaki ng mga korales. Ang mga gubat korales (coral reefs) ay mababang estruktura ng nabuo sa ibabaw ng basaltikong agos ng lava sa ilalim ng rabaw ng karagatan. Isa sa pinakamalaki ay ang Great Barrier Reef sa hilagang silangan ng Australia. Ang ikalawang uri ng pulo ay mula sa itinaas na plataporma ng korales na karaniwan ay malaki ng kaunti sa mga mababang pulo mula sa korales. Halimbawa rito ay ang Banaba (dating Ocean Island) at Makatea sa grupo ng Tuamotu ng Frances na Polynesia.

Kasaysayan at ekonomiya

baguhin

Maraming mahahalagang pandarayuhan ang nangyari sa Pasipiko noong pa mang panahong pre-historiko bantog rito ang mga lumad Polynesian na nagmula sa gilid ng Asya (nanggaling sa isang rehiyong na may mga pulo at may mga lumad na nagsalita ang mga wika na bilang pamiliyang-wikang Austronesian, na sakop ang mga bansang Taiwan, Pilipinas, Indonesia at Malaysia) na dumayo sa Tonga at Samoa, at nagpatuloy sa Hawaii, Tahiti at New Zealand.

Unang nasilayan ng mga Europeo ang Pasipiko noong ika-16 na siglo. Una rito si Vasco Núñez de Balboa (1513) at sinundan ni Fernando Magallanes na tumawid ng Pasipiko sa kanyang paglilibot-mundo (1519-1522). Noong 1564, ang mga conquistadores ay tumawid ng dagat mula Mexico na pinamumunuan ni Miguel López de Legazpi na naglayag sa Pilipinas at kapuluan ng Marianas. Nangingibabaw ang impluwensiya ng Espanya noong natitirang siglo 16 sa Pasipiko sa mga barkong naglalayag mula Espanya patungong Pilipinas, New Guinea at kapuluan ng Solomon. Ang Galeon de Manila ang naging tulay sa pagitan ng Maynila at Acapulco.

Noong ika-17 siglo, ang mga Holandes na naglayag mula sa timog Aprika ay nangibabaw sa pagtuklas at kalakal; natuklasan ni Abel Janszoon Tasman ang Tasmania at New Zealand (1642). Noong siglo 18 nagsimula ang eksplorasyon ng mga Ruso sa Alaska at kapuluan ng Aleutian, ang mga Pranses sa Polynesia, at ang mga Britanyo sa tatlong paglalayag ni James Cook (sa Timog Pasipiko at Australia, Hawaii, at Hilagang Kanlurang Pasipiko sa Hilagang Amerika).

Ang pagsibol ng imperyalismo noong siglo 19 ay nagbunga ng pagsakop ng halos buong Oceania ng Gran Britanya at Pransiya, sinundan ito ng Estados Unidos. Malaking abuloy sa kaalamang pangkaragatan ang ginawa sa mga paglalayag ng HMS Beagle noong mga taong 1830 na sinakyan ni Charles Darwin; ng HMS Challenger noong 1870s; ng USS Tuscarora (1873-76); at ng Alemang Gazelle (1874-1876). Kahit nasakop ng Estados Unidos ang Pilipinas noong 1989, sakop ng Hapon ang kanlurang Pasipiko noong 1914 at sinakop pa nito ang marami pang pulo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang matapos ang digmaan, ang U.S. Pacific Fleet (Boke Pasipiko ng E.U.) ang naging panginoon ng karagatan ng Pasipiko.

Labing pitong bansa ang nasa Pasipiko: Australia, Fiji, Hapon, Kiribati, Mga Pulo ng Marshall, Micronesia, Nauru, New Zealand, Palau, Papua New Guinea, Pilipinas, Samoa, Mga Pulo ng Solomon, Republika ng Tsina (Taiwan), Tonga, Tuvalu, at Vanuatu. Labing isa rito ay naging bansa mula pa noong 1960. Ang kapuluan ng Hilagang Marianas (Northern Marianas) ay may pamahalaan ngunit ang mga panglabas na ugnayan nito ay hawak ng Estados Unidos, ang mga pulo ng Cook at Niue ay may kaparehong relasyon sa New Zealand. Sa loob ng Pasipiko ay ang estado ng E.U. ng Hawaii at marami pang teritoryo at pag-aaring mga pulo ng Australia, Chile, Ecuador, France, Hapon, New Zealand, United Kingdom, at Estados Unidos.

Ang paglilinang sa yamang mineral ng Pasipiko ay nahahadlangan dahil sa lubhang kalaliman ng karagatan nito. Sa mga mababaw na tubigan sa gilid ng lupalop at pasigan ng Australia at New Zealand, minimina ang petrolyo at natural gas, ang mga mutya (perlas) ay inaani sa pasigan ng Australia, Hapon, Papua New Guinea, Nicaragua, Panama, at Pilipinas. Ang pinakamalaking yaman ng Pasipiko ay ang kanyang isda. Ang mga tubig sa baybayin ng mga lupalop at mga templadong pulo ay nagbibigay ng mga isda tulad tunsoy, salmon, sardinas, gruper (kulapu), espada at tuna gayun din ng mga may talukap na hayop-dagat (shellfish) tulad ng hipon, sugpo, alimango at ulang.

Noong 1986, ang mga kasaping bansa ng South Pacific Forum ay nagdeklara na sonang libre sa nukleyar ang Pasipiko upang matigil ang mga pagsusubok ng bomba nukleyar at mapigilan ang pagtatapon ng basurang nukleyar doon.

Mga piling pwerto at daungan

baguhin

Bibliograpiya

baguhin

Lahat sa Wikang Ingles:

  • Barkley, R.A., Oceanographic Atlas of the Pacific Ocean (1969)
  • Cameron, I., Lost Paradise (1987)
  • Couper, A., Development in the Pacific Islands (1988)
  • Crump, D.J., ed., Blue Horizons (1980)
  • Gilbert, John, Charting the Vast Pacific (1971)
  • Lower, J. Arthur, Ocean of Destiny: A Concise History of the North Pacific, 1500-1978 (1978)
  • Oliver, D.L., The Pacific Islands, 3nd ed. (1989)
  • Ridgell, R., Pacific Nations and Territories, 2nd ed. (1988)
  • Soule, Gardner, The Greatest Depths (1970)
  • Spate, O.H., Paradise Found and Lost (1988)
  • Terrell, J.E., Prehistory in the Pacific Islands (1986).
  • Pacific Voyages: The Encyclopedia of Discovery and Exploration (1973). Doubleday
Batay sa teksto na public domain mula sa US Naval Oceanographer
baguhin

Lahat sa Wikang Ingles: